Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 4: Ang Kabataan ni Joseph Smith


Aralin 4

Ang Kabataan ni Joseph Smith

Layunin

Hikayatin ang bawat bata na sundin ang halimbawa ni Joseph Smith sa pagiging mabuting miyembro ng pamilya at pagsunod kay Jesus.

Paghahanda

  1. Pag-aralan ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–12.

  2. Maghanda ng isang papel na may sapat na laki upang matakpan ang larawan ni Joseph Smith. Gupitin at gawing ilang piraso ang papel, sapat upang magkaroon ng isang piraso ng puzzle ang bawat bata. Ilagay ang mga ginupit na papel sa ibabaw ng larawan ni Joseph Smith hanggang sa matakpan ang larawan. (Para sa mas malalaking bata, magsulat ng tungkol kay Joseph Smith sa likod ng bawat piraso.)

  3. Ihanda ang mga sumusunod na sinulatang piraso ng papel:

    Sumunod

    Maglingkod

    Magmahal

    Magbasa ng mga banal na kasulatan

    Manalangin

  4. Maghanda sa pag-awit ng “Pag-ibig sa Tahanan” (Mga Himno).

  5. Ihanda ang sumusunod na mga kagamitan:

    1. Teyp.

    2. Larawan 3-6, Ang Propetang si Joseph Smith (62002; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 401); larawan 3-7, Ang Pamilya ni Joseph Smith; larawan 3-8, Si Joseph Smith ay Naghahanap ng Karunungan sa Biblia (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 402); at larawan 3-9, Si Jesus ang Cristo (62572; Pakete ng Sining ng Larawan ng Ebanghelyo 240).

  6. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin sa mga bata kung nagawa nila ang anumang bagay na hinimok mong gawin nila sa loob ng linggong ito.

Si Joseph Smith ay May Mabuting Pamilya

Gawaing pantawag pansin

Ipakita sa mga bata ang natakpan na larawan ni Joseph Smith. Sabihin sa kanila na ang larawang nasa ilalim ay larawan ng isang taong nagmahal sa Ama sa Langit at sumunod sa mga aral ni Jesucristo. Sabihin sa mga bata ang isa sa mga sumusunod na katotohanan, at hilingin sa isang bata na tanggalin ang isang piraso ng papel mula sa natatakpang larawan. Ulitin ang gayon hanggang sa ang lahat ng mga piraso ay natanggal na at makita ng mga bata ang larawan. (Para sa klase ng mas nakatatandang bata, maaaring naisin mong isulat ang mga katotohanang ito sa likod ng mga piraso ng papel at hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagtatanggal ng piraso ng papel at pagbabasa nang malakas sa impormasyong nasa likod.)

Mga katotohanan tungkol kay Joseph Smith:

Gawaing pantawag pansin

  • Mahilig siyang maglaro.

  • Asul ang kanyang mga mata.

  • Isinilang siya noong ika-23 ng Disyembre.

  • Ang pangalan ng nanay niya ay Lucy.

  • Ang mga miyembro ng kanyang pamilya ay hindi mayaman, ngunit sila ay maligaya.

  • Siya ay masipag magtrabaho.

  • Ipinangalan siya sa kanyang ama.

  • Siya ay matapat.

  • Siya ay dinalaw ng mga anghel.

  • Ang pangalan ng asawa niya ay Emma.

  • Siya ay malakas na tao.

Pagkatapos ay tanungin ang mga bata ng:

Gawaing pantawag pansin

  • Sino ito?

  • Ano pa ang alam ninyo tungkol kay Joseph Smith?

Kung may mga tanong ang mga bata tungkol kay Joseph Smith, talakayin nang maikli ang mga ito. Ipaliwanag na siya ang unang propeta at Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling-araw. Siya ay taong napakabait at mapagmahal. Ipaliwanag na marami pang matututuhan ang mga bata tungkol kay Joseph Smith sa mga aralin sa hinaharap.

Larawan at kuwento

Ipakita sa mga bata ang larawan 3-7, Ang Pamilya ni Joseph Smith, at sabihin sa kanila ang sumusunod tungkol sa kabataan ni Joseph:

Sa larawan, si Joseph Smith ay ang batang lalaki na nasa kanan na nakasuot ng puting kamiseta. Asul ang kanyang mga mata at medyo kulay tsokolate ang buhok. Marami siyang mga kapatid. Si Joseph ay masigla, masayahing bata na palaging nakatawa, mahilig maglaro ng bola, makipagbuno, magpadulas sa yelo, at maglaro ng iba’t ibang palaro.

Noong bata pa si Joseph, sa kanilang bahay lamang sila nag-aaral dahil walang malapit na paaralan sa kanila. Sa dakong huli, si Joseph at ang kanyang mga kapatid ay pumasok na sa paaralan kung saan sila higit na natuto tungkol sa pagbabasa, pagsusulat, at pagbibilang.

Hinawan ng pamilya ni Joseph ang bahagi ng lupang binibili nila at nagtayo ng isang maliit na bahay na yari sa troso sa timog ng Palmyra, New York. Ang bahay na yari sa troso ay may maliliit na bintanang salamin at sahig na yari sa kahoy. Ang mga silid ay pinaiinitan ng malaking fireplace na yari sa bato na nasa kusina. Ang ginamit na ilawan ng mga Smith ay mula sa kandilang nakalagay sa lata na may kasamang sebong nakalubog dahil walang koryente noon. Nagtanim sila ng trigo, mais, mga bins, at flax. Ginamit ni Lucy Smith at ng kanyang mga anak na babae ang flax upang makagawa ng telang linen. Pinutol ng kalalakihan ang mga puno sa kanilang lupa at itinabi ang mga ito upang matuyo at sunugin ang mga ito at ipagbili ang mga abo para makagawa ng sabon. Ang pamilyang Smith ay gumawa ng mga silya at basket na yari sa kahoy. Sinabi ni Lucy na nakapagtayo sila ng isang maginhawa datapwat maliit na tahanan na “tunay na kumpleto sa kasangkapan na yari sa sarili [nilang] pagsisikap.” (Tingnan sa Donald L. Enders, “A Snug Log House,” Ensign, Ago. 1985, p. 14–22 at Dale L. Berge, “Archaeological Work at the Smith Log House,” Ensign, Ago. 1985, p. 24–26.)

Larawan at kuwento

  • Paanong katulad ng tahanan ni Joseph Smith ang inyong tahanan?

  • Ano ang pagkakaiba ng inyong tahanan sa tahanan ni Joseph Smith?

Maraming bagay ang ginawa ng ama ni Joseph Smith upang kumita ng pera, kabilang na ang pagsasaka. Si Joseph ay nagtrabahong mabuti na kasama ng kanyang ama sa pagtatanim ng butil, mga prutas, at mga gulay. Nag-alaga din ng baka, mga baboy, at manok ang pamilyang ito. Gumawa sila ng mga bariles, timba, at mga walis. Ang nanay ni Joseph at ang kanyang mga kapatid na babae ay nagtrabahong mabuti sa pagluluto, pananahi, paglilinis, pag-aalaga sa mga maliliit na bata, paggawa ng keso at mantekilya, at pag-aasikaso sa kusina, hardin, at paggagatas sa mga baka. Minsan isang taon ay nanalo ang pamilyang Smith sa paggawa ng pinakamainam na kalidad ng maple syrup sa pamayanan.

Larawan at kuwento

  • Anong uri ng trabaho ang ginagawa ng inyong pamilya nang magkakasama?

  • Ano ang maaari ninyong gawin upang matulungan ang inyong pamilya?

Noong bata pa si Joseph Smith ay iilan lamang ang mga pagamutan at kakaunti pa lamang ang mga gamot. Ang mga doktor ay naglalakbay papunta sa mga bahay ng mga maysakit upang tulungan sila.

Noong bata pa si Joseph Smith, siya ay nagkasakit nang malubha. Ang isang binti ni Joseph ay nagkaroon ng impeksyon at namaga. Ubod nang sakit iyon. Lalong tumindi ang sakit nang kinailangang operahan ng doktor ang kanyang binti upang alisin ang impeksyon. Walang malapit na ospital kaya’t ang operasyon ay kinailangang gawin sa tahanan nina Joseph. Walang gamot si Joseph upang pigilan ang sakit habang isinasagawa ang operasyon, kaya nakadama siya nang matinding sakit.

Nagbalik ang impeksyon at nanatiling masakit at namamaga ang binti ni Joseph. Sa wakas ay nagpasiya ang doktor na hindi gagaling ang binti; naisip niya na kakailanganin niyang putulin ito upang hindi kumalat ang impeksyon sa buong katawan ni Joseph at maging sanhi ng pagkamatay niya. Ang pamilya ni Joseph ay labis na nag-alala. Nanalangin ang kanyang ina na sana ay may magawa upang mailigtas ang kanyang binti. Pagkatapos ay hiniling niya sa doktor na minsan pang subuking operahan ang bahagi ng binti na may impeksyon. Ang doktor ay sumang-ayon.

Dahil walang gamot upang mapigil ang sakit, ninais ng doktor na uminom ng alak si Joseph upang tulungan siyang makayanan ang sakit. Ngunit ayaw itong inumin ni Joseph. Nais ng doktor na itali sa kama si Joseph upang hindi siya sisipa habang isinasagawa ang operasyon. Ngunit pinili ni Joseph na huwag itali. Sa halip ay pinili niyang hawakan ng kanyang ama ang kanyang mga bisig. Hiniling niya sa kanyang ina na lumabas habang isinasagawa ang operasyon upang hindi niya makita. Alam niya na mahirap ito para sa kanyang ina at ayaw niyang mabahala siya.

Habang isinasagawa ang matagal at masakit na operasyon, si Joseph ay mahigpit na hinawakan ng kanyang ama. Nang matapos ito, si Joseph ay nanghina at napagod, subalit ang lahat ng impeksyon ay nawala na. Nailigtas ang binti ni Joseph.

Larawan at kuwento

  • Paano ipinakita ni Joseph Smith sa kanyang pamilya na sila ay mahal niya? Paano nila ipinakita ang kanilang pagmamahal sa kanya?

  • Paanong katulad ng pamilya ni Joseph Smith ang inyong pamilya?

  • Sa anu-anong paraan ninyo nais maging katulad ni Joseph Smith?

Sinunod ni Joseph Smith ang mga Aral ni Jesucristo

Gawain sa sinulatang piraso ng papel

Marahil ang pamilya ni Joseph Smith ay katulad ng inyong pamilya sa maraming bagay. Sila ay madalas na nananalanging magkakasama. Madalas silang magkakasamang umaawit, nagpupunta sa simbahan, at nagbabasa ng Biblia. Sinikap nilang sundin ang mga aral ni Jesus.

Ilagay nang patihaya ang mga sinulatang piraso ng papel sa mesa o sa sahig. Anyayahan ang mas nakatatandang bata na pumili ng isang sinulatang piraso ng papel at bigkasin nang malakas ang salita o idikit ito sa pisara. Ipaliwanag sa mga bata na ang mga sinulatang piraso ng papel ay naglalarawan ng mga paraan kung paano sinunod ni Joseph Smith ang mga aral ni Jesus. Habang pinipili ang bawat sinulatang piraso ng papel, sabihin sa mga bata kung ano ang ginawa ni Joseph upang sundin ang aral na iyon at talakayin kung paano rin sila makasusunod kay Jesucristo.

Sumunod. Alam ni Joseph na sinabi sa Biblia, “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina” (Exodo 20:12). Iginalang ni Joseph ang kanyang mga magulang sa pamamagitan ng pagiging mapagmahal at masunurin.

Gawain sa sinulatang piraso ng papel

  • Anu-ano ang ilan sa mga bagay na maaari nating gawin upang maipakita na mahal natin at sinusunod natin ang ating mga magulang?

Maglingkod. Itinuro ni Jesus na dapat nating paglingkuran ang bawat isa. Si Joseph Smith ay isang mabuting manggagawa at palaging nagsisikap na gawin ang kanyang bahagi ng gawain nang hindi dumaraing. Pinaglingkuran niya ang kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagiging matulungin at pagtatrabahong mabuti.

Gawain sa sinulatang piraso ng papel

  • Paano ninyo napaglingkuran ang mga miyembro ng inyong pamilya sa linggong ito?

Magmahal. Ang isa sa mga pinakamatalik na kaibigan ni Joseph ay ang kanyang kapatid na si Hyrum, na anim na taon ang tanda sa kanya. Ang mga magkakapatid sa pamilya ni Joseph ay madalas na magkakasamang naglalaro. Sinikap nilang magpakita ng pagmamahal para sa bawat isa.

Awitin o bigkasin ang mga salita sa “Pag-ibig sa Tahanan”:

Kayganda ng paligid

Kung may pag-ibig;

May tuwa bawat himig

Kung may pag-ibig.

Payapa’t masagana,

May ngiti bawa’t isa.

Panahon ay kay bilis

Kung may pag-ibig.

Gawain sa sinulatang piraso ng papel

  • Kailan ninyo huling sinabi sa inyong mga magulang na mahal ninyo sila? Sa inyong mga kapatid na lalaki at babae?

  • Paano kayo nagpapakita ng pagmamahal sa mga miyembro ng inyong pamilya?

Magbasa ng mga banal na kasulatan. Alam ni Joseph na ang mga aral ni Jesucristo ay mahalaga. Madalas niyang iniisip ang tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesus. Gusto niyang marami pa silang matutuhan tungkol sa kanila kaya madalas siyang nagbabasa ng Biblia at nananalangin. Ipakita ang larawan 3-8, Naghahanap ng Karunungan sa Biblia si Joseph Smith.

Gawain sa sinulatang piraso ng papel

  • Bakit mahalaga ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan?

Manalangin. Noong may sakit si Joseph Smith, ang kanyang ina ay humingi ng tulong sa Ama sa Langit. Sinagot ng Ama sa Langit ang kanyang panalangin at tinulungang gumaling si Joseph.

Gawain sa sinulatang piraso ng papel

  • Anong tulong ang maaari ninyong hilingin sa Ama sa Langit upang matulungan kayo sa inyong gagawin?

  • Ano pa ang maaari ninyong hilingin sa Ama sa Langit?

Buod

Mga larawan

Ipakita sa mga bata ang larawan 3-6, Ang Propetang si Joseph Smith. Ipakita rin sa kanila ang kalasag na PAT at ipaalala sa kanila ang kanilang mga singsing na PAT. Sabihin sa mga bata na si Joseph Smith ay isang mabuting halimbawa sa pagpili ng tama. Siya ay mabait sa kanyang pamilya at sumunod sa mga aral ni Jesus. Ipakita ang larawan 3-9, Si Jesus ang Cristo. Kapag pinipili natin ang tama, tayo ay sumusunod kay Jesus, katulad ng ginawa ni Joseph Smith.

Patotoo ng guro

Ibigay ang iyong patotoo na minahal ni Joseph Smith ang kanyang pamilya at naging isang dakilang propeta. Pinili niya ang tama at pinaglingkuran ang Ama sa Langit.

Anyayahan ang isang bata na mag-alay ng pangwakas na panalangin. Hilingin sa kanyang pasalamatan ang Ama sa Langit dahil sa magandang halimbawa ni Joseph Smith at humingi ng tulong upang maalalang sundin ang halimbawang iyon sa linggong ito.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamabisa para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalik-aral o buod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong Para sa Guro.”

  1. Papiliin ang mga bata ng isang paraan na masusunod nila ang halimbawa ni Joseph Smith sa linggong ito. Habang nagpapasiya sila, magpasa ng mga lapis at papel. Ipasulat sa mga bata ang kanilang mga pangalan at ang kanilang mga napili sa gawing itaas ng papel. Tulungan sila kung kinakailangan. (Halimbawa, “Magiging mabait ako sa linggong ito.”) Pagkatapos ay magpasulat o magpaguhit ng isang larawan sa kanila na nagpapakita ng kanilang pinili upang sundin ang halimbawa ni Joseph Smith.

    Hikayatin ang mga bata na iuwi ang kanilang mga papel upang ipakita sa kanilang mga magulang at ilagay sa isang lugar kung saan ay madalas nilang makikita ito sa buong linggo.

  2. Magkakasamang awitin ang “Piliin ang Tamang Daan”; ang mga titik ay kasama sa likod ng manwal na ito.