Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 13: Nagpapasalamat Ako Para sa mga Ibon at mga Kulisap


Aralin 13

Nagpapasalamat Ako Para sa mga Ibon at mga Kulisap

Layunin

Upang tulungan ang bawat bata na makadama ng pasasalamat sa Ama sa Langit at kay Jesucristo para sa mga ibon, mga kulisap, at mga bagay na gumagapang.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Genesis 1:20–25 at 1 Mga Hari 16:29–17:6.

  2. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Biblia.

    2. Kung maaari, kumuha ng mga larawan ng mga ibon, mga kulisap, at mga bagay na gumagapang na pangkaraniwan sa inyong pook.

    3. Mga ginupit na larawan 1–20 hanggang 1–25, mga ibon at mga kulisap (ang mga katulad na ginupit na larawan ay matatagpuan din sa mga pangkat 4 at 5 ng mga Ginupit na Larawang Pantulong sa Primarya).

    4. Larawan 1–31, Pinakakain si Elias ng mga Uwak; larawan 1–32, Ang Himala ng mga Ibong Dagat (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo, 413; 62603).

  3. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.

Mga Gawain sa Pagkatuto

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Gawaing Pantawag Pansin

Ibigay ang sumusunod na mga pahiwatig at ipahula sa mga bata ang sagot sa tanong na “Ano Ako?”

Gawaing Pantawag Pansin

  1. Ako ay may tuka.

  2. Ako ay may mga balahibo.

  3. Ako ay may pakpak.

  4. Ako ay lumilipad sa himpapawid.

Kapag nahulaan ng mga bata ang “isang ibon,” pasundin mo sila sa iyo at magkunwaring mga ibon na lumilipad sa paligid ng silid. Akayin silang pabalik sa kanilang mga upuan.

Inatasan ng Ama sa Langit si Jesucristo na likhain ang mga ibon

Ipaliwanag na ipinalikha ng Ama sa Langit kay Jesucristo ang mga ibon upang masiyahan tayo at gawing magandang lugar na tirahan ang daigdig. Ipakita ang Biblia at sabihin sa mga bata na ang Biblia ay nagsasabi sa atin ng tungkol sa paglikha ng mga ibon (tingnan sa Genesis 1:20–23).

Ipaliwanag na iba’t ibang uri ng mga ibon ang nabubuhay sa buong mundo. Isa-isang ipakita ang anumang mga larawan ng mga ibon na nakuha mo at ang mga ginupit na hugis ng mga ibon.

  • Ito ba ay isang ibon?

  • Paano ninyong masasabi na ito ay isang ibon? (Ito ay may mga pakpak, balahibo, at tuka.)

Hayaang mag-usap ang mga bata tungkol sa anumang mga karanasan na mayroon sila sa mga ibon.

Matutulungan tayo ng mga ibon

Kuwento

Ipakita ang larawan 1–31, Pinakakain si Elias ng mga Uwak, at isalaysay ang kuwento tungkol sa pagpapakain ng mga uwak kay propetang Elias, na matatagpuan sa 1 Mga Hari 17:1–6. Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang Ama sa Langit at si Jesus ay may kapangyarihan sa lahat ng bagay, maging sa mga ibon. Sinabihan ni Jesus ang mga ibon na alagaan si Elias nang kailanganin niyang magtago mula sa masamang haring si Ahab.

Kuwento

  • Paanong nalaman ng mga uwak na dapat silang magdala ng pagkain kay Elias? (Tingnan sa 1 Mga Hari 17:4.)

  • Anong uri ng pagkain ang dinala ng mga uwak? (Tinapay at karne; tingnan sa 1 Mga Hari 17:6.)

Gawain

Pumili ng isang bata upang maging Elias. Papagkunwariin ang ibang mga bata na sila ang mga uwak na nagdadala ng pagkain sa umaga at muli sa gabi.

Kuwento

Isalaysay ang sumusunod na kuwento tungkol sa mga ibong dagat at mga kuliglig sa sarili mong salita:

Nang dumating ang mga tagabunsod sa Salt Lake Valley, sila ay nagtanim ng trigo at iba pang mga butil. Kailangan nila ang butil upang makagawa ng tinapay at iba pang pagkain. Ang mga trigo ay nagsilaki at nagsitaas. Nang halos aanihin na lamang ang trigo, isang malaking ulap ang pumuno sa himpapawid. Ito ay hindi ulap-ulan, kundi ulap ng libu-libong nagugutom na itim na mga kuliglig. Ang mga kuliglig ay dumapo sa trigo at nagsimulang kainin ito.

Ginawa ng mga tagabunsod ang lahat ng kanilang magagawa upang mapigilan ang mga kuliglig mula sa pagkain ng trigo. Nagsiga sila, hinampas ng mga walis at kumot ang mga kuliglig, at sinikap din na sabuyan ng tubig ang mga kuliglig. Ngunit hindi tumigil ang mga kuliglig. Natakot ang mga tagabunsod na sila ay mawalan ng pagkain sa taglamig. Sila ay lumuhod upang manalangin at humingi ng tulong sa Ama sa Langit.

Hindi nagtagal ay dumating ang malaking kawan ng mga ibong dagat at nagsimulang kainin ang mga kuliglig. (Ipakita ang larawan 1–32, Ang Himala ng mga Ibong Dagat.) Hindi nagtagal, marami sa mga kuliglig ang umalis na. Pinasalamatan ng mga tagabunsod ang Ama sa Langit sa pagpapadala ng mga ibong dagat at pagliligtas sa kanilang mga pananim (tingnan sa William E. Berrett, The Restored Church [Salt Lake City: Deseret Book Co., 1961], p. 283– 85).

Kuwento

  • Paanong tinulungan ng mga ibong dagat ang mga tagabunsod?

Inatasan ng Ama sa Langit si Jesucristo na lumikha ng mga kulisap at mga bagay na gumagapang

Sabihin sa mga bata na nilikha rin ni Jesucristo ang mga kulisap at mga bagay na gumagapang katulad ng mga gagamba at mga ahas. Ang mga nilikhang ito ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit.

Gawain

Pahulaan sa mga bata ang mga kulisap at mga bagay na gumagapang na inilarawan sa sumusunod na mga bugtong. Kapag nahulaan ang bawat bugtong, ipakita at talakayin ang naaangkop na ginupit na hugis.

Gawain

  1. Ako ay dilaw at ako’y umuugong.

    Sa aking tiyan ay may nakabalot.

    Ako ay gumagawa ng pulut-pukyutan

    Para sa iyo at sa akin.

    Ako ay isang . (Pukyutan; gumawa ng tunog na umuugong.)

  2. Sapot ay hinahabi upang pagkain ay mahuli.

    Walong lahat ang aking mga binti.

    Kadalasan ako’y hindi gusto ng mga tao.

    Mahuhulaan ba ninyo kung ano ako? (Gagamba; igalaw ang mga daliri na katulad ng mga binti.)

  3. Minsan ako ay isang higad.

    Sa himpapawid ay nakalilipad.

    Ako’y may magagandang pakpak.

    Ako ay isang . (Paru-paro; dahan-dahang igalaw ang mga daliri na katulad ng mga pakpak.)

Gawain

  • Ano ang nalalaman ninyo tungkol sa mga nilikhang ito?

Ipaliwanag na ang mga kulisap ay nilikha sa maraming kadahilanan. Ang ilang mga kulisap ay maaaring kainin ng mga ibon, mga hayop, at iba pang mga kulisap; ang ilan ay nakagagawa ng magandang tanawin at mga tunog. Ang mga pukyutan ay gumagawa ng pulut-pukyutan para kainin natin, at ang mga ito ay tumutulong sa paglaki ng mga bungang-kahoy, mga bulaklak, at mga gulay.

Gawain

Ipakita ang ginupit na larawan ng isang pukyutan at anumang larawan ng mga pukyutan o bahay-pukyutan na nakuha mo. Ilarawan kung paanong nagtitipon ng nektar ang mga pukyutan mula sa mga bulaklak upang gamitin sa paggawa ng pulut-pukyutan, at pagkatapos ay pagkunwariin ang mga bata na sila ay mga pukyutan na nagpapalipat-lipat sa mga bulaklak upang kumuha ng nektar upang gawing pulut-pukyutan.

Gawain

  • Aling mga kulisap ang gusto ninyo? Bakit?

Ipakita ang anumang larawan ng mga kulisap na nakuha mo. Ipaliwanag na ang ilang kulisap ay nakababahala sa atin. Kinakain nila ang ating pagkain at maaari tayong kagatin o tusukin. Paalalahanan ang mga bata tungkol sa kuwento ng mga ibong dagat at mga kulisap. Kinakain ng mga kulisap ang lahat ng pagkain ng mga tagabunsod.

Ipaliwanag na karaniwan, kapag sinasaktan o ginagambala tayo ng mga kulisap ay sinisikap lamang nilang pangalagaan ang kanilang mga sarili.

Patotoo

Paalalahanan ang mga bata na ang mga ibon, mga kulisap, at iba pang mga gumagapang na bagay ay mahalagang bahagi ng ating daigdig. Ipahiwatig ang iyong damdamin ng pasasalamat para sa mga nilikhang ito.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.

  1. Laruin ang larong paru-paro. Paupuin nang pabilog ang mga bata. Pumili ng isang bata upang maging paru-paro. Iwawagayway ng batang ito ang isang paru-parong papel sa may uluhan ng ibang mga bata habang lumalakad nang paikot sa labas ng bilog. Habang lumalakad ang bata na paikot sa bilog, bigkasin ang talatang ito:

    Isang munting paru-paro ang lumipad papalayo

    Sa ilalim ng matinding sikat ng araw.

    Ito’y lumipad sa bughaw na himpapawid,

    At nang ito’y dumapo, ito’y dumapo sa iyo!

    Kapag sinabi mong, “Ito’y dumapo sa iyo,” ay ilalagay ng bata na siyang paru-paro ang paru-parong papel sa kandungan ng ibang bata. Ang batang iyon ang siya na ngayong paru-paro. Ulitin ang talata hanggang sa ang bawat bata ay magkaroon ng pagkakataon na maging paru-paro.

  2. Ipaliwanag sa payak na paraan kung paanong nagiging paru-paro ang isang higad. Papagkunwariin ang mga bata na sila ay mga higad na humahabi ng mga bahay-uod. Paupuin sila sa kanilang mga upuan o sa sahig at ipayakap sa pamamagitan ng kanilang mga kamay ang kanilang mga binti, na nagkukunwaring natutulog. Sabihin sa kanila na kapag ang higad ay nagiging paru-paro, ang mga pakpak nito ay nagsisimulang gumalaw at umunat. Ipaunat sa mga bata ang kanilang mga kamay. Paalalahanan ang mga bata na ang mga paru-paro ay napakatahimik, maging kapag sila ay gumagalaw. Hayaang tumayo ang mga bata at magkunwaring lumilipad nang tahimik sa paligid ng silid.

  3. Kasama ang mga bata, bigkasin ang mga salita sa “Ang Mundo’y Malaki” (The World is So Big, Children’s Songbook, p. 235). Gamitin ang mga galaw sa ibaba sa “Ang Mundo’y Malaki”:

    Ang mundo’y malaki at bilog (gumawa ng malaking bilog sa pamamagitan ng mga bisig),

    Naririto ang likha ng Dios;

    Bundok (ihugis bundok ang mga kamay sa uluhan)

    Lambak (ilagay ang mga kamay sa harapan na nakataob ang mga palad)

    Punong mataas (iunat ang mga kamay paitaas),

    Malalaki’t (umabot paitaas)

    Maliit na hayop (umabot pababa).

    Ang mundo’y malaki at bilog (gumawa ng malaking bilog sa pamamagitan ng mga bisig).

    Tayong lahat ay mahal ng Dios (hawakan ang mga bisig at yakapin ang sarili).

  4. Bigkasin ang mga salita sa “Lahat ng Bagay na Maganda” (All Things Bright and Beautiful, Children’s Songbook, p. 231), na ginagamit ang mga galaw na isinasaad sa ibaba:

    Lahat ng bagay na maganda (gumawa ng malaking bilog sa pamamagitan ng mga bisig),

    Malaki’t maliit (iunat ang mga bisig, pagkatapos paglapitin ang mga kamay),

    Ang lahat ng kahanga-hanga (ituro ang isang daliri sa ulo),

    Ay nilikha ng Dios (ihalukipkip ang mga bisig tulad sa panalangin).

    Bawat munting bulaklak (gumawa ng kamao, pagkatapos buksan ang kamay),

    Bawat ibong humuhuni (paglapitin ang mga daliri at hinlalaki tulad sa tuka ng ibon),

    Ginawa N’ya ang kulay (iwagayway ang bisig tulad sa hugis bahaghari);

    At kanilang pakpak (ipagaspas ang mga kamay tulad sa mga pakpak).

  5. Magdala ng isang garapon ng pulut-pukyutan upang makita at matikman ng mga bata. (Makipag-alam sa mga magulang upang makatiyak na walang sinuman sa mga bata ang may alerdyi sa pulut-pukyutan.)

  6. Tulungan ang mga bata na gawin ang isa o kapwa sumusunod na mga laro ng mga daliri:

    Dalawang Maliliit na Humuhuning Ibon

    Dalawang maliliit na humuhuning ibon

    Ang naupo sa isang bakod (ilagay ang daliri sa magkabilang balikat),

    Ang pangalan ng isa ay Pedro (itaas ang kaliwang daliri)

    At ang isa ay si Pablo (itaas ang kanang daliri).

    Lumipad ka, Pedro (ilagay ang kaliwang daliri sa likuran);

    Lumipad ka, Pablo (ilagay ang kanang daliri sa likuran).

    Magbalik ka, Pedro (ilagay muli sa balikat ang kaliwang daliri);

    Magbalik ka, Pablo (ilagay muli sa balikat ang kanang daliri).

    Bahay-pukyutan

    Narito ang bahay-pukyutan (itikom nang pataob ang kaliwang kamay).

    Nasaan ang mga pukyutan?

    Nakatago sa hindi nakikita ng sinuman (itago ang mga daliri ng kanang kamay sa ilalim ng nakatikom na nakataob na kaliwang kamay).

    Hindi magtatagal at sila’y magliliparan

    Papalabas sa bahay-pukyutan (ilabas ang kanang kamay at ibukas nang isaisa ang mga daliri habang nagbibilang ang mga bata).

    Isa, dalawa, tatlo, apat, lima! BZZZ!

Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata

  1. Ipakita ang isang simpleng larawan, ginupit na hugis, o guhit ng isang ibon. Sabihin sa mga bata na inutusan ng Ama sa Langit si Jesucristo na likhain ang mga ibon (tingnan sa Genesis 1:20–23). Ipahiwatig ang iyong pasasalamat para sa mga ibon.

  2. Ipaliwanag na ang mga ibon ay may natatanging mga tuka upang tulungan silang damputin ang kanilang pagkain. Pailagay sa mga bata ang mga kamay nila sa kanilang bibig na katulad ng mga tuka at magkunwaring dumadampot ng pagkain. Ipaliwanag na ang mga ibon ay mayroon ding mga pakpak upang tulungan silang lumipad. Paikampay sa mga bata ang kanilang mga kamay at magkunwaring lumilipad.

  3. Bigkasin ang mga salita sa “Mga Ibon sa Puno” (Birds in the Tree, Children’s Songbook, p. 241), na ginagamit ang mga galaw na isinasaad sa ibaba:

    Ang maliit na pugad (magkasamang itikom nang bahagya ang mga kamay)

    Sa puno’y makikita (itaas ang mga kamay at gumawa ng bilog sa may uluhan).

    Itlog ay bilangin mo;

    Isa, dalawa, tatlo (itaas ang isa, dalawa at talong mga daliri).

    Inahi’y nasa pugad (itikom nang bahagya ang kaliwang kamay, ipatong ang kanang kamay)

    Nang itlog ay limliman (itaas ang tatlong daliri).

    Ama’y palipad-lipad (igalaw ang mga kamay na tila lumilipad)

    Upang sila’y bantayan.

  4. Tulungan ang mga bata na gawin ang sumusunod na laro ng daliri:

    Maliliit na Gagamba

    Maliliit na gagamba umakyat sa sanga (gamitin ang dalawang daliri ng isang kamay upang “akyatin” ang kabilang kamay).

    Dumating ang ulan, itinaboy sila (itaas ang mga kamay sa may uluhan, pagkatapos ay ibaba habang iwinawagwag ang mga daliri).

    Sumikat ang araw, natuyo ang sanga (gumawa ng bilog sa may uluhan sa pamamagitan ng dalawang kamay).

    Maliliit na gagamba palaging masaya (ulitin ang galaw mula sa unang linya).