Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 22: Nakagagawa Ako ng Maraming Bagay


Aralin 22

Nakagagawa Ako ng Maraming Bagay

Layunin

Upang tulungan ang bawat bata na malaman na bilang mga anak ng Ama sa Langit ang bawat isa sa atin ay makagagawa ng maraming bagay.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang 1 Samuel 17.

  2. Makipag-alam sa mga magulang ng bawat bata sa klase upang malaman ang isang bagay na nagagawang mabuti o pinag-aaralang gawin ng bata.

  3. Maghanda ng mga pirasong papel na may simpleng mga tagubilin, katulad ng ipalakpak ang mga kamay, bumilang ng hanggang tatlo, lumakad sa paligid ng silid, tumalon, gumuhit ng bilog (sa pisara o isang pirasong papel), tumayo sa isang paa, ihalukipkip ang mga kamay, o ituro ang isang bagay na kulay bughaw. Magkaroon ng mga pirasong papel na kasindami ng mga bata sa klase. Palaging isipin ang mga batang may kapansanan sa iyong klase, at tiyaking isali ang mga bagay na magagawa nila.

  4. Isulat ang pangalan ng bawat bata sa hiwalay na pirasong papel.

  5. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Biblia.

    2. Isang bingwit (kung nanaisin; tingnan ang aralin 11).

    3. Isang sisidlan na paglalagyan ng mga pangalan (kung nanaisin).

    4. Larawan 1–5, Mag-anak na May Sanggol (62307); larawan 1–10, Panalangin ng Mag-anak (62275); larawan 1–38, Mga Batang Naglalaro ng Bola; larawan 1–50, Ako ay Nakapagbibihis; larawan 1–51, Isang Maganak na Sama-samang Gumagawa (62313); larawan 1–52, Pinatay ni David si Goliath (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 112; 62073).

  6. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.

Paalala sa guro: Maging madaling makadama sa mga damdamin ng sinuman sa mga bata sa iyong klase na may mga pisikal na kapansanan. Ituon ang pansin sa mga bagay na nagagawa ng kanilang mga katawan, hindi sa kanilang mga kapansanan.

Mga Gawain sa Pagkatuto

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Gawaing Pantawag Pansin

Itupi ang mga pirasong papel na may pangalan ng mga bata at ilagay ang mga ito sa isang sisidlan o sa sahig. Ipagamit sa isang bata ang bingwit o ang kanyang kamay upang damputin ang isa sa mga piraso ng papel. Hilinging tumayo sa tabi mo ang batang nakapangalan sa nabunot na papel. Sabihin sa klase ang isang bagay na nagagawang mabuti o pinag-aaralang gawin ng batang ito. Ulitin hanggang sa magkaroon ng pagkakataon ang bawat bata na pumili ng pangalan at makapagsabi ka ng tungkol sa bawat bata. Batiin ang mga bata sa mga bagay na nagagawa nila at pinag-aaralang gawin.

Maraming bagay ang nagagawa ng ating katawan

Awit

Awitin ang “Ako ay Anak ng Dios” (Mga Himno at Awit Pambata) na kasabay ang mga bata.

Ako ay anak ng Dios,

Dito’y isinilang,

Handog ay ‘sang tahanang may

Mahal na magulang.

Akayin at patnubayan,

Sa tamang daan.

Turuan ng gagawin,

Nang S’ya’y makapiling.

Awit

  • Sino ang ama ng inyong espiritu?

  • Sino ang nagpadala sa inyo dito sa daigdig upang magkaroon ng katawan?

Pagbalik-aralan na kasama ang mga bata na nagplano ang Ama sa Langit para tayo ay magpunta dito sa daigdig upang magkaroon ng mga katawan. Ipaliwanag na nais niyang matutuhan nating gumawa ng maraming bagay sa pamamagitan ng ating mga katawan at nais na gamitin natin ang ating mga katawan sa mga tamang paraan upang tayo ay maging katulad niya.

Awit

  • Ano ang magagawa ninyo sa pamamagitan ng inyong mga kamay? inyong mga paa? inyong mga bibig? inyong mga mata?

Ipakita ang larawan 1–5, Mag-anak na May Sanggol.

Awit

  • Ano sa palagay ninyo ang magagawa ng sanggol na ito?

Itanong ang mga sumusunod na katanungan o mga katulad nito upang maituro kung gaano karaming mga bagay ang natutuhan ng mga bata simula nang sila ay mga sanggol.

Awit

  • Makalalakad ba ang isang sanggol?

  • Makapagsasalita ba ang isang sanggol?

  • Mapakakain ba ng isang sanggol ang kanyang sarili?

  • Mabibihisan ba ng isang sanggol ang kanyang sarili?

  • Makapagsisirko ba ang isang sanggol?

  • Makakakanta ba ng mga awitin ang isang sanggol?

  • Makasasakay ba ng traysikel ang isang sanggol?

Ipaliwanag na ang mga bata ay lumalaki at matututuhan nilang gawin ang marami pang mga bagay. Isa-isang ipakita ang mga larawan 1–10, 1–38, 1–50, at 1–51. Pahawakan sa isang bata ang larawan habang ipinapaliwanag ng ibang mga bata kung ano ang nangyayari sa larawan. Pagkatapos sumagot ng mga bata, purihin sila sa mga bagay na alam nilang nagagawa ng ating mga katawan.

Gawain

Papiliin ang bawat bata ng pirasong papel na may nakasulat na tagubilin dito. Basahin nang malakas ang tagubilin at ipagawa sa bata ang isinasaad nito. Bigyan ng pagkakataon ang bawat bata.

Gawain

  • Ano ang natututuhan ninyong gawin ngayon?

  • Ano ang gusto ninyong matutuhang gawin kapag mas malaki na kayo?

Sabihin sa mga bata na nagpapasalamat ka sa Ama sa Langit na mayroon tayong mga katawan na nakagagawa ng napakaraming bagay.

Matutulungan tayo ng Ama sa Langit na gumawa ng maraming bagay

Sabihin sa mga bata na kung minsan ay hinihilingan tayong gumawa ng mga bagay na mahirap.

  • Ano ang bagay na mahirap na sinubukan ninyong gawin?

  • Sino ang makatutulong sa atin upang matutuhang gawin ang mga bagay na ito? (Mga magulang, mga kapatid na lalaki at babae, mga guro.)

  • Kanino tayo makapananalangin upang humingi ng tulong kapag kailangan nating gawin ang isang bagay na mahirap? (Ama sa Langit.)

Ipaliwanag na matutulungan din tayo ni Jesucristo kapag ang mga bagay ay mahirap gawin.

Kuwento

Ipakita ang larawan 1–52, Pinatay ni David si Goliath, at isalaysay ang kuwento nila David at Goliath, na matatagpuan sa 1 Samuel 17. Ipaliwanag na tinulungan ni Jesus si David upang magawa ang isang bagay na mahirap.

Kuwento

Patotoo

Ipahiwatig kung gaano ang iyong pasasalamat sa Ama sa Langit para sa iyong katawan at sa maraming bagay na nagagawa nito. Himukin ang mga bata na hilingin sa Ama sa Langit na tulungan silang gamitin ang kanilang mga katawan upang gumawa ng mabubuting bagay.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.

  1. Kasabay ang mga bata, awitin ang “Masayang Gawain” (Fun to Do, Children’s Songbook, p. 253) at gawin ang mga angkop na galaw. Magpamungkahi ng mga galaw sa mga bata para sa karagdagang mga talata.

  2. Bigyan ang mga bata ng papel at mga krayola at hayaang gumuhit ang bawat bata ng isa o higit pang mga bagay na magagawa niya. Isulat ang Magagawa ko ang maraming bagay sa papel ng bawat bata.

  3. Tulungan ang mga bata na pagpasiyahan ang isang bagay na magagawa nila sa tahanan upang matulungan ang isang tao, katulad halimbawa ng paghahanda ng mesa, pagwawalis ng sahig, o pagpapakain ng isang alaga. Paalalahanan sila na sabihin sa kanilang mga magulang ang tungkol dito pagkatapos ng Primarya upang matulungan sila ng kanilang mga magulang na maalala ito.

  4. Ulitin ang ilan sa mga angkop na gawain sa mga aralin 16 hanggang 20.

Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata

  1. Patayuin ang mga bata at awitin ang sumusunod na mga salita sa himig ng “Once There Was a Snowman” (Children’s Songbook, p. 249). Gumamit ng mga galaw na pagyuyumukyok para sa unang talata at mga galaw ng pag-iinat para sa ikalawang talata.

    Minsan ako’y sanggol, sanggol, sanggol.

    Minsa’y ‘sang sanggol na maliit.

    Ngayo’y malaki na, malaki na.

    Ngayo’y malaki na’t mataas!

    Hayaang mag-usap ang mga bata tungkol sa mga bagay na natutuhan nila simula ng sila ay mga sanggol pa.

  2. Ipakita ang galaw katulad ng paglukso, pagpalakpak, o pagtalon, at hilingin sa mga bata na sabihin kung ano ang ginagawa mo. Pagkatapos ay ipagawa sa mga bata ang gayunding galaw. Bigyan ang bawat bata ng pagkakataon na ipakita ang isang galaw. Hilingin na sabihin ng ibang mga bata kung ano ang galaw at pagkatapos ay gayahin ito.