Aralin 12
Nagpapasalamat Ako Para sa mga Hayop
Layunin
Upang tulungan ang bawat bata na makadama ng pasasalamat sa Ama sa Langit at kay Jesucristo para sa mga hayop.
Paghahanda
-
Pag-aralan nang may panalangin ang Genesis 1:24–25 at 6:5–8:19.
-
Mga kailangang kagamitan:
-
Isang Biblia.
-
Mga ginupit na larawan 1–6, hanggang 1–19, mga hayop (ang mga katulad na ginupit na larawan ay matatagpuan sa mga pangkat 4 at 5 ng Mga Ginupit na Larawang Pangtulong sa Primarya).
-
Larawan 1–28, Ang Paglikha—Mga May Buhay na Kinapal (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 100; 62483); larawan 1–29, Paggawa ng Arka (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 102; 62053); larawan 1–30, si Noe at ang Arka na may mga Hayop (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 103; 62305).
-
-
Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.
Mga Gawain sa Pagkatuto
Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.
Inatasan ng Ama sa Langit si Jesucristo na likhain ang mga hayop
Pagbalik-aralang kasama ang mga bata na ipinalikha ng Ama sa Langit kay Jesucristo ang ating magandang daigdig, kasama na ang araw at gabi, ang mga dagat at lupain, at ang mga halaman at puno. Ipakita ang Biblia at paalalahanan ang mga bata na mababasa natin ang tungkol sa paglikha sa aklat na ito. Ipaliwanag na sinasabi ng Biblia sa atin na ipinalikha ng Ama sa Langit kay Jesus ang lahat ng hayop at inilagay ang mga ito sa daigdig.
Ipakita ang larawan 1–28, Paglikha—Mga May Buhay na Kinapal.
-
Sino ang lumikha sa mga bagay na nakikita ninyo sa larawang ito?
-
Anu-ano ang pangalan ng mga hayop sa larawang ito?
Ipaliwanag na nilikha lahat ni Jesus ang lahat ng uri ng mga hayop upang ilagay sa daigdig. Ang ilang hayop ay nakatira sa mga bukirin at sa paligid ng ating tahanan. Ang ilang hayop ay nakatira sa kakahuyan, ang ilan ay sa mga bundok, at ang ilan ay sa disyerto. Ang ilan sa mga hayop ay nakatira sa malalamig na panig ng mundo at ang ibang mga hayop ay nakatira sa maiinit na lugar.
-
Anong mga hayop ang nakatira sa bukirin?
-
Anong mga hayop ang nakatira sa kakahuyan, mga bundok o disyerto?
-
Ano ang inyong paboritong hayop?
Tinutulungan tayo ng mga hayop
Ipaliwanag na ipinalagay ng Ama sa Langit kay Jesus ang mga hayop sa daigdig upang tulungan tayo. Ginagamit natin ang ilang hayop bilang pagkain, ang ilan ay naglilingkod sa atin at ang ilan ay kawili-wiling tingnan at paglaruan.
-
Paano tayong tinutulungan ng mga hayop?
-
Sa aling mga hayop tayo nakakukuha ng pagkain katulad ng gatas, mga itlog o karne?
-
Sa aling mga hayop tayo nakakukuha ng kagamitan para sa pananamit?
-
Aling mga hayop ang nakatutuwang maging alaga?
-
Aling mga hayop ang maaari nating sakyan?
Hayaang pag-usapan ng mga bata ang tungkol sa kanilang mga naging karanasan sa iba’t ibang uri ng mga hayop.
Ang mga hayop ay iniligtas sa baha
Isalaysay ang kuwento ni Noe at ng Arka, na matatagpuan sa Genesis 6:5–8:19. Ipakita ang larawan 1–29, Paggagawa ng Arka, at larawan 1–30, si Noe at ang Arka na may mga Hayop. Maaari mo ring naising gamitin ang mga ginupit na larawan upang mailarawan ang kuwento.
-
Paano pinagpala si Noe at ang kanyang mag-anak sa pagsunod kay Jesus?
-
Paano nailigtas ang mga hayop?
-
Kapag nakakikita tayo ng bahaghari, ano ang ipinaaalala nito sa atin?
Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman
Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang magamit sa aralin.
-
Maglaro ng “Hayop, Hayop, Sino Ka?” Pagawain ng bilog ang mga bata. Patayuin ang isang bata sa gitna ng bilog at magpanggap na isang hayop. Ang ibang mga bata ay magtataas ng kanilang mga kamay upang hulaan kung anong hayop ang ginagaya ng bata sa gitna. Kapag nahulaan nang tama ng isang bata ang hayop, siya ay pagigitna sa bilog at gagayahin ang isa pang hayop. Maaaring naisin mong ibulong muna sa iyo ang pangalan ng hayop na gagayahin niya upang makatiyak na malinaw sa isipan ng bata ang hayop.
-
Maglaro ng “Ano ang Hayop na Ito?” Bigyan ng ideya ang mga bata tungkol sa isang hayop. Ang mga ideya ay maaaring nagsasabi ng tungkol sa tinitirahan ng hayop, kung gaano ito kalaki, kung ano ang huni nito, kung ano ang kulay nito, at kung paano ito tumutulong sa mga tao. Sabihin sa mga bata na itaas ang kanilang mga kamay kapag sa palagay nila ay alam nila kung aling hayop ang iyong tinutukoy. Ulitin sa iba pang mga hayop hangga’t nais mo.
-
Kasabay ng mga bata, awitin o bigkasin ang mga salita sa “Ang Mundo’y Malaki” (The World Is So Big, Children’s Songbook, p. 235). Gawin ang mga galaw na nakasaad sa ibaba:
Ang mundo’y malaki at bilog (gumawa ng malaking bilog sa pamamagitan ng mga bisig).
Naririto ang likha ng Dios;
Bundok (ihugis bundok ang mga kamay sa uluhan)
Lambak (ilagay ang mga kamay sa harapan na nakataob ang mga palad)
Punong mataas (iunat ang mga kamay paitaas),
Malalaki’t (umabot paitaas)
Maliit na hayop (umabot pababa).
Ang mundo’y malaki at bilog (gumawa ng malaking bilog sa pamamagitan ng mga bisig),
Tayong lahat ay mahal ng Dios (itikom ang mga kamay at yakapin ang sarili).
-
Papagsalitain ang mga bata tungkol sa mga alaga nilang hayop at ang nais nilang mapasa kanila. Talakayin sa mga bata kung paano natin dapat pakitunguhan at alagaan ang mga alagang hayop.
-
Bigyan ang mga bata ng papel at mga krayola. Hayaang iguhit ng bawat bata ang kanyang paboritong hayop. Isulat sa bawat larawan ang Nagpapasalamat ako para sa mga hayop.
Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata
-
Ipakita ang larawan 1–28, Paglikha—Mga May Buhay na Kinapal. Sa iyong sariling pananalita, ikuwento mo ang pagkalikha ng mga hayop (tingnan sa Genesis 1:24–25). Ipahiwatig ang iyong pasasalamat sa mga hayop.
-
Pumili ng ilang hayop na pangkaraniwan sa mga bata. Hayaang gayahin ng bawat bata ang bawat hayop. Talakayin ang anyo ng mga hayop at ang huni ng mga ito at kung saan ginagamit ang mga ito.
-
Tulungan ang mga bata na awitin ang unang linya ng “All Things Bright and Beautiful” (Children’s Songbook, p. 231).