Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 29: Pagkakaroon ng Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo


Aralin 29

Pagkakaroon ng Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo

Layunin

Palakasin ang pananampalataya ng mga bata sa Panginoong Jesucristo.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Mosias 4:21; Alma 32; Eter 2–3 at Doktrina at mga Tipan 29:6. Maghandang basahin ang Eter 2:17, 23; 3:6; at Doktrina at mga Tipan 29:6 sa oras ng klase.

  2. Kumuha ng ilang batong maliliit at malilinis, o gumupit ng mga bilog mula sa makapal na papel na maaaring gamitin sa halip na mga bato. Isulat ang bawat titik ng “Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo” sa ilalim ng bawat bato o papel, tulad ng nakapakita sa ibaba.

    stone sign

    Ayusin ang mga bato o papel nang pataob sa ibabaw ng mesa o sa sahig sa harapan ng klase.

  3. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Aklat ni Mormon at Doktrina at mga Tipan para sa bawat bata, kung maaari.

    2. Isang papel at lapis (o krayola) para sa bawat bata.

    3. Isang bagay na nakakatawag pansin (kung maaari, isang bagay na may kinalaman sa aralin), na mayroong isang piraso ng tela na pantakip dito.

    4. Larawan 3-55, Nakikita ng Kapatid ni Jared ang Daliri ng Panginoon (62478; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 318).

  4. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin sa mga bata kung nagawa nila ang anumang bagay na hinimok mong gawin nila sa loob ng linggong ito.

Maaari Tayong Magkaroon ng Pananampalataya kay Jesucristo

Gawaing pantawag pansin

Sa iyong sariling mga salita, ilahad ang sumusunod na kuwento:

Isang maliit na batang babae ang nagdala sa kanyang ama ng pananghalian nito habang siya ay nagtatrabaho sa malalim na balon. Kahit hindi niya nakikita ang kanyang ama sa ibaba ng madilim na balon, nang tumawag siya sa kanya ay sumagot ito, kaya alam niyang naroroon siya. Sinabi ng ama sa kanya na ihulog ang baunan sa butas, at sasaluhin niya ito. Nasalo naman niya ito, at sa isang saglit ay tinawag siya at sinabi sa kanyang napakarami ng pananghalian niya para sa isang tao, at inanyayahan siyang sumalo sa kanya. “Tumalon ka,” ang sabi niya, “at sasaluhin kita. Hindi mo ako nakikita, pero nakikita kita, at hindi kita pababayaang bumagsak.” Tumalon siya sa madilim na balon at ligtas na nasalo ng malalakas na bisig ng kanyang ama. Sila ay masayang nagsalo sa pananghalian.

Ipaliwanag sa mga bata na ang maliit na batang babae ay nagtiwala sa kanyang ama na sasaluhin siya, kahit na hindi niya ito nakikita. Ang pagtitiwalang ito ay tulad ng pananampalataya. Ang pananampalataya ay paniniwala sa isang bagay na hindi mo nakikita, pero ikaw ay may malaking pag-asa na ito ay totoo (tingnan sa Eter 12:6).

Pakay-aralin

Ipakita sa mga bata ang bagay na natatakpan ng tela.

Pakay-aralin

  • Naniniwala ba kayong may isang bagay sa ilalim nito? Bakit?

Pahulaan sa mga bata kung ano kaya sa palagay nila ang bagay na iyon. Pagkatapos ay alisin ang takip ng bagay na iyon. Ipaalam na kahit na hindi nila nakikita ang bagay na iyon, naniwala sila na ito ay naroon.

Ipaliwanag na bagaman hindi natin nakita si Jesucristo, naniniwala tayong naroon siya. Nakikita natin ang katibayan ng kanyang pag-iral kahit saan kapag tayo ay tumitingin sa mundo na kanyang nilikha, kapag nakikita natin ang mga bituin sa langit, at lalo na kapag binabasa natin ang mga banal na kasulatan. Mayroon din tayong mga propeta na nagsabi sa atin na nakita nila siya. Sabihin sa mga bata na mapag-aaralan nila ngayon ang isang tao mula sa Aklat ni Mormon na may malaking pananampalataya kaya’t talagang nakita niya si Jesucristo.

Ang Kapatid na Lalaki ni Jared at ang mga Jaredita ay May Pananampalataya

Kuwento sa banal na kasulatan at talakayan

Ipaalala sa mga bata na natututuhan nila ang tungkol sa mga Nefita at mga Lamanita sa Aklat ni Mormon. Ipaliwanag sa kanila na isa pang pangkat ng mga tao ang dumating sa lupalop ding iyon. Mas nauna silang dumating sa pamilya ni Lehias. Sila ay tinawag na Jaredita. Ang pinuno nila ay isang lalaki na nagngangalang Jared. Si Jared ay may kapatid na lalaki na may malaking pananampalataya. Dininig ni Jesucristo ang mga panalangin ng kapatid na lalaki ni Jared at pinagpala ang mga tao.

Ipaliwanag na sinabi ni Jesucristo sa mga Jaredita na sama-samang tipunin ang lahat ng kanilang pamilya at ang kanilang mga ari-arian, kabilang ang kanilang kawan ng mga hayop at lahat ng uri ng mga buto. Sinabi niya sa kanila na pagkatapos nilang sama-samang ipunin ang lahat, sila ay gagabayan niya sa lupang hinirang.

Ang mga Jaredita ay matatapat at sinunod si Jesus. Nakipag-usap siya sa kapatid na lalaki ni Jared mula sa ulap at ginabayan ang mga Jaredita sa ilang. Tumawid sila sa karagatan at naglakbay sa malaking dagat.

Ipaalala sa mga bata na ang kapatid na lalaki ni Jared ay pinagpala dahil siya ay may malaking pananampalataya. Ipinakita niya ang kanyang pananampalataya sa pamamagitan ng paghiling sa Ama sa Langit na tulungan ang kanyang mga tao at pagkatapos ay ginawa niya ang ipinag-utos ng Ama sa Langit.

Ipagpatuloy ang kuwento ng kapatid na lalaki ni Jared:

Nagtagubilin si Jesucristo sa kapatid na lalaki ni Jared na gumawa ng walong gabara, tulad ng mga bangka o barko, upang maitawid ang mga Jaredita sa dagat patungong lupang pangako. Sinunod ng mga Jaredita ang kanyang mga tagubilin at gumawa ng mga gabara.

Sinabi ng Tagapagligtas sa kapatid na lalaki ni Jared na ang mga gabara ay paminsan-minsang nasa ilalim ng tubig, kaya ang mga ito ay gagawin na hindi mapapasukan ng tubig.

Pagbabasa sa banal na kasulatan

Tulungan ang mga bata na nakababasa na hanapin ang Eter 2:17 sa kanilang mga kopya ng Aklat ni Mormon. Basahin nang sama-sama ang talata 17, na naglalarawan sa mga gabara ng mga Jaredita.

Anyayahan ang mga bata na itikom ang kanilang mga kamay nang bahagya na tulad ng barko, igalaw ang mga ito ng pakaliwa’t pakanan upang ipakita kung paano ito maaaring tumagilid sa magkabilang panig gaya ng mangkok na mahigpit na magkataklob.

Gawaing pagguhit

Ipamahagi ang mga lapis o krayola at papel sa bawat bata. Paguhitin ang mga bata ng inaakala nilang anyo ng mga gabara ayon sa paglalarawan sa banal na kasulatan na katatapos mo pa lamang basahin. Muling basahin ito kung kinakailangan habang nagsisiguhit ang mga bata.

Hayaang ipakita ng mga bata ang kanilang mga larawan sa klase; pagkatapos ay tipunin ang mga iginuhit na larawan at ang mga kopya ng Aklat ni Mormon. Sabihin sa kanilang ibabalik mo ang mga larawang iginuhit nila pagkatapos ng Primarya. Ipaliwanag na hindi talaga natin alam ang tunay na anyo ng mga gabara.

Nakita ng Kapatid na Lalaki ni Jared si Jesucristo

Ipaliwanag na dahil sa saradung-sarado ang mga gabara, walang kahit anong liwanag sa loob, o ni sariwang hangin na makapapasok sa mga tao at hayop sa loob ng gabara. Iniisip ng mga tao kung paano sila makakakita o makakahinga habang sila ay naglalakbay sa karagatan. Tinagubilinan sila ni Jesucristo na bumutas sa ibabaw at ilalim ng bawat gabara. Ang mga butas na ito ay maaaring pasakan. At kapag ang mga gabara ay nasa ibabaw ng tubig, maaaring buksan ng mga Jaredita ang butas sa ibabaw upang makapasok ang hangin. Kung ang tubig ay nagsisimula nang pumasok, maaari na muli nilang takpan ang butas.

Alam ng kapatid na lalaki ni Jared na kakailanganin pa rin nila ang ilaw sa loob ng barko. Siya ay nanalangin at humiling kung ano ang magagawa nilang ilaw.

Talakayan sa banal na kasulatan

Basahin ang Eter 2:23 nang malakas at ipaliwanag kung ano ang sinabi ni Jesucristo sa kapatid na lalaki ni Jared. Ipaliwanag na hindi binigyan ng sagot ni Jesus ang kapatid na lalaki ni Jared pero sa halip ay itinanong kung anong tulong ang kailangan niya.

Talakayan sa banal na kasulatan

  • Ano ang ilang kalutasan na maaaring maisip ninyo kung kayo ang naging kapatid na lalaki ni Jared?

Kuwento sa banal na kasulatan at mga bagay

Ipaliwanag na ang kapatid na lalaki ni Jared ay nagpunta sa isang bundok at tumunaw ng labing-anim na maliliit na batong malilinaw mula sa malaking bato.

Ibaling ang pansin sa mga bato (o mga batong papel) na inayos mo. Ipaliwanag na ang mga batong ginawa niya ay maputi at malinaw, na tulad ng kristal.

Dinala ng kapatid na lalaki ni Jared ang mga bato sa itaas ng bundok at nanalangin. Sa kanyang panalangin ay sinabi niya na alam niyang kung hihipuin ng Panginoon ang mga bato, ang mga ito ay magbibigay ng liwanag. Sa ganitong paraan ay magkakaroon sila ng ilaw sa loob ng kanilang mga barko habang sila ay naglalakbay patawid ng dagat. Pagkatapos niyang manalangin, isang kamangha-manghang bagay ang nangyari.

Pagbabasa sa banal na kasulatan

Basahin ang Eter 3:6 sa klase (huminto pagkatapos ng unang paglitaw ng salitang daliri.)

Pagbabasa sa banal na kasulatan

  • Ano ang ginawa ni Jesucristo sa mga bato? (Hinipo niya ang mga ito sa pamamagitan ng kanyang daliri.)

Larawan at kuwento sa banal na kasulatan

Ipakita ang larawan 3-55, Nakikita ng Kapatid ni Jared ang Daliri ng Panginoon.

Nang makita ng kapatid na lalaki ni Jared ang daliri ng Panginoon na hinipo ang mga bato, siya ay natumba sa lupa dahil sa laki ng pagkagulat. Nang tanungin siya ng Panginoon kung bakit siya nabuwal sa lupa, sinabi ng kapatid na lalaki ni Jared na hindi niya alam na may daliri ang Panginoon na tulad ng sa tao. Pagkatapos ay tinanong ni Jesucristo ang kapatid na lalaki ni Jared kung siya ay naniniwala sa lahat ng salita na sinabi ng Panginoon. Nang sumagot ang kapatid na lalaki ni Jared ng oo, sinabi ng Panginoon sa kanya na dahil sa kanyang malaking pananampalataya, maaaring ipakita ng Panginoon ang kanyang sarili sa kanya. Pagkatapos ay nagpakita si Jesus sa kapatid na lalaki ni Jared at sinabi sa kanya na kailanman ay hindi pa nagpakita ang tao ng ganoong kalaking pananampalataya na tulad ng ginawa niya.

Larawan at kuwento sa banal na kasulatan

  • Bakit nagpakita si Jesucristo sa kapatid na lalaki ni Jared? (Dahil ang kapatid na lalaki ni Jared ay may malaking pananampalataya.)

Ipaliwanag na alam ng kapatid na lalaki ni Jared na kapag hinipo ni Jesus ang mga bato, ang mga ito ay magbibigay ng liwanag sa walong mga gabara, at ganoon nga ang nangyari.

Ang mga Jaredita ay mayroon ding malaking pananampalataya kay Jesucristo. Hindi nagtagal, ang mga Jaredita ay sumakay sa kanilang mga barko. Dahil sa pananampalataya nila sa kanya, ligtas silang ginabayan sa lupang pangako.

Maaari Tayong Magkaroon ng Pananampalataya na Tulad ng Kapatid na Lalaki na Jared

Paglalahad ng guro

Ipaliwanag na ang mga tao ngayon ay maaaring magkaroon ng pananampalataya tulad ng kapatid na lalaki ni Jared. Ang pananampalataya ay paniniwala at pagtitiwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ipinakikita natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagiging masunurin at pagkamadasalin. Pinangakuan tayo na masasagot ang ating mga panalangin kung tayo ay hihiling nang may pananampalataya para sa kung ano ang nararapat (tingnan sa Mosias 4:21).

Saligan ng pananampalataya

Tulungan ang mga bata na bigkasin ang makakaya nilang banggitin sa ikaapat na saligan ng pananampalataya.

Talakayan sa banal na kasulatan

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 29:6 sa klase.

Ipaliwanag na kailangan natin ng pananampalataya kapag tayo ay nananalangin sa ating Ama sa Langit. Ipinangako ng Ama sa Langit na sasagutin ang ating mga panalangin kung hihiling tayo sa kanya nang may pananampalataya. Hindi sapat na tayo ay basta lamang nananalangin. Kailangan nating maniwala na sasagutin niya ang ating mga panalangin sa paraan na pinakamakabubuti para sa atin.

Mga kalagayan at talakayan

Basahin ang sumusunod na mga kathang-isip na kalagayan sa klase. Ipabanggit sa mga bata kung paano nagpakita ng pananampalataya ang pangunahing tauhan sa bawat kalagayan.

Mga kalagayan at talakayan

  1. Naiwala ni Bart ang kanyang singsing na PAT sa palaruan ng paaralan. Sinabi sa kanya ng matalik na kaibigan na si Jim na wala na siyang pag-asa pang makita ito sa mga graba at buhangin. Alam ni Bart na kakailanganin niya ang dagdag na tulong. Gusto niyang makita ang kanyang singsing. Nang gabing iyon siya ay nanalangin at humingi ng tulong sa Ama sa Langit. Nang matapos siyang manalangin, siya ay nagkaroon ng mabuting pakiramdam at nadama niya na makatatanggap siya ng tulong mula sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa Espiritu Santo para makita ang kanyang singsing. Nang sumunod na araw ay nakita niya ang kanyang singsing.

    • Ano ang ginawa ni Bart upang ipakita ang kanyang pananampalataya kay Jesucristo?

    • Paano ginantimpalaan ang pananampalataya ni Bart?

  2. Si Sally ay nahilingang magbigay ng pananalita sa Primarya sa susunod na Linggo. Kailanman ay hindi pa niya nagawa ito, at siya ay kabadung-kabado. Sa loob ng linggong iyon, nagtrabaho si Sally nang husto para sa paghahanda ng kanyang pananalita. Nang dumating ang araw ng Linggo, siya ay kinakabahan pa rin at hindi nakatitiyak sa kanyang pagbibigay ng pananalita. Bago siya umalis ng bahay, siya ay lumuhod sa tabi ng kanyang kama at hiniling sa Ama sa Langit na tulungan siyang mapanatag. Alam niyang naghanda siya nang husto para sa kanyang pananalita, at naramdaman niyang tutulungan siya ng Ama sa Langit.

    • Ano ang ginawa ni Sally upang ipakita ang kanyang pananampalataya?

    • Paano sa palagay ninyo nagantimpalaan ang kanyang pananampalataya?

Ipaalala sa mga bata na masasagot ang kanilang mga panalangin kung sila ay hihiling nang may pananampalataya. Kung minsan ang mga panalangin natin ay hindi nasasagot sa paraan na gusto nating masagot ang mga ito. Kung tayo ay may pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, alam natin na mabibigyan tayo ng mga kasagutan na pinakamakabubuti para sa atin.

Buod

Laro

Maglaro na ginagamit ang mga bato o papel na iyong ipinakita sa oras ng aralin. Hali-haliling pahulaan sa mga bata ang mga titik ng alpabeto. Kung mahuhulaan ng isang bata ang isa sa mga titik na nakasulat sa mga bato, baligtarin ang batong iyon upang ipakita ang titik. Kung mapipili ng isang bata ang titik na may kapareho (tulad ng /), baligtarin ang dalawang bato. Ipagpatuloy ang laro hanggang sa ang buong pariralang “Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo” ay maihayag. Basahin ang parirala na kasama ang klase; pagkatapos ay itanong ang sumusunod:

Laro

  • Ano ang ilang paraan kung saan maipakikita natin ang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Patotoo ng guro

Tapusin ang aralin sa pamamagitan ng pagbibigay ng iyong patotoo na pakikinggan at sasagutin ng Ama sa Langit ang ating mga panalangin kapag tayo ay humihiling nang may pananampalataya. Maaari mong ibahagi ang isang pansariling karanasan tungkol sa panalanging nasagot. Hikayatin ang mga bata na palakasin ang kanilang pananampalataya.

Patotoo ng guro

  • Paano pinalakas ng kapatid ni Jared ang kanyang pananampalataya? (Ang mga maaaring sagot ay: siya ay nanalangin upang humingi ng tulong; siya ay nakinig kay Jesucristo; pinaniwalaan at sinunod niya ang mga kautusan na ibinigay sa kanya.)

Pagkatapos ng Primarya, ibalik ang mga larawan ng gabara sa mga bata upang maiuwi nila sa kanilang bahay.

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pangwakas na panalangin.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamainam para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalik-aral o buod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong Para sa Guro.”

  1. Bigyan ang bawat bata ng isa sa mga bato na ginamit sa aralin bilang isang paalaala na maaari silang magkaroon ng pananampalataya na tulad ng kapatid na lalaki ni Jared. Maaaring mong naising ipasulat sa bawat bata ang salitang pananampalataya sa kanyang bato.

  2. Ipaulit sa mga bata ang unang bahagi ng ikaapat na saligan ng pananampalataya: “Naniniwala kami na ang mga pangunahing alituntunin at mga ordenansa ng Ebanghelyo ay: una, Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.”

  3. Tumayong kasama ng mga bata upang awitin o bigkasin ang mga titik sa “Pananampalataya” nang may mga galaw (Aklat ng mga Awit Pambata):

    Pananampalataya ang nalalaman kong araw ay sisikat, (ihugis ang mga bisig ng kalahating bilog)

    At dalangin ko’y dinig N’ya (itikom nang bahagya ang mga kamay sa likod ng mga tainga)

    ‘Tulad ng munting binhi: (itikom nang bahagya ang kaliwang kamay at magkunwaring nagtatanim ng buto sa kanang kamay)

    Buhay ‘pag ‘tinanim. (pagalawin ang kanang kamay na parang halamang lumalaki sa kaliwang kamay na bahagyang nakatikom)

    Pananampalataya’y dama. (ilagay ang mga kamay sa dibdib sa tapat ng puso)

    ‘Pag ginawa’y tama, (tumuro paitaas sa pamamagitan ng kanang hintuturo) Alam ko. (ituro ang kanang hintuturong daliri sa ulo)

  4. Ipakita sa mga bata ang isang buto. Tanungin ang mga bata kung ano ang mangyayari kapag ito ay itinanim at inalagaan. Maaari mong tulungan ang bawat bata na magtanim ng buto sa papel na baso na puno ng lupa. Hamunin ang mga bata na alagaan ang kanilang mga halaman sa susunod na dalawang linggo hanggang tumubo na ang mga halaman.

    • Ano ang kailangan nating gawin para sa butong ito upang matulungan itong lumaki?

    Ipaliwanag na tayo ay may pananampalataya na magsisilaki ang mga buto kapag ang mga ito ay aalagaan nang wasto. Sa ganito ring paraan, mayroon tayong pananampalataya na sasagutin ng Ama sa Langit ang ating mga panalangin kung ating susundin ang kanyang mga kautusan at mananalangin nang may pananampalataya.