Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 7: Pananampalataya kay Jesucristo


Aralin 7

Pananampalataya kay Jesucristo

Layunin

Tulungan ang bawat bata na maunawaan na ang pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo ang unang alituntunin ng ebanghelyo.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin at maging handang ilahad at ipaliwanag sa mga bata ang mga sumusunod na banal na kasulatan: Marcos 10:46–52; Mateo 3:13–17; 3 Nefias 11:8–17; at Doktrina at mga Tipan 76:19–23.

  2. Anyayahan ang isang taong may malakas na patotoo kay Jesucristo na dumalaw sa klase mo sa loob ng ilang minuto sa simula ng aralin para ibahagi ang patotoo niya at damdamin tungkol sa Tagapagligtas. Tiyaking may pahintulot ang obispo o pangulo ng sangay bago anyayahan ang isang tao, at ipaalam din sa pangulo ng Primarya.

  3. Sundin ang mga tagubilin sa ibaba upang makagawa ng isang tsart na pinamagatang “Pagiging Kasapi ng Simbahan ni Jesucristo.” (Kasama sa hulihan ng aralin ang isang halimbawa.) Ang tsart na ito ay gagamitin sa susunod na apat na aralin, kaya’t maaaring naisin mong kulayan ito at idikit ito sa makapal na papel. Gawing sapat ang laki ng tsart na ito para makita ng lahat ng miyembro ng klase mo. (Maaaring naisin mo ring gamitin ang tsart sa oras ng pagbabahagi.)

    1. Isulat ang mga sumusunod sa mga piraso ng papel:

      Kaloob na Espiritu Santo

      Pagbibinyag

      Pananampalataya kay Jesucristo

      Pagsisisi

    2. Iteyp ang mga sinulatang piraso ng papel sa ibabaw ng mga hakbang ayon sa isinasaad sa aralin. Ang hakbang na “Pananampalataya kay Jesucristo” lamang ang gamit sa araling ito.

  4. Isulat ang “Tanungin mo ako kung ano ang natutuhan ko tungkol sa pagiging kasapi ng Simbahan ni Jesucristo” sa isang maliit na papel para sa bawat bata.

  5. Bago magklase, ilagay sa isang lugar na makikita ng mga bata ang isang kopya ng apat na pamantayang banal na kasulatan.

  6. Maghandang awitin o bigkasin ang mga titik sa awit na, “Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo” (Aklat ng mga Awit Pambata); ang mga titik ay kasama sa likod ng manwal na ito.

  7. Tulungan ang mga batang nakapagsasaulo na sauluhin hangga’t maaari ang ikaapat na saligan ng pananampalataya.

  8. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Biblia, Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas.

    2. Larawan 3-9, Si Jesus ang Cristo (62572; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 240); larawan 3-16, Pagpapagaling sa Bulag (62145; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 213); larawan 3-1, Binibinyagan ni Juan Bautista si Jesus (62133; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 208); larawan 3-17, Nagtuturo si Jesus sa Kanluraning Bahagi ng Daigdig (62380; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 316); larawan 3-10, Ang Unang Pangitain (62479; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 403); at larawan 3-18, Pangulong Lorenzo Snow.

  9. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin sa mga bata kung nagawa nila ang anumang bagay na hinimok mong gawin nila sa loob ng linggong ito.

Pag-unawa sa Pananampalataya

Gawaing pantawag pansin

Ipakita ang larawan 3-9, Si Jesus ang Cristo. Panatilihing nakikita ang larawan sa kabuuan ng aralin.

Gawaing pantawag pansin

  • Sino ito?

Patotoo ng panauhin

Ipakilala ang panauhin ninyo at sabihin sa mga bata na inanyayahan mo ang taong ito na magsalita sa kanila sandali tungkol sa nadarama niya kay Jesucristo, Ipaliwanag na bahagi ng patotoo ng bawat tao ang kanyang damdamin tungkol kay Jesus. Pasalamatan ang panauhin ninyo oras na matapos siya at sabihing maaari na siyang maunang umalis. Pagkaalis niya ay itanong ang mga sumusunod:

Patotoo ng panauhin

  • Sino ang naging panauhin natin ngayon?

  • Paano ninyo nalaman na nandito kanina ang panauhin?

Isipin ang isang bata o ibang tao na wala sa klase at itanong ang sumusunod na tanong. Gamitin ang pangalan ng bata sa patlang:

Patotoo ng panauhin

  • Nakita ba ni ang panauhin natin sa klase ngayon?

  • Paano malalaman ni na nagkaroon tayo ng panauhin sa klase ngayon?

Paglalahad ng guro

Ipaunawa sa mga bata na hindi nakita ng taong wala rito ang panauhin. Gayunman, kung ipaliliwanag ng klase na dumating ang panauhin, marahil ay maniniwala din ang tao. Ang maniwala sa isang bagay na tunay at totoo kahit na hindi natin ito nakita mismo ay pagkakaroon ng pananampalataya.

Tsart

Ipakita ang tsart na “Pagiging Kasapi ng Simbahan ni Jesucristo.” Basahin ang pamagat ng tsart na kasabay ng mga bata. Ipabasa ito nang malakas sa mga mas nakababata.

Ipaliwanag na ang pagkakaroon ng pananampalataya o paniniwala kay Jesucristo ang unang hakbang sa pagiging kasapi ng Simbahan ni Jesucristo. Ilagay ang sinulatang piraso ng papel na, “Pananampalataya kay Jesucristo,” sa ibabaw ng unang hakbang sa tsart. (Maaari mong ipakita ang larawan ni Jesus na kasama ng sinulatang piraso ng papel upang paalalahanan ang mga mas nakababata tungkol sa sinasabi nito.) Ipabasa ang mga salita sa mga mas nakatatandang bata na kasabay mo. Sabihin sa mga bata na sa araling ito ay matututuhan nila ang tungkol sa pananampalataya kay Jesucristo.

Ang Biblia at ang Aklat ni Mormon ay Nagpapatotoo kay Jesucristo

Paglaiahad ng guro

Paglaiahad ng guro

  • Kahit hindi natin nakita si Jesus, paano tayong makapaniniwala o magkakaroon ng pananampalataya na buhay siya at mahal niya tayo? (Nakita ng ibang mga tao si Jesus at masasabi nila sa atin ang tungkol sa kanya.)

Ituro ang mga aklat sa mesa at ipaliwanag na ang mga aklat na ito ay tinatawag na mga banal na kasulatan. Binabanggit ng mga banal na kasulatan ang tungkol sa maraming tao na nakakita at nakipag-usap kay Jesus.

Itaas at ipakita ang isang Biblia. Ipaliwanag na may bahagi ang Biblia na nagsasabi tungkol sa panahon noong nabubuhay pa si Jesus sa daigdig, ibinigay niya sa mga tao ang kanyang mga aral, at itinatag ang kanyang simbahan. Binabanggit ng Biblia ang tungkol sa mga taong nakakita at nakakilala kay Jesus at kung paano niya natulungan ang karamihan sa kanila.

Larawan at kuwento sa banal na kasulatan

Ipakita ang larawan 3-16, Pagpapagaling sa Bulag. Isalaysay sa mga bata ang kuwento tungkol kay Bartimeo, isang lalaking bulag na nabuhay noong panahon ni Jesus (tingnan sa Marcos 10:46–52).

Ipaliwanag na nang marinig ni Bartimeo na paparating si Jesus, nagmakaawa siya kay Jesus. Maraming tao ang nagsabi kay Bartimeo na huwag gambalain Jesus at tumahimik na lang siya. Subalit narinig ni Jesus si Bartimeo at iniutos na dalhin sa kanya si Bartimeo. Hiniling ni Bartimeo kay Jesus na pagalingin siya upang siya ay makakita.

Hilingin sa mga bata na makinig habang binabasa mo ang Marcos 10:52 upang matuklasan kung ano ang nangyari kay Bartimeo.

Larawan at kuwento sa banal na kasulatan

  • Ano ang nangyari kay Bartimeo? (Pinagaling siya ni Jesus. Nakakita si Bartimeo.)

Sinabi ni Jesus na gumaling si Bartimeo dahii may pananampalataya siya. Naniwala si Bartimeo na mapagagaling siya ni Jesus.

Larawan at kuwento sa banal na kasulatan

  • Ano ang itinuturo sa atin ng kuwento ni Bartimeo tungkol kay Jesus? (Mahal tayo ni Jesus at tutulungan tayo kung may pananampalataya tayo sa kanya.)

Larawan at talakayan sa banal na kasulatan

Ilagay ang larawan 3-1, Binibinyagan ni Juan Bautista si Jesus, sa itaas ng larawan ni Bartimeo.

Larawan at talakayan sa banal na kasulatan

  • Ano ang nangyayari sa larawang ito? (Binibinyagan ni Juan Bautista si Jesus.)

Basahin ang Mateo 3:17.

Larawan at talakayan sa banal na kasulatan

  • Nang mabinyagan si Jesus, sino ang nagsalita mula sa langit at nagsabing, “Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan”? (Ama sa Langit.)

  • Ano ang nalaman nating tungkol kay Jesus mula sa sinabi ng Ama sa Langit? (Si Jesus ang kanyang Anak.)

Ipaliwanag na nagpapatotoo ang Ama sa Langit na si Jesus ay kanyang Anak.

Itaas at ipakita ang Aklat ni Mormon. Ipaliwanag na sa aklat na ito ng banal na kasulatan na kung tawagin ay Aklat ni Mormon, mababasa natin ang tungkol sa isang malaking pangkat ng mga taong Nefita sa Amerika na nakakita at nakarinig kay Jesus na nagsalita pagkatapos na mabuhay siyang mag-uli mula sa mga patay.

Basahin ang 3 Nefias 11:8. Ilagay ang larawan 3–17, Nagtuturo si Jesus sa Kanluraning Bahagi ng Daigdig, sa itaas ng larawan ng binyag ni Jesus. Basahin ang 3 Nefias 11:9–10. Ipaliwanag na sinabi ni Jesus sa mga tao na siya si Jesucristo, ang Tagapagligtas na sinabi ng mga propeta na darating.

Tulungan ang mga bata na maunawaan kung gaanong kaligayahan ang nadama ng mga taong Nefita na malaman na dumating si Jesus gaya ng sinabi niya. Hiniling ni Jesus na hawakan ng mga tao ang kanyang mga kamay at paa upang malaman nila na namatay siya at nabuhay na mag-uli.

Larawan at talakayan sa banal na kasulatan

  • Ano ang malalaman natin tungkol kay Jesus mula sa kanyang pagpapakita sa mga taong Nefita? (Namatay siya at nabuhay na mag-uli. Siya ay buhay.)

Ang mga Propeta sa Modernong Panahon ay Nagpapatotoo kay Jesucristo

Larawan at talakayan

Itaas at ipakita ang isang kopya ng Mahalagang Perlas. Ipaliwanag na ang ulat tungkol sa unang pangitain ni Joseph Smith ay nakasulat sa aklat na ito. Ipakuwento sa mga bata ang lahat ng nalalaman nila tungkol sa unang pangitain ni Joseph. (Maghandang ipaliwanag ang kuwento tungkol sa Unang Pangitain kung hindi pa ito alam ng mga bata; tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:7–19.)

Ilagay ang larawan 3-10, Ang Unang Pangitain, sa itaas ng naunang larawan. Bigyang-diin na nakita ni Joseph Smith si Jesus pagkaraan ng daang taon matapos na mabuhay na mag-uli si Jesus.

Larawan at kuwento

Ipakita ang larawan 3-18, Pangulong Lorenzo Snow. Ipaliwanag na habang siya ang Pangulo ng Simbahan, personal siyang dinalaw ni Jesucristo sa Templo ng Salt Lake.

Isang araw nang si Pangulong Lorenzo Snow ay naglalakad sa templo kasama ang kanyang apong babae, sinabi niya sa kanyang apo ang tungkol sa karanasang ito. Ganito ang sinabi ng kanyang apo tungkol sa pag-uusap nila:

“Pagkaalis namin sa silid niya at habang nasa malaking pasilyo kami na papunta sa silid Selestiyal, nauuna lamang ako ng ilang hakbang sa aking Lolo nang patigilin niya ako at sinabing, ‘Hintay sandali, Allie, may gusto akong sabihin sa iyo. Dito mismo sa lugar na ito nagpakita sa akin ang Panginoong Jesucristo noong mamatay ang Pangulong Woodruff….’

“Pagkatapos ay lumapit nang ilang hakbang si lolo at iniunat ang kaliwa niyang kamay sabay sabing, “Dito mismo siya tumayo, nakaangat ng mga tatlong talampakan mula sa sahig. Para siyang nakatuntong sa ginto.’

“Sinabi ng Lolo sa akin kung gaano kaluwalhati ang anyo ng Tagapagligtas at inilarawan niya ang Kanyang mga kamay, paa, mukha at magandang puting kasuotan. Gayon na lamang ang kaluwalhatian ng kaputian at pagniningning kaya’t halos hindi na siya makatingin sa Kanya.

“Pagkatapos ay lumapit pa sa akin nang ilang hakbang ang lolo at ipinatong sa ulo ko ang kanyang kanang kamay at sinabing: ‘Ngayon, apo, gusto kong tandaan mo na ito ang patotoo ng lolo mo, na sinabi niya sa iyo sa sarili niyang bibig na talagang nakita niya ang Tagapagligtas dito sa Templo, at nakipagusap sa Kanya nang harap-harapan’” (Allie Young Pond, sinipi ni Ivan J. Barrett, sa “He Lives! For We Saw Him,” Ensign, Ago. 1975, p. 20; gayundin sa “Remarkable Manifestation to Lorenzo Snow” ni Le Roi C. Snow, sa Church News, ika-2 ng Abr. 1938, p. 8).

Larawan at kuwento

  • Ano ang ipinaaalam sa inyo ng patotoo ni Pangulong Snow tungkol kay Jesus? (Siya ay buhay, may katawan siya, at nakikipag-usap siya sa mga tao sa ating panahon.)

Maaari Tayong Magkaroon ng Pananampalataya kay Jesucristo

Talakayan

Itanong sa ilang mga bata ang sumusunod:

Talakayan

  • Nakita na ba ninyo si Jesus?

  • Paano ninyo nalaman na totoo si Jesus at nabubuhay siya?

Hayaang ipahayag ng mga bata ang pananampalataya nila kay Jesus bilang bunga ng mga pangaral ng mga magulang nila, ng kanilang mga guro, at ng mga banal na kasulatan.

Tulungan ang mga bata na maunawaan na maaari tayong magkaroon ng pananampalataya na buhay si Jesus at mahal niya tayo dahil sa mga banal na kasulatan at mga patotoo ng mga matatapat na tao. Mula sa mga patotoo ng iba ay nalaman natin na—

Talakayan

  1. Si Jesus ang Anak ng Diyos.

  2. Mahal tayo ni Jesus at nais niya tayong tulungan.

  3. Gusto ni Jesus na magkaroon tayo ng pananampalataya sa kanya.

  4. Si Jesus ay nabuhay na mag-uli at nabubuhay hanggang ngayon.

  5. Si Jesus ay may katawan at nakikipag-usap sa mga tao.

Paalalahanan ang mga bata na ang pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo ang unang hakbang sa pagiging miyembro ng totoong simbahan.

Awit

Awitin o bigkasin ang mga titik ng awit na, “Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo.”

Buod

Patotoo ng guro

Maaaring naisin mong pumili ng isang larawan mula sa mga ginamit sa aralin at maikling sabihin ang tungkol sa iyong pananampalataya kay Jesus dahil sa patotoo o karanasan na may kaugnayan sa larawan.

Halimbawa, ipakita ang larawan 3-17, Nagtuturo si Jesus sa Kanluraning Bahagi ng Daigdig. Ipaliwanag na dahil nagpakita si Jesus sa mga taong Nefita pagkatapos niyang mabuhay na mag-uli at pahawakan sa kanila ang kanyang mga kamay at paa, ay alam ninyong mahal niya ang lahat ng tao.

luwi

Bigyan ang bawat bata ng maliit na pirasong papel na nasusulatan ng pangungusap na “Tanungin mo ako kung ano ang natutuhan ko tungkol sa pagiging kasapi ng Simbahan ni Jesucristo”. Himukin silang ibigay ang papel na ito sa mga magulang nila at ibahagi sa pamilya nila ang nalalaman nila tungkol sa pananampalataya kay Jesucristo.

Ipaulit sa mga bata ang mga sumusunod: “Naniniwala kami sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, at sa Kanyang Anak, si Jesucristo” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:1). Pagkatapos ay tulungan ang mga nakapagsasaulo na sauluhin ang ikaapat na saligan ng pananampalataya sa abot ng makakaya nila.

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pangwakas na panalangin.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamainam para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalik-aral o buod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong Para sa Guro.”

  1. Itaas at ipakita ang isang Doktrina at mga Tipan. Ipaliwanag na binabanggit nito ang tungkol sa ibang pagkakataon nang magpakita si Jesus kay Joseph Smith. Habang pinag-aaralan at pinag-iisipan nina Joseph at Sidney Rigdon ang tungkol kay Jesus at sa mga aral niya, nagpakita sa kanila si Jesus.

    Hayaang makinig ang mga bata habang binabasa mo ang patotoo ni Joseph Smith. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 76:22 at ang mga salitang “Sapagkat nakita namin siya” mula sa talata 23.

    • Ano ang matututuhan ninyo tungkol kay Jesus mula sa patotoo ni Joseph Smith? (Na si Jesus ay buhay.)

    Ipaliwanag na ang pagbabasa mula sa mga banal na kasulatan at pagkatuto tungkol sa mga taong nakakita kay Jesus ay nakatutulong sa atin na magkaroon ng pananampalataya kay Jesus. Kahit hindi natin nakita sa sarili nating mga mata si Jesus, maaari tayong magkaroon ng pananampalataya na siya ay buhay at mahal niya tayo dahil sa mga patotoo ng mga nakakita sa kanya at ng mga taong nagsabi sa atin sa mga banal na kasulatan ng tungkol sa kanya. Malalaman natin sa ating mga puso na si Jesus ang ating Tagapagligtas kapag tinanong natin ang Ama sa Langit sa mga panalangin natin.

  2. Itanong kung mayroon sa mga batang nais magsabi ng damdamin nila tungkol kay Jesus. Maaari silang pumili ng isang larawan at sabihin nila kung paano nakapagpatatag sa pananampalataya nila ang tanawin na nasa larawan. Ang bawat larawan ay maaaring gamitin nang mahigit sa isang beses.

    Pagkatapos magkaroon ng pagkakataon ang bawat bata na maibahagi ang damdamin niya tungkol kay Jesus, ipaliwanag na gumagawa sila ng mahalagang hakbang sa paghahanda para sa pagbibinyag.

    • Ano ang hakbang na ito? (Pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo.)

    Ituro ang tsart at ipabasa sa mga bata o ipaulit na kasabay mo ang mga salita na “Pananampalataya kay Jesucristo”.

  3. Paguhitin ang mga bata ng isang larawan ng isa sa mga kuwento sa banal na kasulatan na natutuhan nila ngayon.

becoming a member

Pagiging Kasapi

ng

Simbahan ni Jesucristo

Kaloob na Espiritu Santo

Pananampalataya kay Jesucristo

Pagbibinyag

Pagsisisi