Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 5: Si Jesucristo ang Anak ng Ama sa Langit


Aralin 5

Si Jesucristo ang Anak ng Ama sa Langit

Layunin

Upang tulungan ang bawat bata na maunawaan na si Jesucristo ang anak ng Ama sa Langit.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Mateo 3:13–17 at Lucas 1:26–35; 2:1–7, 41—52. Tingnan din sa Mga Alituntunin ng Ebanghelyo (31110), kabanata 3.

  2. Sa pahintulot ng pangulo ng inyong Primarya, anyayahan ang ama ng isa sa mga bata na magpunta sa klase upang magsalita tungkol sa kanyang anak noong siya ay sanggol pa. Hilingan siyang magdala ng mga larawan at isang paboritong laruan, kung maaari. Himukin siyang magpahiwatig ng pagmamahal para sa kanyang anak.

  3. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Biblia.

    2. Larawan 1–16, Ang Pagsilang (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 201; 62495); larawan 1–17, Ang Batang si Jesus sa Templo (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 205; 62500); larawan 1–18, Binibinyagan ni Juan Bautista si Jesus (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 208; 62133).

  4. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.

Paalala sa Guro: Habang pinag-uusapan ninyo ang tungkol sa mga ama sa araling ito, maging sensitibo sa sinumang bata sa iyong klase na walang mga ama sa kanilang mga tahanan. Bigyang-diin na lahat tayo ay may Ama sa Langit na nagmamahal sa atin. Kung ang ilan sa mga bata sa iyong klase ay may amain, ipaliwanag na mahal din tayo at nag-aalala din sa atin ang ating mga amain.

Mga Gawain sa Pagkatuto

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Gawaing Pantawag Pansin

Tanungin ang mga bata kung kilala nila ang panauhin. Anyayahan ang anak ng panauhin na ipakilala siya sa klase. Pagsalaysayin ang ama sa mga bata ng tungkol sa kanyang anak. Anyayahan ang bawat bata na magsabi ng tungkol sa kanyang ama, katulad ng kulay ng kanyang buhok o kanyang trabaho.

Si Jesucristo ang anak ng Ama sa Langit

Sabihin sa mga bata na ang bawat isa sa kanila ay may dalawang ama: isang ama sa lupa at isang Ama sa Langit. Ang ating ama sa lupa ang ama ng ating katawang lupa. Ang Ama sa Langit ang ama ng mga espiritung nasa loob ng ating mga katawan. Isa lamang ang ama ni Jesus dahil ang Ama sa Langit ang ama ng espiritu ni Jesus at ng kanyang katawang lupa. Kaya nga tinawag si Jesus na Anak ng Diyos.

Kuwento

Ipakita ang larawan 1–16, Ang Pagsilang, at ikuwento ang pagsilang ni Jesus na matatagpuan sa Lucas 1:26–35 at 2:1–7. Bigyang-diin na sinabi ng anghel kay Maria na ang kanyang sanggol ang magiging Anak ng Diyos. Tukuyin ang larawan habang itinatanong mo ang mga sumusunod:

Kuwento

  • Sino dito ang ina ni Jesus?

  • Ano ang pangalan niya? (Tingnan sa Lucas 1:27.)

  • Sino ang lalaki sa larawan? (Tingnan sa Lucas 1:27.)

  • Sino ang ama ni Jesus? (Ang Ama sa Langit. Si Joseph ay isang mabuting tao na pinili ng Ama sa Langit upang mangalaga kina Maria at Jesus.)

Awit

Patayuin ang mga bata at awitin o bigkasin ang mga salita sa “Sa Malayong Sabsaban” (Away in a Manger, Children’s Songbook, p. 42). Kumatha ng angkop na mga galaw ng kamay at bisig na isinasaad ng mga salita.

Sa malayong sabsaban na higaan,

Panginoong Jesus do’n isinilang;

Mga bituin sa langit nagmasid,

Sa pagtulog ng Panginoong Jesus.

Mahal ni Jesus ang Ama sa Langit at sinusunod siya

Kuwento

Ipakita ang larawan 1–17, Ang Batang si Jesus sa Templo, at isalaysay ang kuwento tungkol kay Jesus na nasa templo, na matatagpuan sa Lucas 2:41–52. Bigyang-diin na si Jesus ay nagpunta sa templo dahil mahal niya ang Ama sa Langit at nais niyang turuan ang mga tao ng tungkol sa kanya.

Kuwento

  • Ano ang ginagawa ni Jesus sa templo? (Tingnan sa Lucas 2:46.)

Gawain

Patayuin ang mga bata at gawin ang sumusunod na talatang gawain nang ilang ulit:

Ang batang Jesus ay nagpunta sa templo (lumakad sa kinatatayuan)

Bago siya lumaking malakas at matangkad (iunat ang mga bisig paitaas)

Upang gawin ang gawain ng kanyang Ama (iunat ang mga kamay)

Sapagkat tayong lahat ay mahal niya (yakapin ang sarili).

Kuwento

Ipakita ang larawan 1–18, Binibinyagan ni Juan Bautista si Jesus, at ikuwento ang pagbibinyag kay Jesus, na matatagpuan sa Mateo 3:13–17. Ipaliwanag na si Jesus ay nagpabinyag dahil mahal niya ang Ama sa Langit at nais na sundin siya. Nais din ni Jesus na magpakita ng mabuting halimbawa sa atin. Basahin nang malakas ang talata 17 (na nagsisimula sa Ito ang sinisinta kong Anak), at ipaliwanag na ito ang mga salita ng Ama sa Langit. Ang Ama sa Langit ay natutuwa na si Jesus ay nabinyagan.

Kuwento

  • Nakakita na ba kayo ng isang taong bininyagan?

Ipaliwanag na ang isang paraan na magiging masunurin ang mga bata sa Ama sa Langit at maipakikita sa kanya na siya ay mahal nila ay sa pamamagitan ng pagpapabinyag kapag sila ay walong taong gulang na.

Patotoo

Ibigay ang iyong patotoo na si Jesucristo ang anak ng Ama sa Langit. Ipahiwatig ang iyong pagmamahal kay Jesus at ang pasasalamat na iyong nadarama para sa kanya.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang magamit sa aralin.

  1. Ilagay nang nakapataob sa iyong kandungan o sa mesa ang tatlong larawan na mula sa aralin. Anyayahan ang isang bata na pumili ng isa sa mga larawan, ipakita ito sa klase, at ikuwento ang inilalarawan ng larawan. Gawin din ang gayon sa dalawang larawan.

  2. Ipaawit o ipabigkas ang mga salita sa unang talata ng “Ang Kuwentong Tungkol kay Jesus” (Tell Me the Stories of Jesus, Children’s Songbook, p. 57).

  3. Ipasadula sa mga bata ang kuwento ng pagsilang ni Jesus na ginagamit ang mga simpleng kagamitan katulad ng isang manika, isang alampay, at malalaking panyo.

Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata

  1. Ipakita ang larawan 1–6, Ang Pagsilang, at tanungin ang mga bata kung sino ang sanggol na nasa larawan. Sabihin sa kanila ang tungkol sa pagsilang ni Jesus.

    Ipaliwanag na si Jesus ay hindi na sanggol. Malaki na siya ngayon at siya ang pinakamahalagang katulong ng Ama sa Langit. Ipakita ang larawan 1–3, Si Jesus ang Cristo, at sabihin sa mga bata na mahal na mahal tayo ni Jesus at tinutulungan tayo sa maraming paraan.

  2. Patayuin ang mga bata at ipaawit ang sumusunod na mga salita sa himig ng “Once There Was a Snowman” (Children’s Songbook, p. 249). Gamitin ang pagyuyumukyok na mga galaw para sa unang talata at pag-iinat para sa ikalawang talata.

    Minsan ako’y sanggol, sanggol, sanggol,

    Minsan ay sanggol na maliit.

    Ngayo’y malaki na, malaki na,

    Ngayo’y malaki na’t mataas!

  3. Paunang kausapin ang mga magulang ng mga kasapi ng iyong klase upang makakuha ng mga larawan ng mga kasapi ng klase noong sila ay sanggol pa at mga laruan na kanilang pinaglalaruan noon. Ipakita ang mga ito sa klase. Kilalanin ang sanggol sa bawat larawan o ang may-ari ng bawat laruan. Ipaliwanag na noong sila ay mga sanggol pa, ang mga bata ay kamukha ng mga nasa larawan at naglalaro ng mga laruan.