Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 10: Pagsisisi


Aralin 10

Pagsisisi

Layunin

Tulungan ang mga bata na maunawaan ang alituntunin ng pagsisisi at kung bakit mahalaga ito sa kanilang buhay.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin at maghandang talakayin ang Doktrina at mga Tipan 58:42 at 3 Nefias 9:22.

  2. Gamitin ang tsart na “Pagiging Kasapi ng Simbahan ni Jesucristo” na inihanda sa aralin 7, at ilagay sa tamang lugar ang kasamang sinulatang piraso ng papel na “Pananampalataya kay Jesucristo. “ lhanda rin ang sinulatang piraso ng papel na “Pagsisisi” upang magamit sa aralin. (Makabubuting maghandang pagbalik-aralan sa mga bata ang ikaapat na saligan ng pananampalataya at tulungan ang mga batang nakapagsasaulo na isaulo ng buo o kahit bahagi lamang nito habang tinatalakay mo ang mga alituntunin sa aralin.)

  3. Ihanda ang sumusunod na mga sinulatang piraso ng papel (itago ang mga ito upang magamit mong muli ang mga ito sa aralin 22):

    Malungkot

    Humingi ng kapatawaran

    Itama ang mali

    Huwag ulitin ang mali

  4. Maghandang tulungan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga titik sa ikalawang talata ng awit na “Ama, Tulungan” (Aklat ng mga Awit Pambata); ang mga titik ay kasama sa likod ng manwal na ito.

  5. Alalahanin na ang mga bata na wala pang walong taong gulang ay walang pananagutan; walang sinuman sa mga bata ang dapat na makadama ng pagkabagabag ng konsiyensiya.

  6. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Biblia, isang Aklat ni Mormon, at isang Doktrina at mga Tipan.

    2. Teyp.

    3. Isang pambenda.

  7. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin sa mga bata kung nagawa nila ang anumang bagay na hinimok mong gawin nila sa loob ng linggong ito.

Dapat Tayong Magsisi Kapag Mali ang Ginawa Nating Pagpili

Gawaing pantawag Pansin

Ipakita sa mga bata ang isang pambenda.

Gawaing pantawag Pansin

  • May nasugatan na ba sa inyo?

  • Ano ang naramdaman ninyo?

  • Ano ang dapat nating gawin kapag nasugatan tayo? (Linisin at lagyan ito ng benda.)

  • Bakit natin dapat linisin at lagyan ng benda ang isang sugat? (Upang madali itong gumaling.)

Kapag nakagagawa tayo ng mali ito ay katulad ng pagkakaroon ng sugat. Nakasasakit ito sa kalooban at nakapagpapalungkot sa atin dahil alam nating nakagawa tayo ng mali. Ang pagsisisi ay makatutulong sa atin kapag nakagawa tayo ng mali. Ito ay paraan ng paglilinis at pagpapagaling sa espirituwal na sakit.

Ipaskil ang sinulatang piraso ng papel na “Pagsisisi.”

Kuwento

Ibahagi sa sarili mong mga salita ang sumusunod na kuwento:

Si Ricardo ay nasa tindahan para bumili ng ilang sinulid para sa kanyang ina. Nakita niya ang ilang kendi na ipinagbibili. Gusto niya ng ilan ngunit wala siyang sapat na pera. Nang umalis ang may-ari ng tindahan para hanapin ang sinulid ay inilagay ni Ricardo ang ilang kendi sa kanyang bulsa. Nang magbalik ang may-ari ng tindahan, binayaran ni Ricardo ang sinulid. Kinain niya ang kendi habang papauwi siya. Sa bandang huli ay naisip ni Ricardo ang isang bagay na itinuro sa kanya ng kanyang mga magulang.

Ipabasa sa isang nakatatandang bata ang Exodo 20:15 o ikaw mismo ang magbasa nito.

Kuwento

  • Ano kaya ang naramdaman ni Ricardo? (Lungkot.)

  • Anong kamalian ang nagawa ni Ricardo? (Nagnakaw siya ng ilang kendi.)

  • Ano ang maaaring gawin ni Ricardo para mawala ang malungkot na damdaming ito? (Magsisi.)

Ipapaskil sa isang bata ang sinulatang piraso ng papel na “Lungkot” sa ilalim ng sinulatang piraso ng papel na “Pagsisisi.”

Ipaliwanag na kapag nakagawa tayo ng maling bagay ay dapat nating tanggapin na nakagawa tayo ng mali at dapat tayong malungkot sa ginawa natin. Ang damdaming ito ang paraan ng Ama sa Langit upang matulungan tayong malaman na nakagawa tayo ng isang maling bagay.

Ipaliwanag na ang susunod na bagay na dapat gawin ni Ricardo ay ang humingi ng kapatawaran sa ginawa niya. Ipapaskil sa isa pang bata ang sinulatang piraso ng papel na “Humingi ng kapatawaran.”

Kuwento

  • Kanino kailangang humingi ng kapatawaran si Ricardo? (Sa Ama sa Langit at sa may-ari ng tindahan.)

Ituro na kapag pinagsisisihan natin ang mga mali nating pagpili, kailangan nating humingi ng kapatawaran sa Ama sa Langit at sa taong nagawan natin ng pagkakamali. Kailangan nating tanggapin na nakagawa tayo ng maling pagpili at pagkatapos ay hilingin na patawarin tayo sa ating nagawa.

Kuwento

  • Paano nating hinihiling sa Ama sa Langit na patawarin tayo? (Humihiling tayo sa panalangin.)

Ipaliwanag na ang pangatlong bagay na dapat gawin ni Ricardo ay sikaping itama ang maling bagay. Ipapaskil sa isa pang bata ang sinulatang piraso ng papel na “Itama ang mali” sa ilalim ng ibang mga sinulatang piraso ng papel. Tulungan silang maunawaan na kailangan nating sikaping itama ang anumang problema na naidulot natin dahil sa ating maling pagpili. Kung minsan ay hindi natin maitama ang mga problema (katulad ng pagpapalit sa isang bagay na nasira), ngunit kailangan gawin natin ang pinakamainam sa abot ng ating makakaya.

Kuwento

  • Paanong maitatama ni Ricardo ang kamalian niya? (Bumalik sa tindahan at bayaran ang kendi o magtrabaho nang walang bayad para sa may-ari ng tindahan.)

Ipaalala sa mga bata na ang isa pang bagay na kailangang gawin ni Ricardo ay ang magpasiya na hindi na muling gagawa ng maling pagpili. Ipapaskil sa isa pang bata ang sinulatang piraso ng papel na “Huwag ulitin ang mali” sa ilalim ng iba pang mga sinulatang piraso ng papel. Magtapos sa pamamagitan ng pagsasabing nagpasiya si Ricardo na hindi na kailanman muling gagawin ang pagkakamaling iyon. Malalaman niyang tunay siyang nagsisi kung makadarama siya ng kalungkutan sa paggawa ng mali at maluwag sa kanyang kalooban na tatanggapin ito, hihingi ng kapatawaran, sisikaping itama ang mali, at magpapasiyang hindi na kailanman gagawin ang pagkakamaling iyon. Habang sinasabi mo ang bawat hakbang ng pagsisisi, ituro ang nababagay na sinulatang piraso ng papel.

Awit

Awitin o bigkasin ang mga titik sa ikalawang talata ng awit na “Ama, Tulungan.”

Ang Pagsisisi ay Isang Hakbang sa Pagiging Kasapi ng Tunay na Simbahan

Tsart at talakayan

Ipaliwanag na nais ni Jesucristo na malaman natin kung paano magsisi para kapag naging miyembro na tayo ng kanyang simbahan, ay mapagsisihan na natin ang mga kamalian natin.

Ipakita ang tsart na “Pagiging Kasapi ng Simbahan ni Jesucristo” mula sa aralin 7.

Ipaalala sa klase na sa nakaraang aralin ay natutuhan nila ang tungkol sa isang hakbang sa pagiging kasapi ng tunay na simbahan. Ang hakbang na iyon ay ang pananampalataya kay Jesucristo. Alisin ang sinulatang piraso ng papel na “Pagsisisi” mula sa lugar na pinaglalagyan nito at ilagay ito sa tsart sa itaas ng sinulatang piraso ng papel na “Pananampalataya kay Jesucristo.”

Ipabigkas nang malakas sa mga bata ang dalawang hakbang na ito na kailangan upang maging mga kasapi ng tunay na simbahan—pananampalataya at pagsisisi.

Ipaliwanag na pagkatapos nating mabinyagan ay dapat tayong magsisi sa buong buhay natin sa tuwing makapipili tayo ng mali. Ipinangako ng Tagapagligtas sa atin na sa tuwing taos-puso tayong magsisisi, patatawarin niya tayo at hindi na niya aalalahanin ang mga kasalanan natin.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 58:42 sa mga bata.

Tsart at talakayan

  • Ano ang dakilang pangako na ibinibigay ni Jesus sa atin kung magsisisi tayo?

Paglalahad ng guro

Ipaliwanag na ang pagsisisi ay dapat maging mahalagang bahagi ng ating buhay. Pagkatapos nating tumuntong sa gulang na walo, tayo ay mananagot sa mga pagpiling ginagawa natin. Alam ni Jesus na hindi natin palaging mapipili ang tama. Mahal niya tayo at nagbigay siya sa atin ng daan upang mapagtagumpayan natin ang mga mali nating pagpili. Sinabi niya sa atin na kailangan tayong magsisi upang makapamuhay muli sa kanyang piling at sa piling ng Ama sa Langit.

Buod

Pagpapaliwanag ng banal na kasulatan

Basahin nang malakas o kaya ay ipabasa sa isang mas nakatatandang bata ang unang pangungusap ng 3 Nefias 9:22.

Ipaliwanag na ang pagsisisi ay isang napakahalagang biyaya na makatutulong sa atin upang makapaghandang mamuhay na muli sa piling ng Ama sa Langit. Ipaliwanag rin na pagkatapos nating gawin sa abot ng ating makakaya na itama ang mga pagkakamali natin, patatawarin lamang tayo ng Ama sa Langit dahil sa pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa 2 Nefias 25:23).

Patotoo ng guro

Magbigay ng patotoo tungkol sa alituntunin ng pagsisisi, at anyayahan ang mga bata na hilingin sa kanilang mga magulang na muling ipaliwanag sa kanila sa tahanan ang pagsisisi. Ipahayag ang iyong pasasalamat na ginawang posible ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na maitama ang mga kamalian natin upang lumigaya tayo sa buhay natin dito sa lupa at sa bandang huli ay makabalik sa kanilang piling magpakailanman.

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pangwakas na panalangin.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamainam para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalikaral o buod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong Para sa Guro.”

  1. Ihanda ang sumusunod na papel para sa bawat bata. Ipasulat sa mga bata ang apat na hakbang na ginagamit sa pagsisisi. Para sa mga mas nakababata, gumuhit ng dalawang bilog para sa dalawang mukha at ipaguhit sa mga bata ang mga mukha sa loob mismo ng mga bilog. Imungkahing ilagay ng mga bata ang papel na ito sa lugar sa kanilang tahanan kung saan madali nila itong makikita para makapagpaalala sa kanila ng paraan ng pagsisisi at palitan ang kanilang malungkot na damdamin ng masayang damdamin.

    repent

    Masaya Ako Pagkatapos Kong Magsisi

    repent
  2. Ipasadula sa mga bata ang pagkalungkot at paghingi ng kapatawaran sa isang tao sa mga maling nagawa nila. Bigyang-diin na ang katapatan ng kalooban ay mahalaga kapag humihingi ng kapatawaran. Ang katapatan ng kalooban na ito ay nababakas sa tono ng boses nila. Ipakita sa kanila kung paanong humingi ng kapatawaran kapwa sa paraang hindi tapat sa kalooban at sa paraang tapat sa kalooban, at papagsanayin sila sa paghingi ng kapatawaran ng may tamang tono ng boses at tindig.

  3. Sa sarili mong mga salita, ikuwento ang tungkol sa pagsisisi ng Nakababatang Alma at ng apat na anak na lalaki ni Mosias (tingnan sa Mosias 27). Tukuyin ang bawat hakbang ng pagsisisi habang ikaw ay nagkukuwento.