Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Pagtuturo sa Pamamagitan ng Manwal na Ito


Pagtuturo sa Pamamagitan ng Manwal na Ito

Ang manwal na ito ay naglalaman ng mga aralin para sa pagtuturo sa mga bata na magtatatlong taong gulang pagsapit ng ika-1 ng Enero. Maaari ring iangkop ng mga guro ang manwal upang magamit sa mga bata na labing-walong buwan hanggang tatlong taong gulang. Kung may mga batang dumadalo sa Primarya na wala pang tatlong taong gulang, sila ay dapat na nasa klase ng alagaan na hiwalay sa mga tatlong taong gulang maliban na lamang kung ang purok o sangay ay napakaliit. Kung may walo o sampung bata na magkakatulad ang gulang sa isang purok o sangay, ang klase ay maaaring hatiin.

Dapat tingnan ng mga guro ng mga batang alagain ang “Pag-aangkop sa Manwal Upang Magamit sa Alagaan,” bilang karagdagan sa bahaging ito.

Dapat na may pananalanging alamin ng mga pinuno at guro kung paano pinakamainam na maisasaayos ang mga klase at gamitin ang mga aralin at gawain sa manwal na ito upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga bata sa kanilang purok o sangay.

Ang Klase ng Tatlong Taong Gulang

Ang mga bata na magtatatlong taong gulang pagsapit ng ika-1 ng Enero ay nasa klase ng tatlong taong gulang.

Layunin

Ang layunin ng klase ng tatlong taong gulang ay tulungan ang mga bata na magkaroon ng pang-unawa at pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, makasali sa mga positibong karanasan sa Primarya at lumaki na may damdamin ng pagpapahalaga sa sarili.

Panalangin

Ang bawat oras ng klase ay dapat na magsimula at magtapos sa pamamagitan ng panalangin ng isang bata. Ang pambungad na panalangin ay karaniwang nasa simula ng oras ng aralin at ang pangwakas na panalangin ay nasa hulihan ng klase. Turuan ang mga bata na magbigay ng mga maikli at simpleng panalangin. Tulungan sila kung kinakailangan.

Takdang Palatuntunan

Ang klaseng ito ay naglalaan ng unti-unting pagbabago mula sa klase ng alagain patungo sa karaniwang Primarya. Sa unang bahagi ng taon, maaaring maging kanais-nais para sa mga tatlong gulang na magkaroon ng oras ng pagbabahagi at gawain sa kanilang sariling silid-aralan. Sa nalalabing bahagi ng taon, maaari silang dumalo sa oras ng pagbabahagi na kasama ng ibang mga bata sa Primarya. Ang pagkakaroon ng sapat na kaisipan ng mga bata sa klase ang magpapasiya kung kailan gagawa ng pagbabago sa klase. Pagmasdan ang mga bata upang makita kung handa na sila, at sumangguni sa panguluhan ng Primarya upang malaman kung kailan gaganapin ang pagbabago. Maaaring dumalo ang mga tatlong taong gulang sa pambungad at pangwakas na mga pagsasanay na kasama ng iba pang mga bata sa Primarya sa buong taon.

Ang Primarya ay karaniwang tumatagal ng isang oras at apatnapung minuto. Ang pambungad o pangwakas na mga pagsasanay ay tumatagal ng dalawampung minuto, na may limang minuto para sa mga bata upang magpunta sa kanilang mga silid-aralan. Kung ang mga tatlong taong gulang ay nagdaraos ng oras ng pagbabahagi sa kanilang silid-aralan, ang oras ng klase ay pitumpu’t limang minuto. Ang sumusunod na iminungkahing palatuntunan ay maaaring iakma ayon sa mga lokal na pangangailangan:

Oras ng Pagbati:

10–15 minuto

Oras ng Aralin:

25–30 minuto

Oras ng Pagbabahagi at Gawain:

20–25 minuto

Oras ng Pagtatapos:

10–15 minuto

Kapag ang mga tatlong taong gulang ay dumalo sa oras ng pagbabahagi na kasama ang ibang mga Primarya, ang oras ng klase ay tatagal ng apatnapung minuto at bubuuin ng oras ng aralin at higit na maikling mga oras ng pagbati at pagtatapos.

Oras ng Pagbati: Ang layunin ng oras ng pagbati ay hayaan ang mga bata na magsalita at makipag-ugnayan sa guro at sa bawat isa sa hindi pormal na kapaligiran. Magiging higit na matiwasay at positibo ang pakiramdam ng mga bata tungkol sa pagiging nasa Primarya kung sila ay malayang nakagagalaw sa paligid sa oras na ito.

Tulungan ang bawat bata na madama ang malugod na pagtanggap at kaginhawahan sa klase. Ipakita ang pagmamahal, sigla, at paggalang sa pamamagitan ng iyong mga salita at mga gawa. Talakayin ang mga pangangailangan at kinawiwilihan ng mga bata. Ang mga naaangkop na paksa ng talakayan ay maaaring kabilangan ng—

  • Mga bagong karanasan sa buhay ng mga bata, katulad ng isang bagong sanggol sa tahanan o paglilibang ng mag-anak.

  • Mga natatanging pista opisyal.

  • Ang kalagayan ng panahon.

  • Mga puna tungkol sa kalikasan.

  • Mga kasanayang panlipunan katulad ng pakikinig, pagbabahagi, o paggamit ng mabubuting asal.

  • Mga gawa ng kabutihan.

Ang mga larong pandaliri, pagyuko at pag-iinat na ehersisyo, at awit ay maaari ring gamitin sa oras na ito upang tulungan ang mga bata na mapaglabanan ang pagkabalisa.

Oras ng Aralin: Sundin ang pangkalahatang balangkas ng bawat aralin, iniaangkop ito kung kinakailangan para sa iyong klase. Pagtuunan ng pansin ang pang-unawa at mga kinawiwilihan ng mga bata. Piliin ang mga kuwento at gawain na pinakamahusay na makapagtuturo sa mga kasapi ng iyong klase ng mahahalagang alituntunin ng aralin. Pumili mula sa bahagi ng “Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman” ng mga gawain na sa pakiramdam mo ay makabubuti sa mga bata sa iyong klase. Gamitin ang mga gawaing ito kailan mo man naisin habang nag-aaralin. Natututo nang mabuti ang mga bata sa pamamagitan ng pag-uulit, kaya maaari mong naising gamitin ang gayunding gawain, awit, kuwento, o banal na kasulatan nang mahigit sa isang beses habang nag-aaralin o sa mga susunod na aralin.

Ituro ang mga aralin nang sunud-sunod maliban sa mga aralin 45 at 46 (Pasko ng Pagkabuhay at Pasko).

Oras ng Pagbabahagi at Gawain: Kapag ang mga bata ay nagdaraos ng oras ng pagbabahagi sa klase sa halip na kasama ng ibang mga bata sa Primarya, gamitin ang mga gawain sa mga aralin at sa bahaging “Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman” para sa oras ng pagbabahagi. Maaaring naisin mong ulitin ang mga paboritong gawain ng mga bata mula sa mga nakaraang aralin. Maglaan ng oras para sa pag-awit ng mga awitin sa Primarya (tingnan ang “Musika sa Silid-aralan”). Himukin ang mga bata na makisali at magbahagi ng kanilang mga ideya sa isa’t isa.

Pagkatapos na magsimulang dumalo ang mga tatlong taong gulang sa oras ng pagbabahagi na kasama ng ibang bata sa Primarya, sila ay maaaring paminsan-minsang hilingang magbigay ng pagtatanghal sa oras ng pagbabahagi. Magplano ng simpleng pagtatanghal ng ebanghelyo na magsasali sa lahat ng bata sa klase. Maaari mong—

  • Tulungan ang mga bata na isadula ang isang kuwento o pangyayari mula sa isa sa mga aralin.

  • Pagamitin ang mga bata ng mga larawan na makatutulong sa pagsasalaysay ng kuwentong mula sa isa sa mga aralin.

  • Hayaan ang bawat bata na magbahagi ng sipi mula sa mga banal na kasulatan o kaisipan na tungkol sa isang alituntunin ng ebanghelyo.

  • Paawitin ang mga bata ng isang awit na tungkol sa alituntuning itinuturo.

Oras ng Pagtatapos: Pagbalik-aralan at ibuod ang mga pangunahing ideya ng aralin.Tuwirang tukuyin ang isa o dalawang maiikling kataga ng banal na kasulatan na mula sa aralin, at bigyang-diin ang mga pangunahing ideya upang magawang maibahagi ng mga bata ang mga ito sa tahanan. Anyayahan ang isang bata na mag-alay ng pangwakas na panalangin.

Paghahanda ng Mga Aralin

Ang unang susi sa matagumpay na pagtuturo sa mga batang paslit ay kilalanin at mahalin sila. Alamin at gamitin ang mga pangalan ng mga kasapi ng klase kapag nakikipag-usap ka sa kanila. Personal na makipag-ugnayan sa kanila at alamin ang tungkol sa kanilang mga buhay. Maghanap ng mga paraan upang maisali sila sa mga aralin at gawing personal na may kaugnayan ang mga aralin sa kanila. Magpakita ng naaangkop na pagmamahal at pagkawili sa lahat ng bata sa iyong klase.

Ang ikalawang susi ay maging handa. Simulan ang paghahanda ng bawat aralin ng kahit na isang linggo bago ang paglalahad. Basahin ang buong aralin, pagkatapos ay pag-aralan ito nang may panalangin upang malaman ang pinakamabuting paraan ng pagtuturo ng mga alituntunin sa mga bata sa iyong klase. Pumili ng Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman upang punan ang mga gawain sa aralin at panatilihing nawiwili at kasali ang mga bata. Magplano ng ilang uri ng gawain, at pagkatapos ay ibagay sa pangyayari ang paggamit ng mga ito upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga bata. Alaming mabuti ang aralin upang hindi mo na kailanganing magbasa mula sa manwal at manatiling nakatingin sa mga mata ng mga bata hangga’t maaari. Manalangin nang madalas habang iyong inihahanda ang bawat aralin at hangaring matamo ang Espiritu upang gabayan ka habang ikaw ay naghahanda at nagtuturo.

Pagtuturo ng Mga Aralin

Habang iyong tinuturuan ang mga bata ng mga alituntunin ng ebanghelyo, dapat ay mahimok mo ang pagmamahal ng mga bata sa ebanghelyo. Ang mga sumusunod na mungkahi ay makatutulong sa iyong gawing kalugud-lugod ang Primarya para sa mga bata sa iyong klase:

  • Bigyan ng maraming pagkakataon ang mga bata na magsalita at makisali.

  • Makinig kapag nagsasalita ang mga bata at sikaping tumugon nang positibo subalit naaangkop.

  • Maging masigasig. Kung nawiwili ang guro sa Primarya, ang mga bata ay mawiwili sa Primarya.

  • Magsalita sa pamamagitan ng magiliw na tinig.

  • Maging mapagpaumanhin, mabait at mapagmahal, lalo na kapag ang mga bata ay pagod o balisa.

  • Magbigay ng positibong pansin sa mabuting asal at huwag pansinin ang negatibong asal kailanman maaari.

  • Maghanda ng ilang uri ng gawain at ibagay sa pangyayari ang mga ito upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga bata. Ang maliliit na bata ay may higit na maikling oras ng pag-uukol ng pansin at kailangan ang madalas na paggalaw.

  • Sikaping ituong muli ang pansin ng mga bata kapag may nangyayaring mga pagtatalo.

  • Alalahaning nalulugod ang mga batang paslit sa mga kuwento, larawang pantulong, musika, at paggalaw. Ikinalulugod nila ang palagiang pag-uulit ng mga gawain at awit, lalo na ang mga alam na alam nila.

Musika sa Silid-Aralan

Ang bawat aralin sa manwal na ito ay kinabibilangan ng mga awit upang tumulong sa pagpapatibay ng mga aral ng ebanghelyo. Hindi kinakailangang maging dalubhasang manunugtog upang gawing masaya at makabuluhan ang pag-awit sa silid-aralan. Hindi malalaman ng mga bata kung marunong kang umawit o hindi; malalaman lamang nila na ikinalulugod mo ang pag-awit. Pag-aralang mabuti ang bawat awit, at sanayin ito bilang bahagi ng iyong paghahanda ng aralin. Kung may makukuha, ang Children’s Songbook na nasa mga audiocassette (tugtog lamang, 52505; tugtog at mga salita, 52428) o mga compact disc (tugtog lamang, 50505; tugtog at mga salita, 50428) ay makatutulong sa iyo upang matutuhan ang mga awit. Maaari mo ring gamitin ang mga nakarekord na ito habang umaawit kayo sa silid-aralan.

Ang paulit-ulit na pag-awit ang pinakamabuting paraan ng pagtuturo ng mga awit sa mga bata. Maaari mong gamitin ang iisang awitin nang ilang ulit habang nag-aaralin. Ang mga simpleng galaw ay makatutulong sa pagsasali sa maliliit na bata sa isang awit. Kung alam nang mabuti ng mga bata ang isang awit at ikinalulugod na inaawit ito, awitin ito nang madalas sa oras ng aralin o oras ng pagbabahagi at gawain.

Upang makapagturo ng bagong talata ng awit o gawain sa mga bata—

  • Isaulo ang talata ng awit o gawain bago magklase.

  • Ituro ang bagong talata ng awit o gawain sa pamamagitan ng pag-awit o pagbibigkas nito sa mga bata. Dagdagan ang mga galaw kung mayroon man.

  • Anyayahan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga salita na kasama ka. Hindi nila kaagad malalaman ang mga salita, ngunit kung uulitin mo ang awit o talatang gawain nang ilang beses, matututuhan nila ang mga salita.

  • Magdahan-dahan upang maunawaan ng mga bata ang mga salita at galaw.

  • Gamitin paminsan-minsan ang mga larawang pantulong upang makatulong sa paglalahad ng talata ng awit o gawain. Ang mga bata ay nagtutuon ng pansin at natututong mabuti kapag mayroon silang tinitingnan.

  • Gawing maikli ang talata ng awit o gawain kung ang mga bata ay nagiging balisa. Kung ang talata ng awit o gawain ay mahaba, maaaring naisin mong tulungan ang mga batang gawin ang mga galaw habang kayo ay umaawit o mag-isang bigkasin ang mga salita.

Ang maliliit na bata ay kadalasang hindi magnanais umawit na kasabay mo, ngunit malugod silang sumasali sa pamamagitan ng pakikinig sa pag-awit.

Mga Larawang Pantulong

Ang mga larawang pantulong ay mahalaga sa pagtuturo sa maliliit na bata. Ang mga larawan, ginupit na larawan, bagay, at iba pang larawang pantulong ay makakukuha at makapagpapanatili ng pansin ng mga bata, tinutulungan ang mga bata na maalaala ang iyong itinuturo.

Ang mga larawan at ginupit na larawang hinihiling sa aralin ay kasama sa manwal. Ang bahaging “Paghahanda” ng bawat aralin ay nagtatala ng mga larawang ginagamit sa araling iyon ayon sa pamagat at bilang. Ang mga bilang na nasa panaklong ay tumutukoy sa bawat larawan (o sa isang katulad nito) sa Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo (34730 o 34735) at sa aklatan ng bahaypulungan. Ang bahaging “Paghahanda” ay nagtatala rin sa bawat ginupit na larawan ayon sa pangkat ng Mga Ginupit na Larawang Pantulong sa Primarya (33239–33250 o 08456) na naglalaman ng mga katulad na ginupit na larawan.

Ang mga bagay ay mainam na mga larawang pantulong lalo na kung ang mga ito ay pangkaraniwang bagay na mahihipo o mahahawakan ng mga bata. Kapag ikaw ay nagsasalaysay ng kuwento mula sa banal na kasulatan, gamitin mo ang iyong sariling mga banal na kasulatan o ang mga banal na kasulatan mula sa aklatan ng bahay-pulungan bilang mga larawang pantulong.

Mga Natatanging Tagubilin Para sa Pagsasali sa Mga Batang May Mga Kapansanan

Ang Tagapagligtas ay nagpakita ng halimbawa sa atin sa pagkakaroon ng damdamin ng pagkahabag sa mga taong may kapansanan. Nang dalawin niya ang mga Nefita pagkatapos ng kanyang pagkabuhay na mag-uli ay sinabi niyang:

“Mayroon bang maykaramdaman sa inyo? Dalhin sila dito. Mayroon ba sa inyong pilay, o bulag, o lumpo, o baldado, o ketongin, o mga may dinaramdam, o yaong mga bingi, o yaong mga nahihirapan sa anumang dahilan? Dalhin sila rito at akin silang pagagalingin, sapagkat ako ay nahahabag sa inyo” (3 Nephi 17:7).

Bilang isang guro sa Primarya ikaw ay nasa pinakamainam na katayuan upang magpakita ng pagkahabag. Kahit na maaaring hindi ka sinanay na magbigay ng propesyonal na tulong, bilang isang guro ay magagawa mong unawain at kalingain ang mga batang may mga kapansanan. Ang pagmamalasakit, pangunawa at pagnanais na isali ang bawat kasapi ng klase sa mga gawain ng pagkatuto ay kailangan.

Ang mga batang may kapansanan ay maaaring mapukaw ng Espiritu maging ano pa man ang kanilang antas ng pang-unawa. Kahit na ang ilang bata ay hindi maaaring makadalo sa buong oras ng Primarya, kailangan nilang magkaroon ng pagkakataong makadalo kahit na sandali lamang upang madama ang Espiritu. Maaaring kailanganin ng bata na magkaroon ng kasama na madaling makadarama sa mga pangangailangan ng bata habang nasa Primarya sakaling kailanganing lumayo ang bata mula sa buong pangkat.

Ang ilang kasapi ng klase ay maaaring mahamon ng mga kawalang-kakayahan sa pagkatuto, pagkawala ng paningin o pandinig, kapansanan sa kaisipan, suliranin sa wika o pananalita, mga suliranin sa pag-uugali at panlipunan, sakit sa utak, mga suliranin sa paggalaw at pagkilos, o mga matagal na suliranin sa kalusugan. Maaaring sa iba, ang wika o pangkulturang kapaligiran ay hindi pangkaraniwan at mahirap. Anuman ang maging kalagayan ng bawat isa, ang bawat bata ay may magkakatulad na pangangailangan na mahalin at tanggapin, na matutuhan ang ebanghelyo, na madama ang Espiritu, na matagumpay na makisali at maglingkod sa iba.

Ang mga tagubiling ito ay makatutulong sa pagtuturo sa isang batang may kapansanan:

  • Huwag pansinin ang kapansanan at kilalanin ang bata. Maging karaniwan, palakaibigan at masigla.

  • Alamin ang tungkol sa mga tiyak na kalakasan at suliranin ng bata.

  • Gawin ang lahat ng pagsisikap upang turuan at paalalahanan ang mga kasapi ng klase tungkol sa kanilang tungkuling igalang ang bawat kasapi ng klase. Ang pagtulong sa ilang kasapi ng klase na may mga kapansanan ay maaaring maging mala-Cristong karanasan ng pagkatuto para sa buong klase.

  • Hanapin ang mga pinakamainam na pamamaraan ng pagtuturo sa bata sa pamamagitan ng pagsangguni sa mga magulang, sa ibang kasapi ng maganak, at kapag naaangkop, sa bata.

  • Bago tawagin ang isang batang may kapansanan upang manalangin o kahit paano ay makisali, tanungin siya kung ano ang kanyang pakiramdam tungkol sa pakikisali sa klase. Bigyang-diin ang bawat kakayahan at mga talino ng bawat bata at humanap ng mga paraan upang magawa ng bawat isa na makasali nang matiwasay at matagumpay.

  • Ibagay sa pangyayari ang mga kagamitan ng aralin at ang pisikal na kapaligiran upang matugunan ang bawat pangangailangan ng mga batang may mga kapansanan.

Ang mga karagdagang kagamitan sa pagtuturo sa mga batang may mga kapansanan ay makukuha mula sa mga sentro ng pamamahagi ng Simbahan (tingnan ang “Materials for Those with Disabilities” sa katalogo ng Sentro ng Pamamahagi ng Salt Lake).