Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 41: Ang Pag-aayuno ay Naglalapit sa Atin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo


Aralin 41

Ang Pag-aayuno ay Naglalapit sa Atin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo

Layunin

Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang pag-aayuno ay makapagpapalapit sa kanila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sila ay maaaring mag-ayuno at manalangin para sa mga espesyal na pagpapala.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Marcos 9:17–29 at Doktrina at mga Tipan 88:76.

  2. Magiging mainam na ituro ang araling ito sa araw ng Linggo bago ang Linggo ng ayuno.

  3. Kung may makukuha sa inyong lugar, maghandang ipalabas ang “Ang Batas ng Pag-aayuno” (4 na minuto, 10 segundo) sa Family Home Evening Video Supplement (53276).

  4. Mga kailangang kagamitan: ihanda ang mga sumusunod na mga tanong sa mga piraso ng papel at ilagay ang mga ito sa isang lalagyan:

    • Ano ang ibig sabihin ng mag-ayuno?

    • Sino ang dapat na mag-ayuno?

    • Kapag tayo ay nag-aayuno at ibinibigay ang ating pera sa obispo o pangulo ng sangay, ano ang tawag sa perang ito?

    • Ano ang ginagawa ng obispo sa ating mga handog-ayuno?

    • Ano ang ilan sa mga dahilan ng pag-aayuno?

    • Paano nakatutulong sa atin ang pag-aayuno?

    • Kailan ang Linggo ng ayuno?

    • Ano ang ipinakikita ng pag-aayuno sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

    • Nakahanda ka bang mag-ayuno kung ikaw o ang isang taong mahal mo ay nangangailangan ng tulong?

  5. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda sa anumang gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin sa mga bata kung nagawa nila ang anumang bagay na hinimok mong gawin nila sa loob ng linggong ito.

Ang Pag-aayuno ay Nangangahulugan ng Hindi Pagkain at Pag-inom Para sa Matwid na Layunin

Gawaing pantawag pansin

Papanoorin ang mga bata ng “Ang Batas ng Pag-aayuno.”

Sabihin ang sumusunod na pangyayari sa iyong sariling mga salita:

Isang Linggo ng umaga, si Phillip ay nagmamadaling pumunta sa kusina kung saan ang kanyang nanay ay abalang nag-aaral ng mga banal na kasulatan.

“Ano po ang almusal?” tanong niya. “Nagugutom po ako.”

Nalulungkot na tumingin ang nanay ni Phillip sa kanya at sinabing, “Hindi pa gaanong maayos ang kalagayan ng tatay mo.”

Ang tatay ni Phillip ay nasaktan sa isang aksidente, at siya ay nakaratay sa ospital at hindi makakilos.

“Akala ko po’y gumaganda na ang kalagayan niya,” ang sagot ni Phillip habang ang kanyang mga mata ay puno ng luha.

“Kailangan ng tatay mo ang ating pananampalataya at mga panalangin ngayon, Phillip,” ang malumanay na sabi ng kanyang nanay. “Kailangan nating maging malapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ngayon habang tayo ay nananalangin na gumaling ang tatay mo.”

“Upang magawa ito,” patuloy ng nanay ni Phillip, “hindi natin kakainin ang ibang pagkain natin ngayong araw na ito. Hindi tayo kakain at iinom. Handa ka bang gawin ito para sa tatay mo?”

“Opo, gagawin ko,” sagot ni Phillip.

Gawaing pantawag pansin

  • Ano ang tawag natin sa hindi pagkain at pag-inom para sa isang matwid na layunin? (Pag-aayuno.)

Ipaliwanag na sa pamamagitan ng pag-aayuno, ipinakikita natin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na minamahal natin sila at pinagtitiwalaan na tutulungan tayo at sasagutin ang ating mga panalangin.

Alam ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na mahirap para sa atin na mag-ayuno. Alam nila na kapag tayo ay nag-aayuno, ang ating mga panalangin ay taos sa puso at talagang kailangan natin ang kanilang tulong.

Talakayan

Ipaliwanag na ang maliliit na bata at mga tao na may sakit ay hindi inaasahang mag-ayuno. Tayo ay nag-uumpisang mag-ayuno pagkatapos na tayo ay mabinyagan. Ipaliwanag na dahil ito ay kailangan para sa mga nabinyagan, dapat nilang simulang isaalang-alang ang pag-aayuno sa panahon na sila ay nasa tamang gulang na upang mabinyagan.

Ipaliwanag sa mga bata na ang mga kasapi ng Simbahan ay hinihilingan na mag-ayuno para sa dalawang pagkain sa isang araw ng Linggo, bawat buwan. Sa panahong ito, tayo ay hindi kumakain o umiinom. Tinatawag natin ang natatanging araw na ito sa bawat buwan na Linggo ng ayuno.

Ipaliwanag na hinilingan din tayong magbigay sa mga nangangailangan ng ating mga propeta sa huling-araw. Hinilingan nila tayong magbigay sa Simbahan ng kahit na halaga lamang ng perang ating natitipid sa pamamagitan ng hindi pagkain at pag-inom habang tayo ay nag-aayuno. Ang perang ating ibinibigay ay tinatawag na handog-ayuno, at ito ay ginagamit upang makabili ng pagkain at damit para sa mahihirap at nangangailangan.

Talakayan

  • Ano ang handog-ayuno? (Perang ibinibigay sa Simbahan upang tulungang ang mahihirap.)

  • Saan ginagamit ang perang ito? (Para ipambili ng pagkain, damit, at iba pang mga pangangailangan para sa mahihirap at nangangailangan.)

Ipaliwanag na maaari tayong mag-ayuno at manalangin upang humingi ng tulong kahit na anong oras, tulad ng ginawa ni Phillip at ng kanyang pamilya para sa tatay ni Phillip. Tayo at ang ating mga minamahal ay nangangailangan ng tulong ng Ama sa Langit sa lahat ng oras, ngunit may mga pagkakataon na tayo’y nagkakaroon ng tanging mahirap na lutasing problema, o isa sa ating pamilya ay malubha ang sakit. Sa panahong iyan tayo nag-aayuno maliban pa sa Linggo ng ayuno.

Kuwento sa banal na kasulatan

Ipabatid na alam ni Jesucristo kung gaano makatutulong ang panalangin at pag-aayuno. Ilahad ang sumusunod na kuwento mula sa Marcos 9:17–29 sa iyong sariling mga salita. Pagkatapos mong mailahad ang kuwento, maaari mo itong naising ipasadula sa mga bata.

Isang araw si Jesucristo at ang kanyang mga disipulo ay magkasama, at isang malaking pangkat ng mga tao ang dumagsa sa paligid nila. Isang lalaki ang sumiksik sa karamihan papunta kay Jesus. Sinabi ng lalaking ito kay Jesus ang malungkot na kuwento tungkol sa kanyang anak na maraming taon nang napakalubha ng sakit. Hiniling na ng lalaking ito sa mga disipulo ni Cristo na basbasan ang batang lalaki, pero ang kanilang mga pagbabasbas ay hindi nakapagpagaling sa kanya. Mayluha ang kanyang mga mata, hiniling ng ama kay Jesus na pagalingin ang kanyang anak na lalaki. Alam niya na ang kanyang anak na lalaki ay mapagagaling. Binasbasan ni Jesus ang maysakit na batang lalaki, hinawakan siya sa kanyang kamay, at siya ay itinayo. Ang batang lalaki ay gumaling.

Ang mga disipulo ay namangha. Pagkatapos na isinamang umalis ng ama ang kanyang anak, tinanong ng mga disipulo si Jesus kung bakit hindi napagaling ang batang lalaki ng kanilang pagbabasbas. Sumagot siya na upang magaling ang batang lalaking ito, kailangan nilang gumawa ng higit pa sa pananalangin. Kailangan din nilang mag-ayuno.

Sabihin sa mga bata na laging dinidinig ng Ama sa Langit ang ating mga panalangin, ngunit kapag tayo ay handang mag-ayuno, ipinakikita natin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na tayo ay totoong may pananampalataya sa kanila.

Ang Pag-aayuno ay Makatutulong sa Atin na Higit na Mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo

Paglalahad ng guro

Ipabatid na kapag tayo ay handang manalangin at mag-ayuno, ipinakikita natin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na mahal natin sila at sinisikap nating mapalapit sa kanila upang tayo ay makatanggap ng tulong nila.

Mga kuwento at talakayan

Upang matulungan ang mga bata na malaman kung paano sila mapapalapit ng pag-aayuno at panalangin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, hilingan silang makinig sa mga sumusunod na kuwento.

Isalaysay ang sumusunod na kuwento sa iyong sariling mga salita:

Tagsibol noon at ang mga magsasaka sa lambak ay nag-aalala. Nagkaroon ng tagtuyot, at kinakailangan nila ang ulan upang sila ay makapagtanim ng kanilang mga pananim.

Ang pangulo ng istaka ay nagpasiyang magkaroon ng espesyal na pag-aayuno, at hinilingan niya ang bawat obispo na ipaalam ito sa mga miyembro sa kanyang purok. Alam niya na kailangang mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo bago nila matanggap ang espesyal na tulong na kailangan nila. Ang mga tao mula sa lahat ng dako ng istaka ay dumating sa pulong upang sumama sa pananalangin at pag-aayuno. Sila ay nanalangin na umulan upang makapagtanim ng kanilang mga pananim at magsilaki ang mga ito. Sila ay naghintay nang naghintay, pero ang halumigmig na kanilang kailangan ay hindi dumating.

Maraming buwan ang lumipas. Ang mga tao ay nagpatuloy na mag-aayuno at manalangin. Sa huling pagkakataon, ang pangulo ng istaka ay tumawag ng isa pang pulong. “Itanim ninyo ang inyong mga pananim,” ang sabi niya sa mga tao. “Dininig ng Ama sa Langit ang inyong mga panalangin.”

Bagaman walang nakitang anumang mga palatandaan ng ulan ang mga magsasaka, ginawa nila ang ipinag-utos sa kanila. Sa loob ng ilang linggo, dumating ang sagot ng Ama sa Langit. Araw-araw ay pumapatak ang ulan at nagbibigay na halumigmig sa mga pananim upang ang mga ito ay magsilaki. Nang taong iyon ang mga magsasaka ay nagkaroon ng isa sa pinakamainam na mga ani na kanilang nasaksihan. (Tingnan ang “Rain in Due Season,” ni David Carl Danielson, Ensign, Hulyo 1978, p. 68–69.)

Mga kuwento at talakayan

  • Bakit hiniling ng mga lokal na pinuno ng Simbahan sa mga tao na mag-ayuno at manalangin?

  • Paano sila natulungan ng pag-aayuno at panalangin? (Ito ay nagpalapit sa kanila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Natanggap nila ang ulan na kailangan nila para lumaki ang kanilang mga pananim.)

Ngayon ay isalaysay ang ikalawang kuwento.

Si Rhonda, isang batang babae, ay nasugatan sa isang aksidente ng sasakyan. Nang marinig ng kanyang pamilya ang masamang balita, sila ay sumugod na kanya sa ospital. Siya ay walang malay, na nangangahulugang hindi siya makapagsalita o makakilos.

Araw-araw ang kanyang pamilya ay naghihintay sa ospital, umaasa at nananalangin na siya ay muling gagaling. Pero sa hindi malamang dahilan, ang kanilang mga panalangin ay para bang hindi sapat. Gusto nilang maging malapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, upang ipakita ang pagmamahal niya sa kanila at hilingin sa kanilang pagalingin ang kanilang anak.

Ang pamilya ay nagpasiyang mag-ayuno at manalangin. Lahat ng kanilang mga kamag-anak, mga kapitbahay, at mga kaibigan ay nais na sumama sa kanilang pag-aayuno. Ipinaalam ng obispo ang pag-aayuno sa simbahan, at marami sa purok ang nag-ayunong kasama nila. Sila ay naging malapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at alam nila na tutulungan sila ng Ama sa Langit kung ito ang pinakamabuti para kay Rhonda.

Nang sumunod na araw, habang nakaluhod sa pananalangin, ang mga magulang ni Rhonda ay nagkaroon ng damdamin na gagaling ang kanilang anak. Nang sila ay pumasok sa kanyang silid sa ospital nang umagang iyon, siya’y tumingin at kinausap sila. Pagkatapos ng ilang sandali ay nagawa na niyang maupo sa kama at kumain. Si Rhonda ay gagaling na. Sinabi rin ng obispo sa pamilya na dahil sa pag-aayunong iyon, naging mas malapit sa isa’t isa ang mga tao sa purok at nakapagpakita ng higit na pagmamahal para sa bawat isa kaysa sa dati.

Mga kuwento at talakayan

  • Ano ang nangyari bilang resulta ng espesyal na pag-aayunong ito? (Ang batang babae ay nabasbasan at gumaling. Ang mga tao sa purok ay naging mas malapit at nakapagpakita ng higit na pagmamahal para sa bawat isa.)

Ipaalaala sa mga bata na kung minsan ay may ibang piano ang Ama sa Langit para sa mga maysakit o nasugatan. Kapag sila ay hindi gumagaling pagkatapos ng pag-aayuno at pananalangin, kailangan nating tanggapin ang kalooban ng Ama sa Langit, nalalaman na ang kanyang kaalaman ay higit na malawak kaysa sa atin.

Patotoo ng guro

Magbigay ng patotoo sa kahalagahan ng pag-aayuno sa pamamagitan ng pagbabahagi ng isang karanasang makahihimok sa mga bata na naising mag-ayuno. Ito ay maaaring isang pansariling karanasan o isang bagay na nangyari sa isang taong kilala mo. Ipaliwanag na ang taos-pusong pag-aayuno at pananalangin ay isa sa pinakamahalagang paraan na maipakita sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na nais nating mapalapit sa kanila at tanggapin ang kanilang tulong.

Ipakuwento sa mga bata ang anumang karanasan na alam nila tungkol sa pag-aayuno.

Buod

Talakayan

Tulungan ang mga bata na pag-aralan muli ang kanilang mga natutuhan tungkol sa pag-aayuno at pananalangin. Pakuhanin ang bawat bata ng isang tanong mula sa lalagyan na iyong inihanda at subukang sagutin ito.

Talakayan

  • Ano ang ibig sabihin ng mag-ayuno? (Hindi pagkain o pag-inom para sa matuwid na layunin.)

  • Sino ang dapat na mag-ayuno? (Ang lahat ng kayang mag-ayuno.)

  • Kapag tayo ay nag-aayuno at ibinibigay ang ating pera sa obispo o sa pangulo ng sangay, ano ang tawag sa perang ito? (Mga handog-ayuno.)

  • Ano ang ginagawa ng obispo sa ating mga handog-ayuno? (Ginagamit niya ang mga ito upang tulungan ang mahihirap at nangangailangan.)

  • Ano ang ilan sa mga dahilan ng pag-aayuno? (Upang mapalapit sa Ama sa Langit. Upang makatanggap ng tulong mula sa Ama sa Langit. Upang tulungan ang iba. Ito ay isang kautusan.)

  • Paano nakatutulong sa atin ang pag-aayuno? (Tinutulungan tayo nitong mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.)

  • Kailan ang Linggo ng ayuno? (Ito ay karaniwang unang Linggo ng buwan.)

  • Ano ang ipinakikita ng pag-aayuno sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? (Na ang ating mga panalangin ay taos-puso at tayo’y may pananampalataya sa kanila.)

  • Nakahanda ka bang mag-ayuno kung ikaw o ang isang taong mahal mo ay nangangailangan ng tulong?

Anyayahan ang mga bata na kausapin ang kanilang mga magulang tungkol sa pag-aayuno at magpasiya kung kailan at gaano katagal sila dapat na mag-ayuno.

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pangwakas na panalangin.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamainam para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalik-aral o buod. Para sa karagdang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong Para sa Guro.”

  1. Para sa maliliit na bata, ang sumusunod na kuwento at talakayan ay maaaring makatulong:

    Ang tatay ni JoAnn ay galing sa isang mahabang biyahe. Nang siya ay bumalik, si JoAnn ay natuwa nang makita siya. Siya ay yumakap at humalik sa kanya, at binigyan siya ng kanyang tatay ng isang maliit na bag ng espesyal na kendi mula sa lungsod na pinanggalingan niya.

    Kinuha ni JoAnn ang mga bag at tumakbo sa likod-bahay, kung saan naglalaro ang kanyang maliit na kapitbahay na si Danny. Inaalagaan ng Nanay niya si Danny habang may sakit ang nanay nito.

    “Tingnan mo!” sigaw ni JoAnn. “Tingnan mo ang dala sa akin ng tatay ko.”

    Tiningnan ni Danny ang loob ng bag.

    • Ano sa palagay ninyo ang sumunod na ginawa ni JoAnn?

    Sa palagay ninyo kaya ay sinabi niyang, “Hindi kita bibigyan,” o sa palagay ninyo kaya ay sinabi niyang, “Bibigyan kita”.

    Ano ang maramdaman ni Danny kapag sinabi niyang, “Hindi kita bibigyan”. Ano ang iisipin ng kanyang tatay kung sinabi niya iyon? Siya ba ay magiging masaya o magiging malungkot?

    Kapag sinabi niyang, “Bibigyan kita,” magiging masaya ba si Danny? Magiging masaya ba ang tatay niya? Magiging masaya ba ang Ama sa Langit? Magiging masaya ba si JoAnn?

    Buweno, ang sabi ni JoAnn, “Bibigyan kita,” at ang lahat ay naging masaya.

    Sa Linggo ng ayuno, makapagbabahagi ka tulad ng ginawa ni JoAnn. Maaari kang hindi mag-almusal, at sa pamamagitan ng hindi pagkain (banggitin ang mga pagkain na karaniwang kinakain ng mga bata), ikaw ay makatitipid ng pera para sa iyong mga magulang. Pagkatapos ay maaari nilang ibigay ang halagang ito sa obispo, at ibibigay niya ito sa isang taong nagugutom.

    • Ito ba ay makapagpapasaya sa mga taong nangangailangan ng pagkain?

    • Ito ba ay makapagpapasaya sa iyo?

  2. Paguhitin ang mga bata ng larawan ng isang tao na gusto nilang ipag-ayuno.