Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 35: Mga Templo at mga Walang-hanggang Pamilya


Aralin 35

Mga Templo at mga Walang-hanggang Pamilya

Layunin

Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang mga pamilya ay makapagsasama-sama sa kawalang-hanggan.

Paghahanda

  1. Maghandang awitin o bigkasin ang mga titik sa “Mag-anak ay Magsasama-sama sa Kawalang-hanggan” (Aklat ng mga Awit Pambata) at “Mag-anak na Kaysaya” (Aklat ng mga Awit Pambata); ang mga titik sa kapwa awit ay kasama sa likod ng manwal na ito.

  2. Sa buong araling ito, maging sensitibo sa mga bata na kapwa walang ina at ama sa kanilang mga tahanan. Maging sensitibo rin sa mga bata na ang mga magulang o kapatid ay hindi mga kasapi ng Simbahan.

  3. Mga kailangang kagamitan: larawan 3-5, Tinuturuan nina Adan at Eva ang Kanilang mga Anak; mga larawan ng templo na pinakamalapit sa inyo at ilang ibang templo, kung may makukuha (o gamitin ang larawan 3-62, Templo ng Portland, Oregon [62617]).

  4. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin sa mga bata kung nagawa nila ang anumang bagay na hinimok mong gawin nila sa loob ng linggong ito.

May mga Pamilya Tayo sa Langit at sa Lupa

Gawaing pantawag pinsan

Awitin o bigkasin ang mga salita sa “Mag-anak Nami’y Kaysaya.”

Talakayan sa larawan

Ipaliwanag sa mga bata na bago tayo isinilang sa mundong ito, tayo ay magkakasamang nabuhay bilang magkakapatid sa magandang daigdig ng mga espiritu. Tayo ay bahagi ng isang pamilya sa langit na may mapagmahal na mga magulang sa langit.

Itaas ang larawan 3-5, Tinuturuan nina Adan at Eva ang Kanilang mga Anak. Tanungin ang mga bata kung kilala nila ang mga taong ito. Sabihin sa kanila na sina Adan at Eva ang unang mga magulang sa lupa. Sinabi ng Ama sa Langit kina Adan at Eva na magkaroon ng mga anak. Sila ang unang nagkaroon ng pamilya sa mundong ito.

Ipaliwanag na mahal ng Ama sa Langit sina Adan at Eva at ang kanilang mga anak. Sinabi niya kina Adan at Eva na ituro ang ebanghelyo sa kanilang mga anak. Sabihin sa mga bata na sa ating panahon, ipinadala rin sila ng Ama sa Langit sa mga pami-pamilya, tulad ng ginawa niya sa mga anak nina Adan at Eva. Mahal niya ang lahat ng bata at sinabi sa lahat ng magulang na ituro sa kanilang mga anak ang ebanghelyo.

Kapag tayo ay mamamatay at iiwan ang mundong ito, gusto ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na muli tayong mamuhay bilang mga pamilya sa langit. Ipinakita nila sa atin ang paraan para mangyari ito.

Sa mga Templo Maaaring Ibuklod ang mga Pamilya sa Kawalang-hanggan

  • Ano ang templo?

Tulungan ang mga bata na maunawaan ang mga sumusunod na ideya tungkol sa mga templo:

  1. Ang mga ito ay mga banal na gusali.

  2. Ang bawat isa ay tinatawag na tahanan ng Panginoon.

  3. Sa mga templo ay natututuhan natin ang maraming bagay tungkol sa piano ng Ama sa Langit para sa atin.

  4. Sa loob ng mga templo, tayo ay gumagawa ng mga natatanging pangako o tipan sa Ama sa Langit, at gumagawa rin ng mga natatanging pangako sa atin ang Ama sa Langit.

Ipaliwanag na maraming banal at mahahalagang bagay na sa templo lamang maaaring gawin.

Mga larawan

Ipakita ang mga larawan ng mga templo.

Mga larawan

  • Ilan sa inyo ang nakakita na ng isa sa mga templo ng Ama sa Langit?

  • Ano ang inyong naramdaman habang tinitingnan ninyo ang templo?

Ipakuwento sa mga bata ang tungkol sa mga templo na kanilang nakita. Magbigay ng pag-asa na magkakaroon din ng pagkakataon ang mga bata na hindi pa nakakita ng templo na makakakita nito sa darating na panahon. Hikayatin ang lahat ng bata kung maaari na magkaroon ng larawan ng templo sa kanilang mga tahanan.

Paglalahad ng guro

Ipaliwanag na sa templo ang mag-asawa ay makapagsasagawa ng ordenansa na makatutulong sa kanilang magkasama sa kawalang-hanggan. Ito ay tinatawag na pagbubuklod o isang kasal sa templo. Kung ang mag-asawa ay ikinasal sa labas ng templo na para lang sa buhay na ito, sila ay maaaring pumunta sa templo at mabuklod upang manatiling kasal sa kawalang-hanggan. Ang mga anak nila ay maaaring maibuklod sa kanila at sila ay magiging bahagi ng kanilang pamilya magpakailanman. Ang natatanging pagpapalang ito ay ibinibigay lang sa mga nabuklod sa templo at sa mga tumutupad ng mga pangako na ginawa nila roon. Ipaalala sa mga bata kung gaano nila kamahal ang kanilang mga pamilya at kung gaano magiging napakaganda na sila ay magsama-sama sa kawalang-hanggan.

Ipaliwanag na mahal ng Ama sa Langit ang lahat ng tao. Mahal niya ang mga hindi pa nakapunta sa templo tulad ng mga nakapunta na. Hinahangad niya na ang lahat ng mga pamilya ay mabuklod sa templo. Ipaliwanag na maraming pamilya pa ang hindi nabubuklod sa templo. Gayunman, ang mga pamilyang ito ay makapupunta sa templo kung ihahanda nilang mabuti ang kanilang mga sarili. Sabihin sa mga bata na sila ay maaaring mamuhay nang karapat-dapat upang kapag sila ay ikakasal, makapupunta sila sa templo upang maibuklod at makapagsimula ng sarili nilang walang-hanggang mga pamilya.

Awit

Ituro sa mga bata ang unang talata at ang koro ng awit na “Mag-anak ay Magsasama-sama sa Kawalang-hanggan.” Talakayin ang mga salita ng awit. Patayuin ang mga bata at ipaawit o ipabigkas ang awit.

Tayo ay Kailangang Maging Karapat-dapat Upang Makapunta sa Templo

Paglalahad ng guro

Ipaliwanag na sinumang kasapi ng Simbahan na namumuhay nang matwid at nakakukuha ng pahintulot (sa pamamagitan ng rekomendasyon sa templo) mula sa obispo o pangulo ng sangay ay makapupunta sa templo. Ang mga pumupunta sa templo ay kailangang maging karapat-dapat upang makapasok sa tahanan ng Panginoon.

Awit

Talakayin ang mga salita ng ikalawang talata sa awit na “Mag-anak ay Magsasama-sama sa Kawalang-hanggan.” Pagkatapos ay tulungan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga salita nang sabay-sabay.

Talakayan

Talakayan

  • Paano kayo makapaghahanda na maging karapat-dapat upang makapunta sa templo?

  • Kung ang inyong pamilya ay nakatira malapit sa templo kung saan maaaring makabalik nang madalas ang inyong mga magulang dito, paano ninyo sila matutulungan na gawin ito?

Hayaang talakayin ng mga bata ang mga paraan ng paghahanda sa pagpunta nila sa templo. Tulungan silang malaman ang kailangan nilang gawin upang makapaghandang makapunta sa templo sa pamamagitan ng pagtatanong ng katulad ng mga sumusunod:

Talakayan

  • Ano ang dapat ninyong gawin kapag kayo ay kumita o nakatanggap ng pera? (Magbayad ng ikapu.)

  • Ano ang dapat ninyong gawin tuwing Linggo? (Pumunta sa mga pulong ng Simbahan at sambahin ang Ama sa Langit.)

  • Paano ninyo dapat pakitunguhan ang inyong mga magulang at mga kapatid? (May kabaitan at may pagmamahal.)

  • Ano ang ibig sabihin ng maging matapat? (Sabihin ang totoo at huwag magnakaw.)

  • Paano ninyo pangangalagaan ang inyong katawan? (Kumain ng masustansiyang pagkain. Sundin ang Salita ng Karunungan.)

  • Ano ang dapat ninyong madama sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? (Mahalin sila, sundin ang kanilang mga kautusan, at sundin ang mga aral ng mga buhay na propeta.)

  • Paano natin dapat pakitunguhan ang iba? (Mahalin ang isa’t isa.)

Ipaliwanag na nais ng Ama sa Langit na mamuhay nang mabuti ang mga bata upang sila ay maging karapat-dapat na makapunta sa templo. Kung susundin nila ang mga kautusan ng Ama sa Langit at sisikaping gawin ang tama, sila ay magiging karapat-dapat na makapunta sa templo at tanggapin ang mga natatanging pagpapala mula sa Ama sa Langit.

Saligan ng pananampalataya

Pagbalik-aralang kasama ng mga bata ang inaasahan ng Ama sa Langit na ating gagawin ayon sa ikalabintatlong saligan ng pananampalataya. Ipaliwanag na ang paggawa sa mga bagay na ito ay makatutulong na maihanda sila na makapunta sa templo.

Buod

Tulungan ang mga bata na maunawaan na binigyan tayo ng piano ng Ama sa Langit na nagpapahintulot sa mga pamilya na magsama-sama sa kawalang-hanggan. Dahil mahal tayo ng Ama sa Langit, gusto niya na lahat ng kanyang anak ay magkaroon ng mga pagpapala na ibinibigay sa templo. Maraming templo sa buong mundo, kaya maraming bata sa mundo ang maaaring magkaroon ng mga pagpapala ng pagkakabuklod o walang-hanggang pagsasama-sama ng kanilang mga pamilya. Muling tukuyin ang mga larawan ng iba’t ibang templo. Ipaliwanag na habang lumalaki ang bilang ng mga kasapi sa Simbahan, ang Simbahan ay magtatayo pa ng maraming templo sa buong mundo.

  • Ano ang maaari ninyong sabihin sa inyong pamilya tungkol sa mga templo?

Hikayatin ang mga bata na ibahagi sa kanilang mga pamilya ang mga natutuhan nila. (Maging maingat sa bagay na ito kung alam mo na ang mga pamilya ay maaaring magkaroon ng negatibong pagtugon.)

Patotoo

Ibigay ang iyong patotoo tungkol sa mga templo. Ipaliwanag na ang tanging paraan upang ang mga pamilya ay magkaroon ng pagpapala ng walang-hanggang pagsasama ay ang mabuklod sa templo. Ibigay ang iyong patotoo tungkol sa mga pagpapala ng kasal sa templo at ang kaligayahan na darating sa mga bata kung sila ay maghahanda na makapunta sa templo. (Kung hindi ka pa nakapunta sa templo, maaari mong hilingan ang obispo o ang pangulo ng sangay, o sinuman na kanyang irerekomenda na nanggaling na sa templo, na pumunta sa iyong klase sa oras na malapit nang matapos ang aralin upang magbigay ng kanyang patotoo sa mga pagpapala ng templo.)

Hikayatin ang mga bata na sikaping gawing masaya ang kanilang mga pamilya sa linggong ito sa pamamagitan ng pagsasalita ng magagandang bagay sa kanila at sa pamamagitan ng pagsunod sa ipinapagawa ng mga magulang nila.

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pangwakas na panalangin. Imungkahi na pasalamatan niya ang Ama sa Langit para sa mga pamilya at mga pagpapala ng templo.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamainam para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalik-aral o buod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong Para sa Guro.”

  1. Maghanda ng sapat na mga piraso ng papel upang ang bawat bata ay magkaroon ng isang piraso para sa bawat kasapi ng kanyang pamilya. Magdala ng pandikit at isang pansulat.

    Magsimula sa dalawang piraso ng papel para sa bawat bata, at sulatan ng Nanay ang isa at ang isa ay Tatay. Pagkabitin ang dalawa na parang tanikala.

    Sabihin sa mga bata na noong ikasal ang kanilang mga magulang, tulad ng tanikala sila ay naging magkaugnay. Pagkatapos ay tulungan ang mga batang magdagdag ng isang kawil para sa bawat anak sa kanilang pamilya. Kapag ang isang kawil ay naidagdag para sa bawat miyembro ng pamilya, gumawa ng isang bilog mula sa tanikala. Sabihin sa mga bata na kapag ang mga miyembro ng kanilang pamilya ay sama-samang naibuklod sa templo, sila ay sama-samang napag-uugnay magpakailanman. Sila ay maaaring maging isang walang-hanggang pamilya, tulad ng bilog na walang katapusan.

  2. Gawin ang sumusunod na laro sa pamamagitan ng daliri na kasama ang mga bata.

    (Magsimula na nakatikom ang kamay)

    Ito ang nanay, (itaas ang hinlalaki)

    Ito ang tatay, (itaas ang hintuturo)

    Ito naman ang kuya, (itaas ang gitnang daliri)

    Ito ang ate, (itaas ang palasinsingan)

    Ito ang bunso, (itaas ang hinliliit)

    O, mahal na mahal natin sila. (itaas ang kamay na nakaladlad ang mga daliri)

  3. Ituro sa mga bata ang karagdagang talatang ito ng “Mag-anak na Kaysaya.”

    Mahal ko ang nanay ko, mahal namin, tatay ko

    Kami’y mahal n’ya kaya mag-anak nami’y kaysaya.

    Mahal ko ang ate ko, mahal namin, kuya ko.

    Kami’y mahal n’ya kaya, mag-anak nami’y kaysaya.

  4. Kung may isang bata sa iyong klase na nagkaroon na ng karanasan ng pagpunta sa templo na kasama ang kanyang pamilya upang maibuklod, maaari mong naising ipakuwento sa bata o sa kanyang mga magulang ang tungkol dito.