Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 24: Tinutulungan ng panginoon ang mga Misyonero


Aralin 24

Tinutulungan ng panginoon ang mga Misyonero

Layunin

Tulungan ang bawat bata na maunawaan na tinutulungan ni Jesucristo ang mga misyonero na turuan ang iba tungkol sa kanyang simbahan.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Alma 17–19.

  2. Pumili ng isang misyonero mula sa inyong purok na kasalukuyang nagiilingkod sa misyon, o isa pang misyonero na kilala mo, na maaari mong padalhan ng sulat. Maghandang tulungan ang mga bata na umisip ng isusulat o iguguhit upang ipadala sa kanya.

  3. Maghandang awitin o bigkasin ang mga titik sa “Ang Ikapitong Saligan ng Pananampalataya” (Piliin ang Tama, B; ang mga titik ay katulad ng mismong saligan ng pananampalataya) at “Dadalhin Natin sa Mundo ang Kanyang Katotohanan” (Aklat ng mga Awit Pambata).

  4. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Aklat ni Mormon.

    2. Isang piraso ng papel at lapis o mga krayola para sa bawat bata.

    3. Maghanda ng name tag ng misyonero.

    4. Larawan 3-50, Ipinagtatanggol ni Ammon ang Kawan ni Haring Lamonias (62535; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 310).

  5. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin sa mga bata kung nagawa nila ang anumang bagay na hinimok mong gawin nila sa loob ng linggong ito.

Tinulungan ni Jesucristo si Ammon Upang Maging Mabuting Misyonero

Gawaing pantawag pansin

Humiling na tulungan ka ng isang volunteer. Patayuin sa harap ng silid-aralan ang volunteer at paharapin sa ibang mga bata.

Gawaing pantawag pansin

  • Ano ang kailangan ni [pangalan ng bata] upang magmukhang misyonero?

Ikabit ang name tag sa batang lalaki o babae. Sabihin sa mga bata na ang ganoong mga name tag ay ginagamit upang makilala ang mga tagapaglingkod ni Jesucristo. Ipaalala sa kanila kung gaano kasagrado ang mga titulong Elder o Kapatid [babae]. Kahit na ang mga Pangkalahatang Awtoridad ay tinatawag na Elder.

Talakayan

Tanungin ang mga bata kung ilan sa kanila ang may mga kapatid, mga lolo at iola, o ibang mga kamag-anak na nagiilingkod ngayon o nakapaglingkod bilang mga misyonero. Hayaan ang mga bata na magkuwento tungkol sa kanilang mga kamag-anak na naglilingkod o nakapaglingkod sa mga misyon. Maaaring gusto nilang pag-usapan ang tungkol sa kanilang mga magulang na nakapaglingkod sa mga misyon. Tanungin sila kung saan naglingkod ang kanilang mga magulang o ibang kamag-anak at kung ano ang nagawa nila sa kanilang mga misyon.

Paglalahad ng guro

Sabihin sa mga bata na mahal ni Jesucristo ang lahat ng tao sa mundo. Gusto niyang malaman ng lahat ang tungkol sa kanyang tunay na simbahan. Nasisiyahan siya kapag ang mga misyonero ay handang magturo ng katotohanan sa mga tao saanman.

Larawan at kuwento

Ipakita ang larawan 3-50, Ipinagtatanggol ni Ammon ang Kawan ni Haring Lamonias. Sa iyong sariling mga salita, ilahad ang sumusunod na kuwento ng isang kabataang lalaki na nagngangalang Ammon na naging mabuting misyonero (tingnan sa Alma 17–19).

Si Ammon ay isang Nefitang prinsipe. Siya ay isa sa mga anak na lalaki ng matwid na haring si Mosias. Pinili ni Ammon na turuan ang mga Lamanita tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo kaysa sa maging hari.

Mahal ni Ammon si Jesucristo at gustong paglingkuran siya nang mabuti. Siya ay nanalangin at nag-ayuno upang ang Espiritu ay mapasakanya at tulungan siya.

Nang pumunta si Ammon sa mga Lamanita, siya ay itinali nila at dinala sa kanilang hari dahil sa akalang siya ay kaaway. Hiniling ni Ammon na maging tagapaglingkod ng hari. Nagustuhan ni Haring Lamonias si Ammon at hinayaan siyang mabuhay.

Isang araw habang pinaiinom nina Ammon at ilan sa ibang mga tagapaglingkod ang mga tupa ng hari, dumating ang ilan sa mga kaaway ng hari at itinaboy ang mga tupa. Ang mga tagapaglingkod ng hari ay nangatakot. Alam nila na ipapapatay sila ng hari kung ang mga tupa ay mananakaw o mawawala.

Nang marinig ito ni Ammon, sinabi niya sa mga tagapaglingkod na tutulong siya. Sinabi niya sa kanila na ipunin ang kawan at siya na ang bahala sa mga magnanakaw. Alam niya na tutulungan siya ng Espiritu.

Nang makita ng mga magnanakaw si Ammon na papunta sa kanila, sila ay hindi natakot, dahil marami sila at si Ammon ay nag-iisa. Hindi alam ng mga magnanakaw na tinutulungan ng Espiritu si Ammon. Nagsimulang batuhin sila ni Ammon sa pamamagitan ng kanyang tirador nang may kahanga-hangang kapangyarihan at lakas na ikinagulat nila. Nalaman nila na bagaman tinatamaan sila ni Ammon, hindi nila ito matamaan ng kanilang mga bato. Siya ay ipinagsasanggalang ng Espiritu.

Sinugod ng mga magnanakaw si Ammon ng kanilang pambambo. Pero si Ammon ay tumanggap ng kahanga-hangang lakas mula sa Panginoon kaya naputol niya ang braso ng bawat magnanakaw na nagtangkang pumatay sa kanya. Ang mga magnanakaw ay nangatakot kaya sila ay nagtakbuhan. Nagawang ipagsanggalang ni Ammon ang mga tupa ng hari dahil tinulungan siya ng Panginoon.

Talakayan

Talakayan

  • Paano tinulungan ng Espiritu si Ammon? (Ipinagtanggol niya si Ammon mula sa mga magnanakaw at binigyan siya ng lakas at kapangyarihan na kinailangan niya upang talunin sila.)

Banggitin na ang mga misyonero ngayon ay hindi kailangang makipaglaban o pumunta sa digmaan bago nila maturuan ang iba tungkol sa simbahan ng Tagapagligtas. Nakipaglaban lamang si Ammon dahil kinailangan niyang protektahan ang mga tupa ng hari.

Ipaliwanag na naging handang makinig si Haring Lamonias kay Ammon nang marinig niya kung ano ang ginawa ni Ammon. Alam niya na si Ammon ay isang matapat na tagapaglingkod. Alam niyang mapagkakatiwalaan si Ammon na sabihin sa kanya ang katotohanan. Sinabi ni Ammon sa hari at sa kanyang mga tao ang tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Banal na kasulatan

Basahin ang unang pangungusap sa Alma 18:33. Ito ang mga salitang sinabi ni Haring Lamonias pagkatapos na marinig magsalita si Ammon.

Sabihin sa mga bata na napakalakas ng pananampalataya ni Haring Lamonias kung kaya’y ayaw na niyang gumawa pa ng mali. Naniwala siya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at gustong sundin ang kanilang mga turo. Napakasaya ng hari nang malaman ang tungkol sa ebanghelyo kaya sinimulan niyang ituro sa mga tao ang lahat ng itinuro ni Ammon sa kanya.

Hayaang makinig ang mga bata habang binabasa mo ang Alma 19:35 upang matuklasan kung ano ang nangyari dahil tinuruan ng Espiritu si Ammon na maging mabuting misyonero.

Tinutulungan ng Espiritu ang mga Misyonero Ngayon

Ipaliwanag na gaya ng pagiging mabuting misyonero ni Ammon para sa Simbahan noong panahon niya, maraming misyonero ngayon sa buong mundo ang nagtuturo sa mga tao tungkol sa totoong simbahan. Tinutulungan sila ng Espiritu. Tinulungan nito si Ammon.

Awit

Kasama ang mga bata, awitin o bigkasin ang mga salita sa “Dadalhin Natin sa Mundo ang Kanyang Katotohanan.”

Gaya ni Nefias na ‘sinilang,

Nagmamahal sa Dios ang magulang.

Naturuan kami nang puspos,

Na dapat sundin utos ng Dios.

Katulad ay hukbo ni Helaman.

Bata pang naturuan.

Sa Dios magsisilbing misyonero

Dala’y katotohahan.

(Mga titik ni Janice Kapp Perry. © 1983 ni Janice Kapp Perry. Ginamit nang may pahintulot.)

Kuwento

Ilahad ang sumusunod na kuwento tungkol sa kung paano tinulungan ng Espiritu ang isang misyonero.

Isang kabataang lalaki ang tinawag upang maglingkod sa misyon sa Bolivia. Ipinadala siya para maglingkod sa isang lugar kung saan maraming tao ang ayaw makinig sa ebanghelyo. Siya at ang kanyang kasama ay nagtrabahong mabuti, pero hindi sila gaanong nagtagumpay. Isang gabi ay nagsimulang bumuhos ang malakas na ulan. Ang maliit na ilog na umaagos sa baryong iyon ay umapaw isang pangyayari na hindi pa naganap kailanman. Ang nag-iisang tulay na nagdudugtong sa lungsod papunta sa pangunahing daan ay nawasak. Nagkakaroon ng kalituhan sa lahat ng dako.

Nakita ng kabataang misyonero ang ilang tao na nangangailangan ng tulong, kaya agad siyang nanalangin para sa tulong ng Ama sa Langit sa kanyang pagtalon sa tubig upang tulungan sila. Tinulungan siya ng Ama sa Langit na iligtas ang maraming buhay, tulungan ang marami na nasaktan, at tumulong na pakainin ang iba na nagugutom.

Dahil sa kanyang dakilang paglilingkod, ang mga tao na dati ay ayaw makinig sa kanya at sa kanyang kasama ay nagsimula nang makinig. Natutuhan nilang mahalin siya at pinuntahan pa siya. Tinanggap nila ang kanyang patotoo kay Jesucristo at sa ebanghelyo na ipinanumbalik sa pamamagitan ng Propetang Joseph Smith. Sa loob lamang ng ilang buwan, siya ay nakatulong na dalhin ang maraming tao sa Simbahan. (Tingnan ang “You Can Make A Difference” ni F. Melvin Hammond, [New Era, Mar. 1991], p. 44–47.)

Kuwento

  • Paano tinulungan ng Ama sa Langit ang misyonerong ito?

Sabihin sa mga bata na mahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang mga misyonero at tinutulungan silang turuan ang iba tungkol sa Simbahan. Ang mga misyonero ay nananalangin at paminsan-minsan ay nag-aayuno upang maging malapit sila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at lagi nilang makasama ang Espiritu.

Saligan ng pananampalataya

Ipaliwanag na ang mga kasapi ng Simbahan, at lalo na ang mga misyonero, ay kadalasang nakatatanggap ng mga natatanging espirituwal na regalo. Binabanggit sa ikapitong saligan ng pananampalataya ang ilan sa mga regalong ito.

Tulungan ang klase na ulitin nang ilang beses ang ikapitong saligan ng pananampalataya. Pagkatapos ay bigyang-diin ang mga sumusunod na salita:

“Naniniwala kami sa kaloob na mga wika, … [at sa] pagbibigay-kahulugan ng mga wika.”

Kuwento

Sabihin sa klase na ang sumusunod na kuwento ay isang halimbawa ng isang misyonerong tumatanggap ng kaloob na mga wika. Ipaliwanag na noong si Elder Kikuchi, na isa na ngayong Pangkalahatang Awtoridad, ay isa pa lamang misyonero, nakapagsasalita siya ng Hapon at kaunting Ingles. Ikuwento ang sumusunod:

“Sa pagkakasapi sa Simbahan … tinanggap ni Elder Kikuchi ang tawag na maglingkod bilang isang misyonero … kung saan ay nadama niya ang isang mahalagang espirituwal na karanasan.

“‘Nangangalahati pa lang ako sa aking misyon, sa paglilingkod sa Fukuoka, Japan, nang si Elder Gordon B. Hinckley, na halos katatawag pa lamang na [Pangkalahatang Awtoridad], ay dumalaw sa misyon. Siya ang tagapamahala sa buong Silangan. Ginanap namin ang pulong para sa mga misyonero.

“‘Nang mga panahong iyon, ang kaya kong sabihin ay, “good morning,” “hello,” “how are you”, at “thank you” pero iyon lang ang kaya kong sabihin sa Ingles. Talagang gustung-gusto kong maunawaan kung ano ang nangyayari sa pulong na iyon. Nararamdaman ko na ito ay pulong na nagbibigay-inspirasyon— nararamdaman ko ang Espiritu pero hindi ko maunawaan ang mga salita.’

“Nagbigay ng patotoo si Elder Hinckley at ang lahat ng misyonero ay hali-haliling nagbigay ng kanilang mga patotoo—lahat maliban kay Elder Kikuchi na taimtim na nananalangin para sa pang-unawa. Sa huli, tumayo si Elder Hinckley at sinabi na ang lahat, maliban sa isang elder, ay nagbahagi ng kanyang patotoo; pagkatapos ay inanyayahan niya si Elder Kikuchi na magsalita.

“‘Hindi ko alam kung ano ang sinabi niya,’ ang sabi ni Elder Kikuchi. ‘Siniko ako ng kasama ko at sinabi sa akin ang sinabi ni Elder Hinckley. Tumayo ako roon at nagkaroon ng magandang pakiramdam pero sa lahat ng sandali ay para bang nagngangalit ang mga ngipin ko at sinasabi sa aking sarili na, “Gusto kong maunawaan at maintindihan ang Ingles dahil nais kong tulungang lumago ang Simbahan sa Silangan.”

“‘Nagsimula akong magsalita sa Hapon ng isa o dalawang pangungusap. Pagkatapos ay dumating sa isip ko ang kakaibang damdamin. Nagsimula na akong magsalita sa Ingles. Pagkatapos ng pulong ay sinabi ng lahat na maganda ang pagkakasalita ko sa Ingles, pero hindi ko naiintindihan ang sinabi ko. Naniniwala ako na maganda ang ibinigay kong patotoo.’

Pagkatapos na magbigay ng patotoo, ipinangako ni Elder Hinckley sa kabataang misyonero na siya ay pagpapalain. ‘Sinabi niya sa akin na inihahanda ako ng Panginoon sa mas malaking gawain, upang tumulong na itatag ang Sion dito (sa Silangan) sa bahaging ito ng ubasan,’ ang sabi ni Elder Kikuchi” (Gerry Avant, “War’s Tragedies Lead to Gospel,” Church News, 29 Okt. 1977, p. 5).

Kuwento

  • Paano tinulungan ni Jesucristo si Elder Kikuchi sa kanyang misyon?

  • Ano ang mararamdaman mo kung ikaw si Elder Kikuchi at nagkaroon ng ganitong karanasan?

Awit

Tulungan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga salita sa “Ang Ikapitong Saligan ng Pananampalataya.”

Buod

Gawaing pagsusulat

Sabihin sa mga bata na sila ay makatutulong sa misyonero sa pamamagitan ng pagsulat sa kanya. Sabihin sa mga bata ang tungkol sa misyonero na iyong pinili o patulungin ang mga bata sa iyo na pumili ng isa sa mga misyonero na nagiilingkod mula sa inyong purok. Ipaliwanag na ikinasasaya ng mga misyonero ang pagtanggap ng mga sulat, at masisiyahan silang marinig na tinutulungan ni Jesucristo ang mga misyonero. Papag-isipin ang mga bata kung ano ang gusto nilang isulat, at gumawa ng pampangkat na sulat na ginagamit ang kanilang mga ideya. Maaari mong naising magpaguhit sa kanila ng sarili nilang larawan mismo bilang isang misyonero, na maaaring iuwi sa bahay o isama sa sulat.

Patotoo ng guro

Ibigay ang iyong patotoo na tinutulungan ng Espiritu ang mga misyonero na turuan ang iba tungkol sa ebanghelyo. Maaari mong naising ibahagi ang isang karanasan na kung saan tinulungan ka ng Espiritu o ang isang tao na kakilala mo na ibahagi ang ebanghelyo sa isang tao.

Anyayahan ang mga bata na maging mga misyonero sa darating na linggo sa pamamagitan ng pagsasabi sa isang tao ng tungkol sa ebanghelyo o sa pagbibigay sa kanila ng isang kopya ng Aklat ni Mormon. (Kausapin ang obispo o pangulo ng sangay tungkol sa posibleng paglalaan ng salapi mula sa laang-gugulin ng purok para sa proyektong ito ng klase.)

Hilingan ang batang inanyayahang magbigay ng pangwakas na panalangin na pasalamatan ang Ama sa Langit sa pagtulong sa mga misyonero na maturuan ang iba tungkol sa totoong Simbahan.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamainam para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalik-aral o buod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong Para sa Guro.”

  1. Anyayahan ang isang nakapagmisyon na dumalaw sa iyong klase at magbahagi ng karanasan sa klase na kung saan siya ay natulungan sa kanyang misyon, (Tiyaking ipaalam ito sa obispo kung ang taong iyon ay taga ibang purok.)

  2. Awitin o bigkasing kasama ng mga bata ang mga titik sa “Sana Ako’y Makapagmisyon” (Aklat ng mga Awit Pambata); ang mga titik ito ay kasama sa likod ng manwal. Maaari mong naising gamitin ang awit na ito nang maraming beses sa buong aralin kung nasisiyahan ang mga bata rito.

  3. Kausapin ang mga bata tungkol sa mga paraan na makapaghahanda sila ngayon upang maging mabubuting misyonero. Tulungan sila na maunawaan na kapag ginagawa nila ang tama at mababait sa iba, sila ay naghahandang maging mabubuting misyonero. Ibigay ang iyong patotoo na kapag sinisikap nating gawin ang tama, tutulungan tayo ng Ama sa Langit at pagpapalain.

  4. Gamitin ang una at panlimang talata ng “Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon” (Aklat ng mga Awit Pambata) bilang isang awit o talatang may galaw.

    Mga k’wentong naroon sa Aklat ni Mormon

    Tungkol sa Lamanita n’ong unang panahon.

    Ninuno’y nanggaling sa lugar na kay layo,

    Dito mamumuhay ng wasto.

    Si Ammon ay misyonero sa Lamanita,

    Tupa ni Haring Lamonias ang alaga niya.

    Sa mga magnanakaw naligtas ito.

    Dahil s’ya’y namuhay ng wasto.

  5. Para sa mga nakababata, gamitin ang talatang nagsasaad ng galaw sa “Mahal ni Jesus ang Lahat ng Bata.” Ipaliwanag na dahil mahal ni Jesucristo ang lahat, gusto niyang malaman ng lahat ang tungkol sa kanyang totoong simbahan.

    Mahal ni Jesus ang lahat ng bata. (iunat ang mga braso sa harap)

    Ang mga musmos ay maliliit pa rin. (gamitin ang kamay upang ipakita ang bata na hanggang tuhod ang laki)

    Ang sanggol na nasa kuna (ihugis ang mga bisig na parang kuna at magkunwaring inuugoy ang isang sanggol)

    Ang napakalalaki at napakatataas. (itaas ang kamay nang lampas sa ulo)