Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 1: Ako ay Anak ng Diyos


Aralin 1

Ako ay Anak ng Diyos

Layunin

Upang tulungan ang bawat bata na maunawaan na tayo ay mga espiritung anak ng Ama sa Langit, na nakakikilala sa atin at nagmamahal sa atin.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Exodo 2:1–10; Mga Awit 82:6; Doktrina at mga Tipan 138:55–56; at Moises 1:1–6. Tingnan din sa Mga Alituntunin ng Ebanghelyo (31110), kabanata 2.

  2. Alamin ang dalawa o tatlong kahanga-hangang katangian ng bawat bata sa pamamagitan ng pagsangguni sa kanyang mga magulang.

  3. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Biblia at Mahalagang Perlas.

    2. Isang maliit na supot na puno ng bins o maliit at malambot na bagay.

    3. Larawan 1–1, Ang Daigdig (62196); larawan 1–2, Si Moises sa mga Takbang Yantok (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 106; 62063).

  4. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.

Mga Gawain sa Pagkatuto

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Gawaing Pantawag Pansin

Awitin ang “Ako ay Anak ng Dios” (Mga Himno at Awit Pambata) na kasabay ang mga bata.

Ako ay anak ng Dios,

Dito’y isinilang,

Handog ay ‘sang tahanang may

Mahal na magulang.

Akayin at patnubayan,

Sa tamang daan.

Turuan ng gagawin

Nang S’ya’y makapiling.

Ihagis ang maliit na supot na puno ng bins o malambot na bagay sa isang bata habang binabanggit mo ang salitang “May kilala akong anak ng Diyos na nagngangalang _____.” Hayaang sabihin ng bata ang kanyang sariling pangalan at ibigay muli sa iyo ang maliit na supot na puno ng bins. Ulitin ang gawain hanggang sa ang bawat isa ay magkaroon ng pagkakataon.

Tayo ay mga espiritung anak ng Ama sa Langit

  • Sino ang Ama sa Langit? (Gamitin ang mga sagot ng mga bata upang tulungan kang malaman kung paano ipaliliwanag ang bahaging ito ng aralin sa paraan na madaling maunawaan ng mga bata.)

Ipakita ang larawan 1–1, Ang Daigdig. Ipaliwanag na bago tayo isinilang sa mundo tayo ay nanirahan sa langit na kasama ng Ama sa Langit. Tayo ay mga espiritu doon. Ang isang espiritu ay nasa loob natin na nagiging dahilan upang tayo ay maging buhay. Noong tayo ay mga espiritu pa, wala tayong laman at mga buto na katulad ng mayroon ang ating mga katawan ngayon, ngunit ang ating anyo ay gayon din.

Ipaliwanag na ang ating Ama sa Langit ang ama ng ating mga espiritu at tayo ang kanyang mga espiritung anak. Hindi natin naaalala ang pamumuhay na kasama ang Ama sa Langit bago tayo nagpunta sa lupa, ngunit alam natin na tayo ay kanyang mga espiritung anak sapagkat nababasa natin ito sa mga banal na kasulatan.

Ipakita ang Biblia at basahin ang Mga Awit 82:6, ipinaliliwanag na ang Kataastaasan ay nangangahulugang Ama sa Langit. Bigyang-diin na ang bawat tao sa mundo ay anak ng Ama sa Langit.

Awit

Awiting muli ang “Ako ay Anak ng Dios.” Ipaliwanag na ang Diyos ay isa pang pangalan ng Ama sa Langit.

Kilala tayo at mahal tayo ng Ama sa Langit

Ipaliwanag na mahal na mahal ng Ama sa Langit ang bawat isa sa atin sapagkat tayo ay kanyang mga anak. Alam niya ang ating mga pangalan at ang lahat ng tungkol sa atin. Alam niya kung ano ang nagpapaligaya sa atin at kung ano ang nagpapalungkot sa atin. Alam niya ang pinakamabuti para sa bawat isa sa atin.

Gawain

Bigkasin ang sumusunod na talata nang ilang ulit na kasabay ang mga bata, ginagamit ang mga galaw na isinasalarawan.

Ako ay Kilala ng Ama sa Langit

Ako ay kilala ng Ama sa Langit (ituro ang sarili)

At ang nais kong gawin.

Alam niya ang aking pangalan at ang aking tirahan (gumawa ng bubong sa

pamamagitan ng pagdidikit ng mga daliri ng dalawang kamay).

Alam kong mahal niya rin ako (pag-ekisin ang mga kamay at ipatong ang mga kamay sa balikat nang payakap).

Alam niya ang sa aki’y nagpapasaya (ilagay ang mga daliri sa nakangiting labi).

Alam niya ang sa aki’y nagpapalungkot (ilagay ang mga daliri sa nakasimangot na labi).

Alam kong nais niya akong tulungan (ituro ang sarili), At iyon ay aking ikinalulugod!

Hilingin sa isang bata na magpunta sa harapan ng klase. Sa paggamit ng napag-alaman mo mula sa mga magulang ng bata, ipaliwanag na alam ng Ama sa Langit ang tungkol sa mga kahanga-hangang katangian ng bata. Halimbawa, maaari mong sabihing, “Alam ng Ama sa Langit na si Emily ay isang mapagmahal na anak, tinutulungan ang kanyang nanay na alagaan ang kanyang kapatid na babae at karaniwang masayahin at nakangiti.” Magpatuloy hanggang sa ang bawat bata ay magkaroon ng pagkakataon.

Ipaliwanag na kapag tayo ay gumagawa ng mabubuti at kaibig-ibig na bagay, tayo ay nagiging katulad ng Ama sa Langit.

Maaari tayong maging katulad ng Ama sa Langit

  • Ano ang tawag sa munting aso?

  • Maaaring maging ano ang isang tuta?

  • Ano ang tawag sa munting manok?

  • Maaaring maging ano ang isang sisiw?

Ipaliwanag na kung paanong ang mga hayop ay lumalaki upang maging katulad ng kanilang mga magulang, tayo ay lumalaki upang maging katulad ng ating mga magulang. Ang Ama sa Langit ang ama ng ating espiritu, kaya tayo ay maaaring lumaki na katulad niya. Ang Ama sa Langit ay mapagmahal, mabuti at mabait at nais niyang tulungan tayo. Kapag tayo ay mapagmahal, mabuti at mabait, tayo ay nagiging katulad ng Ama sa Langit. Ipaliwanag na dapat nating sikapin na maging higit na katulad ng Ama sa Langit araw-araw.

Ang Ama sa Langit ay may mahalagang gawaing ipagagawa sa atin

Kuwento

Ipakita ang larawan 1–2, Si Moises sa mga Takbang Yantok, at isalaysay ang kuwento kung paanong iniligtas ng anak na babae ni Faraon si Moises mula sa panganib noong siya ay isang sanggol pa lamang, na matatagpuan sa Exodo 2:1–10.

Ipaliwanag na si Moises ay lumaki at naging isa sa mahahalagang katulong ng Ama sa Langit, isang propeta. Sinabi ng Ama sa Langit kay Moises na si Moises ay kanyang anak (tingnan sa Moises 1:4, 6) at mayroon siyang mahalagang ipagagawa kay Moises. Basahin ang unang parirala ng Moises 1:6 sa mga bata. Ginawa ni Moises ang gawaing ito nang kanyang ilabas ang mga Israelita sa Egipto, kung saan sila ay labis na pinagmalupitan, patungo sa ibang lupain, kung saan sila tinuruan ni Moises ng mga kautusan ng Ama sa Langit.

Isa-isang papuntahin ang mga bata sa harapan ng klase at tulungan ang bawat isa na ulitin ang unang parirala ng Moises 1:6, na ipinapalit ang kanyang sariling pangalan: “Ako ay may gawain para sa iyo, (pangalan ng bata), aking anak (lalaki o babae).”

Ipaliwanag na may mahahalagang bagay na ipagagawa sa atin ang Ama sa Langit habang tayo ay nabubuhay sa mundo, katulad ng pagiging isang ina o ama, misyonero, guro, katulong sa simbahan, o katulong sa pamayanan.

Kuwento

  • Anong mahalagang gawain ang maaaring nais ipagawa ng Ama sa Langit sa iyo?

Gawain

Ipasadula sa mga bata ang nais nilang maging kapag sila ay malaki na, katulad ng pagiging isang ina o ama na nagduduyan ng sanggol, isang misyonero na nagtuturo sa mga tao ng ebanghelyo, o isang guro na nagtuturo sa klase.

Patotoo

Sabihin sa mga bata na dapat nilang palaging alalahanin na sila ay mga espiritung anak ng Ama sa Langit at sila ay kilala at mahal niya. Tulungan silang maunawaan na maaari silang maging higit na katulad ng Ama sa Langit at mayroon silang mahalagang gagawin sa mundo. Maaari mong ibahagi sa kanila ang isang pansariling karanasan na nakatulong sa iyo na malaman na ikaw ay kilala at mahal ng Ama sa Langit.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.

  1. Magpakita ng mga larawan ng iba’t ibang tao, pag-usapan ang mga tao na kilala ng mga bata, at itanong, “Ang tao bang ito ay anak ng Diyos?” Halimbawa, “Ang obispo bang ito ay anak ng Diyos?” “Ang opisyal ng pulisya bang ito ay anak ng Diyos?” at marami pang iba. “Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang bawat isa ay anak ng Diyos.

  2. Upang bigyang-diin na kilala at nag-aalala ang Ama sa Langit tungkol sa bawat bata, ipatapos sa mga bata ang iyong mga pangungusap, katulad ng nasa mga halimbawang ito: “Alam ng Ama sa Langit na ako ay nalulungkot kapag ,_____ “Alam ng Ama sa Langit na ako ay masaya kapag_____ ,” “Alam ng Ama sa Langit na ang bagay na paborito kong gawin ay_____ ,” “Alam ng Ama sa Langit na gusto kong magpunta sa Primarya dahil_____ ,” at marami pang iba.

  3. Ipaliwanag na ang Ama sa Langit ang hari ng langit at lupa. Sapagkat tayo ay kanyang mga anak, tayo ay mga prinsipe at prinsesa. Gumawa ng simpleng korona para sa bawat bata at isulat ang mga salitang Ako ay anak ng Diyos sa bawat korona. Hayaang kulayan ng mga bata ang mga korona.

  4. Kasabay ang mga bata, awitin o bigkasin ang mga salita ng kapwa talata ng “Aking Ama’y Buhay” (Mga Alituntunin ng Ebanghelyo).

Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata

  1. Hilingin sa mga bata na mag-isip ng isang bagay na gusto nila (maaari mo ring makuha ang kaalamang ito mula sa kanilang mga magulang). Tanungin ang bawat bata kung ano ang gusto niya at sabihin sa kanya na alam ito ng Ama sa Langit, katulad ng nasa halimbawang ito: “Alam ng Ama sa Langit na gusto ni Leah ng mga aso.”

  2. Tulungan ang mga bata na gawin ang mga galaw sa sumusunod na talatang gawain:

    Kung ikaw ay napakatangkad (mag-inat at itaas ang mga kamay),

    May lugar sa Simbahan para sa iyo.

    Kung ikaw ay napakaliit (magyumukyok),

    May lugar sa Simbahan para sa iyo.

    Matangkad (mag-inat)

    Maliit (magyumukyok)

    Matangkad (mag-inat)

    Maliit (magyumukyok)

    Tayong lahat ay mahal ng Ama sa Langit.

  3. Tulungan ang mga bata na gawin ang mga galaw sa sumusunod na talata habang binibigkas mo ang mga salita:

    Ang Munting Sanggol na si Moises

    Ang Munting Sanggol na si Moises ay may bangkang higaan (itikom nang bahagya ang isang kamay at ilagay ang hintuturo ng kabilang kamay rito).

    Binantayan ng kanyang mapagmahal na kapatid sa damuhang pinagtaguan (sumilip sa pamamagitan ng paglalagay ng mga daliri ng kamay sa may kilay).

    Isang araw ay natagpuan ng prinsesa (yumuko nang kaunti na nakatingin sa ibaba) at siya ay kanyang kinuha (magkunwaring kakargahin ang sanggol);

    Ang sabi niya’y, “Kukunin ko ang sanggol at siya ay aking pangangalagaan” (magkunwaring iniuugoy ang sanggol sa mga bisig).

    (Mula sa Fascinating Finger Fun ni Eleanor Doan. © 1951. Ginamit nang may pahintulot.)