Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 11: Pagbibinyag


Aralin 11

Pagbibinyag

Layunin

Tulungan ang bawat bata na higit na maunawaan ang kahalagahan ng pagbibinyag.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Mateo 3:13–17; 2 Nefias 9:23; at Doktrina at mga Tipan 20:73–74.

  2. Maghandang awitin o basahin ang mga titik sa awit na “Kaarawan ay Gusto Ko” (Piliin ang Tama, B).

  3. Dalhin ang tsart na “Pagiging Isang Kasapi ng Simbahan ni Jesucristo,” na unang ginamit sa aralin 7. Ilagay sa tsart ang mga sinulatang piraso ng papel na “Pananampalataya ka Jesucristo” at “Pagsisisi”. Ihandang mailagay sa tsart ang sinulatang piraso ng papel na “Pagbibinyag” sa oras ng aralin.

  4. Isang bolang malambot o maliit na laruang may palaman [stuffed toy animal].

  5. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Biblia, Aklat ni Mormon, at Doktrina at mga Tipan.

    2. Larawan 3-13, Batang Lalaki na Binibinyagan (62018); at larawan 3-1, Binibinyagan ni Juan Bautista si Jesus (62133; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 208).

  6. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Paalala: langkop ang araling ito ayon sa pangangailangan, kung mayroon man sa mga bata na nabinyagan na.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin sa mga bata kung nagawa nila ang anumang bagay na hinimok mong gawin nila sa loob ng linggong ito.

Maaari Tayong Binyagan sa Gulang na Walo

Tsart

Ipakita ang tsart na “Pagiging Isang Kasapi ng Simbahan ni Jesucristo.” Ipalagay sa isang bata ang sinulatang piraso ng papel na “Pagbibinyag” sa ikatlong hakbang. Sabihin sa mga bata na ang pagbibinyag ang ikatlong hakbang sa pagiging isang kasapi ng Simbahan ni Jesucristo.

Gawaing pantawag pansin

Ipaliwanag na bago mabinyagan ang mga bata, kailangang mangyari ang isang mahalagang bagay. Sabihin sa kanilang makinig habang inaawit o binibigkas mo ang mga salita sa isang awit tungkol sa pagbibinyag. Ipaliwanag na hindi mo babanggitin ang isang salita. Ang salitang iyon ay isa ring bilang. Hilingin sa mga bata na makinig at tingnan kung matutukoy nila kung ano ang nawawalang salita. Itataas nila ang kanilang mga kamay kapag alam nila ang salitang hindi mo binanggit.

Kaarawan ay gusto ko;

Dulot ay ligaya sa ‘kin.

‘Di mahintay maging ,

‘Pagkat bibinyagan ako.

Gawaing pantawag pansin

  • Ano ang nawawalang salita? (Walo.)

Ipaliwanag na lahat tayo ay nasasabik sa ating mga kaarawan, subalit ang ating ikawalong kaarawan ay natatangi sapagkat nangangahulugan ito na nasa wastong gulang na tayo upang mabinyagan.

Sinunod ni Jesucristo ang Kautusan na Magpabinyag

Paglalahad ng guro

Ipaalala sa mga bata na ipinag-uutos ng Ama sa Langit sa lahat na magpabinyag. Nais ni Jesucristo na sundin ang lahat ng kautusan ng Ama sa Langit.

Banal na kasulatan

Basahin nang malakas ang 2 Nefias 9:23. Ipaliwanag na Ang Banal ng Israel ay isa pang pangalan ni Jesucristo.

Ipaliwanag na sinasabi sa atin ng banal na kasulatang ito na inuutusan tayong magpabinyag. Sinasabi rin sa atin ng banal na kasulatan na kung hindi tayo mabibinyagan, hindi tayo maliligtas sa kaharian ng Diyos; samakatwid, kailangan tayong mabinyagan upang muling makapamuhay na kasama ng Ama sa Langit at ni Jesus.

Larawan at talakayan

Ipakita ang larawan 3-1, Binibinyagan ni Juan Bautista si Jesus, at isalaysay ang kuwento (tingnan sa Mateo 3:13–17). Basahin ang banal na kasulatang ito sa mga bata hanggang sa makakaya nilang maunawaan.

Larawan at talakayan

  • Sino ang nagbinyag kay Jesus? (Si Juan Bautista.)

Ituro na nagpunta si Jesus kay Juan Bautista upang magpabinyag sapagkat si Juan ay may karapatang pagkasaserdote para magbinyag.

Upang mabinyagan si Jesus, dinala siya ni Juan Bautista sa mga tubig ng llog Jordan. Matapos na bigkasin ang panalangin ng pagbibinyag, ganap siyang inilubog ni Juan sa tubig. Pagkatapos niyon ay iniahon siya ni Juan.

Ipaliwanag na ang mabinyagan sa pamamagitan ng ganap na paglulubog sa tubig at pag-ahon ay tinatawag na pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog. Ipaulit sa mga bata ang mga salitang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog.

Mabibinyagan Tayo nang Katulad ng kay Jesucristo

Awit

Hayaang makinig ang mga bata habang inaawit o binibigkas mo ang mga salita sa ikalawang talata ng “Kaarawan ay Gusto Ko.” Pagkatapos ay ipaawit o ipaulit sa kanila ang mga salita na kasabay mo.

Binyag na tulad kay Jesus

Ng may pagkasaserdote

Sundin ang Dios, kanyang utos

‘Pagkat iyan ang nais ko.

Awit

  • Ano ang “bagay na nais ko,” ayon sa awit na ito? (Mabinyagan, “tulad kay Jesus.”)

  • Paano tayo mabibinyagan nang tulad kay Jesus? (Sa pamamagitan ng pagiulubog at sa pamamagitan ng isang tao na may karapatang pagkasaserdote.)

Larawan at talakayan

Ilagay ang larawan 3-13, Batang Lalaki na Binibinyagan, katabi ng larawan na Binibinyagan ni Juan Bautista si Jesus.

Ipaliwanag na noong binyagan si Jesus, siya ay inilubog sa tubig. Ngayon ang mga pagbibinyag ay karaniwang ginaganap sa bahay-pulungan sa isang natatanging pinagbibinyagan [baptismal font]. Kung walang mapagbibinyagan na malapit, ginagawa ito sa sapa, batis o iba pang lawa ng tubig.

Larawan at talakayan

  • Anong awtoridad sa pagbibinyag ang taglay ni Juan Bautista? (Ang Pagkasaserdoteng Aaron.)

  • Anong awtoridad ang kailangang taglayin ng isang taong nagbibinyag sa atin upang makapagbinyag siya? (Kailangan siyang maging isang saserdote sa Pagkasaserdoteng Aaron o maytaglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec.)

  • May kilala ba kayong sinuman na nagtataglay ng pagkasaserdote at nakapagbibinyag?

Paglalahad ng guro

Ipaalala sa mga bata na noong isinasalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon na kasama si Oliver Cowdery, nagpakita sa kanila si Juan Bautista at tinuruan sila ng tamang paraan ng pagbibinyag. Binigyan niya sila ng pagkasaserdote upang magkaroon sila ng karapatan na magbinyag sa iba. Ang pagkasaserdote ay ibinibigay sa ibang tao upang magkaroon tayo ng pribilehiyo na mabinyagan ng isang taong may tamang awtoridad.

Saligan ng pananampalataya

Ipaliwanag sa mga bata na ang taong magbibinyag sa bawat isa sa kanila ay nagtataglay ng katulad na pagkasaserdote na tinaglay ni Juan Bautista. Ang ikalimang saligan ng pananampalataya ay nagsasabi sa atin kung paano tinatanggap ng isang lalaki ang awtoridad na ito.

Basahin nang malakas at ipaulit sa mga bata ang sumusunod:

“Naniniwala kami na ang tao ay kinakailangang tawagin ng Diyos… ng mga yaong may karapatan.”

Ang Ordenansa ng Pagbibinyag

Larawan at pagpapaliwanag

Ituro ang posisyon ng mga kamay sa larawan na 3-13, Batang Lalaki na Binibinyagan. Ipaliwanag sa mga bata ang mga sumusunod na patnubay: Kapag ikaw ay bibinyagan, ikaw at ang magbibinyag sa iyo ay bababa sa pinagbibinyagan. Hahawakan ng taong magbibinyag sa iyo ang iyong kanang bisig sa pamamagitan ng kanyang kaliwang kamay. Hahawakan mo ang iyong ilong sa pamamagitan ng iyong kanang kamay samantalang ang kaliwang kamay mo ay nakahawak sa kaliwang bisig ng magbibinyag sa iyo. Pagkatapos ay itataas ng magbibinyag ang kanyang kanang kamay at bibigkasin ang mga salita ng panalangin sa pagbibinyag.

Banal na kasulatan

Sabihin sa mga bata na ang panalangin sa pagbibinyag ay matatagpuan sa mga banal na kasulatan. Iparinig ito sa kanila habang binabasa mo sa kanila ang mga salita ng panalangin.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 20:73, magsisimula sa mga salitang “Bilang naatasan.”

Ipaliwanag na ang naatasan ay nangangahulugang “binigyan ng awtoridad na kumatawan.” Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang tunay na pagbibinyag ay isinasagawa lamang ng isang tao na binigyan ng awtoridad na kumatawan kay Jesucristo sa pagsasagawa ng pagbibinyag. Ang kanilang binyag ay kasing halaga ng parang si Jesus mismo ang nagbinyag sa kanila.

Ipaliwanag na pagkatapos bigkasin ang panalangin, ilalagay ng nagbibinyag ang kanyang kanang kamay sa likod ng bibinyagan at marahang ilulubog sa tubig hanggang sa lubos siyang mailubog sa tubig. Pagkatapos ay iaahon siya mula sa tubig.

Tulungan ang mga bata na maunawaan na sandali lamang silang ilulubog at mahigpit silang hahawakan ng nagbibinyag. Hahawak sila sa bisig ng nagbibinyag at mahahawakan nila ang kanilang ilong upang sandaling pigilan ang kanilang paghinga at nang hindi makalunok ng tubig.

Pansariling karanasan

Kung nais mo, maaari mong ikuwento ang tungkol sa binyag mo. Kung may nabinyagan na sa iyong klase, anyayahan silang magkuwento tungkol sa kanilang mga binyag.

Hayaang magtanong ang mga bata at magbahagi ng kanilang mga damdamin tungkol sa binyag. Tulungan silang maunawaan na ang binyag ay maaaring maging isang magandang karanasan para sa kanila.

Maligaya Tayo Kapag Tayo ay Binibinyagan

Sabihin sa mga bata na mayroon kang ilang katanungan na gusto mong itanong sa kanila upang mapagbalik-aralan ang natutuhan nila tungkol sa mahalagang hakbang ng pagbibinyag. Ihagis ang bola o maliit na laruang hayop sa isang bata at itanong ang isa sa mga sumusunod na tanong. Tiyakin na ang bawat bata ay magkakaroon ng pagkakataon na sumalo ng laruan at sumagot ng tanong.

  • Ilang taon tayo maaaring binyagan? (Walo.)

  • Bakit dapat tayong binyagan? (Ito ay isang kautusan.)

  • Saan tayo bibinyagan? (Sa isang pinagbibinyagan o ibang lawa ng tubig.)

  • Ano ang kailangang taglayin ng isang tao (lalaki) upang makapagbinyag? (Ang pagkasaserdote.)

  • Paano tayo bibinyagan? (Sa pamamagitan ng paglulubog.)

  • Bakit sa palagay ninyo makadarama kayo ng kaligayahan kapag bininyagan kayo?

Hayaang tumugon ang mga bata at ibahagi ang kanilang mga damdamin. Maaari mong bigyang-diin na magiging maligaya sila na maging mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo, magiging maligaya sila na malaman na sinusunod nila ang kanyang halimbawa, at magiging maligaya sila na sundin ang kanyang kautusan.

Kuwento

Isalaysay ang sumusunod na kuwento ng isang batang babae na nagnanais na mabinyagan:

“Noong magpasiya ang ina ni Alice at ang kanyang mga kapatid na maging mga kasapi ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling-araw, si Alice ay anim na taong gulang pa lamang at napakabata pa para mabinyagan kasabay ng kanyang pamilya…. Dahil madalas nilang pag-usapan ang kahanga-hangang karanasan ng pagbibinyag at ang kaligayahang idinulot sa kanila ng pagiging mga kasapi ng Simbahan, inip na inip si Alice na maging walong taong gulang upang mabinyagan din.

“Nagplano si Alice at nangarap kung paano siya mabibinyagan sa kanyang kaarawan. ‘Hindi pagkatapos,’ pagpupumilit niya, ‘subalit sa mismong arawnaiyon.’

“Subalit tatlong araw bago siya maging walong taong gulang, nagising siya na matindi ang sakit ng ulo, at kinabukasan ay hindi siya nakapag-aral dahil sa tindi ng sakit.

“Sinabi ng doktor na tinawag na kakailanganin niyang manatili sa tahanan at higaan sa loob ng mga isang linggo. Napaluha si Alice sa kabiguan.

“Kinabukasan ay lalo pang tumindi ang sakit ni Alice, at ang kanyang lagnat ay lalong tumaas sa kabila ng inihatol na gamot ng doktor. Nag-isip at nabahala ang ina, subalit higit na dinamdam ni Alice ang hindi pagkabinyag sa kanya sa mismong kaarawan niya kaysa sa lahat ng kirot, sakit at lagnat na dinaranas niya.

“Noong bandang hapon bago ang kaarawan ni Alice, pumunta ang kanyang ina sa silid ng may-sakit. Subalit napatigil siya sa may pintuan nang makita niya si Alice na nakaluhod sa kanyang higaan at mataimtim na nananalangin. Ang maliit na batang babaeng ito ay nagsusumamo sa Ama sa Langit para sa katuparan ng kanyang dakilang hangarin na maging kasapi ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling-araw.

“Kinaumagahan ng kanyang kaarawan, bumangon si Alice, nagbihis, at naghanda para sa kanyang pagpapabinyag. Wala na ang kanyang lagnat at bumuti na ang pakiramdam at masaya na siya. Makaraan ang ilang oras ay muling tiningnan ng kanyang ina ang temperatura ni Alice at nakitang ito ay normal na.

“Sinagot [ng Ama sa Langit] ang taimtim na panalangin ni Alice. Noong gabing iyon siya ay bininyagan!” (“A Birthday Baptism,” Friend, Okt. 1974, p. 33).

Kuwento

  • Ano kaya ang mararamdaman mo kung ikaw si Alice?

Tulungan ang mga bata na maunawaan na maaaring hindi sila mabinyagan sa mismong kaarawan nila subalit isang araw matapos ang kanilang ikawalong kaarawan ay mabibinyagan din sila; karaniwang may isang petsa ng pagbibinyag sa bawat buwan para sa lahat ng bata sa isang purok o istaka. Sabihin sa kanila na kakapanayamin sila ng obispo o pangulo ng sangay bago sila binyagan. Sabihin sa kanila kung kailan karaniwang idinaraos ang mga pagbibinyag sa inyong lugar. Ipahayag ang iyong pag-asa na ang mga bata ay magkakaroon din ng kaligayahan na tulad ng kay Alice kapag sila ay bininyagan.

Buod

Ipaalala sa mga bata na ang kanilang ikawalong kaarawan ay magiging natatangi sapagkat sila ay nasa tamang gulang na upang mabinyagan.

Awitin o bigkasin ang mga salita sa awit na “Kaarawan ay Gusto Ko.”

Ituro ang mga hakbang sa tsart, at basahin ang mga iyon. Ipaliwanag na matapos na mabinyagan ang mga bata, magiging handa na nilang tanggapin ang huling hakbang sa pagiging isang kasapi ng Simbahan.

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pangwakas na panalangin.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamainam para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalik-aral o buod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong Para sa Guro.”

  1. Kopyahin o bakatin ang larawan ng birthday cake para sa bawat bata. Magpaguhit sa mga bata ng walong kandila sa cake at pakulayan ito. Sulatan ang larawan ng, “Inip na inip na akong maging walong taong gulang.”

    Kung hindi pamilyar ang iyong klase sa kaugalian ng birthday cake, ipaliwanag na sa maraming bansa, ang mga bata ay iginagawa ng birthday cake sa kanilang kaarawan. Inilalagay ang kandila sa cake para sa bawat taon simula nang sila ay ipinanganak. Kapag ang mga bata ay naging walong taong gulang na, may walo silang kandila sa kanilang cake.

  2. Talakayin ang mga hakbang na kailangang gawin ng mga bata upang makapaghanda sa pagbibinyag. Habang binabanggit ang bawat isa sa mga sumusunod na ideya, ilapag ang isang ginupit na larawan ng bakas ng paa sa sahig. Ihanay ang mga bakas ng paa papunta sa larawan 3-13, Batang Lalaki na Binibinyagan.

    • Dumalo sa pulong ng Primarya at sakramento linggu-linggo.

    • Pag-aralan ang mga banal na kasulatan.

    • Maging tapat.

    • Manalangin araw-araw.

    • Magbayad ng ikapu.

    • Maging mabait sa pamilya at mga kaibigan.

    • Sundin ang halimbawa ni Jesucristo.

    • Dapat ay walong taong gulang.

    • Makapanayam ng obispo o pangulo ng sangay.

  3. Anyayahan ang isang nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec na pumunta sa klase at sabihin sa mga bata kung ano ang magaganap sa kanilang binyag. Papagsanayin siyang kasama ng mga bata ng wastong posisyon ng kanilang mga kamay at ang mga kilos sa pagbibinyag.

  4. Ipakita sa mga bata ang Baptism—A Promise to Follow Jesus (9 na minuto) na nasa Primary Video Collection (53179).