Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.
Kumustahin sa mga bata kung nagawa nila ang anumang bagay na hinimok mong gawin nila sa loob ng linggong ito.
Ang Pagsilang ni Jesucristo ay Ipinaalam ng Isang Anghel
Kayo ba ay nakapaghintay na pangyayari ng isang espesyal na bagay?
Ano ito? (Maaaring isama sa mga sagot ng mga bata ang pagsilang ng isang sanggol, dalaw mula sa mga lolo at lola, isang kaarawan, ang kanilang pagbibinyag, at iba pa.)
Ito ba ay parang napakatagal na paghihintay?
Ano ang naramdaman ninyo nang sa wakas ay nangyari ito?
Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na magbahagi ng mga karanasan at ipahayag ang mga damdamin ng katuwaan na kanilang nadama. Maaari mong naising ibahagi ang isang pangyayari na iyong pinakahihintay.
Ipaliwanag na mula pa noong panahon ni Adan, ang ating Ama sa Langit ay nangako na magaganap ang isang napakahalagang pangyayari. Nangako siyang ipadadala sa mundo ang kanyang Anak, na siyang magiging Tagapagligtas ng daigdig. Ang matutuwid na tao ay sabik na naghintay sa dakilang pangyayaring ito. Alam nilang tutuparin ng Ama sa Langit ang kanyang pangako. Naghintay sila sa pagsilang ni Jesus.
Ipakita ang ginupit na larawan ng pagsilang ni Jesus. Hilingan ang mga batang ikuwento ang nalalaman nila tungkol sa kuwento ng pagsilang ni Jesus. Tulungan ang bawat bata na mag-ambag ng kaunti sa kuwento.
Ipakita ang ginupit na larawan ng mga pastol.
Ipaliwanag na noong gabing isinilang si Jesus, isang anghel ang nagpakita sa mga hamak na pastol na ito upang sabihin sa kanila ang mahalagang balita ng pagsilang ni Jesus.
Ipakita ang ginupit na larawan ng anghel.
Sabihin sa mga bata na hindi naunawaan ng mga pastol na ang anghel ay may isang mahalagang mensahe sa kanila. Basahin sa klase ang nangyari sa Lucas 2:9–15 .
Ano sa palagay ninyo ang naramdaman ng mga pastol nang marinig nila ang balita tungkol sa pagsilang ni Jesus?
Ano ang ginawa ng mga pastol upang ipakita na sila ay masaya tungkol sa pagsilang ni Jesus? (Hinanap nila ang sanggol na si Jesus sa Betlehem.)
Ipaliwanag na dahil nagpakita ang anghel sa mga pastol upang sabihin sa kanila ang tungkol sa pagsilang ni Jesucristo, alam nila na si Jesus ay Anak ng Ama sa Langit at ang kanyang pagsilang ay mahalaga.
Upang tulungan ang mga bata na madama ang kagalakan at katuwaan ng pagsilang ni Jesus, tulungan silang awitin o bigkasin ang mga salita sa “Mga Tala’y Nagniningning.”
Mga tala’y nagniningning;
Ang gabi ay kaylamig.
Mga anghel ay nagwika;
Mga pastol, nakinig.
Pag-awit ay inyong dinggin,
Sa mundo Pasko’y dadalhin,
Ngayon ma’y dinig pa rin.
Masdan mo, o kay liwanag
Nitong tala ng Pasko.
Tulong at gabay sa paglalakbay
Ng mga Mago.
O anong gandang tanawin,
Ang tala ay nagniningning,
Sa atin ma’y gabay din.
(“Mga Tala’y Nagniningning” ni Nancy Byrd Turner mula sa Hymns for Primary Worship. Ginamit nang may pahintulot ng John Knox Press.)
Pagkatapos awitin o bigkasin ang mga salita ng awit, ipaliwanag na hindi lamang ang mga pastol ang tumanggap ng mahalagang balitang ito tungkol sa pagsilang ni Jesus, tinanggap din ang salitang ito ng mga Nefita at Lamanita sa Amerika.
Ang Pagsilang ni Jesucristo ay Ipinaalam sa Amerika
Ipaliwanag na sa buong Aklat ni Mormon, ang mga propeta ay naghintay at nagsalita tungkol sa pagsilang ni Jesucristo. Ang mga kasapi ng Simbahan ni Cristo ay naghintay sa pagsilang ng Tagapagligtas at nanalangin tungkol dito sa loob ng maraming taon. Isalaysay ang sumusunod na kuwento sa iyong sariling mga salita:
Limang taon bago isilang si Jesus, isang propeta na nagngangalang Samuel ang tinawag ng Diyos para ihanda ang mga tao sa pagsilang ni Jesus. Bibigyan niya sila ng babala upang magsisi at maniwala sa Tagapagligtas. Si Samuel ay isang Lamanita. Ang mga Nefita ay naging masasama at ayaw magsipakinig. Sila ay galit kay Samuel kaya siya ay itinapon nila sa labas ng kanilang lungsod. Pero ang tinig ng Panginoon ay dumating kay Samuel at sinabi sa kanyang muling bumalik. Matapang niyang inakyat ang pader ng lungsod at sinabi sa mga tao na magsisi at ihanda ang kanilang mga sarili para sa darating na pagsilang ni Jesucristo.
Ipakita ang larawan 3-73, Si Samuel na Lamanita na nasa Ibabaw ng Pader.
Ipaliwanag na sinabi ni Samuel sa mga tao na sa loob ng limang taon, si Jesucristo ay darating sa mundo. Ang pangyayari na matagal nang hinulaan ay talagang malapit na malapit nang dumating. Ipinaliwanag ni Samuel na may mga bagay na tiyak na mangyayari na magpapaalam sa kanila na si Jesus ay isinilang na sa Betlehem. Magkakaroon ng matitinding liwanag sa kalangitan sa gabi bago isilang si Jesus. Ang mga ito ay magiging napakaliwanag kung kaya’t sa buong gabing iyon ay hindi magkakaroon ng kadiliman. Sa gabi ay magiging maliwanag na para bang tanghaling tapat.
Basahin ang Helaman 14:5 sa klase.
Sabihin sa mga bata na sinabi ni Samuel na Lamanita sa mga Nefita na sila ay makakikita ng bagong bituin sa kalangitan sa araw na isisilang si Jesus. Alam ito ni Samuel dahil siya ay sinabihan ng anghel na ang mga palatandaang ito ay darating.
Bakit sa palagay ninyo nagpadala ng anghel ang Ama sa Langit upang sabihin ang mga bagay na ito kay Samuel? (Upang masabihan niya ang mga tao.)
Bakit sa palagay ninyo gusto ng Ama sa Langit na sabihin ni Samuel sa mga Nefita ang tungkol sa mga palatandaang ito? (Upang ipaalam sa kanila kung kailan isinilang si Jesus at upang mahimok ang mga tao na magsisi.)
Ipaliwanag na nagpadala ng anghel ang Ama sa Langit upang sabihan si Samuel tungkol sa darating na mga pangyayari. Gusto niyang abangan ng mga tao sa Amerika ang pagsilang ni Jesucristo. Gusto ng Ama sa Langit na malaman nila na malapit na itong dumating.
Limang taon matapos sabihan ni Samuel ang mga Nefita na si Jesus ay isisilang, ang mga kasapi ng Simbahan ay naghihintay sa mga palatandaan na sinabi ni Samuel sa kanila. Sila ay nagbabantay sa gabi na hindi magkakaroon ng kadiliman na maghuhudyat ng kanyang pagsilang. Sinabihan ng taong masasama, na hindi naniwala sa mga salita ni Samuel, ang matatapat na mga tagasunod na sila ay pagpapatayin nila kung ang mga tanda ay hindi lilitaw sa isang tiyak na araw.
Ang propeta ng panahong iyon ay isang lalaki na nagngangalang Nefias. Si Nefias ay nag-aalala sa gagawin ng mga di-naniniwala sa mga matuwid na tao kung ang mga tanda ay hindi darating sa araw na pinili ng mga di-naniniwala. Siya ay punung-puno ng kalungkutan kaya siya ay nanalangin sa Ama sa Langit dahil sa kaguluhan na kanilang nararanasan. Si Nefias ay nanalangin nang buong araw. Pagkatapos nito ay dumating ang tinig ng Panginoon kay Nefias.
Basahin ang 3 Nefias 1:13 sa mga bata.
Ipaliwanag na si Nefias ay naging maginhawa at alam niyang si Jesus ay isisilang sa susunod na araw. Nang gabing iyon ang unang tanda ay dumating.
Hayaan ang mga batang sabihin ang kanilang nalalaman. Tulungan silang maunawaan na ang gabi ay dumating, pero walang kadiliman. Ang mga tao ay nagtaka dahil para bang wala nang gabi. Sila ay labis na humanga kaya sila ay nagpatirapa sa lupa. Alam ng matutuwid na tao na ang oras na kanilang pinakahihintay sa loob ng maraming taon ay dumating na. Alam nila na si Jesucristo ay isisilang na. Pagkatapos ay may isa pang bagay na naganap.
Basahin ang 3 Nefias 1:21 sa klase upang malaman kung ano ito.
Ipakita ang nagupit na larawan ng mga Nefita at ang bituin (sa kabila ng mga nagamit na).
Ipaliwanag na isinilang na ang Tagapagligtas. Ang pananampalataya na maraming taon na nilang tinataglay ay nagbunga na ngayon ng malaking kasiyahan sa pagkakakita nila sa bagong bituin sa kalangitan. Kahit na hindi nakapunta ang mga Nefita upang makita ang bata, alam nila na ang kanyang pagsilang ay mahalaga para sa kanila.
Ipaliwanag na ang bituin ay nakita rin sa Jerusalem. Ang pagsilang ni Jesucristo ay mahalaga para sa lahat. Ito ay isang bagay na pinakahihintay ng mga tao sa loob ng maraming taon, at ito ay talagang nangyari.
Awitin o bigkasin ang mga salita sa “Kay Tahimik ng Paligid.”
Kay tahimik ng paligid
Sa gabing marikit.
May tanging sanggol na ‘sinilang,
Ng isang birhen sa sabsaban.
Dala’y kapayapaan.
Dala’y kapayapaan.
Kay tahimik ng paligid
Manghang nagmamasid,
Mga pastol na nasa bukid.
Dinggin n’yo anghel umaawit.
Cristo’y, Mes’yas ng langit.
Cristo’y Mes’yas ng langit.
Kay tahimik ng paligid
Ang badya’y pag-ibig
Ng sanggol na gating sa langit.
Kaligtasan ang kanyang hatid.
S’yang tanging kailangan.
S’yang tanging kailangan.