Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 38: Ako ay Maaaring Maging Malinis at Matwid


Aralin 38

Ako ay Maaaring Maging Malinis at Matwid

Layunin

Tulungan ang mga bata na hangaring maging malinis at matwid.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang 3 Nefias 27:27; Mormon 1:1–4, 13–17; 2:1, 16–19; at Doktrina at mga Tipan 100:16.

  2. Maghandang tulungan ang mga bata na awitin o bigkasin ang “Piliin ang Tamang Daan” (Aklat ng mga Awit Pambata); ang mga titik ay kasama sa likod ng manwal na ito.

  3. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Aklat ni Mormon at Doktrina at mga Tipan para sa bawat bata, kung may makukuha.

    2. Mga lalagyan ng asin at paminta (may laman), kung may makukuha.

    3. Singsing at kalasag na PAT.

    4. Larawan 3-34, Pinaiikli ni Mormon ang mga Lamina (62520; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 306).

  4. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin sa mga bata kung nagawa nila ang anumang bagay na hinimok mong gawin nila sa loob ng linggong ito.

Si Mormon ay Malinis at Matwid

Gawaing pantawag pansin

Ipakita ang mga lalagyan ng asin at paminta na iyong dinala. Maglagay ng kaunting asin sa iyong kamay, at ipakita ito sa klase. Ipaliwanag na hawak mo sa iyong kamay ang malinis na asin. Ito ay puro dahil wala itong kasamang kahit na ano maliban sa tunay at malinis na asin.

Lagyan ng kaunting paminta ang asin sa iyong kamay. Ipaliwanag na ang asin ay hindi na malinis, ito ay may halo na. Kapag hinahayaan ng mga tao ang mali o di-mabuting mga kaisipan o gumagawa ng mali o mga bagay na di-mabuti, hindi na sila malinis. Sila ay tulad ng pinaghalong asin at paminta. Bigyang-diin na ang mga taong malinis ay sinisikap sa lahat ng oras na magkaroon ng mabubuting kaisipan at gumawa ng mabubuti.

Kuwento sa banal na kasulatan

Ipaliwanag na ikukuwento mo ang tungkol sa isang tao mula sa Aklat ni Mormon na malinis at matwid. Isalaysay ang sumusunod na kuwento sa iyong sariling mga salita:

Bilang isang batang lalaki, si Mormon ay nakilala bilang isang tanyag na tao. Noong si Mormon ay sampung taong gulang pa lamang, sinabi sa kanya na kapag siya ay lumaki na, siya ang mamamahala sa mga lamina ni Nefias. Ang kasaysayan ng mga Nefita ay nakatala sa mga laminang ito. Sinabihan siya na bantayan ang kanyang mga tao at sa gulang na dalawampu’t apat, isulat ang kanilang kasaysayan. Tulungan ang mga batang maunawaan ang kahalagahan ng pananagutang ito.

Kuwento sa banal na kasulatan

  • Sa gulang na sampung taon, ano sa palagay ninyo ang mga katangiang tinataglay ni Mormon na naging dahilan upang mapili siyang susunod na tagapag-ingat ng tala? Anong uri ng bata si Mormon? (Hayaang talakayin ng mga bata ang mga sagot. Upang matulungan sila, basahin ang Mormon 1:1–2. Tulungan ang mga bata na maunawaan na si Mormon ay isang magaling na mag-aaral dahil siya ay “nagsimulang matuto kahit paano alinsunod sa pamamaraan ng pagkakatuto ng [kanyang] mga tao”; siya ay “isang batang mahinahon,” na ang ibig sabihin ay pormal at mapagkakatiwalaan siya; at siya ay “mabilis magmasid,” na ang ibig sabihin ay napansin at natutuhan niya ang tungkol sa maraming bagay. Ipaliwanag na mahal ni Mormon ang Ama sa Langit at sinunod ang mga kautusan, na nagpanatili sa kanyang maging malinis at matwid. Alam ng Ama sa Langit na mapagkakatiwalaan niya si Mormon sa mga banal na kasulatan na nasa mga lamina ni Nefias.)

Ipaliwanag na noong labinlimang taong gulang si Mormon, siya ay nagkaroon ng magandang karanasan. Siya ay dinalaw ng Panginoong Jesucristo (tingnan sa Mormon 1:15).

Kuwento sa banal na kasulatan

  • Kung ikaw si Mormon, ano sa palagay mo ang madarama mo sa harap ni Jesucristo?

  • Sa anong mga paraan malinis at matwid si Mormon? (Maaari mong naising isulat sa pisara ang kanilang mga sagot.)

Ipaliwanag na halos lahat ng mga tao sa panahon ni Mormon ay napakasasama (tingnan sa Mormon 1:13–14). Gusto ni Mormon na magsisi at magpabinyag ang mga tao upang sila ay maging matwid at masaya (tingnan sa Mormon 3:2). Sinabi niya sa mga taong magsisi, pero hindi sila nakinig.

Kuwento sa banal na kasulatan

  • Ano sa palagay ninyo ang naramdaman ni Mormon bilang isa sa iilan lamang na mga taong nagsisikap na maging matwid?

Ipakita ang larawan 3-34, Pinaiikli ni Mormon ang mga Lamina.

Ipaliwanag na isinulat ni Mormon ang kasaysayan ng kanyang mga tao sa mga laminang metal, tulad ng ipinag-utos sa kanya. Isinaayos din niya ang mga kasaysayan na isinulat ng ibang tao.

Kuwento sa banal na kasulatan

  • Saan natin makikita ang kasaysayan na isinulat ni Mormon?

Ipakita ang isang kopya ng Aklat ni Mormon at ipakita sa mga bata ang pangalang Mormon sa pamagat. Ipaliwanag na ang aklat ay ipinangalan kay Mormon dahil siya ang nag-ayos at nag-ingat sa mga tala at dahil siya ay isang matwid na tao.

Tayo ay Maaaring Maging Malinis sa Isip, Salita, at Gawa

Talakayan sa banal na kasulatan

Talakayan sa banal na kasulatan

  • Paano tayo magiging malinis?

Upang masagot ang tanong na ito, basahin sa mga bata ang pahayag na ito ni Jesucristo na nakatala sa 3 Nefias 27:27: “Maging anong uri ng [mga tao] ba nararapat kayo? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko.”

Talakayan sa banal na kasulatan

  • Anong uri ng mga tao tayo dapat na maging?

Ipaliwanag sa mga bata na ang lahat ng inisip, sinabi, at ginawa ni Jesucristo ay mabuti. Upang maging tulad niya, tayo ay dapat na magsikap na mag-isip, magsalita, at gumawa ng katulad ng mga bagay na sa palagay natin ay iisipin, sasabihin, at gagawin ni Jesus. Kapag natutukso tayong gawin ang mali, dapat nating tanungin ang ating sarili ng, “Ano ang gusto ni Jesus na gawin ko?” Makatutulong ito sa atin upang tayo ay manatiling malinis at matwid.

Singsing at kalasag na PAT

Ipakita sa mga bata ang singsing at kalasag na PAT. Ipaalala sa kanila na ang kalasag at singsing ay makatutulong sa kanilang maalalang gawin ang nais ni Jesus. Kapag pinananatili nilang malaya ang kanilang mga sarili mula sa maling mga kaisipan at gawa sa pamamagitan ng palaging pagpili ng tama, mapananatili nilang malinis at matwid ang kanilang mga sarili.

Awit

Tulungan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga salita sa “Piliin ang Tamang Daan.”

Kuwento

Isalaysay ang sumusunod na kuwento tungkol sa isang batang babae na ginawa kung ano ang tama, bagama’t ito ay mahirap:

Ang paboritong tiyuhin ni Debbie ay inis na inis kay Debbie at sa kanyang pamilya nang sila ay sumapi sa Simbahan. Siya ay tumangging dumalaw sa kanila sa loob ng halos isang taon. Sa wakas nang siya ay dumating, inanyayahan niya si Debbie na sumama sa kanyang pamilya sa pag-akyat sa bundok. Tuwang-tuwa si Debbie.

Sa ikalawang araw ng paglalakad, nabitawan ni Debbie ang kanyang inuminan at nabasag ito. Matindi ang sikat ng araw, at si Debbie ay unti-unting naiwan ng iba. Ang kanyang labi ay tuyung-tuyo; gusto niyang uminom ng tubig.

Sa mas mataas na bahagi ng bundok ay nakita niya ang iba na nakatigil at umiinom mula sa lata. Nagmadali siya upang makainom din.

Habang lumalakad siya upang abutan ang grupo, isa sa kanila ang sumigaw, “Eto ang inumin Debbie.”

At nakita niya na ang taong iyon ay may hawak na bote ng bir sa kanyang kamay. Sa umpisa, ang naisip lang ni Debbie ay uhaw na uhaw siya. Si Debbie ay naturuan ng ebanghelyo at nabinyagan, at alam niya na hindi siya dapat uminom ng bir. Muli ay naisip niya ang kanyang pagkauhaw. Gustong gawin ni Debbie ang tama. Siya ay talagang nagsikap magmula nang siya ay mabinyagan at nanalangin na magawa niyang masunod ang mga kautusan. Ngayon ay kailangan niya ng tulong upang maging malakas.

“Hindi ako umiinom ng bir. Mayroon pa po ba kayong ibang inumin na maaari kong mainom?” ang sabi ni Debbie habang nakatingin sa mga mata ng tao.

Ilang sandaling nagmukhang galit ang kanyang Tiyuhin na si John. Pagkatapos ay sinabi niya, “Si Debbie ay isang Mormon. Bigyan natin siya ng ibang maiinom.” At siya ay nagpatuloy na nagsabing, “Pasensiya ka na, Debbie.” Si Debbie ay nagpasalamat sa pagsunod niya sa mga kautusan.

Talakayan

Talakayan

  • Ano ang ginawa ni Debbie upang manatiling malinis at matwid?

  • Ano sa palagay ninyo ang naramdaman ni Debbie pagkatapos niyang piliin ang tama?

  • Paano naging mabuting halimbawa si Debbie sa kanyang tiyuhin?

Mga kuwento at talakayan

Sabihin sa klase na isasalaysay mo ang tatlong kuwento tungkol sa mga bata na naghangad na maging malinis at matwid sa kanilang isip, salita, at mga gawa.

Mga kuwento at talakayan

  1. Nang lumipat ang bagong kapitbahay ni Ryan sa kabilang bahay, siya ay naging kaibigan ng isa sa kanila, isang batang lalaki na kasing gulang niya na ang pangalan ay Tyler. Sila ay magkasamang naglalaro nang halos araw-araw. Isang araw ay nasa labas sila na nakikipaglaro sa ibang mga batang lalaki na malapit sa kanilang tinitirhan. Si Tyler ay nagalit dahil ang kanyang pangkat ay natatalo sa laro at nagsimulang magsalita ng masasamang salita at minumura ang kabilang pangkat. Umalis ang mga batang lalaki dahil hindi na sila nasisiyahan sa nangyayari at ayaw na nilang makipaglaro kay Tyler. Si Ryan ay nagpaiwan upang kausapin si Tyler. Ipinaliwanag niya kay Tyler na tinuruan sila ng kanilang mga magulang na maling magsalita ng ganoon sa iba. Sinabi niya na ayaw nilang marinig ang ganoong mga salita. Pagkatapos ay sinabi ni Ryan kay Tyler na kung gusto niyang maglaro nang hindi gagamit ng masasamang salita, hihilingan niya ang mga batang lalaking bumalik at muling maglaro.

    • Paano ipinakita ni Ryan na siya ay malinis at matwid? (Hindi siya nagmura, at sinikap niyang tulungang matutuhan ng isang batang lalaki na hindi tama ang magmura.)

    • Bakit masama ang magmura? (Ipaliwanag na nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na maging maganda ang ating pananalita. Ayaw nilang gamitin natin ang kanilang mga pangalan sa galit o pangit na paraan, na tinutukoy bilang “pagbanggit sa kanilang mga pangalan nang walang kabuluhan.” Ang mga nagmumura ay nagpapakita ng masamang halimbawa. Ang mga pagmumura ay maglalagay ng di-mabubuting kaisipan at masasamang damdamin sa ating mga puso.)

  2. Isang araw habang naglalaro si Corby sa labas ng bahay, siya at ang ilan niyang mga kaibigan ay tinawag ng isa pang batang lalaki sa kanto ng isang palaruan. Ang batang lalaking ito ay may ilang sigarilyo sa kanyang bulsa. Gusto niyang subukan ng mga batang lalaki na manigarilyo. Nagkatinginan ang mga batang lalaki at hindi alam kung ano ang gagawin. Sa wakas si Corby ay nagsalita at sinabi na ayaw niyang manigarilyo at tinanggihang gawin ito. Ang ibang mga batang lalaki ay sumang-ayon na ayaw rin nilang gawin ito.

    • Paano ipinakita ni Corby na siya ay malinis at matwid? (Siya ay tumangging manigarilyo.)

    • Paano ito nakatulong sa ibang batang lalaki?

    • Ano ang gagawin ninyo kung kayo ang naroroon?

  3. Si Gary ay nasa bahay ng kanyang kaibigan na nagbubuklat ng mga magasin. Nakakita ng ilang malalaswang larawan ang kaibigan ni Gary sa isang magasin at gusto niyang tingnan ni Gary ang mga ito. Si Gary ay asiwang-asiwa nang malaman niyang hindi magaganda ang mga larawan na nasa magasin. Alam niyang hindi titingnan ni Jesucristo ang mga ganoong larawan. Sinabi ni Gary na ayaw niya, at iminungkahi niya na sila ay lumabas at maglaro.

    • Paano masasabing matwid si Gary? (Tinanggihan niyang tingnan ang malalaswang larawan.)

    Ipaalam na ang ilang magasin, aklat, mga palabas sa sine at telebisyon ay hindi maganda at makapagbibigay sa atin ng masasamang kaisipan. Bigyang-diin na mahalagang panatilihin nating malinis at puno ng magagandang kaisipan ang ating mga isipan tulad ng ginawa ni Gary.

Talakayan

Ipaliwanag na ang mga programa sa sine at telebisyon na ating pinanonood ay maaaring makaimpluwensiya sa ating ikinikilos. Ang mga programang ito ay maaaring maglagay ng mga ideya sa ating mga isipan na hindi sana kailanman naroroon. Ang mga ideyang ito ay maaaring mabuti o masama, depende sa programa.

Talakayan

  • Nagkunwari na ba kayo na kayo ang tao na nakita ninyo sa pelikula o sa telebisyon?

Ipaliwanag na ito ay tinatawag na panggagaya sa isang tao. Madalas ay nakatutuwang gayahin ang isang tao na sa palagay mo ay isang bida sa isang pelikula.

Talakayan

  • Mayroon bang mga palabas sa sine o telebisyon na hindi maganda na mapanood natin? (Oo.)

  • Mayroon bang magagandang palabas sa sine o telebisyon na maaari nating mapanood? (Oo.)

Ipabanggit sa mga bata ang ilan sa kanilang mga paboritong palabas. Pagkatapos ay papag-isipin sila ng pinakagusto nilang bida sa telebisyon o sa pelikula. Ipasagot sa kanila ang mga sumusunod na tanong:

Talakayan

  • Ang gusto mo bang bida ay palaging sumusunod sa batas?

  • Ang gusto mo bang bida ay palaging nagmumura?

  • Ang gusto mo bang bida ay kumikilos nang maayos sa lahat ng oras?

  • Ang gusto mo bang bida ay maayos magdamit at kumilos?

Ipaliwanag na kung sila ay sasagot ng hindi sa alinman sa mga tanong na ito, marahil ay dapat na silang humanap ng isang tao na mas matwid para piliin nilang bida.

Imungkahi sa mga bata na kausapin nila ang kanilang mga magulang tungkol sa kung anong palabas sa sine at telebisyon ang kanilang pipiliing panoorin. Bigyang-diin na kung ang programang kanilang pinanonood ay may masamang ipinakikita, maaari nilang ilipat ang pihitan, patayin ang telebisyon, o lumabas ng sinehan.

Ipaalala sa mga bata na ang Espiritu Santo ay makatutulong sa atin na malaman ang kaibahan ng tama at mali. Kung tayo ay may hindi maganda o di-ayos na pakiramdam tungkol sa isang bagay, sinasabi sa atin ng Espiritu Santo na ito ay mali.

Buod

Patotoo ng guro

Ibigay ang iyong patotoo sa kahalagahan ng pagpapanatiling malinis at matwid ng ating isip, salita, at gawa. Maaari mong ibahagi ang isang karanasan nang nagawa mong manatiling malinis at matwid sa kabila ng tukso na gawin ang kabaligtaran. Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang kaligayahan ay nagmumula sa pagiging matwid, kahit na mahirap itong gawin.

Anyayahan ang mga bata na palaging isipin ang gustong ipaisip, ipasabi, at ipagawa sa kanila ni Jesucristo, kailanman na sila ay nahihirapang alamin kung paano pipiliin ang tama.

Banal na kasulatan

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 100:16 sa klase. Ipaliwanag na tayo ang mga tao na inalagaan ng Ama sa Langit upang maging malinis at matwid.

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pangwakas na panalangin.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamainam para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalik-aral o buod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa ”Mga Tulong Para sa Guro.”

  1. Ituro na gusto ni Jesucristo na maging katulad tayo ni Mormon, kahit na ang mga tao sa paligid natin ay hindi matwid. Sa pamamagitan ng paggamit ng tsart ng ikalabintatlong saligan ng pananampalataya, tulungan ang klase na ulitin nang sabay-sabay ang unang bahagi ng saligan hanggang sa salitang tao. Ipaliwanag na ang pagiging mapagkawanggawa ay nangangahulugang pagiging mabait at ang pagiging matapat, tunay, malinis, at walang bahid-dungis ay nangangahulugan ng pagiging malinis at matwid.

    Hikayatin ang mga bata na alalahanin ang saligan ng pananampalatayang ito.

  2. Ipaliwanag na mas madaling iwasang mapanood ang di-magagandang programa, kung ang mga bata at ang kanilang mga magulang ay magpaplano nang maaga pa lamang kung anong mga programa ang mabuting panoorin.

    Magmungkahi ng ilang iba’t ibang programa sa telebisyon o sine sa mga bata at tanungin sila kung ang panonood sa bawat isa sa mga ito ay pagpili ng tama.

  3. Tulungan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga titik at gawin ang mga galaw sa “Ako’y May Dalawang Tainga” (Children’s Songbook).

    Ako’y may dalawang tainga, (ituro ang mga tainga)

    At dalawang mata. (ituro ang mga mata)

    Mga paang magdadala sa akin

    Sa tama. (lumakad sa lugar)

    Sa wasto’y gagamitin

    Sa laro’t gawa. (magkunwaring nagwawalis o ibang trabaho at magkunwaring inihahagis ang bola o ibang laro)

    Salamat sa aking Ama (paglapatin ang mga kamay na parang nananalangin)

    At ako’y nilikha.

    Bibig ay upang bigkasin salitang maganda, (ituro ang mga labi)

    Mga kamay na panggawa’y bigay din ng Ama. (itaas ang mga kamay at pagkatapos ay ituro ang sarili)

    Sa wasto’y gagamitin

    Sa laro’t gawa. (magkunwaring nagwawalis o ibang trabaho at magkunwaring hinahagis ang bola o ibang laro)

    Salamat sa aking Ama (paglapatin ang mga kamay na parang nananalangin)

    At ako’y nilikha.

  4. Ipaawit o ipabigkas sa mga bata ang mga titik sa “Humimig Ka ng Himno” (Hum Your Favorite Hymn, Children’s Songbook, p. 152).

    Kung minsan ay ‘yong mapuna

    Sabi’y di maganda,

    O ang naisip di wasto,

    Heto ang isang payo.

    Humuni ka ng himno,

    Awit na paborito,

    At lilinaw ang isip mo.

    Humuni ng himno.

    Talakaying kasama ng mga bata kung paano makatutulong sa kanila ang awit na ito upang panatilihing malinis ang kanilang mga kaisipan at pananalita.