Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 45: Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo (Pasko ng Pagkabuhay)


Aralin 45

Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo (Pasko ng Pagkabuhay)

Layunin

Upang tulungan ang bawat bata na maunawaan na si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli.

Paghahanda

  1. May panalanging pag-aralan ang Lucas 23:33–24:12, 36–40, 51. Tingnan din sa Mga Alituntunin ng Ebanghelyo (31110), kabanata 12.

  2. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Biblia.

    2. Larawan 1–3, Si Jesus ang Cristo (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 240; 62572); larawan 1–16, Ang Pagsilang (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 201; 62495); larawan 1–55, Ang Sermon sa Bundok (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 212; 62166); larawan 1–59, Ang Pagkapako sa Krus (Pakete ng Larawang ng Sining ng Ebanghelyo 230; 62505); larawan 1–72, Nananalangin si Jesus sa Getsemani (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 227; 62175); larawan 1–73, Ang Libing ni Jesus (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 231; 62180); larawan 1–74, Ipinapakita ni Jesus ang Kanyang mga Sugat (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 234; 62503).

  3. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.

Mga Gawain sa Pagkatuto

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Gawaing Pantawag Pansin

Hawakan ang larawan 1–3, Si Jesus ang Cristo, nang nakataob sa iyong kandungan. Sabihin sa mga bata na pag-uusapan ninyo ang tungkol sa isang tao na napakahalaga. Hilingan sa mga bata na hulaan kung sino ang taong ito pagkatapos mong maibigay ang mga sumusunod na pahiwatig:

Gawaing Pantawag Pansin

  1. Mahal na mahal ng taong ito ang bawat isa.

  2. Matagal na siyang namuhay sa mundo at itinatag ang kanyang simbahan.

  3. Tinuruan niya tayo kung paano mamuhay at maging maligaya.

  4. Pinagpala niya ang mga tao at sinabi sa kanilang maging mabait at mapagmahal.

Kapag nahulaan na ng mga bata (o nasabi mo sa kanila) na ang taong ito ay si Jesus, ipakita ang larawan.

Mahal tayo ni Jesus

Paalalahanan ang mga bata na si Jesus ang anak ng Ama sa Langit. Ipinadala ng Ama sa Langit si Jesus sa lupa para sa isang mahalagang layunin.

Kuwento

Ipakita ang larawan 1–16, Ang Pagsilang. Maikling ikuwento ang tungkol sa pagsilang ni Jesus. Maaari mong naising tulungan ka ng mga bata sa pagsasalaysay ng kuwento. Paalalahanan sila na si Jesus ay isang natatanging sanggol.

Ipakita ang larawan 1–55, Ang Sermon sa Bundok. Ipaliwanag na nang lumaki si Jesus, itinatag niya ang kanyang simbahan at tinuruan ang mga tao kung paano mamuhay at mahalin ang bawat isa.

Awit

Patayuin ang mga bata at ipaawit o ipabigkas ang mga salita sa “Lahat ay Magmahalan, Sabi ni Jesus” (Jesus Said Love Everyone, Children’s Songbook, p. 61), na ginagamit ang mga galaw na isinasaad sa ibaba:

Lahat ay magmahalan (ipabukas ang mga kamay);

Sabi ni Jesus (itangu-tango ang ulo).

Kung puso’y may pag-ibig (ilagay ang mga kamay sa tapat ng puso),

Mamahalin ka (yakapin ang sarili).

Ipakita ang larawan 1–72, Nananalangin si Jesus sa Getsemani.

Awit

  • Ano ang ginagawa ni Jesus sa larawang ito?

Ipaliwanag na bago namatay si Jesus, siya ay nagtungo sa isang lugar na tinatawag na Halamanan ng Getsemani upang manalangin. Nagdusa si Jesus doon para sa ating mga kasalanan upang makapagsisi tayo at mapatawad sa mga maling bagay na ating nagagawa. Si Jesus ang tanging tao na may kapangyarihang gawin ito para sa atin. Ginawa niya ito dahil mahal na mahal niya tayo.

Si Jesus ay nabuhay na mag-uli

Ipaliwanag na maraming tao na nabuhay noong kapanahunan ni Jesus sa mundo ang nagmahal sa kanya. Gayunman hindi naibigan ng ilang tao si Jesus. Hindi sila naniwala na siya ang anak ng Ama sa Langit.

Kuwento

Ipakita ang larawan 1–59, Ang Pagpapako sa Krus. Ipaliwanag sa simpleng pananalita ang Pagpapako sa Krus, na katulad ng nakalarawan sa Lucas 23:33–46. Ipaliwanag na ang mga taong ayaw kay Jesus ay naging napakalupit sa kanya. Ibinaon ng mga kawal ang mga pako sa mga kamay at paa ni Jesus at ibinayubay siya sa isang krus. Iniwan nila si Jesus sa krus hanggang sa siya ay mamatay. (Maging maingat sa pagsasalaysay ng kuwentong ito at sa paggawa ng talatang gawain sa ibaba. Ang ilang bata ay maaaring napakasensitibo tungkol sa ideya ng pananakit ng mga tao kay Jesus.)

Ipaliwanag na noong mamatay si Jesus, iniwan ng kanyang espiritu ang kanyang katawan at nagpunta sa langit. Paalalahanan ang mga bata na ang bawat isa sa atin ay may espiritu. Ang ating mga espiritu ay hindi nakikita, ngunit ang mga ito ang dahilan ng ating pagiging buhay.

Ipakita ang larawan 1–73, Ang Libing ni Jesus. Ipaliwanag na kinuha ng mga taong nagmamahal kay Jesus ang kanyang katawan at maingat na binalutan ito ng mga tela. Dinala nila ang katawan ni Jesus sa isang libingan (isang malayungib na lugar kung saan inililibing ang mga tao) at dahan-dahang inihiga ang kanyang katawan doon (tingnan sa Lucas 23:50–56).

Ipakita ang larawan 1–74, Ipinapakita ni Jesus ang Kanyang mga Sugat. Ipaliwanag na makalipas ang tatlong araw pagkatapos ng kanyang pagkamatay, si Jesus ay nabuhay na mag-uli. Siya ay muling nabuhay. Nang mamatay si Jesus, iniwan ng kanyang espiritu ang kanyang katawan. Noong siya ay mabuhay na mag-uli, bumalik ang kanyang espiritu sa kanyang katawan. Si Jesus ang unang taong nabuhay na mag-uli.

Ipaliwanag na maraming tao ang nakakita kay Jesus pagkatapos na siya ay mabuhay na mag-uli (tingnan sa Lucas 24). Tinuruan ni Jesus ang kanyang mga kaibigan at ipinakita sa kanila ang kanyang nabuhay na mag-uling katawan (tingnan sa Lucas 24:36). Siya ay nagpahawak sa kanyang mga kaibigan upang malaman nilang ang kanyang nabuhay na mag-uling katawan ay may laman at mga buto (tingnan sa Lucas 24:39–40). Pagkatapos turuan ang mga tao, si Jesus ay nagpunta sa Ama sa Langit upang mamuhay muli sa piling niya (tingnan sa Lucas 24:51).

Kuwento

  • Bakit nais ni Jesus na hawakan siya ng mga tao? (Tingnan sa Lucas 24:36–40.)

  • Saan nagpunta si Jesus pagkatapos na iwanan niya ang mga tao? (Tingnan sa Lucas 24:51.)

Ipaliwanag na ang araw ng pagkabuhay na mag-uli ni Jesus ay ang unang Pasko ng Pagkabuhay. Ipinagdiriwang natin ang Pasko ng Pagkabuhay sa bawat taon upang tulungan tayong alalahanin na si Jesus ay nabuhay na mag-uli.

Gawain

Patayuin ang mga bata at ipagawa ang mga galaw sa sumusunod na talata na kasama mo:

Si Jesus ay muling nabuhay

Tatlong araw pagkatapos na siya ay mamatay (itaas ang tatlong daliri).

May mga bakas ng pako sa kanyang mga paa at kamay (ituro ang palad at ang mga paa)

At isang sugat na likha ng espada sa kanyang tagiliran (ituro ang tagiliran).

Si Jesus ay dumating at tinuruan tayong lahat (ipakabukas ang mga kamay)

Upang ipamuhay ang tunay na ebanghelyo (ihalukipkip ang mga kamay).

Dahil nabuhay na mag-uli si Jesus,

Mabubuhay ding mag-uli, lahat tayo (itangu-tango ang ulo).

Tayo ay mabubuhay na mag-uli

Tulungan ang mga bata na maunawaan na muling nabuhay si Jesus pagkatapos niyang mamatay. Sa ngayon ay buhay si Jesus sa langit, at hindi na siya muling mamamatay pa. Ipaliwanag na ginawang posible ni Jesus para sa atin na mabuhay na mag-uli na katulad niya. Ang ibig sabihin nito ay mabubuhay na mag-uli ang bawat isa sa atin pagkatapos nating mamatay.

  • May kilala ba kayong namatay na?

Ipaliwanag na kapag namamatay ang mga tao, ang kanilang mga espiritu ay buhay pa rin. Balang araw ang mga ito ay mabubuhay na mag-uli, na ang ibig sabihin ay magsasamang muli ang kanilang mga katawan at mga espiritu na katulad ng nangyari kay Jesus. Maaari mong naising ipaliwanag sa mga bata na maaaring hindi tayo mabuhay na mag-uli pagkalipas ng tatlong araw, katulad ni Jesus, subalit lahat tayo ay mabubuhay na mag-uli balang araw.

Ipaulit sa mga bata ang salitang nabuhay na mag-uli nang ilang beses at sabihin kung ano ang kahulugan nito.

Ituro kung gaano kahanga-hanga na malaman na ang lahat ng mga taong kilala at mahal natin—ang ating mga magulang, mga kapatid na lalaki at babae, mga lolo at lola at mga kaibigan—ay mabubuhay na mag-uli. Tayong lahat ay mabubuhay na mag-uli pagkatapos nating mamatay. Ito ay ginawang posible ni Jesus.

Patotoo

Ibigay ang iyong patotoo na mahal ni Jesus ang bawat isa sa atin. Dahil sa kanyang dakilang pagmamahal sa atin, siya ay nagdusa at namatay at nabuhay na mag-uli upang ang bawat isa sa atin ay mabuhay na mag-uli rin balang araw.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.

  1. Maikling talakayin ang ilang mga karanasan at mga kaugalian sa Pasko ng Pagkabuhay na alam na alam ng mga bata. Kilalanin na ang mga kaugalian sa Pasko ng Pagkabuhay na walang-kaugnayan sa relihiyon ay nakatutuwa, ngunit tulungan ang mga bata na ihiwalay ang mga ideyang iyon mula sa tunay na kahulugan ng Pasko ng Pagkabuhay.

  2. Ipakita sa mga bata ang isang guwantes o kapot. Ihambing ang ating mga katawang lupa sa isang kamay na may nakasuot na guwantes dito. Ipakita kung paanong pinagagalaw ng kamay (espiritu) ang guwantes (ang katawan). Alisin ang guwantes at ipaliwanag na ito ay katulad ng kamatayang pisikal. Ang espiritu at ang katawan ay naghihiwalay, at hindi nakagagalaw ang katawan. Isuot muli ang guwantes sa iyong kamay at ipaliwanag na ito ay katulad ng pagiging buhay na muli. Ngayon ang espiritu at katawan ay magkasamang muli. Paalalahanan ang mga bata na dahil sa si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli, ang lahat ng mga tao ay mabubuhay na mag-uli balang araw.

  3. Gumawa ng mga kopya ng bigay-sipi na pinamagatang “Si Jesus ang Ating Mapagmahal na Kaibigan,” na matatagpuan sa hulihan ng aralin 6, at pakulayan sa mga bata ang mga iyon.

  4. Ihagis o iabot ang isang supot ng mga bins o iba pang malambot na bagay sa isang bata at hayaang sagutin niya ang isa sa mga tanong sa ibaba (o isang katulad na tanong) bago ihagis o iabot ang supot ng bins sa iyo. Magpatuloy hanggang sa magkaroon ng pagkakataon ang bawat bata na sumagot sa isang tanong.

    • Bakit natin ipinagdiriwang ang Pasko ng Pagkabuhay?

    • Sino ang unang taong nabuhay na mag-uli?

    • Ano ang ibig sabihin ng mabuhay na mag-uli?

    • Saan inilagay ang katawan ni Jesus pagkatapos na siya ay mamatay?

    • Pagkatapos na mabuhay na mag-uli si Jesus, maraming tao ba ang nakakita kay Jesus?

    • Bakit pinahawakan ni Jesus sa mga tao ang kanyang nabuhay na mag-uling katawan?

    • Sino pa ang mabubuhay na mag-uli dahil sa si Jesus ay nabuhay na mag-uli?

  5. Tulungan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga salita sa “Did Jesus Really Live Again?” (Children’s Songbook, p. 64) o “Jesus Has Risen” (Children’s Songbook, p. 70).

Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata

  1. Tulungan ang mga bata na gawin ang mga galaw sa sumusunod na talatang gawain habang binibigkas mo ang mga salita:

    Si Jesus ay Nabuhay!

    Ito ang pook na pinaghimlayan ni Jesus (ituro);

    Masdan ang bato’y naigulong papalayo!

    Yumuko; ang loob ay tingnan (yumuko at kusutin ang mga mata).

    Siya ay wala na dito (tumayo)!

    Si Jesus ay nabuhay! Magsaya kayo (ipalakpak ang mga kamay)!

    (Dana Eynon, sa Bible Story Finger Plays and Action Rhymes [Cincinnati, Ohio: Standard Publising Co., 1964], p. 29.)

  2. Ipaliwanag na si Jesus ay namatay at nabuhay na mag-uli sa panahon ng tagsibol. Ang tagsibol ay panahon ng bagong buhay. Ang mga puno at mga bulaklak ay nagsisimulang tumubong muli. Maraming hayop ang isinisilang sa tagsibol. Paguhitin ang bawat bata ng isang larawan ng mga bulaklak o mga batang hayop. Ipakita ang larawan 1–3, Si Jesus ang Cristo, at ipaliwanag na dahil sa nabuhay na mag-uli si Jesus, tayong lahat ay mabubuhay na mag-uli pagkatapos nating mamatay.

  3. Awitin o bigkasin ang mga salita sa “Jesus Loved the Little Children” (Children’s Songbook, p. 59) o “Jesus Is Our Loving Friend” (Children’s Songbook, p. 58). Paalalahanan ang mga bata na ipinagdiriwang natin ang Pasko ng Pagkabuhay upang alalahanin si Jesus at ang kanyang pagkabuhay na mag-uli.