Palakasin ang pagnanais ng mga bata na magbayad ng ikapu.
Pag-aralan nang may panalangin ang Doktrina at mga Tipan 119:3–4 at Malakias 3:10 .
Maghandang tulungan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga salita na “Sa Panginoo’y laalay Aking Ikapu” (Primarya 2 ).
Mga kailangang kagamitan:
Isang Biblia at Doktrina at mga Tipan.
Kumuha ng isang larawan ng templo sa iyong lugar.
Isang sobre at pormularyo ng ikapu at iba pang mga handog para sa iyo at sa bawat bata.
Isang lapis para sa bawat bata.
Sampung barya na pare-pareho ang halaga.
Isang bote.
Sampung mansanas (o ibang prutas) o mga bagay.
Larawan 3-26, Nagbabayad ng Ikapu ang Isang Bata; larawan 3-62, Templo ng Portland Oregon (62617); larawan 3-68, Mga Taong Gumagawa ng Kasaysayan ng Mag-anak; at larawan 3-69, Mga Misyonerong Naghahanap ng Taong Matuturuan (62611).
Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.
Mungkahing Pagbubuo ng Aralin
Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.
Kumustahin sa mga bata kung nagawa nila ang anumang bagay na hinimok mong gawin nila sa loob ng linggong ito.
Ipakita ang sampung mansanas (o ibang bagay) kung saan makikita ng lahat.
Kung ibibigay ko sa inyo ang sampung mansanas na ito at pagkatapos ay hihilingin kong ibalik ang isa, handa ba kayong ibigay ito sa akin? Itaas ang inyong kamay kung gagawin ninyo ito.
Sino ang may gawa upang tumubo ang mga mansanas?
Sino ang gumawa ng daigdig?
Bigyang-diin na ang mundong ito at lahat ng mabuting bagay dito ay ibinigay sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Minamahal at kinakalinga nila ang bawat isa sa atin. Maipakikita natin ang ating pasasalamat para sa kanilang pagmamahal at kabutihan sa pamamagitan ng pagsunod sa kanilang mga kautusan at paggawa sa ating bahagi upang makatulong sa pagpapalakas ng Simbahan.
Ipaliwanag na ang araiing ito ay tungkol sa isang mahalagang kautusan. Kapag sinunod natin ang kautusang ito, tumutulong tayo sa paglago ng Simbahan.
Hilingin sa mga bata na makinig habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 119:3–4 .
Pag-aralang muli ang pagkakaunawa na ang ikapu ay nangangahulugang ikasampung bahagi. Ipakita ang sampung barya sa mga bata.
Papalapitin ang isang bata at padamputin ng barya para sa ikapu.
Ipaliwanag na hinihiling ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa mga kasapi ng Simbahan na ibigay ang ikasampung bahagi ng perang kanilang kinikita o tinatanggap sa Simbahan para sa ikapu. Dahil ang lahat ng bagay na nasa atin ay nanggagaling sa Ama sa Langit, ang pagbabayad ng ikapu ay talagang pagbabalik lamang ng ikasampung bahagi sa kanya. Ang ikapu ay pag-aari ng Ama sa Langit, at hindi natin ito dapat na itago sa kanya.
Paano Nagbabayad ng Ikapu
Ipakita ang sobre para sa ikapu at ibang mga handog. Ipaliwanag kung saan makikita sa bahay-pulungan ng iyong purok ang mga sobre at mga pormularyo para sa ikapu at ibang mga handog. Ang mga sobreng ito ay karaniwang matatagpuan malapit sa opisina ng obispo. Ang mga ito ay ginagamit sa pagbabayad ng ikapu.
Ipamahagi ang sobre ng ikapu at ibang mga handog at isang lapis sa bawat bata. Ipakita sa mga bata kung saan nila isusulat ang kanilang mga pangalan at isulat ang halaga ng ikapu na babayaran.
Ipaliwanag na kapag sila ay nagbabayad ng kanilang ikapu, dapat nilang sulatan ang pormularyo, ilagay ang pera sa sobre, isara ito, isulat ang pangalan nila sa harap, at ibigay ito sa obispo o sa isa sa kanyang mga tagapayo.
Ipasulat sa mga bata ang kanilang mga pangalan sa harap ng mga sobre.
Bigyang-diin kung gaano kahalaga ang pagbabayad ng ikasampung bahagi ng anumang pera na ating kinikita sa obispo para sa ikapu.
Ang Ikapu ay Ginagamit Upang Tulungang Lumago ang Simbahan ni Jesucristo
Ipakita ang larawan 3-26, Nagbabayad ng Ikapu ang Isang Bata. Ipaliwanag kung ano ang nangyayari sa ikapu matapos na tanggapin ito ng obispo. Ito ay binibilang, at ang ikapu ay ipinadadala sa mga punong-himpilan ng Simbahan. Ginagamit ito ng mga pinuno ng Simbahan sa iba’t ibang paraan upang tulungang lumago ang Simbahan, tulad ng pagpapatayo ng mga templo at mga bahay-pulungan, paglalaan ng mga kagamitan para ating pag-aralan, at para sa mga seminaryo upang tulungan tayo na matutuhan ang ebanghelyo.
Sabihin sa mga bata na ipakikita mo sa kanila kung ano ang ginagawa ng ating mga pinuno ng Simbahan sa pera ng ikapu, ang ikasampu ng Panginoon. Kumuha ng isa sa mga mansanas at hiwain ito sa bilang na magkakaroon ng isang piraso ang bawat bata, at ipakain ito sa kanila. Ipaliwanag na, sa ganoon ding paraan, ang ibinabayad nating ikapu ay makatutulong sa maraming tao.
Ang ating ikapu ay isinasama sa mga ikapu ng ibang mga kasapi upang tulungan ang Simbahan sa buong mundo. Ito ay bumabalik sa atin sa maraming paraan.
Banggitin ang mga sumusunod na mga paksa, at ipakita ang mga katugon na larawan:
Ang pera ng ikapu ay ginagamit na pambayad para sa pagpapatayo at pagpanatili ng mga bahay-pulungan, mga templo, at ibang mga gusali ng Simbahan.
Ang ibang pera ng ikapu ay ginagamit para sa gawain ng kasaysayan ng mag-anak at ng templo.
Ang ibang pera ng ikapu ay ginagamit upang suportahan ang gawaing misyonero.
Ipaliwanag na ang ikapu ay tumutulong din sa pagbabayad ng iba pang mga bagay, tulad ng mga programa ng seminaryo at surian ng relihiyon. Isang pagkakataon at pagpapala ang pagbabayad ng ikapu. Dapat tayong magkaroon ng magandang damdamin dahil nalalaman natin na ang perang ibinibigay natin para sa ikapu ay nakatutulong sa Simbahan.
Hayaang makinig ang mga bata sa sumusunod na kuwento upang malaman kung paano ginamit ng isang tao ang ikapu upang matulungan ang Simbahan:
Si Kapatid na Wilson ay isang tagabunsod. Siya ay may magandang pares ng baka. Ang mga hayop na ito ay tumutulong kay Kapatid na Wilson sa pag-aararo ng kanyang bukid.
Nang minsang dumating ang oras ng pagbabayad niya ng ikapu, natuklasan ni Kapatid na Wilson na hindi sapat ang kanyang pera. Ayaw niyang magbayad lang ng bahagi ng kanyang ikapu. Gusto niyang bayaran ang buong halaga.
Sa wakas nagdesisyon siya na ibigay niya ang kanyang paboritong baka para sa ikapu, kahit na ang ibig sabihin nito ay mayroon na lamang siyang isang baka.
Ibinigay ni Kapatid na Wilson ang baka sa obispo. Binigyan ng obispo si Kapatid na Wilson ng resibo para sa kanyang ikapu. Nalungkot si Kapatid na Wilson na nawalan siya ng baka. Pero dahil mahal niya ang Ama sa Langit at si Jesucristo, siya ay masaya na ibinigay niya ang kanyang baka sa Simbahan bilang ikapu.
Madalas na maisip ni Kapatid na Wilson ang tungkol sa baka na ibinigay niya bilang ikapu. Gusto niyang malaman kung paano ginamit ang kanyang baka upang matulungan ang Simbahan. Minsan isang araw siya ay nasa Lungsod ng Salt Lake kung saan itinatayo ang templo. Napansin niya ang dalawang magandang baka na humihila ng mabibigat na tipak ng bato. Siya ay wiling-wili sa panonood sa dalawang baka na gumagawa at lumapit pa siyang mabuti para makita ito ng husto. Ikinagulat niya at ikinatuwa nang makilala niya na ang isa sa mga ito ay ang kanyang dating paboritong baka. Masayang-masaya si Kapatid na Wilson na malaman na ang bakang ibinigay niya bilang ikapu ay tumutulong sa pagtatayo ng templo.
Mula noon, naging higit na masaya si Kapatid na Wilson sa pagbabayad ng ikapu. Naisip niya ang maraming paraan na ginamit ang kanyang ikapu upang makatulong sa Simbahan.
Ipaliwanag na bagama’t karaniwang hindi natin nakikita kung paano ginagamit ang ating ikapu, tulad ng ginawa ni Kapatid na Wilson, alam natin na ang ating ikapu ay ginagamit upang tulungan ang Simbahan.
Dapat Tayong Magbayad ng Ikapu nang Taos-puso
Ituro sa mga bata ang mga salita sa “Sa Panginoo’y laalay Aking Ikapu.”
Sa Panginoo’y iaalay aking ikapu.
‘Pagkat naaalala ko bigay sa ki’t sa ‘yo.
Buhay at mundong kayganda bigay N’ya sa atin.
Kahit ikapu’y munti lang sa puso nanggaling.
Sino ang nasisiyahan kapag tayo ay nagbabayad ng ikapu? (Ang Ama sa Langit at si Jesucristo.)
Ano ang ipinakikita natin sa Ama sa Langit kapag tayo ay nagbabayad ng ating ikapu? (Na mahal natin siya at tayo ay nagpapasalamat para sa mga bagay na ibinibigay niya sa atin.)
Ipaulit sa mga bata ang unang talata ng awit. Banggitin na kapag tayo ay nagbabayad ng ating ikapu, ipinakikita natin sa Ama sa Langit na mahal natin siya. Bigyang-diin kung gaano kasaya ang Ama sa Langit at si Jesucristo kapag tayo ay nagbabayad ng ating ikapu, lalo na kapag binabayaran natin ito nang taos-puso.
Tayo ay Pinagpapala Kapag Tayo ay Nagbabayad ng Ating Ikapu
Sabihin sa mga bata na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay nangako na tayo ay bibiyayaan kapag tayo ay nagbayad ng ating ikapu.
Basahin ang Malakias 3:10 .
Ipaliwanag na ang mga pagpapala ay dumarating sa mga nagbabayad ng kanilang ikapu. Si Pangulong Heber J. Grant, isa sa mga propeta sa huling-araw, ay nagsabi na tayo ay pagpapalain ng higit na malawak na kaalaman tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, mas malakas na patotoo, at dagdag na kakayahan upang sundin ang mga kautusan (tingnan sa Conference Report, Abr. 1925, p. 10). Ang ibang mga propeta sa huling-araw ay nagsabi rin sa atin na kapag binayaran natin ang ating ikapu, tayo ay uunlad. Ang Pag-unlad ay nangangahulugan na tayo ay pagpapalain ng mga materyal na pangangailangan tulad ng pagkain at tirahan.
Banggitin na pinagpapala ng Ama sa Langit ang lahat ng tao na nagbabayad ng ikapu. Sabihin sa mga bata na mahal sila ng kanilang Ama sa Langit, at bagama’t sila ay hindi niya pagpapalaing lahat sa iisang paraan, kapag binabayaran nila ang kanilang ikapu, sila ay pagpapalain niya sa mga paraan na pinakamainam para sa kanila.
Bigyang-diin na tayo ay dapat maging matapat, magbayad ng tapat at buong ikapu, at magtiwala sa Ama sa Langit.
Tulungan ang mga bata na ayusin ang kanilang mga upuan nang pabilog, o paupuin sila nang pabilog sa sahig. Maglaro ng magpaikot ng bote. Ilagay ang bote sa gitna ng nakapaikot na mga bangko. Paikutin ang bote. Ang bata na maituturo ng bote pagkatapos na ito ay huminto ay bibigyan ng pagkakataon na sumang-ayon at di-sumang-ayon. Pagkatapos ay papaikutin ng batang iyon ang bote.
Kung may oras pa, maaari mong naising ulitin ang laro.
Basahin ang mga sumusunod na pahayag. Kung ang isang tao ay di-sumag-ayon, ipabigay sa mga bata ang tamang kaalaman.
Ang pagbabayad ng ikapu ay isang kautusan. (Sang-ayon.)
Ang ikapu ay nangangahulugang ikalimang bahagi. (Di-sang-ayon. Ang ikapu ay nangangahulugang ikasampung bahagi.)
Ibinabayad natin ang ating ikapu sa Simbahan. (Sang-ayon.)
Ang ikapu ay ginagamit sa pagpapatayo ng mga gusali ng Simbahan. (Sang-ayon.)
Ang ikapu ay ginagamit upang tulungang suportahan ang gawaing misyonero, paglilimbag ng mga aklat, at tumutulong sa gawain ng kasaysayan ng mag-anak, at ng templo. (Sang-ayon.)
Hindi mahalaga kung tayo ay nagbabayad ng ikapu, (Di-sang-ayon.)
Pinagpapala tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo kapag binabayaran natin ang ating ikapu. (Sang-ayon.)
Tapusin ang aralin sa pamamagitan ng pagbibigay ng iyong patotoo sa mga pagpapala ng ikapu. Himukin ang mga bata na laging piliin ang tama at bayaran ang kanilang ikapu nang masaya.
Ibalik ang mga sobre ng ikapu at ibang mga handog sa mga bata pagkatapos ng Primarya.
Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pangwakas na panalangin.
Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman
Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamainam para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalik-aral o buod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong Para sa Guro.”
Tulungan ang mga batang maghanda ng isang espesyal na lugar na kung saan ay maitatago nila ang kanilang pera ng ikapu na nakahiwalay sa iba pa nilang pera. Ito ay maaaring maging isang kahon, isang maliit na garapon o lata, o isang sobre. Sabihin sa kanila na sa tuwing kikita sila ng pera, dapat nilang maunang kunin ang halagang kaiiangan sa pagbabayad ng ikapu at ilagay ito sa kanilang espesyal na lalagyan.
Anyayahan ang pampurok o pansangay na kawani ng pananalapi sa iyong klase upang ipaliwanag kung ano ang nangyayari sa ikapu matapo itong tanggapin ng obispo o pangulo ng sangay.
Ipalabas ang pelikulang paglalahad ng “Windows of Heaven,” na matatagpuan sa Beginning Course Videocassette 2 (53178).
Maghanda ng papel para sa bawat bata. Sulatan ang isang panig ng papel ng “Sa Ama sa Langit” at sa kabilang panig ay “Sa Akin.” Ipaguhit sa mga bata ng siyam na bagay (mga barya, mga mansanas, atbp.) sa kanilang bahagi ng papel at ang isang bagay sa panig ng papel na minarkahang “Sa Ama sa Langit.”