Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 39: Pagpapakita ng Pagmamahal sa Ating mga Magulang


Aralin 39

Pagpapakita ng Pagmamahal sa Ating mga Magulang

Layunin

Tulungan ang mga bata na magpakita ng pagmamahal sa kanilang mga ama at ina sa pamamagitan ng pagiging masunurin at matulungin.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Exodo 20:12 at Mormon 8:1.

  2. Maghandang ipaawit sa klase ang “Mag-anak Nami’y Kaysaya” (Aklat ng mga Awit Pambata); ang mga titik ay kasama sa likod ng manwal na ito.

  3. Maging sensitibo sa mga bata na wala kapwa ang mga magulang sa tahanan o may ibang hindi pangkaraniwang mga pangyayari sa buhay ng mga magulang.

  4. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Aklat ni Mormon.

    2. Isang maliit na supot ng bins o bola.

    3. Isang kopya ng puno ng mag-anak (family tree) para sa bawat bata (tingnan ang halimbawa na kasama sa hulihan ng araling ito).

    4. Larawan 3-34, Pinaiikli ni Mormon ang mga Lamina (62520; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 306); larawan 3-35, Itinatago ni Moronias ang mga Lamina sa Burol ng Cumorah (62462; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 320); at larawan 3-5, Tinuturuan nina Adan at Eva ang Kanilang mga Anak.

  5. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin sa mga bata kung nagawa nila ang anumang bagay na hinimok mong gawin nila sa loob ng linggong ito.

Binigyan ng Ama sa Langit ng Pananagutan ang Ating mga Magulang Para sa Atin

Gawaing pantawag Pansin

Ipakita ang larawan 3-5, Tinuturuan nina Adan at Eva ang Kanilang mga Anak.

Gawaing pantawag Pansin

  • Kaninong larawan ito? (Sina Adan, Eva, at ang kanilang mga anak.)

  • Ano ang gustong ipaturo ng Ama sa Langit kina Adan at Eva sa kanilang mga anak? (Ang ebanghelyo. Ipaalala sa mga bata na kamakailan lang nila ito tinalakay sa klase, tingnan sa aralin 35.)

Ipaliwanag na binigyan ng Ama sa Langit ang ating mga magulang ng mga anak upang alagaan at mahalin hanggang sa sila ay makabalik sa kanya balang-araw. Nais niyang matuto tayong lahat kung paano maging karapat-dapat na mamuhay na kasama siya pagkatapos ng buhay na ito. Inaasahan ng Ama sa Langit ang mga magulang na turuan ang kanilang mga anak ng mga kautusan at asikasuhin ang mga pangangailangan ng kanilang mga anak. Ito ay isang napakalaking pananagutan para sa ating mga magulang.

Bigyan ng kopya ng puno ng mag-anak (family tree) ang bawat bata. Ipasulat o tulungang isulat ng bawat bata ang mga pangalan o ipaguhit ang mga mukha ng kanyang mga magulang sa katawan ng puno at ang unang mga pangalan o mukha niya o alinman sa mga kapatid niya sa mga sanga.

Talakayan

Talakayan

  • Bakit tayo binigyan ng Ama sa Langit ng mga magulang? (Upang mahalin at pangalagaan tayo at upang ituro sa atin ang kanyang mga kautusan.)

Ipaliwanag na alam ng Ama sa Langit na makapagpapakita ng pagmamahal ang mga anak sa kanilang mga magulang. Sinabi ng Ama sa Langit sa atin na dapat nating gawin ito (tingnan sa Exodo 20:12). Maraming paraan upang maipakita ang pagmamahal para sa ating mga magulang.

Ipinakikita Natin ang Pagmamahal Para sa Ating mga Magulang sa Pamamagitan ng Pagiging Matulungin

Kuwento

Ipaliwanag sa klase na ang pagiging matulungin ay isang paraan para maipakita ang pagmamahal sa mga magulang. Muling isalaysay ang sumusunod na kuwento sa iyong sariling mga salita.

Alam ni Emma na masama ang pakiramdam ng Nanay niya. Makikitang pagod ang Nanay at madalas siyang maupo upang magpahinga. Kahit na ang tinig ng Nanay ay tila napapagod kapag kinakausap niya sina David at John, mga nakababatang kapatid na lalaki ni Emma. Naisip ni Emma ang lahat ng bagay na ginawa ng kanyang nanay para sa kanya at naghangad na matulungang gumanda ang pakiramdam ng nanay.

Kuwento

  • Ano ang ilang bagay na magagawa ni Emma upang matulungan ang kanyang nanay?

Si Emma ay naupong kasama ng kanyang mga nakababatang kapatid na lalaki at nakipaglaro sa kanila. Siya ay tumulong sa kanila na maglaro nang tahimik at masaya. Pagkatapos ay tinulungan niya sila na mahiga upang magpahinga para ang Nanay ay makaidlip. Pagkatapos ay tinulungan sila ni Emma na iligpit ang mga laruan.

Nang matapos maihanda ng Nanay ang tanghalian, tinulungan ni Emma sina David at John na maghugas ng kanilang mga kamay at maghanda sa panalangin. Nginitian ng Nanay si Emma at niyakap nang mahigpit.

“Salamat sa iyong napakalaking tulong sa araw na ito,” ang pabulong na sabi ng Nanay kay Emma.

Talakayan

Talakayan

  • Paano ipinakita ni Emma ang pagmamahal sa kanyang nanay?

  • Ano sa palagay ninyo ang naramdaman ni Emma pagkatapos niyang tulungan ang kanyang nanay?

  • Ano sa palagay ninyo ang naramdaman ng kanyang nanay?

Gawain

Ihagis ang supot ng bins sa bawat bata at itanong ang isa sa mga sumusunod na katanungan. Pagkatapos sumagot ng isang bata, ipahagis pabalik sa iyo ang supot ng bins. Bigyan ang bawat bata ng pagkakataon na sagutin ang dalawang tanong.

Gawain

  • Ano ang ginagawa ng nanay at tatay ko upang maipakita sa akin ang kanilang pagmamahal?

  • Ano ang magagawa ko upang maipakita ang pagmamahal para sa nanay o tatay ko?

Ipinakikita Natin ang Pagmamahal Para sa Ating mga Magulang sa Pamamagitan ng Pagiging Masunurin

Talakayan

Ipaliwanag na ang pagkamasunurin ay isa pang mahalagang paraan upang maipakita natin ang pagmamahal para sa ating mga magulang.

Kuwento

Sabihin sa iyong sariling mga salita ang sumusunod na kuwento tungkol kay Annand at sa kanyang tatay:

Sa wakas ay nailagay kay Annand ang pamamahala ng mga kambing. Siya ay may sapat ng gulang upang bantayan ang mga kambing habang ang mga ito ay nanginginain ng damo sa bundok. Si Annand ay walong taong gulang at sabik na sabik na naghintay sa pananagutang pangalagaan ang kawan ng kambing.

Naisip ni Annand kung paano tuwing umaga ay sama-sama niyang titipunin at ng kanyang asong si Numie ang mga kambing at susundan ang ibang mga pastol habang dinadala nila ang mga kambing na galing sa baryo pataas sa daan ng bundok sa matataas na damuhan. Sa gabi ay pumupunta ang kanyang tatay sa bundok at tinutulungan si Annand at Numie na itaboy pauwi ang mga kambing.

Sinabi ng kanyang tatay, “Huwag kailanman aalis sa daan ng bundok, Annand. Kung mawawalan ka ng kambing, tawagin mo siya, pero huwag kailanman aalis sa daraanan. Ang bundok ay baku-bako at lubhang mapanganib. Anak, gawin mo ang sinasabi ko sa iyo. Huwag na huwag kang aalis sa daan ng bundok.”

Bawat araw, ang bagong pananagutan ni Annand ay naging mas madali, at nagsimulang magustuhan niya ang mga oras na inilagi niya sa bundok.

Isang hapon, napansin ni Annand na huli na sa pagdating ang kanyang tatay upang tulungan siya. Siya ay nagpasiya na tipunin na ang mga kambing at mauuna na siyang bumaba upang salubungin ang tatay niya. Sa tulong ni Numie, agad niyang naipon pabilog ang mga kambing. Nabahala siya nang malaman na tatlong kambing ang nawawala—si Summa, ang matandang babaeng kambing, at ang kanyang dalawang guya. Ano ang kanyang gagawin? Inakala ni Annand na pumanhik si Summa sa mas mataas na lugar na kung saan ay madalas siyang dalhin. Kailangan niya itong sundan.

Siya ay nagsimulang pumanhik sa mas mataas na bahagi ng bundok habang si Numie ay naiwan upang bantayan ang ibang kambing. Hindi nagtagal ay namataan niya si Summa at ang kanyang mga anak na malayu-layo mula sa daan ng bundok sa isang kapirasong damuhan. Maraming maliliit na halaman at mga bato, at hindi nakikita ni Annand ang nasa pagitan niya at ni Summa. Alam ni Annand na kailangan niyang manatili sa daan, kaya tumawag siya, pero lalong lumayo si Summa.

Nagsimula nang dumilim, at hindi magtatagal ay hindi na makikita pa ni Annand ang tatlong kambing. Alam niyang dapat na siyang kumilos, kaya siya ay nagpasiyang sundan sila. Tiyak na makukuha niya sila at makababalik sa daan.

Habang papaalis siya sa daan, naalala niya ang sinabi ng ama, “Annand, kailangang huwag kang aalis sa daan ng bundok kailanman.”

Alam ni Annand na kailangan niyang sundin ang kanyang tatay, kaya siya ay naupo at minsan pa ay nagsimulang tawagin si Summa. Walang anu-ano, siya ay nakarinig ng kaluskos sa damuhan. Siya ay tumingin at nakita ang babaeng kambing at ang dalawang anak nito. Pagkatapos ng lahat sila ay nagsibalik din sa kanya.

Pinastol sila ni Annand pabalik sa daan, kung saan ay nakita niya ang kanyang tatay na papalapit sa kanya. Magkasama nilang iniuwi ang mga kambing sa pangunguna ni Numie.

Nang sumunod na araw ay isinama ni Annand ang kanyang tatay sa lugar kung saan niya hinintay si Summa. Dinala si Annand ng kanyang tatay sa palibot ng malapit na taniman at ipinakita sa kanya ang isang matarik na bangin. Maaaring nahulog si Annand sa bangin kung sinundan pa niya si Summa. Malaki ang pasasalamat ni Annand na sinunod at iginalang niya ang kanyang tatay.

Talakayan

Talakayan

  • Ano sa palagay ninyo ang naramdaman ni Annand sa kanyang tatay? (Siya ay mahal niya.)

  • Paano nagpakita ng pagmamahal si Annand sa kanyang tatay? (Sinunod niya ang tatay niya sa pamamagitan ng hindi pag-alis sa daan.)

  • Paano nakatulong kay Annand ang pagsunod sa kanyang tatay? (Siya ay nanatili sa daan at naging ligtas.)

Ipaliwanag na kung minsan ay hindi natin maunawaan kung bakit sinasabihan tayo ng ating mga magulang na gawin ang mga bagay-bagay. Mahal ng matutwid na magulang ang kanilang mga anak at hangad ang pinakamabuti para sa kanila. Dapat sundin ng mga anak ang kanilang mga magulang at gawin ang ipinagagawa sa kanila. Kapag sinusunod natin ang ating mga magulang, ipinakikita natin ang ating pagmamahal sa kanila.

Awit

Awitin o bigkasin ang mga salita sa “Mag-anak na Kaysaya.”

Nagpakita ng Pagmamahal si Moronias sa Kanyang Ama na si Mormon

Kuwento sa banal na kasulatan at mga larawan

Sabihin sa mga bata na ang Aklat ni Mormon ay may ilang kuwento tungkol sa mga lalaki na nagpakita ng pagmamahal sa kanilang mga magulang sa pamamagitan ng pagiging masunurin at matulungin. Ang isang kuwento ay tungkol sa propeta na si Moronias.

Ipakita ang larawan 3-35, Itinatago ni Moronias ang mga Lamina sa Burol ng Cumorah. Tanungin ang mga bata kung ano ang alam nila tungkol sa larawan. Sabihin sa kanila na ibinaon ni Moronias ang mga laminang ginto. Mga ilang taon ang nagdaan, siya ay nagbalik bilang isang anghel kay Joseph Smith upang ipakita sa kanya kung saan naroroon ang mga ito. Ang tatay ni Moronias ay ang propetang si Mormon. Katabi ng larawan ni Moronias, ipakita ang larawan 3-34, Pinaiikli ni Mormon ang mga Lamina.

Ipaliwanag na si Mormon ay pinili ng Ama sa Langit upang sama-samang tipunin ang mga kasaysayan at itala ang mga ito sa mga lamina. Siya ay nagpakita sa tuwina ng kanyang pagmamahal sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng paggawa ng anumang ipinagagawa sa kanya. Tinuruan niya ang kanyang anak na si Moronias na ganoon din ang gawin. Mahal ni Mormon si Moronias at gusto niyang maging maligaya ito. Alam niya na ang pagmamahal at pagsunod sa Ama sa Langit ay makatutulong kay Moronias na maging maligaya.

Kahit na si Moronias ay binata na, nagpatuloy si Mormon na turuan ang kanyang anak na mahalin ang Ama sa Langit. Mahal ni Moronias ang kanyang ama at ninais na sundin ang kanyang halimbawa.

Dahil sa laki ng pagmamahal niya para sa kanyang ama, sinunod ni Moronias ang mga turo ng kanyang ama. Isinulat niya ang mga itinuro sa kanya ng kanyang ama upang malaman din ng buong daigdig ang mga ito. Si Mormon ay namatay bago matapos ang mga laminang ginto, kaya kinuha ni Moronias ang tala at tinapos ito.

Banal na kasulatan at talakayan

Basahin ang Mormon 8:1 sa klase.

Banal na kasulatan at talakayan

  • Bakit sinunod ni Moronias si Mormon? (Dahil siya ay mahal niya.)

  • Paano ipinakita ni Moronias ang pagmamahal sa kanyang ama? (Sa pamamagitan ng pagiging masunurin at matulungin.)

Buod

Talakayan

Talakayan

  • Bakit tayo binigyan ng mga magulang ng Ama sa Langit? (Upang tayo ay mahalin, turuan ng mga kautusan, at pangalagaan.)

  • Paano natin maipakikita sa ating mga magulang na mahal natin sila? (Sa pamamagitan ng pagiging masunurin at matulungin.)

  • Sa anong mga paraan magkakatulad ang mga kuwento nina Annand, Emma, at Moronias? (Sa lahat ng mga kuwentong ito, ang mga tauhan ay nagpakita ng pagmamahal para sa kanilang mga magulang sa pamamagitan ng pagiging masunurin at matulungin.)

Patotoo ng guro

Ibigay ang iyong patotoo tungkol sa kahalagahan ng mga magulang at ng mga pagpapala na maaaring dumating kapag tayo ay nagpapakita ng pagmamahal sa kanila. Anyayahan ang mga bata na pumili ng isang paraan kung saan ay maipakikita nila ang pagmamahal sa kanilang mga magulang sa loob ng susunod na linggo.

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pangwakas na panalangin.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamainam para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalik-aral o buod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong Para sa Guro.”

  1. Awitin bilang isang klase ang “Mag-anak ay Magsasama-sama sa Kawalang-hanggan” (Aklat ng mga Awit Pambata); ang mga titik ay kasama sa likod ng manwal na ito.

  2. Magpaguhit ng isang larawan sa mga bata kung paano nila maipakikita ang pagmamahal para sa kanilang mga magulang.

  3. Laruin ang “Guro, Maaari ko po bang” na kasama ang mga bata. Papilahin sila nang nakaharap sa iyo. Gumawa ng mga pahayag na tulad ng “(pangalan ng bata), tulungan mo ang iyong ina na hugasan ang mga plato.” Ang bata ay kailangang magsabi ng, “Guro, maaari ko po bang tulungan ang aking ina na maghugas ng mga plato?” o isang bagay na katulad nito. Kung sasabihin ng bata ito, sasabihin mo, “Gumawa ng isang malaking hakbang na pasulong,” at ang bata ay hahakbang papunta sa iyo. Kung ang bata ay humakbang nang pasulong nang hindi muna nagtatanong, siya ay kailangang umatras ng isang hakbang, o palayo mula sa iyo. Ang unang bata na makakahawak ng iyong kamay ang siyang mananalo.