Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 26: Matutulungan Tayo ng Espiritu Santo


Aralin 26

Matutulungan Tayo ng Espiritu Santo

Layunin

Tulungan ang mga bata na maunawaan na matutulungan tayo ng Espiritu Santo na gawin ang tama. Binabalaan din niya tayo sa panganib.

Paghahanda

  1. Pag-aralang may panalangin ang 1 Nefias 4:1–6; 2 Nefias 32:5; Doktrina at mga Tipan 8:2.

  2. Maghanda ng siyam na tanong sa mga piraso ng papel para sa laro sa aralin. Ilagay ang mga tanong sa supot.

  3. Maghandang awitin o bigkasin ang mga titik sa “Piliin ang Tamang Daan” (Aklat ng mga Awit Pambata) at “Ang Espiritu Santo” (Aklat ng mga Awit Pambata); ang mga titik para sa mga awit na ito ay kasama sa likod ng manwal na ito.

  4. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Aklat ni Mormon at Doktrina at mga Tipan.

    2. Isang panyo o piraso ng tela na gagamiting pampiring.

    3. Tisa, pisara, at pambura.

    4. Larawan 3-52, Pinahihinto ng Ama ang Kabayo at Inililigtas ang Kanyang Anak; at larawan 3-53, Ang Panalangin ni Karolina.

  5. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin sa mga bata kung nagawa nila ang anumang bagay na hinimok mong gawin nila sa loob ng linggong ito.

Nag-uudyok ang Espiritu Santo sa Atin

Gawaing pantawag pansin

Pumili ng isang bata na tutulong sa iyo sa sumusunod na gawain:

Patayuin ang isang bata sa may pintuan. Piringan siya, at atasan siyang hanapin ang kanyang upuan at maupo. Huwag siyang bibigyan ng anumang tulong. (Gayunman, tiyakin na hindi siya masasaktan o ang iba.)

Ulitin ang pamamaraan, pero sa sandaling ito ay patulungan sa isa pang bata ang nakapiring na bata sa pamamagitan ng pagbibigay ng direksiyon.

Alisin ang piring, at paupuin ang bata.

Gawaing pantawag pansin

  • Bakit mas madali para kay (pangalan ng bata) na hanapin ang upuan sa pangalawang pagkakataon?

Talakayan sa pisara

Isulat ang salitang tulong sa pisara. Basahin ang salita sa mga bata, at ipaliwanag na kapag tumatanggap ng tulong ang isang tao, ang taong iyon ay kadalasang tumatanggap ng mga direksiyon o sinasabihan kung ano ang gagawin o sasabihin.

Ipaliwanag na alam ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na kakailanganin natin ang kanilang natatanging tulong at direksiyon. Nangako sila na magpapadala ng mag-uudyok sa atin.

Banal na kasulatan, larawan, at kuwento

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 8:2 sa mga bata. Pagkatapos ay ipakita ang larawan 3-53, Ang Panalangin ni Karolina, at ilahad ang sumusunod na kuwento sa iyong sariling mga salita:

Si Karolina ay isang maliit na batang babae na nakatira sa Sweden. Siya at ang kanyang kapatid na lalaking si Erik ay palaging magkasama. Inalagaan ni Karolina ang kanyang maliit na kapatid na lalaki dahil siya ay mahal niya. Si Erik ay apat na taong gulang. Maraming barko ang dumarating sa daungan kung saan sila ay nakatira dahil ang kanilang bahay ay di-kalayuan sa dagat. Kung minsan ang mga barko ay may mga kargang pagkain o makina. Ang ama nina Karolina at Erik ay nagtatrabaho sa mga barkong ito.

Isang araw ang mga bata ay nasa itaas ng burol at pinagmamasdan ang mabagal na pag-usad ng malaking barko sa tubig. Ang sabi ni Karolina, “Erik, bumaba tayo at panoorin ang mga taong nagbababa ng mga gamit sa barko. Napakalaki nito; tingnan natin kung ano ang nandoon. Hindi naman tayo papansinin ng tatay sa panonood ng mga mamang nagtatrabaho basta huwag lang tayong haharang sa dinaraanan nila. Puwede naman tayong maupo na lang sa malaking kahon, at makikita na natin ang lahat.”

Masayang hinawakan ni Erik si Karolina sa kamay, at tumakbo silang pababa ng burol. Pero nang umabot na sila sa ibaba ng burol, naisip nila na mas maganda kung sila ay maglalakad sa may riles. Ito ang mas mabilis na daan papunta sa dagat.

Habang sila ay naglalakad sa may riles, nakakita si Karolina ng ilang magagandang ligaw na bulaklak. Binitawan niya ang kamay ni Erik para makakuha siya ng ilang bulaklak.

Paluksu-luksong naunang naglakad si Erik sa kanya, na maingat natumatapak sa pagitan ng mga bakal ng riles. Gustung-gusto niya ang larong ito. Walang anu-ano ay nakarinig ng malakas na sigaw ng pagdaing si Karolina. Nang titingnan na niya kung ano ang nangyari, sumigaw si Erik sa kanyang kapatid ng, “Karolina! Karolina! Naipit ang paa ko. Hindi ko maalis!”

Binitiwan ni Karolina ang kanyang mga bulaklak at tumakbo upang tulungan siya. Sa sandaling ito, si Erik ay umiiyak sa sakit at takot. Hinatak siya nang hinatak ni Karolina sa braso, sinisikap na hilahin ang kanyang paa mula sa butas. Pero hindi niya maigalaw ito. Niyakap niya sa baywang si Erik at sinubukang hilahin siya paitaas. Ang kanyang maliit na kapatid na lalaki ay sumigaw sa sakit dahil nasaktan ang kanyang paa. Sa tuwing hihilahin at hahatakin ni Karolina, lalong umiiyak si Erik. Sa bandang huli ay nagsabi si Karolina ng, “Erik, hindi ko maalis ang paa mo; kailangan kong kumuha ng isang taong tutulong na hilahin ang paa mo. Babalik ako.”

Nagsimula siyang tumakbo sa may riles, pero pagdating niya sa may pagliko, nakita niya sa malayo ang tren. Alam ni Karolina na wala na siyang oras para humingi ng tulong dahil sa loob ng ilang minuto ang tren ay daraan na, at maaaring hindi na makita pa ng nagmamaneho ang kanyang maliit na kapatid na lalaki para pabagalin ang tren.

Banal na kasulatan, larawan, at kuwento

  • Ano ang maaaring gawin ni Karolina?

Si Karolina ay tumakbong pabalik kay Erik. Siya ay takot na takot, at habang muli niyang hinihila ang paa ni Erik, maikli siyang nanalangin para humingi ng tulong: “Ama naming nasa Langit, tulungan mo po ako. Hindi ko po alam ang gagawin ko. Nakikiusap po ako sa inyo na tulungan ako!”

Walang anu-ano ay para bang nakarinig si Karolina ng isang napakaliit na tinig na sinasabing, “Alisin mo ang tali ng sapatos.” Nanginginig ang mga kamay niyang tinanggal ang tali ng sapatos. Kahit na ipit na ipit pa ang kanyang sapatos sa ilalim ng bakal ng riles, naialis ang paa ni Erik sa kanyang sapatos, nang hatakin ito nang husto ni Karolina. Nadaganan niya si Karolina, at kapwa sila nabuwal sa lupa. Umalis agad sila sa riles, at humahagibis na dumaan ang tren malapit sa kanila.

Nang makaalis na ang tren, nagsimulang umiyak si. Erik “Tingnan mo ang nangyari sa sapatos ko!” Ang sapatos ay talagang nawasak, pero nagawa pa ring alisin ito sa pagkakaipit ni Karolina. Inakbayan ni Karolina si Erik at sinabing, “Huwag mo nang isipin ang sapatos mo. Magpasalamat ka na lang na sinagot ng Ama sa Langit ang aking panalangin. Hindi ko malalaman kailanman kung ano ang gagawin kung hindi niya ako tinulungan.”

Niyakap ni Karolina ang kanyang maliit na kapatid na lalaki, masaya siya dahil nagawa niyang iligtas ang buhay nito. Pagkatapos, magkahawak nang mahigpit ang mga kamay, sila ay sabay na naglakad pauwi upang sabihin sa kanilang ama kung paano sinagot ng Ama sa Langit, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang panalangin ni Karolina sa kanyang paghingi ng tulong.

Talakayan

Talakayan

  • Sino ang tumulong kay Karolina?

  • Paano tinulungan ng Espiritu Santo si Karolina na iligtas ang kanyang kapatid na lalaki?

Banggitin na tinutulungan ng Espiritu Santo ang mga tao sa iba’t ibang paraan. Kadalasan ay sinasabihan niya tayo sa ating isipan. Kapag ginagawa niya ito, tayo ay maaaring tumanggap ng damdamin o kaisipan na makatutulong sa ating malaman kung ano ang gagawin. Kung minsan, gayunman, ang mga tao ay talagang nakaririnig ng tinig na nagsasalita sa kanila at binibigyan sila ng tulong.

Awit

Awitin o bigkasing kasama ng mga bata ang mga salita sa “Ang Espiritu Santo.”

Tutulungan Tayo ng Espiritu Santo na Gawin ang Tama

Hayaang makinig ang mga bata sa mga sumusunod na kuwento nina Anita at George upang malaman kung paano sila tinulungan ng Espiritu Santo na gawin ang tama.

Kuwento at talakayan

Isang umaga ng tag-araw, isa sa mga kaibigan ni Anita ang nag-anyaya sa kanya na samahan siyang maglangoy. Bago siya pumunta, isinukat ni Anita ang kanyang damit-pampaligo na ginamit niya noon pang nakaraang taon. Siya ay nagulat dahil sa mabilis niyang paglaki. Ang nangyari tuloy ay hindi na lumapat ang damit-pampaligo sa kanya at hindi na naging magandang tingnan.

Alam ni Anita na hinihintay siyang dumating ng kanyang kaibigan, at gusto ni Anita na mabilis na pumunta sa kanyang bahay upang maglaro. Gayunman, isang bagay ang pumasok sa kanyang isipan na tumulong sa kanya na magpasiya kung ano ang gagawin niya. Siya ay napaalalahanan na gusto ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na siya ay maging mayumi. Kung siya ay nagpunta sa bahay ng kanyang kaibigan na suot ang damit-pampaligong ito, siya ay hindi mapapalagay kasama ng pamilya ng kanyang kaibigan. Alam niya na dapat siyang magsuot ng iba.

Madaling nakita ni Anita ang kanyang nakatatandang kapatid na babae at tinanong niya kung mayroon siyang damit-pampaligo na magkakasya sa kanya at puwede niyang mahiram. Magkasama silang naghanap at nakakita ng lumang pampaligo na kasyang-kasya kay Anita. Pinasalamatan ni Anita ang kanyang kapatid na babae, nagpalit kaagad, at pumunta sa bahay ng kanyang kaibigan, masaya siya na pinili niya ang tamang bagay na gawin.

Kuwento at talakayan

  • Paano tinulungan ng Espiritu Santo si Anita na gawin ang tama?

Kuwento at talakayan

Gustung-gusto ni George at ng kanyang mga kaibigan ang larong soccer. Nilalaro nila ito sa paaralan, pinanonood sa telebisyon, at bumibili pa ng mga magasin at binabasa ang tungkol sa paborito nilang mga koponan. Mahilig silang manood ng mga laro at pag-usapan ang mga nakatutuwang paraan ng mga paglalaro.

Papalapit na ang laro para sa kampeonato. Alam ni George na ito ay isang kapana-panabik na laro, at gusto niyang mapanood ito. Pero ang laro ay ipalalabas sa telebisyon sa araw ng Linggo, kasabay ng pagdalo niya sa mga pulong ng Simbahan.

Nagpasiya ang kanyang mga kaibigan na manatili sa bahay at manood ng laro kasama ng kanilang mga ama. Si George ay inanyayahang manood ng laro na kasama nila pero nadama niya na hindi siya dapat lumiban sa mga pulong ng Simbahan.

Pagkatapos ay nagsimula siyang mag-isip kung ayos lang na manatili siya sa bahay at panoorin ang laro. “Tutal naman,” naisip niya, “Makapupunta naman ako sa simbahan linggu-linggo, pero ang laro para sa kampeonato ay dumarating lamang minsan sa isang taon. Tiyak namang walang kaso kung minsan lang akong hindi makasisimba.”

Halos makukumbinsi na niya ang kanyang sarili na hindi magsimba nang pumasok sa kanyang isipan ang: “Ano ang gusto ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na gawin ko?”

Nang masagot ni George ang tanong na ito, nalaman niya kung ano ang dapat niyang piliin. Magsisimba siya.

Kuwento at talakayan

  • Sino sa palagay ninyo ang tumutulong kay George?

  • Paano tinulungan ng Espiritu Santo si George?

Ipaliwanag na inudyukan ng Espiritu Santo si Anita na maging mayumi at inudyukan din si George na magsimba. Kapwa sinunod ng mga bata ang mga pag-uudyok at sinunod ang mga kautusan. Ipaalam na uudyukan tayo ng Espiritu Santo, at dapat natin siyang sundin sa pamamagitan ng pagpili ng tama.

Singsing na PAT

Ipaalala sa mga bata na ang pagsusuot ng singsing na PAT ay makatutulong sa kanila na maalalang piliin ang tama.

Awit

Awitin o bigkasin ang mga salita sa “Piliin ang Tamang Daan.”

Pinagpapala Tayo Kapag Sinusunod Natin ang mga Pag-uudyok ng Espiritu Santo

Larawan at kuwento

Ipaliwanag na tayo ay higit na pinagpapala kapag nakikinig tayo at sumusunod sa pag-uudyok ng Espiritu Santo.

Ipakita ang larawan 3-52, Pinahihinto ng Ama ang Kabayo at Inililigtas ang Kanyang Anak na Lalaki. Sabihin kung paano pinagpala ng Ama sa Langit si Bruce R. McConkie at ang kanyang ama dahil sinunod ng kanyang ama ang pang-uudyok ng Espiritu Santo:

“Isa sa mga kauna-unahan kong alaala ng aking pagkabata ay ang pagsakay sa kabayo na dumaraan sa taniman ng mansanas. Ang kabayo ay maamo at mahusay, at maginhawa ang pag-upo ko sa kabayo.

“Pero isang araw ay may bagay na kinatakutan ng aking kabayo, at siya ay sumibad ng takbo patungo sa taniman ng mansanas. Nadagil ako sa aking upuan ng nagbiting mga sanga, at ang isang paa ay dumulas sa tapakan.”

Ituro ang tapakan sa larawan.

“Halos bahagya lang akong nakahawak sa malapit nang mapatid na taling gawa sa balat na ginagamit ng isang koboy para pagtalian ng [lubid] sa kanyang upuan.”

“Dapat sana ay napatid na ang tali dahil sa bigat ko, pero kahit papaano ay naging matibay pa rin ito nang mga sandaling iyon. Sa isa pa o dalawang pagsugod ng nag-uumalmang kabayo ay mapapatid na ang tali o mapupulupot ito sa aking mga kamay at maaari ding sa pagkakapulupot ng aking paa sa tapakan ay makaladkad ako at maging sanhi ng aking pagkapinsala o pagkamatay.

“Walang anu-ano ang kabayo ay huminto, at nalaman ko na lamang na may mahigpit na humahawak sa tali at sinusubukang payapain ang nanginginig na hayop. Halos kaagad-agad ay sinunggaban ako ng mga bisig ng aking ama.

“Ano ang nangyari? Ano ang nagdala sa aking ama para iligtas ako sa muntik na pagkakasagasa sa akin ng nag-uumalmang kabayo ko?

“Ang aking ama ay nakaupong nagbabasa ng diyaryo sa bahay nang bumulong sa kanya ang Espiritu [ang Espiritu Santo] ng, ‘Pumunta ka sa taniman!’

“Nang walang halong pag-aalinlangan, hindi na naghintay pang malaman kung bakit o sa anong dahilan, ang aking ama ay tumakbo. Nang makarating siya sa taniman nang hindi pa rin nalalaman kung bakit siya naroroon, nakita niya ang nag-uumalmang kabayo at naisip niya, kailangang pigilin ko ang kabayong ito.

“Nagawa niya at natagpuan ako. At iyon ang pangyayari kung paano ako naligtas mula sa malubhang pinsala o maaaring kamatayan” (Bruce R. McConkie, “Hearken to the Spirit,” Friend, Set. 1972, p. 10).

Talakayan

Talakayan

  • Paano iniligtas ng Espiritu Santo ang batang si Bruce R. McConkie mula sa malubhang kapinsalaan?

  • Ano ang maaaring nangyari kung hindi sinunod agad ng ama ni Bruce ang bulong ng Espiritu? (Ipaliwanag na pagkatapos ng ilang panahon, si Bruce R. McConkie ay tinawag na maging isang [kasapi ng korum ng] Pitumpu at pagkatapos ay isang apostol; maaaring hindi tayo nagkaroon ng mahalagang pinuno na tulad niya.)

  • Paano mapalalakas ang patotoo ng isang tao ng isang karanasan na tulad nito? Bakit?

Sabihin sa mga bata na kung minsan ay maaaring hindi natin kaagad mapansin ang mga pagpapala na nanggagaling mula sa pakikinig sa pag-uudyok ng Espiritu Santo. Makatitiyak tayo, gayunman, na tayo ay pagpapalain kung ating susundin ang pag-uudyok na dumarating sa atin.

Buod

Larong tanungan

Anyayahan ang mga bata na maghali-haliling pumili ng tanong mula sa supot na iyong inihanda at pagkatapos ay sagutin ang tanong. Kakailanganin mong basahin ang mga tanong nang malakas para sa mga nakababata. Gamitin ang mga sumusunod na tanong. Isulat ang ilan mong karagdagang mga tanong kung kinakailangan upang ang bawat bata ay magkaroon ng pagkakataong pumili ng tanong mula sa supot.

Larong tanungan

  1. Ano ang ibig sabihin ng uudyukan ang isang tao? (Magbigay ng direksiyon o sabihin sa isang tao kung ano ang gagawin.)

  2. Sino ang nag-uudyok sa atin? (Ang Espiritu Santo.)

  3. Paano tayo inuudyukan ng Espiritu Santo? (Inuudyukan tayo sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng mga kaisipan o damdamin o sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa atin.)

  4. Paano tayo tinutulungan ng Espiritu Santo? (Tinutulungan niya tayong malaman ang mga tamang bagay na gagawin.)

  5. Paano tinulungan ng Espiritu Santo si Anita? (Inudyukan siyang maging mayumi.)

  6. Paano tinulungan ng Espiritu Santo si George? (Inudyukan siya na gawin ang gustong ipagawa sa kanya ng Ama sa Langit at ni Jesucristo—ang magsimba.)

  7. Anong udyok ang ibinigay ng Espiritu Santo na gawin ni Karolina? (Tanggalin ang tali ng sapatos ng kanyang kapatid upang mahila niya ang paa nito.)

  8. Paano pinagpala ang batang si Bruce R. McConkie dahil nakinig ang kanyang ama at sumunod sa mga pag-uudyok ng Espiritu Santo? (Siya ay nailigtas sa kapinsalaan o kamatayan.)

  9. Ano ang dapat nating gawin kapag tayo ay nakatanggap ng pang-uudyok mula sa Espiritu Santo? (Makinig, sumunod, at piliin ang tama.)

Patotoo

Ipahayag ang iyong pasasalamat para sa mga pang-uudyok ng Espiritu Santo sa buhay mo. Kapag ginagabayan ng Espiritu, magbahagi ng pansariling karanasan tungkol sa pagkakataon nang ang Espiritu Santo ay nag-uudyok sa iyo o sa isang taong kakilala mo.)

Ipaliwanag na ang Espiritu Santo ay hindi kailanman mag-uudyok na gawin ang anumang mali. Tutulungan niya tayong gawin ang gustong ipagawa sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Saligan ng pananampalataya

Ipaulit sa mga bata ang unang saligan ng pananampalataya.

Ipaalala sa mga bata na ang kaalob na Espiritu Santo ay isang natatanging handog na natatanggap natin pagkatapos na tayo ay mabinyagan at mapagtibay.

Hilingan ang bata na magbibigay ng pangwakas na panalangin na magpasalamat para sa mga pang-uudyok ng Espiritu Santo. Imungkahi na hilingin niya sa Ama sa Langit na tulungan ang bawat miyembro ng klase na makilala ang mga pang-uudyok ng Espiritu Santo kapag tinatanggap niya ang mga ito.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamainam para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalik-aral o buod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong Para sa Guro.”

  1. Hayaang makinig ang mga bata sa sumusunod na kuwento tungkol kay Elder Thomas S. Monson:

    Ilang panahon ang nakaraan, si Elder Monson at ang kanyang asawa ay ipinadala ng propeta upang dumalaw sa mga isla ng Samoa.

    Habang sila ay naroroon, dumalaw sila sa isang klase ng mga bata na nakatira sa baryo ng Sauniatu.

    Si Elder at si Kapatid na [babae] Monson ay kapwa nagsalita sa klase. Pagkatapos ng kanilang mga pananalita at habang ipinapaalam ng guro ng mga bata ang pangwakas na awit ay may pumasok sa isipan ni Elder Monson. Siya ay inudyukan na mismong batiin niya ang bawat isa sa 247 na mga bata.

    Gayunman, nang tingnan niya ang kanyang relo nalaman niya na kaunti na lamang ang kanyang oras upang isa-isang batiin ang bawat bata.

    Sinikap niyang alisin sa kanyang isip ang mga bagay na iyon, pero hindi niya magawa.

    Bago ang pangwakas na panalangin, siya ay muling inudyukan na biayang-panahon ang pakikipagkamay sa bawat bata.

    Nagpasiya siyang kausapin ang guro at sinabing, “Talagang gusto kong makamayan ang bawat batang lalaki at babae. Maaari ba ito?”

    Ngumiti ang guro at, sa wikang Samoan, kinausap ang mga bata. Sabik na sabik silang tumango bilang pagsang-ayon. Sinabi niya kay Elder Monson ang dahilan ng pagngiti ng mga bata. Nang malaman ng guro na hinilingan ng Pangulo ng Simbahan ang isa sa Labindalawang Apostol na dalawin sila sa Samoa, sinabi ng guro sa mga bata na kung sila ay tapat na mananalangin at magkakaroon ng pananampalataya na tulad ng mga tao sa Biblia at Aklat ni Mormon, dadalawin ng Apostol ang kanilang baryo. Siya rin ay uudyukan ng Espiritu Santo na kamayan ang bawat bata (tingnan sa “Talofa Lava” ni Elder Thomas S. Monson, Friend, Mayo 1972, p. 12–13).

    • Sino ang nag-udyok kay Elder Monson?

    • Paano inudyukan ng Espiritu Santo si Elder Monson?

    Banggitin na inuudyukan ng Espiritu Santo ang mga tao sa iba’t ibang paraan. Halos kadalasan ay sinasabihan niya tayo sa ating isipan tulad ng kay Elder Monson.

    Ipaliwanag na dahil nakinig si Elder Monson sa mga udyok o tagubilin ng Espiritu Santo, nagawa niya ang gustong ipagawa sa kanya ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

  2. Magpakuwento sa mga bata ng tungkol sa anumang mga karanasan sa kanilang sariling buhay nang kanilang maramdaman na sila ay tumanggap ng patnubay mula sa Espiritu Santo.