Aralin 3
Ang Plano ng Ama sa Langit Para sa Atin
Layunin
Upang tulungan ang bawat bata na maunawaan na namuhay tayong kasama ang Ama sa Langit bilang mga espiritung anak bago tayo nagpunta sa lupa at na muli tayong makapamumuhay na kasama niya pagkatapos ng buhay na ito.
Paghahanda
-
Pag-aralan nang may panalangin ang Abraham 3:22–27. Tingnan din ang Mga Alituntunin ng Ebanghelyo (31110), kabanata 2.
-
Mga kailangang kagamitan:
-
Isang magkakasamang kopya ng mga banal na kasulatan.
-
Isang manika o hugis na gawa sa papel.
-
Larawan 1–1, Ang Daigdig (62196); larawan 1–3, Si Jesus ang Cristo (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 240; 62572); larawan 1–5, Isang Mag-anak na May Sanggol (62307); larawan 1–6, Gabing Pantahanan ng Mag-anak (62521); larawan 1–7, Isang Mapagmahal na Mag-anak; larawan 1–8, Pagpapasa ng Sakramento (62021); larawan 1–9, Panalangin sa Umaga (62310); larawan 1–10, Panalangin ng Mag-anak (62275); larawan 1–11, Batang Lalaki na Binibinyagan (62018); larawan 1–12, Batang Babae na Pinagtitibay (62020); larawan 1–13, Joseph Smith (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 400; 62449).
-
-
Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.
Mga Gawain sa Pagkatuto
Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.
Tayo ay mga espiritung anak ng Ama sa Langit
Pagbalik-aralan na kasama ang mga bata kung paano tayong namuhay na kasama ng Ama sa Langit bilang kanyang mga espiritung anak bago tayo isinilang sa daigdig. Maligaya tayo at ibig na ibig natin ang mamuhay na kasama ng Ama sa Langit. Wala pa tayong katawang lupa na taglay natin ngayon, ngunit tayo ay may mga espiritu. Ipaliwanag na ang espiritu ay kamukha ng katawang lupa ngunit walang katawang may laman at mga buto.
Ipinadala tayo ng Ama sa Langit upang mamuhay sa daigdig
Ipakita ang larawan 1–1, Ang Daigdig. Ipaliwanag na ang mundo ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit. Sa ilalim ng pamamahala ng Ama sa Langit, nilikha ni Jesus ang daigdig para sa atin. Ipinadala tayo upang maisilang dito at makatanggap ng katawang lupa.
Ipakita ang larawan 1–5, Isang Mag-anak na May Sanggol. Hayaang pagusapan ng mga bata ang tungkol sa larawan. Sabihin sa kanila na tayo ay nasabik na magpunta sa daigdig at matuto at lumaki. Dumating tayo sa daigdig bilang mga sanggol sa mga mag-anak na magmamahal sa atin at mangangalaga sa atin.
Sabihin sa mga bata na noong tayo ay nagpunta sa daigdig, tayo ay binigyan ng mga katawang lupa na may balat, kalamnan, dugo at mga buto. Ipahipo sa mga bata ang kanilang sariling mga bisig.
-
Nahihipo ba ninyo ang buto sa loob ng inyong bisig?
-
Nakikita ba ninyo at nadarama ang inyong balat?
-
Nahihipo ba ninyo ang inyong mga kalamnan?
Paalalahanan ang mga bata na ang ating mga espiritu na nasa loob ng ating katawan ang nagbibigay sa atin ng buhay, ngunit hindi natin nakikita o nahihipo ang ating mga espiritu. Ang ating mga katawang lupa ay nakikita at nahihipo. Sabihin sa mga bata na malaking pagpapala ang magkaroon ng katawang lupa.
Nais ng Ama sa Langit na bumalik tayo sa kanya balang araw
Ipahiwatig ang iyong pagmamahal sa Ama sa Langit. Sabihin sa mga bata na nais mong bumalik sa Ama sa Langit upang makita mo siya at makapiling siyang muli. Ipaliwanag na ito ay bahagi rin ng plano ng Ama sa Langit. Nais niya na ang bawat isa sa atin ay makabalik upang mamuhay na kapiling niya kapag ang ating buhay sa daigdig ay tapos na. Nais niya na tayo, ang ating mga magulang at ang lahat ng ating mga mag-anak ay makapiling niyang muli.
Ipaliwanag na upang mamuhay na kasama ng Ama sa Langit at ni Jesus, kailangan tayong mabinyagan at tuparin ang lahat ng kautusan. Ipakita ang magkakasamang kopya ng mga banal na kasulatan. Ipaliwanag na ang mga banal na kasulatan ay nagtuturo tungkol sa atin sa Ama sa Langit at kay Jesus at kung ano ang nais nilang gawin natin.
Ginagamit ang mga larawang nakatala sa bahaging “Paghahanda,” pagusapan ang tungkol sa nais ng Ama sa Langit na matutuhan natin at gawin dito sa daigdig. Nais niyang mahalin natin ang ating mag-anak, maging hindi makasarili, magsimba, tumanggap ng sakramento, manalangin sa umaga at gabi, magkaroon ng pangmag-anak na panalangin at gabing pantahanan ng mag-anak, mabinyagan, pagtibayin at tanggapin ang Espiritu Santo, maikasal sa templo, matutuhan ang tungkol sa mga propeta at maging katulad ng Ama sa Langit at ni Jesus.
Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman
Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.
-
Bigyan ang bawat bata ng piraso ng papel na sinulatan mo ng Ako ay anak ng Diyos, at paguhitin ng larawan ng kanyang sarili ang bawat bata. Hayaang ipakita ng mga bata ang kanilang mga larawan sa buong klase. Himukin ang bawat bata na magsabi ng isang mabuting bagay tungkol sa kanyang sarili habang ipinakikita ang larawan.
-
Tulungan ang mga bata na bigkasin ang sumusunod na talata at gawin ang mga galaw na nakasaad:
Ang Nilikha ng Diyos
Ginawa ng Diyos ang buwan (gumawa ng bilog sa pamamagitan ng mga kamay)
At mga bituing kumukutitap (ibukas at isara ang mga kamay)
At inilagay sa kalangitan (umabot paitaas).
Ginawa niya ang araw (gumawa ng bilog sa pamamagitan ng paglalagay ng mga kamay sa uluhan)
At mga puno’t (matuwid na itaas ang mga kamay)
Mga bulaklak (itikom nang kaunti ang mga kamay)
At ibong maliliit na lumilipad (ikampay ang mga kamay).
(Mula sa Fascinating Finger Fun ni Eleanor Doan. © 1951. Ginamit nang may pahintulot.)
-
Isulat ang mga sumusunod na tanong sa hiwalay na mga pirasong papel. Pagbalik-aralan ang aralin sa pamamagitan ng pagpapapili sa bawat bata ng isang pirasong papel. Basahin ang tanong at hayaang sagutin ito ng mga bata. Ulitin kung kailangan upang bigyan ng pagkakataon ang bawat bata.
-
Sino ang isang anak ng Diyos? (Ako; ang lahat.)
-
Saan tayo namuhay bago tayo isinilang sa daigdig? (Sa langit kasama ng Ama sa Langit at ni Jesus.)
-
Bakit hiniling ng Ama sa Langit kay Jesus na gawin ang daigdig para sa atin? (Upang magkaroon tayo ng katawang lupa at malaman ang kailangan nating gawin upang mamuhay na kasama ng Ama sa Langit at ni Jesus.)
-
Ano ang kailangan nating gawin upang mamuhay na muling kasama ang Ama sa Langit at si Jesus? (Sundin ang mga kautusan, maging hindi makasarili, magpabinyag, magpunta sa templo at iba pa. Hayaang ipakita ng mga bata ang angkop na mga larawan habang sinasagot nila ang tanong na ito.)
-
Sino ang ating makakapiling pagkatapos ng ating buhay dito sa daigdig? (Ang Ama sa Langit at si Jesus at ang ating mga mag-anak.)
-
Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata
-
Sa pahintulot ng pangulo ng inyong Primarya, anyayahan ang isang ama na dalhin ang kanyang sanggol sa silid-aralan. Pag-usapan ang tungkol sa mga ama at kung gaano nila kamahal ang kanilang mga anak. Sabihin sa mga bata na mayroon silang dalawang ama na nagmamahal sa kanila: ang ama nila dito sa daigdig at ang kanilang Ama sa Langit. Bago isilang ang mga sanggol dito sa daigdig, sila ay namuhay kasama ng Ama sa Langit. (Paalala: Maging sensitibo sa mga kalagayan ng mga bata sa iyong klase, ang ilan sa mga ito ay maaaring walang ama sa kanilang mga tahanan.)
-
Magdala ng isa o higit pang pares ng “Sapatos ni Itay” sa klase. Pag-usapan ang tungkol sa kung sino ang nagsusuot ng malalaking sapatos na ito. Hayaang ihambing ng mga bata ang sukat ng kanilang sariling mga sapatos o paa sa malalaking ito. Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa paglalakad na ginagamit ang “Sapatos ni Itay.”
-
Awitin o bigkasin ang dalawang unang linya ng “Ako’y Namuhay Doon Sa Langit” (I Lived in Heaven, Children’s Songbook, p. 4).
Ako’y namuhay doon sa langit, totoo;
Doo’y minahal natin ang lahat ng tao.
(© 1987 ni Janeen Jacobs Brady. Ginamit nang may pahintulot.)
-
Sino ang kapiling nating namuhay sa langit? (Ang Ama sa Langit at si Jesus at ang lahat.)
-
-
Tulungan ang mga bata na gawin ang mga galaw sa sumusunod na talatang gawain habang binibigkas mo ang mga salita. Ulitin nang maraming beses alinsunod sa nais mo.
Gumawa ng bilog na ang lahat ay nakatayo at naghahawakan ng mga kamay. Maghawakan ng kamay sa kabuuan ng gawain.
Tayong lahat ay magkakasamang namuhay na kapiling ang Ama sa Langit (ang lahat ay maglalapit-lapit, na inilalagay ang mga kamay papunta sa gitna ng bilog).
Ipinadala niya tayo sa daigdig upang mamuhay (palakihin ang bilog).
Binigyan niya tayo ng mga mag-anak upang mahalin at tayo ay turuan (maglapit-lapit muli).
Ang ating mga mag-anak ay tutulong sa atin upang makapiling niyang muli (palakihin muli ang bilog).