Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 2: Ang Ama sa Langit ay May Katawan


Aralin 2

Ang Ama sa Langit ay May Katawan

Layunin

Upang tulungan ang bawat bata na maunawaan na ang Ama sa Langit ay tunay na tao, may sakdal na katawang may laman at mga buto, at na tayo ay ginawa alinsunod sa kanyang wangis.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Juan 14:9; Doktrina at mga Tipan 130:22; Moises 2:27; at Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–17. Tingnan din sa Mga Alituntunin ng Ebanghelyo (31110), kabanata 1.

  2. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Biblia at Mahalagang Perlas.

    2. Papel at mga krayola para sa bawat bata.

    3. Maliit na salamin.

    4. Larawan 1–3, Si Jesus ang Cristo (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 403; 62470).

  3. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.

Mga Gawain sa Pagkatuto

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Gawaing Pantawag Pansin

Mamigay ng papel at mga krayola at paguhitin ang mga bata ng mga larawan ng kanilang sarili. Kapag sila ay tapos na, ipataas sa kanila ang kanilang mga larawan at tanungin sila kung sinong mga bata ang tunay, ang mga nasa papel o ang mga may hawak ng mga papel. Tanungin sila kung paano nilang nalaman.

Ipaliwanag na katulad lamang na sila ay tunay dahil sa sila ay may katawan, ang Ama sa Langit ay tunay at may katawan. Nakakikita tayo ng mga larawan ng Ama sa Langit, ngunit ang mga ito ay hindi ang tunay na Ama sa Langit. Ang tunay na Ama sa Langit ay may katawang may laman at mga buto.

Si Jesucristo ay kamukha ng Ama sa Langit

Tanungin ang mga bata kung may nakapagsabi na sa kanila na kamukha sila ng kanilang mga magulang. Ipakita ang larawan 1–3, Si Jesus ang Cristo, at ipaliwanag na si Jesucristo ay anak ng Ama sa Langit. Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan na si Jesus ay kamukha ng Ama sa Langit. Ipakita ang Biblia at ipaliwanag ang Juan 14:9 sa mga bata.

  • Sino ang kamukha ni Jesus?

Gawain

Patayuin ang mga bata. Tulungan silang isaulo ang unang bahagi ng unang saligan ng pananampalataya: “Naniniwala kami sa Diyos, ang Walang Hanggang Ama, at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.”

Kamukha tayo ng Ama sa Langit at ni Jesus

Ipaliwanag na dahil tayo ay mga espiritung anak ng Ama sa Langit, tayo ay kamukha rin niya. Mayroon tayong katawan na katulad ng kanya. Ipaliwanag ang Moises 2:27 sa mga bata. Ipaliwanag na ang pagkalikha sa atin sa wangis ng Ama sa Langit ay nangangahulugan na kamukha niya tayo.

Gawain

Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagtingin sa salamin at sa ibang mga bata. Ipatukoy sa bawat bata ang bahagi ng katawan na kanyang nakikita, katulad ng mga bisig, binti, mata o tainga. Ipaliwanag na ang Ama sa Langit at si Jesus ay mayroon din ng mga bahaging ito ng katawan.

Gawain

  • May katawan ba kayong kamukha ng mga katawan ng Ama sa Langit at ni Jesus?

Ipaliwanag na alam natin kung ano ang anyo ng Ama sa Langit at ni Jesus dahil nakita ng ilang propeta (mga pinuno ng Simbahan) ang Ama sa Langit at si Jesus at nagsulat ng tungkol sa kanila sa mga banal na kasulatan.

Kuwento

Ipakita ang larawan 1–4, Ang Unang Pangitain. Isalaysay ang kuwento ng Unang Pangitain, na matatagpuan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–17.

Kuwento

  • Paano nalaman ni Joseph Smith kung ano ang anyo ng Ama sa Langit at ni Jesus?

  • Anong uri ng katawan mayroon si Jesus at ang Ama sa Langit?

Patotoo

Ibigay ang iyong patotoo kung gaano ang iyong pasasalamat sa pagkakaroon ng katawan na ginawa alinsunod sa wangis ng Ama sa Langit. Ipahiwatig ang pasasalamat sa maraming kahanga-hangang bagay na nagagawa ng iyong katawan.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.

  1. Patayuin ang mga bata at ipabigkas ang sumusunod na talata ng gawain nang ilang ulit, na ginagamit ang mga nakasaad na galaw:

    Ako ay May Kahanga-hangang Katawan

    Ako ay may kahanga-hangang katawan (ipatong ang mga kamay sa dibdib)

    Ang Ama sa Langit ang sa aki’y naglaan.

    Upang makarinig ay binigyan niya ng tainga (itakip ang kamay sa tainga)

    At mga mata upang makakita (ituro ang mga mata).

    Ako’y may dalawang kamay na naipapalakpak (ipalakpak ang mga kamay),

    Dalawang paa na nailalakad (umikot).

    Kung nais ko’y aking mahihipo

    Mga daliri sa paa nang nakayuko (yumuko at hawakan ang mga daliri sa paa).

    Kapag naiisip ko ang aking katawan (ilagay sa ulo ang daliri),

    Ang bahagi nito na pinakamainam (tahimik na maupo)

    Ay ang plano ng Ama sa Langit ang siyang naglaan

    Upang ito’y maging katulad ng kanyang katawan.

  2. Tulungan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga salita sa “I Have Two Ears” (Children’s Songbook, p. 269) o “Head, Shoulders, Knees, and Toes” (Children’s Songbook, p. 275). Paalalahanan ang mga bata na binigyan tayo ng Ama sa Langit ng katawan na katulad ng sa kanya at na ang mga kahanga-hangang katawang ito ay nakagagawa ng maraming bagay.

  3. Tulungan ang mga bata na gawin ang mga galaw ng sumusunod na talatang gawain habang binibigkas mo ang mga salita:

  4. Isalaysay ang kuwento ni Marc at ang pagsasama-sama ng mag-anak:

    Namatay ang ama ni Marc nang si Marc ay sanggol pa lamang. Kadalasan ay nagtataka si Marc kung ano ang anyo ng kanyang tatay. Siya at ang kanyang nanay ay pupunta sa isang pagsasama-samang pangmag-anak kung saan ay makadadalaw siya sa kanyang mga tiyahin at tiyuhin na nakakilalang mabuti sa kanyang tatay.

    Pagdating nila, si Tiyo Joe ay lumapit upang batiin sila. Tumingin siya kay Marc at sinabing, “Makikilala kita kahit saan. Ang mga mata mo ay katulad ng sa iyong tatay.” Sinabi ni Tiya Elizabeth, “Alam mo Marc, ang ilong mo ay katulad ng sa iyong tatay.” Sinabi ni Tiya Mary, “Marc, ang ngiti mo ay nagpapaalala sa akin ng ngiti ng iyong tatay.”

    Habang sila ay papauwi, nasabi ni Marc sa kanyang nanay, “Masaya ako ngayon! Marami akong natutuhan ngayon tungkol sa tatay. Nalaman kong kamukha niya ako, at iyan ay nagpapaligaya sa akin! Ngayon, kapag tumingin ako sa salamin, maaalala ko kung ano ang anyo niya, at hindi ko siya malilimutan.” Lumapit ang nanay ni Marc, tinapik ang kamay ni Marc, at sinabing, “Dahil nariyan ka, hindi ko rin siya malilimutan.”

    Sabihin sa mga bata na katulad ng alam ni Marc na kamukha siya ng kanyang tatay kahit na hindi niya siya nakikita, alam natin na kamukha tayo ng ating Ama sa Langit kahit na hindi natin siya nakikita.

Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata

  1. Ipakita ang larawan 1–4, Ang Unang Pangitain. Isalaysay nang simple ang kuwento ng Unang Pangitain. Bigyang-diin na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay mga tunay na tao at nakikinig sila sa ating mga panalangin.

  2. Gamitin ang larawan 1–4, Ang Unang Pangitain, upang ipakita kung paanong ang ating mga katawan ay katulad ng mga katawan ng Ama sa Langit at ni Jesus. Habang itinuturo mo ang bahagi ng katawan sa larawan, ipaturo sa mga bata ang katugmang bahagi sa kanilang sariling katawan. Halimbawa, kung itinuro mo ang bisig ng Ama sa Langit, dapat na ituro ng mga bata ang kanilang sariling mga bisig.

  3. Tulungan ang mga bata na gawin ang mga galaw ng sumusunod na gawain habang binibigkas mo ang mga salita:

    Sa kakahuyan lumuhod si Joseph (lumuhod at ihalukipkip ang mga kamay)

    At natatanging panalangin ang kanyang sinambit (hawakan ng daliri ang mga labi).

    Nakita niya ang Ama at ang Anak (tumingala na kinukusot ng kamay ang mga mata)

    At doon sa kanila ay nakinig (takpan ng kamay ang tainga).

  4. Ituro ang iyong bibig at sabihing, “Ito ang aking bibig.” Pagkatapos ay itanong, “Maipakikita ba ninyo sa akin ang inyong bibig?” at tulungan ang mga bata na ituro ang kanilang sariling bibig. Itanong, “Mayroon bang bibig ang Ama sa Langit?” Ulitin sa mata, ilong, tainga, mga kamay at paa. Pagkatapos ay ituro ang bawat bahagi ng katawan nang hindi binabanggit ang pangalan nito, at ipabanggit sa mga bata ang pangalan nito.