Aralin 38
Maaari Akong Maging Magalang
Layunin
Upang himukin ang bawat bata na ipakita ang pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesus sa pamamagitan ng pagiging magalang.
Paghahanda
-
May panalanging pag-aralan ang Exodo 3:1–10.
-
Mga kailangang kagamitan:
-
Isang Biblia.
-
Larawan 1–19, Si Cristo at ang mga Bata (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 216; 62467); larawan 1–66, Si Moises at ang Natutupok na Kahoy (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 107; 62239); larawan 1–67, Isang Magalang na Klase.
-
-
Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang Mga Gawaing Nagpapayaman ng Kaalaman na nais mong gamitin.
Mga Gawain sa Pagkatuto
Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.
Maaari tayong maging magalang sa simbahan
Ipakita ang larawan 1–67, Isang Magalang na Klase.
-
Nasaan ang mga batang ito?
-
Ano ang ginagawa nila?
-
Ano sa palagay ninyo ang iniisip nila?
-
Paano kayong kumilos kapag dumarating kayo sa Primarya?
Ipaliwanag na kapag dumarating tayo sa simbahan ay dapat tayong kumilos sa isang tiyak na paraan. Ito ay tinatawag na pagiging magalang.
Ipaulit sa mga bata ang salitang magalang nang ilang beses.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pagiging magalang?
Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pagiging magalang ay ang paggawa ng mga bagay na nagpapakita ng pagmamahal at pagpipitagan sa Ama sa Langit at kay Jesus. Naipapakita natin ang ating pagmamahal sa kanila sa pamamagitan ng mga sumusunod na paraan (hayaang ipakita ng mga bata ang ilan sa mga ito habang pinag-uusapan ninyo ang mga ito):
-
Paglalakad nang tahimik at pagsasalita nang mahina.
-
Tahimik na pag-upo at pakikinig sa mga panalangin at mga aralin.
-
Pagtataas ng ating mga kamay kapag may nais tayong sabihin.
-
Paghahalukipkip ng mga kamay.
-
Pagpapanatiling malinis ng bahay-pulungan.
Ipaliwanag na kapag ginagawa natin ang mga bagay na ito, alam ng Ama sa Langit at ni Jesus na mahal natin sila at na maligaya tayo sa pagpunta sa simbahan.
Maaari tayong magkaroon ng magalang na pakiramdam
Ipakita ang larawan 1–19, Si Cristo at ang mga Bata, at ipahiwatig ang iyong nadarama kapag naiisip mo si Jesucristo at kung gaano niya tayo kamahal. Ipaliwanag na ang mga ito ay mga damdamin ng paggalang. Anyayahan ang mga bata na ipahiwatig ang kanilang mga damdamin tungkol kay Jesus.
Maaari tayong maging magalang sa tahanan
Sabihin sa mga bata na hindi lamang ang bahay-pulungan ang lugar na tayo ay dapat na maging magalang.
-
Ano ang ginagawa ninyo sa bahay kapag mayroong nananalangin?
-
Ano ang ginagawa ninyo sa bahay kapag nagdaraos ng gabing pantahanan ng mag-anak?
Ipaliwanag na kapag tahimik tayong nakikinig sa mga panalangin at mga aralin sa tahanan, tayo ay nagiging magalang din. Ipinapakita nito sa Ama sa Langit at kay Jesus na mahal natin sila.
Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman
Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.
-
Pangunahan ang mga bata sa paglalakad nang magalang sa mga pasilyo ng bahay-pulungan. Kung maaari, magpunta sa kapilya. Kapag nakabalik na kayo sa silid-aralan, purihin ang mga bata sa kanilang magalang na kilos at talakayin kung paanong nakatulong ang kanilang pagiging magalang sa ibang tao sa gusali upang maging magalang sa kanilang mga klase.
-
Awitin o bigkasin ang mga salita sa “I Will Try to Be Reverent” (Children’s Songbook, p. 28) o kaya sa “Father, I’ll Reverent Be” (Children’s Songbook, p. 29).
-
Bakasin ang mga paa ng bawat bata sa isang pirasong papel na nasusulatan ng talatang “Dalawang Paa na Masaya.” Hayaang kulayan ng bawat bata ang kanyang bakas at iuwi ito.
-
Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagpapakita ng paraang maaari siyang maging magalang sa klase, katulad ng pag-upo nang tahimik, paghalukipkip ng mga kamay, o pagtataas ng kamay kapag may sasabihin. Pag-usapan kung bakit dapat tayong maging magalang sa bahay ng Ama sa Langit.
-
Tulungan ang mga bata na bigkasin ang mga salita sa isa o kapwa sumusunod na talata. Kumatha ng mga galaw na isinasaad ng mga salita.
Ibukas, Isara [Mga Kamay]
Ibukas, isara;
Ibukas, isara;
Magbigay ng palakpak.
Ibukas, isara;
Ibukas, isara;
Sa kandungan ilapag.
Ikinakaway Ko ang Aking Kamay
Ikinakaway ko ang aking kamay.
Ipinaiikot ko ang aking kamay.
At ito’y aking ipinapalakpak.
Ang aking kamay ay itinataas ko,
Pagkatapos ay ibinababa ito
At sa aking kandungan inilalapag.
Tahimik ang aking mga paa.
Ang mga paa ko’y ipinapahinga.
Matuwid na nakaupo sa aking silya.
Iyuyuko ko ang aking ulo.
Ipipikit ko ang mga mata ko.
Sa panalangin ako’y handa na.
Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata
-
Ipapikit sa mga bata ang kanilang mga mata. Hilingin sa kanilang itaas ang kanilang mga kamay kung naririnig ka nila na naghuhulog ng isang barya o butones. Ihulog ang barya o butones sa sahig o sa mesa.
-
Pagkatapos ay ibalot ang butones o barya sa isang panyo o maliit na piraso ng tela. Hilingin sa mga bata na panatilihing nakapikit ang mga mata nila, makinig na mabuti, at itaas ang mga kamay nila kung maririnig nila ang barya o butones sa pagkakataong ito. Ihulog ang nakabalot na butones o barya sa sahig o sa mesa. Tulungan ang mga bata na maunawaan na maraming maririnig kung tayo ay makikinig.