Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 32: Nagpapasalamat Ako Para sa Pagkain at Damit


Aralin 32

Nagpapasalamat Ako Para sa Pagkain at Damit

Layunin

Upang tulungan ang bawat bata na makadama at magpahiwatig ng pasasalamat para sa pagkain at damit.

Paghahanda

  1. May panalanging pag-aralan ang Genesis 1:11–12 at 1 Mga Hari 17:8–16.

  2. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Biblia.

    2. Isang prutas o gulay na may mga buto sa loob.

    3. Isang supot ng bins o iba pang malambot na bagay.

    4. Ginupit na larawan 1–5, isda; ginupit na larawan 1–7, baboy; ginupit na larawan 1–8, tupa; ginupit na larawan 1–9, baka; ginupit na larawan 1–22, mga manok (ang mga katulad na ginupit na larawan ay matatagpuan sa pangkat 4 ng mga Ginupit na Larawang Pantulong sa Primarya); o maghanap ng mga larawan ng mga hayop na nagbibigay ng pagkain at kasuotan sa inyong pook.

    5. Larawan 1–15, Pagbabasbas sa Pagkain; larawan 1–50, Ako ay Nakapagbibihis.

  3. Gawin ang mga kinakailangang Paghahanda para sa anumang mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.

Mga Gawain sa Pagkatuto

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Gawaing Pantawag Pansin

Ibigay ang mga sumusunod na tagubilin, na pinupunan ang mga patlang ng mga pangkaraniwang pagkain sa almusal:

Kung gusto ninyong kainin ang para sa almusal, itaas ang isang kamay.

Kung gusto ninyong kainin ang para sa almusal, itaas ang kabilang kamay.

Kung gusto ninyong kainin ang para sa almusal, tumayo.

Magpatuloy sa pamamagitan ng iba pang mga galaw hanggang sa mabanggit ang kahit isa man lamang sa gustong pagkain ng bawat bata. Pagkatapos ay sabihing, “Kung nagpapasalamat kayo sa Ama sa Langit para sa pagkaing inyong kinakain, maupo kayo at ihalukipkip ang inyong mga kamay.”

Ginagamit natin ang mga halaman at mga hayop bilang pagkain

  • Ano pa ang ibang pagkaing gusto ninyong kainin?

  • Saan natin kinukuha ang ating pagkain?

  • Sino ang lumikha sa mga halaman at mga hayop na pinagkukunan natin ng pagkaing kinakain?

Pag-usapan ang tungkol sa ilan sa mga pagkaing inyong kinakain at kung saan nanggagaling ang mga ito. Ipaliwanag na marami tayong nakukuhang pagkain mula sa mga halaman.

Biyakin o buksan ang prutas o gulay na iyong dinala at ituro ang mga buto.

  • Ano ang mga ito?

  • Bakit may buto ang mga halaman?

Ipaliwanag na binalak ng Ama sa Langit na magkaroon ng mga buto ang mga halaman upang sa gayon ay tumubo ang mga buto at dumami pa ang mga halaman na nagbibigay ng pagkain para sa atin (tingnan sa Genesis 1:11–12). Kapag ang isang halaman na katulad ng isang prutas o gulay ay tumubo, higit na maraming mga buto ang nalilikha.

Gawain

Gawin ang sumusunod na talatang gawain na kasama ang mga bata:

Itinatanim nang Malalim ang mga Buto

Itinatanim nang malalim ang mga buto (yumuko at abutin ang sahig sa pamamagitan ng mga kamay).

Sa lupa natutulog ang mga ito (ipatong ang isang kamay sa isa pa, na magkataklob ang mga palad).

Ang dilaw na araw ay maliwanag na sumisikat (ilagay sa may uluhan ang mga kamay upang gumawa ng bilog).

Ang mga patak ng ulan ay marahang bumabagsak (iwagwag ang mga daliri habang papababa ang mga ito).

Ang marahang hangin ay umiihip (ikaway ang mga kamay sa may uluhan).

Ang maliliit na buto ay nagsimulang lumaki (ikawag-kawag ang mga daliri nang pataas mula sa sahig).

Gawain

  • Tumulong na ba kayong magtanim ng mga buto?

  • Ano ang itinanim ninyo?

  • Anong mga pagkain ang nakukuha natin mula sa mga halaman?

Tulungang mag-isip ang mga bata ng ilang prutas, mga gulay at mga butil. Ipaliwanag na ang mga tinapay at cereal ay gawa sa mga butil. Sabihin sa mga bata kung gaano ang iyong pasasalamat sa Ama sa Langit para sa mga buto na lumalaki at nagiging mga prutas, gulay at mga butil.

Ipakitang muli ang mga buto.

Gawain

  • Ano ang kailangan ng mga butong ito upang tumubo?

Kuwento

Isalaysay ang kuwento ni Elias at ng balo ng Sarepta, na matatagpuan sa 1 Mga Hari 17:8–16. Tulungan ang mga bata na maunawaang walang sapat na pagkain dahil walang ulan. Kung walang ulan na nagdudulot ng tubig, walang pagkaing tutubo.

Kuwento

  • Ano ang inyong magiging pakiramdam kung wala kayong makain na pagkain?

  • Paano nabiyayaan ang balo sa pagbabahagi kay Elias ng kakaunting nasa kanya? (Tingnan sa 1 Mga Hari 17:15–16.)

Ipaliwanag na hindi lahat ng ating mga pagkain ay nagmumula sa mga halaman.

Kuwento

  • Saan natin nakukuha ang gatas?

  • Saan natin nakukuha ang mga itlog?

  • Saan natin nakukuha ang karne?

Pag-usapan kung paano ang ilang pagkain ay nagmumula sa mga hayop. Ginagamit ang mga angkop na ginupit na larawan o mga larawan, talakayin ang mga hayop na ginagamit bilang pagkain sa inyong pook.

Ginagamit natin ang mga halaman at mga hayop bilang damit

Ituro na hindi lamang pagkain ang ating nakukuha mula sa mga halaman at mga hayop. Ipakita ang larawan 1–50, Ako ay Nakapagbibihis.

  • Ano ang ginagawa ng batang lalaking ito?

  • Ano ang inyong isinusuot kapag kayo ay nagbibihis?

Gawain

Ipasadula (pantomime) sa mga bata ang pagsusuot ng mga kagamitan sa pananamit katulad ng isang kamiseta, isang baro, sapatos, isang amerikana at isang sumbrero.

Gawain

  • Bakit kailangan natin ang damit? (Upang takpan ang ating mga katawan, upang pangalagaan ang ating mga katawan, upang panatilihin tayong mainit kapag malamig.)

  • Sa anong bagay yari ang damit?

Kung mababanggit ng mga bata ang ilan sa mga kagamitang ginagamit sa paggawa ng damit, tanungin sila kung alam nila kung saan nanggaling ang mga ito. Ipaliwanag na nakakakuha tayo ng mga kagamitan para sa paggawa ng damit at mga sapatos mula sa mga halaman at ng mga hayop. Sabihin sa mga bata kung anong mga halaman o mga hayop ang nagbibigay ng mga kagamitang karaniwang ginagamit para sa damit sa inyong pook. Halimbawa, ang bulak at linen ay nagmumula sa mga halaman, ang seda ay nagmumula sa mga higad. Ang lana ay nagmumula sa tupa, at karamihan sa mga balat ay nagmumula sa mga baka.

Makapagpapasalamat tayo para sa pagkain at damit

Gawain

Hilingan ang mga bata na mag-isip ng mga pagkaing pinasasalamatan nila. Isa-isang ihagis o iabot ang isang supot ng mga bins o malambot na bagay sa bawat bata. Pabanggitin ang bawat bata ng pagkaing kanyang pinasasalamatan at pagkatapos ay ipahagis o ipaabot pabalik sa iyo ang supot ng bins. Talakayin kung saan nanggaling ang pagkain bago ihagis o iabot ang supot ng bins sa kasunod na bata. Paalalahanan ang mga bata na ang bawat halaman o hayop ay nilikha ni Jesus, sa ilalim ng pangangasiwa ng Ama sa Langit.

Ulitin ang gawain, na hinihiling sa bawat bata na magbanggit ng isang kagamitan sa pananamit sa halip na pagkain.

Ipakita ang larawan 1–15, Pagbabasbas ng Pagkain.

Gawain

  • Sino ang dapat nating pasalamatan para sa ating pagkain?

  • Sino ang dapat nating pasalamatan para sa ating damit?

  • Paano nating mapasasalamatan ang Ama sa Langit para sa mga bagay na ito? (Ang isang paraan ay ang pagbanggit ng mga ito sa ating pangarawaraw na mga panalangin.)

Patotoo

Ipahiwatig ang iyong pasasalamat na ginawang maaari ng Ama sa Langit at ni Jesus upang magkaroon tayo ng damit na maisusuot at pagkaing makakain.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.

  1. Bigyan ang mga bata ng isang pirasong papel na may guhit sa gitna na may nakasulat na mga salitang Nagpapasalamat ako para sa: na nakasulat sa itaas. Hayaang gumuhit ang bawat bata ng isang larawan ng pagkain sa isang panig ng guhit at isang kagamitan ng pananamit sa kabilang panig.

  2. Tulungan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga salita sa unang dalawang talata ng “Thanks to Our Father” (Children’s Songbook, p. 20).

  3. Papagkunwariin ang mga bata na mga buto. Hayaang magyumukyok sila na tila sila ay itinanim sa lupa, pagkatapos ay dahan-dahang tumayo habang sumisikat ang araw at dahan-dahang bumabagsak ang ulan sa kanila. Maaaring naisin mong maghalinhinan ang mga bata na maging ang araw at ang ulan.

  4. Magdala ng isang prutas o gulay at bigyan ang mga bata ng kaunting patikim na makakain. Ilarawan ang uri ng buto at halamang pinagmulan ng prutas o gulay. Makipag-alam sa mga magulang ng mga bata upang makatiyak na walang sinumang batang may alerdyi sa pagkaing iyong dala.

  5. Ilarawan ang isang pagkaing pangkaraniwan sa mga bata at hilingin sa kanilang hulaan kung aling pagkain ang inilalarawan mo. Halimbawa, maaari mong sabihing, “Ang pagkaing ito ay puti o kulay tsokolate sa labas. Ito ay may bao. Ito ay nakalagay sa isang salay. Ano ito? (Isang itlog.) Ulitin nang maraming beses hangga’t nais ninyo. Maaaring naisin mong magdala ng patikim ng bawat pagkaing inilarawan mo.”

  6. Magdala ng mga gamit na pagkasuotan katulad ng pangginaw, amerikana at sumbrero at hayaang isukat ng mga bata ang mga ito habang binabangit mo ang mga damit na pinasasalamatan ng mga bata.

Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata

  1. Tulungan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga salita sa “For Health and Strength” (Children’s Songbook, p. 21).

  2. Ipasadula (pantomime) sa mga bata ang pagbibihis habang binibigkas mo ang mga salita sa sumusunod na talatang gawain:

    Mga bata, isuot ang inyong mga pantalon, mga pantalon, mga pantalon.

    Mga bata, isuot ang inyong mga pantalon, isa, dalawa, tatlo.

    Mga bata, isuot ang inyong mga palda, mga palda, mga palda.

    Mga bata, isuot ang inyong mga palda, isa, dalawa, tatlo.

    Mga bata, isuot ang inyong mga kamiseta, mga kamiseta, mga kamiseta.

    Mga bata, isuot ang inyong mga kamiseta, isa, dalawa, tatlo.

    Mga bata, isuot ang inyong mga medyas, mga medyas, mga medyas.

    Mga bata, isuot ang inyong mga medyas, isa, dalawa, tatlo.

    Mga bata, isuot ang inyong mga sapatos, mga sapatos, mga sapatos.

    Mga bata, isuot ang inyong mga sapatos, isa, dalawa, tatlo.

    Mga bata ngayo’y bihis na, mga bihis na, mga bihis na (ipalakpak ang mga kamay).

    Mga bata ngayo’y bihis na; maglaro tayo, halina!