Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 41: Ibinigay sa Atin ng Ama sa Langit at ni Jesus ang mga Banal na Kasulatan


Aralin 41

Ibinigay sa Atin ng Ama sa Langit at ni Jesus ang mga Banal na Kasulatan

Layunin

Upang tulungan ang bawat bata na maunawaan na ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng mga salita ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at malalaman natin ang tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Paghahanda

  1. May panalanging pag-aralan ang Lucas 22:19–20; 3 Nephi 18:21; Doktrina at mga Tipan 59:6; at Moises 7:11. Tingnan din sa Mga Alituntunin ng Ebanghelyo (31110 893), kabanata 10.

  2. Maghandang isalaysay ang isa sa iyong mga paboritong kuwento mula sa mga banal na kasulatan, na ginagamit ang isang larawan kung maaari.

  3. Mga kailangang kagamitan;

    1. Magkakasamang kopya ng mga banal na kasulatan (Biblia, Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas).

    2. Isang piraso ng tela upang takpan ang mga banal na kasulatan o isang pirasong papel upang balutin ang mga ito.

    3. Larawan 1–3, Si Jesus ang Cristo (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 240; 62572); larawan 1–18, Binibinyagan ni Juan Bautista si Jesus (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 208; 62133); larawan 1–44, Nagtuturo si Jesus sa Kanluraning Bahagi ng Daigdig (Pakete ng Larawang ng Sining ng Ebanghelyo 316; 62380); larawan 1–70, Ang Huling Hapunan (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 225; 62174).

  4. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.

Mga Gawain sa Pagkatuto

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Gawaing Pantawag Pansin

Bago magklase, takpan ang magkakasamang kopya ng mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng isang piraso ng tela o balutin ang mga ito ng papel. Ilagay ang tinakpang mga banal na kasulatan sa isang mesa o upuan kung saan makikita ng mga bata ang mga ito. Ipaliwanag na tinakpan mo ang isang bagay na mahalaga sa iyo at sa lahat. Hayaang hulaan ng mga bata kung ano ang tinakpan mo.

Pagkaraan ng ilang panghuhula, hayaang salatin ng mga bata ang tela o papel. Kung mahuhulaan ng isang bata na ito ay isang aklat o mga aklat, sabihin sa mga bata na ang mga ito ay tinatawag na mga banal na kasulatan. Ipabigkas sa mga bata ang salitang mga banal na kasulatan nang ilang ulit.

Ang mga banal na kasulatan ay mga sagradong aklat

Ipaliwanag na ang mga banal na kasulatan ay mahahalagang aklat na kakaiba sa ibang mga aklat. Sagradong aklat ang mga ito. Paalalahanan ang mga bata na ang isang bagay na sagrado ay tumutulong sa atin na isipin ang tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesus. Ipaliwanag na sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan ang tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesus at kung gaano nila tayo kamahal. Sinasabi ng mga ito sa atin kung ano ang nais ng Ama sa Langit at ni Jesus na gawin natin upang tayo ay maging maligaya.

Isa-isang ipakita at banggitin ang mga pamantayang banal na kasulatan. Kung ang ilan sa mga ito ay magkakasama sa iisang aklat, ituro ang tagilirang bahagi ng pabalat kung saan nakasulat ang mga pamagat o buklatin ang mga pamagat na pahina ng bawat isa sa mga banal na kasulatan.

Gawain

Sabihin sa mga bata na dapat nating pangalagaang mabuti ang mga banal na kasulatan at buong ingat na buklatin ang mga pahina. Isa-isang papuntahin sa harapan ng klase ang mga bata at ipakita kung gaano kaingat nilang mahahawakan ang mga banal na kasulatan at paano bubuklatin ang mga pahina.

Ipaliwanag na ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng mga totoong kuwento. Tinutulungan tayo ng mga kuwentong ito na malaman ang nais ipagawa sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesus. Makatutulong sa ating buhay ang mga kuwento sa mga banal na kasulatan.

Kuwento

Isalaysay sa mga bata ang isa sa iyong mga paboritong kuwento mula sa mga banal na kasulatan, na gumagamit ng isang larawan kung maaari. Bigyang-diin kung paanong nakatutulong sa iyo ang mga bagay na itinuturo sa kuwentong ito sa banal na kasulatan. Ipahiwatig kung gaano mo kaibig na basahin ang mga kuwento sa mga banal na kasulatan.

Awit

Tulungan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga salita sa “Ang Kuwentong Tungkol kay Jesus” (Tell Me the Stories of Jesus, Children’s Songbook, p. 57). Paalalahanan ang mga bata na ang mga kuwento sa mga banal na kasulatan na kanilang natututuhan ay mga totoong kuwento.

Mga k’wentong tungkol kay Jesus, ibig ko:

Ako’y magtatanong pa kung S’ya’y narito.

Tungkol sa dagat at paligid,

K’wento kay Jesus sabihin mo.

Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng mga aral ni Jesus

Ipaliwanag na ang ilan sa mga banal na kasulatan ay isinulat ng mga kalalakihan na nakakikilala kay Jesus at nabuhay noong kapanahunan niya. Nakita nila si Jesus at naringgan siyang magturo. Isinulat ng mga kalalakihang ito ang mga banal na kasulatan upang malaman ng lahat ang tungkol kay Jesus at sa kanyang mga aral at malaman na siya ang anak ng Ama sa Langit.

Ipakita ang larawan 1–70, Ang Huling Hapunan. Hayaang sabihin ng mga bata ang alam nila tungkol sa larawan. Ipakita ang Biblia at ipaulit sa mga bata ang pangalan nito. Buklatin ang Biblia sa Lucas 22. Ipaliwanag na itinuro ni Jesus sa Biblia na dapat nating tanggapin ang sakramento upang maalaala siya. Kinuha ni Jesus ang tinapay at binasbasan ito at ibinigay ito sa kanyang mga disipulo (mga tagatulong). Kumuha siya ng saro at pinainom sila dito. Basahin ang bahagi ng talata 19 kung saan sinabi ni Jesus, “Gawin ninyo ito sa pagalaala sa akin.” Ituro na ang mga ito ay mga salita ni Jesus.

Ipakita ang larawan 1–44, Nagtuturo si Jesus sa Kanluraning Bahagi ng Daigdig, at ipaalala sa mga bata ang nangyayari sa larawan. Ipakita ang Aklat ni Mormon at ipaulit sa mga bata ang pangalan nito. Buklatin ang Aklat ni Mormon sa 3 Nephi 18. Ipaliwanag na tinuruan ni Jesus ang mga tao nang maraming bagay. Basahin ang bahagi ng talata 21 kung saan sinabi ni Jesus, “Manalangin sa inyong mga mag-anak.”

  • Ano ang sinasabi sa atin ni Jesus na gawin sa ating mga mag-anak?

Ipakita ang larawan 1–3, Si Jesus ang Cristo. Ipakita ang Doktrina at mga Tipan at ipaulit sa mga bata ang pangalan nito nang ilang ulit. Buklatin ang Doktrina at mga Tipan sa bahagi 59. Ipaliwanag na ang isa sa mga bagay na itinuro ni Jesus ay dapat na mahalin natin ang lahat. Basahin ang bahagi ng talata 6 kung saan sinabi ni Jesus, “Mahalin ang inyong kapwa.”

  • Ano ang sinabi ni Jesus na gagawin?

  • Sino ang inyong kapwa?

  • Ano ang pakiramdam ninyo kapag mabait kayo sa iba at nagpapakita ng pagmamahal sa kanila?

Awit

Tulungan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga salita sa “Lahat ay Magmahalan, Sabi ni Jesus” (Jesus Said Love Everyone, Children’s Songbook, p. 61), na ginagamit ang mga galaw na nakasaad sa ibaba:

Lahat ay magmahalan (ipakabukas ang mga kamay);

Sabi ni Jesus (itangu-tango ang ulo).

Kung puso’y may pag-ibig (ilagay ang mga kamay sa tapat ng puso),

Mamahalin ka (yakapin ang sarili).

Ipakita ang larawan 1–18, Binibinyagan ni Juan Bautista si Jesus. Hayaang magsabi ang mga bata tungkol sa larawan. Bigyang-diin na si Jesus ay bininyagan at nais niyang mabinyagan ang lahat. Ipakita ang Mahalagang Perlas at ipaulit sa mga bata ang pangalan nito. Buklatin ang Mahalagang Perlas sa Moises 7 at sabihin kung paanong tinuruan ni Jesus ang isang lalaking nagngangalang Enoc na magpunta sa mga tao at binyagan sila. Basahin ang bahagi ng talata 11 kung saan sinabi ni Jesus, “Magbinyag sa pangalan ng Ama, at ng Anak, … at ng Espiritu Santo.”

Itaas ang apat na pamantayang banal na kasulatan. Bigyang-diin na ang mga aral ni Jesus ay nasa lahat ng mga ito.

Awit

  • Ano ang mga aklat na ito?

  • Kaninong mga aral ang matatagpuan sa mga banal na kasulatan?

  • Bakit isinulat ang mga banal na kasulatan?

  • Ano ang pakiramdam ninyo sa pagkakaalam na mahal tayo ng Ama sa Langit at ni Jesus at na ibinigay ang mga banal na kasulatan sa atin?

Patotoo

Ipahiwatig ang iyong pasasalamat at pagmamahal sa mga banal na kasulatan. Magbigay ng patotoo na ang mga banal na kasulatan ay ang mga salita ng Ama sa Langit at ni Jesus at na sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay malalaman natin ang nais ng Ama sa Langit at ni Jesus na gawin natin.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.

  1. Itupi ng kalahati ang mga pirasong papel upang gumawa ng maliliit na kopya ng mga pabalat ng apat na pamantayang banal na kasulatan, na magkakasamang kopya para sa bawat bata. Ilimbag ang mga pangalan ng mga pamantayang banal na kasulatan sa mga pabalat. Butasan ang sulok ng bawat pabalat at gumamit ng isang piraso ng tali o sinulid upang sama-samang itali ang apat na banal na kasulatan ng bawat bata.

    Sa loob ng bawat pabalat, ilimbag ang banal na kasulatan na itinuro sa aralin:

    Biblia: Tinuruan tayo ni Jesus tungkol sa sakramento (Lucas 22:19).

    Aklat ni Mormon: Tinuruan tayo ni Jesus na manalangin sa ating mga mag-anak (3 Nephi 18:21).

    Doktrina at mga Tipan: Tinuruan tayo ni Jesus na ibigin ang ating mga kapwa (Doktrina at mga Tipan 59:6).

    Mahalagang Perlas: Tinuruan tayo ni Jesus na magpabinyag (Moises 7:11).

    Magbigay ng magkakasamang pabalat para maiuwi ng bawat bata. Habang ginagawa mo ito, pagbalik-aralan ang mga aral ni Jesus na tinalakay sa aralin.

  2. Tulungan ang mga bata na isaulo ang bahagi ng ikawalong saligan ng pananampalataya: “Naniniwala kami na ang Biblia ay salita ng Diyos; naniniwala rin kami na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos.”

  3. Kumuha ng mga larawan ng ilan sa mga kuwento sa Aklat ni Mormon mula sa mga larawan na kasama sa manwal na ito o mula sa aklatan ng bahay-pulungan. Ipakita ang bawat larawan at maikling talakayin ang kuwento na inilalarawan nito. Paalalahanan ang mga bata na ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng mga totoong kuwento. Ipaawit sa mga bata ang “Book of Mormon Stories” (Children’s Songbook, p. 118).

  4. Ikuwento sa mga bata ang isang pagkakataon nang ang mga banal na kasulatan ay nagkaroon ng natatanging kahulugan sa iyong buhay. Ipaliwanag kung paano kang natulungan ng mga banal na kasulatan at kung ano ang pakiramdam mo dito.

  5. Maghanap ng maikling banal na kasulatan na naglalaman ng mga salita ni Jesus, katulad ng mga nasa aralin. Bigkasin ang bawat banal na kasulatan, na nagsisimula sa mga salitang sinabi ni Jesus. Halimbawa, “Sinabi ni Jesus, ‘Sumunod kayo sa akin!’ ” Ihagis o iabot ang isang supot ng bins o ibang malambot na bagay sa isang bata at hayaang sundan ka niya sa pag ulit ng banal na kasulatan at pagkatapos ay ihagis mo pabalik ang supot ng bins. Magpatuloy sa paghahagis ng supot ng bins hanggang sa magkaroon ng pagkakataon ang bawat bata.

Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata

  1. Awitin o bigkasin ang mga salita sa “Ang Kuwentong Tungkol kay Jesus” (Tell Me the Stories of Jesus) habang hawak nang nakataas ang isang Biblia, o “Book of Mormon Stories” (Children’s Songbook, p. 118) habang hawak nang nakataas ang isang kopya ng Aklat ni Mormon.

  2. Maikling isalaysay ang kuwento ng sampung ketongin (tingnan sa Lucas 17:11—19), at pagkatapos ay gawin ang sumusunod na laro sa daliri na kasama ang mga bata:

    Sampung kalalakihan ang maysakit (itaas ang sampung mga daliri);

    Pinagaling sila ni Cristo isang araw.

    Siya’y nagsalita lamang, at ang kanilang sakit ay naparam (kumaway-kaway)!

    Hindi ba kataka-taka? At hindi ba kakaiba? (ilagay ang isang daliri sa sentido at magmukhang naguguluhan)

    Na iisang lalaki lamang (itaas ang isang daliri)

    Ang nagpasalamat sa kanya

    At nagpuri sa Diyos (itaas ang kapwa mga kamay paitaas)?

    (Hinango mula kay Jean Shannon sa Bible Story Finger Plays and Action Rhymes [Cincinnati, Ohio: Standard Publishing Co., 1964], p. 27.)

    Ipakita sa mga bata kung saan matatagpuan sa Biblia ang kuwentong ito.

  3. Tanungin ang mga bata kung ano ang kanilang mga paboritong kuwento sa banal na kasulatan. Kung magagawa mo, ipakita sa kanila kung saan matatagpuan ang mga kuwento sa mga banal na kasulatan.