Mga Tulong Para sa Guro
Layunin
Ang manwal na ito ay isinulat upang matulungan kang turuan ang mga bata na sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ni Jesucristo ay maaari silang pumili ng tama, magpabinyag, at maging mga kasapi ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling-araw.
Mensahe sa mga Guro sa Primarya
Binigyan ka ng ating Ama sa Langit ng isang banal na tungkulin na turuan ang mga bata ng ebanghelyo ni Jesucristo at tulungan silang matuto na ipamuhay ito. Habang pinaglilingkuran mo ang mga bata at inaanyayahan ang bawat isa na “lumapit kay Cristo,” ay mapagpapala mo ang kanilang mga buhay. Matutulungan mo sila na magsimulang maunawaan ang mga pagpapala ng Ama sa Langit at tumanggap ng mga patotoo ng kanyang ebanghelyo. Ikaw ay magkakaroon din ng pansariling pag-unlad at matututo mula sa mga bata. Makapagdudulot sa iyo ng malaking kagalakan ang iyong paglilingkod sa Primarya. Sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga bata sa Primarya, ikaw ay naglilingkod din sa Ama sa Langit (tingnan sa Mosias 2:17).
Habang ipinamumuhay mo ang mga alituntunin ng ebanghelyo, pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan, sinusunod ang payo ng mga pinuno sa pagkasaserdote, at lumalapit sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin, ikaw ay tatanggap ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo hinggil sa mga batang tinuturuan mo. Madalas na ibigay ang iyong patotoo sa mga bata, at hayaang kumilos ang Espiritu Santo sa pamamagitan mo sa mahalagang tungkuling ito. Habang ginagawa mo ito, papatnubayan ka ng Espiritu upang anuman ang mga ginagawa mo sa Primarya ay maging ayon sa ninanais ng ating Ama sa Langit para sa kanyang mga anak.
Kaalaman Tungkol sa Klase
Ang kalasag na PAT, na matatagpuan sa harapan ng manwal na ito, at ang singsing na PAT ay ginagamit sa ilang aralin. Ang PAT ay sumasagisag sa “Piliin ang Tama.” Ang singsing na PAT ay binabanggit sa ilang aralin at mga gawaing nagpapayaman sa kaalaman at ginagamit bilang paalaala sa may-ari nito na piliin ang tama. Kung may makukuhang singsing na PAT sa inyong pook, hilingin sa obispo o pangulo ng sangay na maglaan ng pondo upang makabili ng singsing para sa bawat bata.
Oras ng Klase
Panalangin
Simulan at tapusin ang bawat oras ng klase sa pamamagitan ng panalangin. Bigyan ang bawat bata ng palagiang pagkakataon na manalangin. Gawing makabuluhang bahagi ng klase ang panalangin sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga tagubilin at mungkahi para sa mga panalangin at sa pamamagitan ng pagtatanong sa mga bata ng mga ideya na isasama sa panalangin. Ituon ang iyong mga mungkahi sa mga pangangailangan ng klase at sa mensahe ng aralin.
Pagtuturo ng Aralin
Ihanda ang bawat aralin nang buong ingat at nang may panalangin upang maunawaan at ikalugod ito ng mga bata at upang mapasaiyo ang patnubay ng Espiritu. Huwag basahin ang mga aralin sa mga bata. Makasasagot sila nang mas mabuti kung ilalahad mo ito na ginagamit ang sarili mong pananalita.
Piliin mula sa mga materyal ng aralin ang mga naaangkop sa iyong klase. Ang mga gawaing nagpapayaman sa kaalaman na nakalista sa hulihan ng bawat aralin ay nilayon na gamitin habang inilalahad ang aralin kung inaakala mong naaangkop ito. Hindi lahat ng materyal ng aralin o mga gawaing nagpapayaman sa kaalaman ay magiging angkop sa iyong klase. Piliin ang mga kalulugdang mabuti ng iyong klase. Kung may mas maliliit na bata sa iyong klase, maaaring naisin mong madalas na gumamit ng mga awit at larong pandaliri sa oras ng aralin na makatutulong upang panatilihing nakatuon ang kanilang pansin. Maaari mong ulitin ang isang talatang gawain nang ilang ulit kung nasisiyahan ang mga bata rito. Sa halip na mga sinulatang piraso ng papel para sa mga mas maliliit na bata, maaari kang gumuhit ng mga larawan o gumupit mula sa mga magasin ng mga paglalarawan ng ideyang itinuturo sa mga sinulatang piraso ng papel.
Ang manwal na Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin (33043) ay makatutulong sa iyo nang malaki sa pagtuturo ng mga aralin.
Madalas na magbigay nang maikli mong personal na patotoo upang lalong pakinggan at tumugon ang mga miyembro ng klase sa mensahe ng ebanghelyo nang may Espiritu.
Musika sa Silid-aralan
Ang musika ay makapagdadala sa Espiritu ng Panginoon sa silid-aralan. Ang pag-awit bilang isang klase ay makatutulong sa mga bata upang higit na maalaala ang mga ideya ng aralin at magagawa nitong mas kawili-wili ang iyong mga aralin.
Ang mga titik sa mga awit na madalas banggitin ay nakalimbag sa likod na manwal. Ang mga titik sa mga awit na minsan lamang ginamit sa manwal ay kasama sa mga aralin. Ang mga tugtog para sa mga awit na ito ay matatagpuan sa Aklat ng mga Awit Pambata (Children’s Songbook, hardbound, 31246; spiral bound, 33441). Ang mga nakarekord na tugtog mula sa Children’s Songbook, ay nasa mga audiocassette (tugtog lamang, 52505; mga titik at tugtog, 50428).
Hindi ka kailangang maging isang dalubhasang manunugtog upang gawing makahulugang karanasan ang pag-awit sa silid-aralan. Pag-aralan at sanayin ang mga awit sa tahanan bilang bahagi ng iyong paghahanda sa aralin. Kung kailangan mo ang natatanging tulong, humingi ng tulong mula sa pinuno ng musika (music leader) o sa tumutugtog. (Para sa karagdagang tulong, tingnan sa Musika sa Silid-Aralan , Ang Aklat Kung Paano Tinuturuan ang mga Bata [31109], p. 40–42.)
Maaaring naisin mong gumamit ng mga angkop na galaw sa mga awit, lalo na sa mas maliliit na bata. Maaari mo ring bigkasin ang mga salita sa halip na awitin ang mga ito.
Mga Saligan ng Pananampalataya
Ang mga Saligan ng Pananampalataya ay mahalagang bahagi ng kurikulum ng Primarya. Himukin ang mga batang kayang magsaulo na isaulo ang lahat o ang mga bahagi ng isang saligan ng pananampalataya na ginamit sa aralin.
Mga Banal na Kasulatan
Dalhin ang iyong mga banal na kasulatan sa klase tuwing linggo at ipakita mo sa mga bata na nagbabasa at nagtuturo ka mula sa mga ito. Kung may sariling sipi ng mga banal na kasulatan ang mga bata, himukin sila na dalhin ang mga ito sa klase tuwing linggo. Tulungan ang mas malalaking bata na hanapin at basahin ang mga talata na ginagamit sa aralin. Paminsan-minsan ay ibigay ang iyong patotoo tungkol sa kahalagahan ng mga banal na kasulatan.
Mga Pantulong sa Pagtuturo
Mga larawan. Ang karamihan sa mga larawan na ginamit sa mga aralin ay may bilang at nakapaloob sa isang pakete na kasama ng manwal. Ang mga larawang ito ay dapat na manatiling kasama ng manwal. Isang bilang ng aklatan ang nakalista sa mga aralin para sa mga larawan na maaaring makuha sa mas malalaking sukat sa inyong aklatan ng bahay-pulungan. May nakalista rin na bilang ng Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo para sa mga larawan na nakasama sa paketeng iyon.
Musika. Tingnan sa “Musika sa Silid-aralan” na nasa itaas.
Mga ginupit na larawang pantulong. Gupitin at gamitin ang mga hugis na naaangkop sa mga aralin. Palaging isama ang mga ito sa manwal.
Pagkain. Sa tuwing ang isang aralin ay nagmumungkahi na gumamit ng pagkain, mangyari lamang na paunang makipag-alam sa mga magulang ng mga bata upang makatiyak na walang sinuman sa mga bata ang may alerdyi o iba pang nakasasamang pisikal na reaksiyon sa pagkain.
Iba pang mga pantulong sa pagtuturo. Kakailanganin mong gumawa ng iba pang mga simpleng pantulong sa pagtuturo na iminumungkahi sa mga aralin, tulad ng mga sinulatang piraso ng papel, mga tsart, at mga bisay-sipi. Itabi ang mga pantulong na ito upang magamit sa iba pang mga aralin at sa mga susunod na taon.
Mga Pagtatanghal sa Oras ng Pagbabahagi
Paminsan-minsan ay magbibigay ang iyong klase ng simpleng pagtatanghal ng ebanghelyo sa oras ng pagbabahagi sa Primarya. Ang gayong mga pagtatanghal ay dapat na hango mula sa mga aralin. Maghanap ng mga angkop na ideya para sa oras ng pagbabahagi habang inihahanda at inilalahad mo ang mga aralin. Maaari ka ring pumili ng isang alituntunin mula sa kasalukuyang pulong sakramentong pagtatanghal ng mga bata.
Ang pagpapahintulot na magturo ang mga bata ng isang alituntunin ng ebanghelyo sa oras ng pagbabahagi ay isang mabisang paraan upang tulungan silang matuto at ibahagi ang alituntuning iyon. Maaari mong gamitin ang isang bahagi ng oras ng klase upang maihanda ang pagtatanghal.
Tiyakin na ang pagtatanghal sa oras ng pagbabahagi ay simple at hindi nangangailangan ng matagal na pagsasanay. Ang mga sumusunod na mungkahi ay maaaring makatulong sa iyo upang makapagbigay ka ng mabisa at simpleng mga pagtatanghal sa klase:
-
Isadula ang isang kuwento o kalagayan mula sa isang aralin.
-
Ipakita at ipaliwanag ang tsart na “Pagiging Kasapi ng Simbahan ni Jesucristo” (tingnan sa aralin 7).
-
Ipapaliwanag sa mga bata ang kanilang mga damdamin tungkol sa kanilang nalalapit na binyag. Kung may bata na umabot na sa walong taong gulang at nabinyagan na, hilingan siya na magbahagi ng kanyang damdamin tungkol sa kanyang binyag.
-
Isalaysay ang isang kuwento mula sa isang aralin na gumagamit ng mga larawan, sinulatang piraso ng papel, o mga ginupit na larawan.
-
Ulitin at ipaliwanag ang isang saligan ng pananampalataya. Maaaring naisin mo ring awitin ang isa sa mga awit ng saligan ng pananampalataya mula sa Aklat ng mga Awit Pambata, p. 122–33.
Para sa karagdagang tulong, tingnan ang Primary Sharing Time Resource Manual (33231).
Pagbabahagi sa mga Pamilya ng mga Bata
Himukin ang mga bata na ibahagi sa kanilang mga pamilya ang natututuhan nila sa Primarya. Anyayahan ang mga magulang na dumalaw at paminsan-minsan ay makilahok sa inyong klase upang payamanin ang mga aralin. Maging bukas ang isip sa pagtanggap ng mga ideya mula sa mga magulang na makatutulong na gawing mas makabuluhan ang Primarya para sa kanilang mga anak.
Paghahanda Para sa Binyag
Kung may mga pitong taong gulang sa iyong klase, ang ilan sa kanila ay maaaring mabinyagan sa loob ng taong ito. Bilang isang guro sa Primarya, matutulungan mo ang mga pamilya ng mga bata at matutulungan ang mga miyembro ng klase na makapaghanda para sa kanilang binyag. Isaalang-alang ang mga sumusunod na mungkahi upang matulungan kang maisagawa ito:
-
Kung maaari, ituro ang ilan sa mga aralin tungkol sa binyag (mga aralin 11, 13, 21, 32, at 33) bago mabinyagan ang unang bata sa iyong klase.
-
Gugulin ang ilang minuto ng klase sa Linggo bago ang binyag ng bawat bata upang talakayin ang kahalagahan ng ordenansang ito.
-
Kung maaari, dumalo sa binyag ng bawat bata na kasama ang isang kasapi ng panguluhan ng Primarya at sinumang mga miyembro ng klase na makadadalo.
-
Tulungan ang mga bata na maghanda ng mga pagtatanghal sa klase tungkol sa binyag para sa oras ng pagbabahagi.
Pag-unawa sa mga Bata
Ang iyong tungkuling ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mga bata ay isang banal na pagtitiwalang ibinigay sa iyo sa pamamagitan ng panguluhang obispo o panguluhan ng sangay. Maiimpluwensiyahan mo nang malaki ang mga bata sa iyong klase na sundin ang Tagapagligtas sa buong buhay nila, Alalahanin na tinawag ka ng mga pinuno sa pagkasaserdoteng sa pamamagitan ng inspirasyon mula sa Ama sa Langit.
Palaging magpakita ng positibong saloobin at pagmamahal sa mga bata sa klase. Alamin ang mga talino, kinawiwilihan, at kakayahan ng bawat bata. langkop ang mga gawain sa aralin na nangangailangan ng pagbabasa at pagsusulat sa abot ng makakaya ng mga bata.
Tulungan ang lahat ng bata na magkaroon ng damdamin ng pagpapahalaga sa sarili sa pamamagitan ng pakikinig sa kanila at pagbibigay sa bawat isa sa kanila ng sapat na pansin hangga’t maaari.
Ang mga araling ito ay isinulat para sa mga klase ng magkakasing gulang o pangkat ng pinaghalong gulang ng mga bata mula apat hanggang pitong taong gulang. Gayunman, maaaring kailanganin mong iangkop ang mga aralin ayon sa mga gulang ng mga bata sa iyong klase. Gaano man kaayos ang iyong klase, ang pag-unawa sa mga pangkalahatang katangian ng mga bata ay makatutulong sa iyo upang makapagturo nang higit na mabisa. Makatutulong ito sa iyo na maunawaan kung bakit kumikilos nang gayon ang mga bata at kung paano sila matuturuan sa mga paraan na higit silang matututo. Ang pag-unawa sa mga bata ay makatutulong din sa iyo na panatilihin ang isang positibong damdamin sa silid-aralan. Pagbalik-aralan ang mga sumusunod na katangian habang inihahanda mo ang iyong mga aralin. Gayunman, alalahanin na ang bawat bata ay nagkakaisip ayon sa kani-kanyang sariling bilis. Ang mga ito ay mga pangkalahatang gabay lamang.
Mga apat na taong gulang
Ang gulang na apat ang gulang ng pagtuklas. Ang bakit at paano ay dalawa sa mga salita na kadalasang ginagamit ng mga apat na taong gulang. Napakalikot ng mga batang apat na taong gulang. Ang mga sumusunod ay pangkalahatang katangian ng mga apat na taong gulang:
-
Sila ay nakatatakbo, nakalulundag, at nakaaakyat nang mas madali at may lakas ng loob kaysa sa mga tatlong taong gulang.
-
Nakapaghahagis o nakasisipa sila ng bola at nakagagawa ng bahay mula sa maliliit na piraso ng kahoy.
-
Mahilig silang magsabi ng mga bagay na tulad ng “Nagawa ko na iyan noon; makagagawa ako ng iba ngayon.”
-
Gusto nila ang nakikipaglaro sa ibang mga bata ngunit hindi pa sila handang makihalubilo sa malaking pangkat.
-
Kahit na nais nila at kailangang makalaro ang ibang bata, karamihan sa kanila ay naglalarong mag-isa. Maaari silang makipaglaro o sumayaw sa tugtog na kasama ng isang pangkat, ngunit hindi sila nagtutuon ng gaanong pansin sa kung paano naglalaro o sumasayaw ang ibang mga bata.
-
Bilang karagdagan sa maraming pagtatanong, nagagawa nilang makipagusap sa isa pang bata o sa isang may sapat na gulang.
-
Dahil ang kanilang karanasan ay karaniwang sa tahanan, madalas nilang banggitin ang tungkol sa tahanan at pamilya. Ang mga bata sa ganitong gulang ay mahilig magsabi sa guro ng tungkol sa kanilang mga pamilya. Kadalasan ay nais nilang magkuwento kaysa sa makinig sa mga kuwento ng ibang mga bata. Mahilig sila sa mga aralin at gawain na nakatuon sa pamilya.
-
Sila ay tunay na nabubuhay sa kasalukuyan, Ang kahapon at bukas ay hindi gaanong mahalaga. Gayunman, sila ay nagpapakita ng malaking kasabikan sa mga darating na pangyayari, at dahil sa hindi pa nila maunawaan ang kahalagahan ng panahon, maaari silang magtanong ng mga pangyayari sa panghinaharap, “Bukas ba ito?”
-
Nais nilang makinig sa mga kuwento at tugmaan para sa alagain (nursery rhyme). Nais nilang paulit-ulit na pakinggan ang mga paboritong kuwento nang walang kahit na kaunting pagbabago. Pagkatapos pakinggan ang kuwento, nais nilang isadula ang mga tauhan.
-
Kaunting tulong lamang ang kailangan upang matuto silang manalangin.
Mga limang taong gulang
Ang mga limang taong gulang ay may higit na katiyakan sa kanilang sarili at karaniwang maaasahan. Alam na nila ang inaasahan sa kanila sa sambahayan. Mabuti silang makipaglaro sa ibang mga bata, ngunit nagagawa rin nilang libangin ang kanilang sarili nang nag-iisa sa ilang paraan, katulad ng paglundaglundag o pagguhit ng mga larawan. Ang mga sumusunod ay natatanging asal ng mga batang limang taong gulang:
-
Ang pagkakatugma ng kanilang malalaking kalamnan ay patuloy na bumubuti, Sila ngayon ay nakalulukso na, nakapagsisirko, at nakalulundag—kahit sa isang paa lamang. Makahahatak sila ng isang kariton nang may kadalian.
-
Ang pagkakatugma ng kanilang maliliit na kalamnan ay nagpapahintulot ngayon sa kanila na makapagdikit, gumupit ng mga larawan, at kulayan ang mga iginuhit na larawan, kahit na mahirap para sa kanila ang hindi lumampas sa mga guhit. Marami rin ang nakapagtatali ng kanilang mga sapatos.
-
Higit silang maaasahan at nakapag-iisa kaysa sa mga apat na taong gulang. Karaniwan ay nais nilang tumulong sa bahay at maligaya kapag nakagagawa silang kasama ang kanilang mga magulang.
-
Sila ay hindi nagbibiro kapag itinanong nilang “Para saan iyan?” o “Paano gamitin ito?” Nais nila at dapat silang tumanggap ng pinag-isipan at matapat na mga sagot, sa wika at detalyeng mauunawaan nila.
-
Mahal nila ang kanilang mga guro at itinuturing na isang pribilehiyo ang maupo sa tabi nila. Ikinatutuwa nila nang labis kapag hinihilingan sila ng mga guro na tumulong sa aralin sa pamamagitan ng paghawak ng isang larawan o paggawa ng anumang bagay upang makatulong.
-
Gusto nila ang mga proyektong para sa maliit na pangkat at mga pagsasadula tungkol sa tahanan at pamilya.
-
Mahilig silang makinig at magkuwento, at paulit-ulit nilang hinihiling ang gayunding kuwento. Ang pag-uulit ang kanilang pangunahing paraan ng pagkatuto. Madalas ay naisasalaysay nila ang isang kuwento nang halos katulad na katulad ng nasa mga pahina ng isang aklat.
-
Sila ay karaniwang palakaibigan, maawain, magiliw, at matulungin, ngunit kung hindi napagbibigyan, maaari silang maging lubhang palaaway.
-
Nais nilang tumanggap ng mga bagong pagkakataon upang maipakita na sila ay mas malaki at matanda na.
-
Sa pagtutuon nila ng pansin na tumatagal mula sampu hanggang labindalawang minuto, mabilis silang nakapagbabago mula sa isang gawain tungo sa isa pa. Nagsisimula silang mag-isip na matanda na sila para sa mga larong pandaliri, at nais nila ang mga gawain para sa mas matatanda o mga ehersisyong para sa pagpapahinga.
-
Kadalasan nilang iginigiit ang paglalaro ng isang bagay na pinaglalaruan na ng ibang bata. Sikaping maingat na mapangasiwaan ang mga gayong bagay; turuan ang mga bata na makipaghalinhinan.
-
Hindi sila gaanong nakikihalubilo at mas ikinasisiya ang maliliit na pangkat kaysa sa malalaki. Higit nilang nanaising makipaglaro sa isang matalik na kaibigan kaysa makisama sa isang pangkat ng sampung tao.
-
Hindi pa nila alam ang pagkakaiba ng likhang-isip at katotohanan. Samakatwid, masasabi ng isang bata na ang kanyang orasan ay yari sa ginto, na ang kanyang ama ay mas malaki kaysa sa ibang ama, o na ang kanyang nahuling isda ay tunay na napakahaba. Dapat malaman ng matatanda na ito ay normal na bahagi ng buhay ng isang bata at mangangailangan ng panahon upang malaman ng bata ang pagkakaiba ng tunay at ng hindi. Ang bahaging ito ay lumilipas habang umuunlad ang mga bata.
-
Sila ay mga sabik na matuto. Dahil sa totoong-totoo sa kanila ang Ama sa Langit, sila ay labis na interesado sa kanya at nagtatanong nang marami tungkol sa kanya. Nawiwili silang manalangin at maaaring manalangin nang hindi tinutulungan.
Mga anim na taong gulang
Ang mga anim na taong gulang ay marunong nang mangasiwang mabuti sa kanilang katawan at may lakas na magagamit sa pagkatuto ng mga bagong kasanayan at pagpapayaman ng kasanayang mayroon na. Halimbawa, maaari silang matutong magluksong lubid, magpatalbog ng bola, sumipol, magbaligtad ng katawan nang patalikod na inilalapat ang mga kamay sa lupa at muling tumatayo pagkatapos, at sumakay sa bisikleta. Ang mga anim na taong gulang ay maaaring mahirapan pa nang kaunti sa paggamit ng kanilang maliliit na kalamnan, ngunit maaari nilang matutuhang ilimbag ang mga titik ng alpabeto, ang kanilang sariling pangalan, at ilang mga salita. Ang mga sumusunod ay iba pang mga pangkalahatang katangian ng mga anim na taong gulang:
-
Ang kanilang oras ng pagtutuon ng pansin ay nadaragdagan. Kahit na sila ay nagiging lubhang balisa, nakapag-iisip din silang mabuti sa isang gawain sa loob ng labinlima o dalawampung minuto, batay sa kanilang pagkawili.
-
Ikinalulugod nila ang mga paggalaw ng katawan, katulad ng pag-akyat sa mga puno, paglalaro sa palaruan, o takbuhan.
-
Mahilig sila sa mga laro at walang alitang pakikipagpaligsahan.
-
Ang palagay ng guro ay napakahalaga sa kanila. Nais nilang maupo sa tabi ng guro at tumulong sa aralin sa pamamagitan ng paghawak ng mga larawan o pagdadala ng mga kagamitan pabalik sa aklatan.
-
Mahilig pa rin silang makinig ng mga kuwento, magsadula ng mga ito, at magpanggap. Marami ang mahilig na magsuot ng malalaking kasuotan.
-
Napakamapagbigay, magiliw, at kasundo sila habang pinagbibigyan sila, at kapag hindi na, sila ay nagiging lubhang palaaway.
-
Mahilig sila sa mga sayawan (party).
-
Sila ay maaaring sanay na sanay na sa paglukso, pagtalon, at paglundag. Ikinalulugod nila ang paggamit ng mga kasanayang ito sa mga laro.
-
Lubha silang nababahala sa kung ano ang mabuti at masamang pag-uugali.
-
Ang kanilang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay nadaragdagan. Ang karamihan sa mga batang anim na taong gulang ay nakapananalangin nang mag-isa kung sila ay nagkaroon na ng karanasan sa tahanan o sa ibang mga klase.
Mga pitong taong gulang
Sa gulang na pito, ang mga bata ay malapit pa rin sa kanilang mga magulang at pinahahalagahan pa rin ang kanilang pagmamahal, pag-aasikaso, at pagdamay, ngunit nagsisimula na silang makipag-ugnayan sa mga tao at mga kalagayan sa labas ng tahanan. Sila ay may kani-kanyang nagugustuhan at nais na pahintulutang gumawa ng kanilang sariling mga pagpapasiya. Sila ay masigla, sabik, at lubhang interesado sa buhay sa paligid nila. Sinisiyasat nila ang maraming gawain at mahilig ulitin ang mga nagbibigay kasiyahan sa kanila. Ang mga sumusunod ay iba pang mga pangkalahatang katangian ng mga pitong taong gulang:
-
Ang malalaki nilang kalamnan ay napipigilan na nang mabuti, at sila ay higit na maganda nang kumilos, maliksi, at maalam.
-
Ang kanilang pagpigil sa maliliit na kalamnan ay bumubuti. Nagagawa nilang magsulat nang palimbag nang higit na madali at mas tumpak.
-
Marami ang mahilig sa magagalaw na laro, na nilalaro ang gayundin nang paulit-ulit.
-
Punung-puno sila ng lakas ngunit madaling mapagod. Mahalaga ang mga oras ng pamamahinga.
-
Sila ay madalas na balisa at hindi mapalagay,
-
Mahilig silang magtipon ng mga bagay at pag-usapan ang tungkol sa mga ito. Mahilig din silang mag-usap ng tungkol sa mga bagay na ginawa nila sa kanilang sarili o sa mga pangkat.
-
Ang panahon ng pagtutuong pansin ng mga pitong taong gulang ay lumalawak; nakatatapos ng isang proyekto ang mga bata sa ganitong gulang kung kawili-wili ito sa kanila, kahit natumagal ito nang mula dalawampu hanggang dalawampu’t limang minuto. Kailangan pa rin nila ang pagbabago sa gawain sa karamihan ng mga aralin.
-
Nagsisimula silang hindi gaanong makihalubilo sa mga hindi nila kapwa lalaki o babae.
-
Sila ay hindi na gaanong dominante at hindi nila gaanong iginigiit ang kanilang ibig.
-
Nagkakaroon na sila ng sariling pagpapasiya at higit na makatwiran sa kanilang pag-iisip.
-
Mas alam na nila ang tama at mali at napakamapunahin sa mga hindi gumagawa ng inaakala nilang tama.
-
Umaasam sila na mabinyagan.
-
Nakapananalangin sila nang mag-isa at kadalasang umaasam ng kaagad na sagot sa kanilang mga panalangin.
-
Maaaring ipagmalaki nila ang katotohanan na sila ay makapag-aayuno ng kahit isang kainan sa Linggo ng ayuno at na makapagbabayad sila ng ikapu.
Mga Natatanging Tagubilin Para sa Pagsasali sa mga Batang may mga Kapansanan
Ang Tagapagligtas ay nagpakita ng halimbawa sa atin ng pagdama at pagpapakita ng pagkahabag sa mga may kapansanan. Nang dalawin niya ang mga Nefita pagkatapos ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, sinabi niyang:
“Mayroon bang maykaramdaman sa inyo? Dalhin sila rito. Mayroon ba sa inyong pilay, o bulag, o lumpo, o baldado, o ketongin, o mga may dinaramdam, o yaong mga bingi, o yaong mga nahihirapan sa anumang dahilan? Dalhin sila rito at akin silang pagagalingin, sapagkat ako ay nahahabag sa inyo” (3 Nefias 17:7).
Bilang isang guro sa Primarya ikaw ay nasa pinakamainam na katayuan upang magpakita ng pagkahabag. Kahit na maaaring hindi ka sinanay na magbigay ng propesyonal na tulong ay magagawa mong unawain at kalingain ang mga batang may mga kapansanan. Ang pagmamalasakit, pang-unawa, at pagnanais na isali ang bawat kasapi ng klase sa mga gawain ng pagkatuto ay kailangan.
Ang mga batang may kapansanan ay maaaring maantig ng Espiritu maging ano pa man ang kanilang antas ng pang-unawa. Kahit na ang ilang bata ay hindi maaaring makadalo sa buong oras ng Primarya, kailangan nilang magkaroon ng pagkakataong makadalo kahit na sandali lamang upang madama ang Espiritu. Maaaring kailanganing magkaroon ang bata ng kasama na madaling makadarama sa mga pangangailangan ng bata habang nasa Primarya sakaling kailanganing lumayo ang bata mula sa buong pangkat.
Ang mga miyembro ng klase na may kapansanan ay maaaring mahamon ng mga kawalang-kakayahan sa pagkatuto, kapansanan sa kaisipan, suliranin sa wika o pananalita, pagkawala ng paningin o pandinig, mga suliranin sa pag-uugali at panlipunan, sakit sa utak, mga suliranin sa paggalaw at pagkilos, o mga matagal na suliranin sa kalusugan. Maaaring matuklasan ng iba na ang wika at pangkulturang kapaligiran ay hindi pangkaraniwan at mahirap. Anuman ang maging kalagayan ng bawat isa, ang bawat bata ay may magkakatulad na pangangailangan na mahalin at tanggapin, na malaman ang ebanghelyo, na madama ang Espiritu, na matagumpay na makisali at maglingkod sa iba. Ang sumusunod na mga tagubilin ay makatutulong sa iyo na maturuan ang isang bata na may mga kapansanan.
-
Huwag pansinin ang kapansanan at kilalanin ang bata. Maging karaniwan, palakaibigan, at masigla,
-
Alamin ang tungkol sa mga tiyak na kalakasan at hamon na kinakaharap ng bata.
-
Gawin ang lahat ng pagsisikap upang turuan at paalalahanan ang mga kasapi ng klase tungkol sa kanilang tungkulin na igalang ang bawat miyembro ng klase. Ang pagtulong sa isang miyembro ng klase na may kapansanan ay maaaring maging karanasan ng pagkatuto para sa buong klase na tulad ng karanasan ni Cristo.
-
Hanapin ang mga pinakamainam na pamamaraan ng pagtuturo sa bata sa pamamagitan ng pagsangguni sa mga magulang, sa ibang kasapi ng maganak, at kapag naaangkop, sa bata.
-
Bago tawagin ang isang batang may kapansanan upang magbasa, manalangin, o kahit paano ay makisali, tanungin siya kung ano ang kanyang pakiramdam tungkol sa pakikisali sa klase. Bigyang-diin ang bawat kakayahan at mga talino ng bawat bata at humanap ng mga paraan upang magawa ng bawat isa na makisali nang may katiwasayan at matagumpay.
-
langkop ang mga materyal ng aralin at ang pisikal na kapaligiran upang matugunan ang bawat pangangailangan ng mga batang may mga kapansanan.
Ang mga karagdagang kagamitan sa pagtuturo sa mga batang may mga kapansanan ay makukuha mula sa mga sentro ng pamamahagi ng Simbahan (tingnan sa “Materials for Those with Disabilities” sa katalogo ng sentro ng pamamahagi).
Pakikitungo sa mga Suliranin ng Pang-aabuso
Bilang isang guro sa Primarya ay maaaring matuklasan mo na may mga bata sa iyong klase na dumaranas ng pandamdamin o pisikal na pang-aabuso. Kung mababahala ka tungkol sa isang bata sa iyong klase, mangyari lamang na sumangguni sa iyong obispo. Habang inihahanda at inilalahad mo ang mga aralin, manalangin para sa gabay at patnubay ng Panginoon. Tulungan ang bawat bata sa iyong klase na madamang siya ay mahalagang anak ng Ama sa Langit at na mahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang bawat isa sa atin at nais na maging ligtas at maligaya tayo.