Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 18: Tinutulungan Tayo ng Ama sa Langit na Sundin ang Kanyang mga Kautusan


Aralin 18

Tinutulungan Tayo ng Ama sa Langit na Sundin ang Kanyang mga Kautusan

Layunin

Tulungan ang mga bata na maunawaan na tutulungan sila ng Ama sa Langit at ni Jesus na masunod ang mga kautusan.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang 1 Nefias 3:7; 1 Nefias 17; 1 Nefias 18:1–4. Maghandang ikuwento ang ulat ng paggawa ng barko ni Nefias.

  2. Kung makakaya mo, gumawa ka ng kopya ng bigay-sipi ng 1 Nefias 3:7 para sa bawat bata. Gupitin ang bigay-sipi sa natutuldukang mga guhit. Ilagay ang mga piraso ng papel na ito sa isang sobre para sa bawat bata.

  3. Maghandang awitin ang una at ikalawang talata ng “Matapang si Nefias” (Aklat ng mga Awit Pambata); ang mga titik ay kasama sa likod ng manwal na ito.

  4. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Aklat ni Mormon para sa bawat bata, kung mayroon.

    2. Isang lapis at papel o kard para sa bawat bata.

    3. Pisara, yeso, at pambura.

    4. Larawan 3-37, Sinusupil ni Nefias ang Kanyang mga Suwail na Kapatid (62044; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 303).

  5. Gumawa ng mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin mo ang mga bata kung mayroon mang gawaing hinikayat mong gawil nila sa loob ng isang linggo.

Sinunod ni Nefias ang mga Utos

Gawaing pantawag pansin

Sabihan ang mga bata na gawin ang ginagawa mo. Pagkatapos ay gumawa ng ilang paggalaw, katulad ng pagtindig, pagiagay ng iyong mga kamay sa balakang mo, pag-ikot, at iba pa. Umupo. Pasalamatan ang mga bata sa pagsunod.

Gawaing pantawag pansin

  • Ano ang kahulugan ng sumunod?

Ipaliwanag na kapag ginagawa natin ang iniuutos sa atin, tayo ay sumusunod o nagiging masunurin.

Pagbabalik-aral

Sabihin sa mga bata na iniisip mo ang isang tao na naging masunurin. Kusang-loob siya na sumunod sa utos ng Panginoon na lisanin ang Jerusalem na kasama ng kanyang ama.

Kusang-loob din niya na sinunod ang utos na bumalik sa Jerusalem upang kunin ang mga laminang tanso.

Pagbabalik-aral

  • Sino ang taong ito? (Nefias.)

Ipaliwanag na noong utusan si Nefias na bumalik sa Jerusalem upang kunin ang mga laminang tanso, alam niya na ito ay isang bagay na mahirap gawin, subalit sinabi niya sa kanyang ama na susunod siya. Bahagyang pagbalik-aralan ang kuwento mula sa aralin 17.

Ipakita sa mga bata ang isang kopya ng Aklat ni Mormon at sabihin sa kanila na ang mga salita na sinabi ni Nefias sa kanyang ama ay nakasulat sa aklat na ito. Tiyakin na bawat bata na nakababasa ay may isang kopya ng Aklat ni Mormon. Tulungan sila na tanggapin ang 1 Nefias 3:7.

Awit

Awitin o bigkasin ang mga salita sa unang talata ng “Matapang si Nefias” sa mga bata.

Basahin ang 1 Nefias 3:7 sa mga bata. Ipaliwanag na katulad ito nang sinasabi sa huling tatlong linya ng awit na ito. Muling ipaawit o ipabigkas sa mga bata ang mga linyang iyon. Tulungan ang mga bata na maunawaan na tutulungan sila ng Panginoon na masunod ang kanyang mga utos.

Tinuruan ng Panginoon si Nefias kung Paano Gumawa ng Barko

Kuwento sa banal na kasulatan

Sabihin sa mga bata na ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng ilang kahanga-hangang kuwento tungkol kay Nefias. Pagkatapos ay isalaysay ang sumusunod sa sarili mong mga salita:

Naglakbay si Lehias at ang kanyang mag-anak sa ilang sa loob ng walong taon. Ang paglalakbay at pamumuhay sa ilang ay mahirap. Kinailangan nilang tumira sa mga tolda at maghanap ng pagkain. Sa wakas ay dumating sila sa isang iupain na nasa tabi ng dagat. Pinangalanan nila ang lupain na Bountiful. Maligaya sila doon sapagkat may mga bungang-kahoy at pulot na makakain. Itinayo nila ang kanilang mga tolda sa tabing-dagat.

Pagkatapos na mamalagi ng maraming araw nina Lehi at kanyang mag-anak sa lupain ng Bountiful, inutusan ng Panginoon si Nefias na gumawa ng barko na magtatawid sa mag-anak sa dagat patungo sa lupang pangako. Naniwala si Nefias na tutulungan siya ng Panginoon. Itinanong sa Panginoon kung saan siya makakakita ng metal na magagamit niya sa paggawa ng mga kagamitan na kailangan niya sa paggawa ng barko. Itinuro sa kanya kung saan makikita ang inang mina (ore) at nakagawa siya ng mga kagamitan sa paggawa ng barko.

Noong makita nina Laman at Lemuel na gagawa si Nefias ng barko, nagsimula silang magreklamo. Hindi sila naniwala na makagagawa si Nefias ng barko. Tumanggi silang tumulong. Hindi sila naniwala na tuturuan si Nefias ng Panginoon na gumawa ng barko.

Subalit alam ni Nefias na tutulungan siya ng Panginoon. Palagi niya tayong tutulungan upang masunod ang kanyang mga utos. Sinunod ni Nefias ang mga tagubilin ng Panginoon.

Sinabi ni Nefias kina Laman at Lemuel na kung susundin nila ang mga utos at gagawin ang ipinagagawa ng Panginoon, tutulungan din niya sila. Ayaw nina Laman at Lemuel na sabihan sila ni Nefias kung ano ang gagawin. Ginusto nilang itapon siya sa dagat, subalit napuspos si Nefias ng kapangyarihan ng Diyos. Pinagbawalan niya ang kanyang mga kapatid na hawakan siya. Natakot sina Laman at Lemuel. Sinabihan sila ni Nefias na magsisi at sumunod sa mga utos at sa kanilang mga magulang.

Pagkatapos ay hinawakan ni Nefias ang kanyang mga kapatid at niyanig ang mga ito upang malaman nila na tinutulungan siya ng Panginoon.

Talakayan sa larawan

Ipakita ang larawan 3-37, Sinusupil ni Nefias ang Kanyang mga Suwail na Kapatid.

Talakayan sa larawan

  • Ano sa palagay ninyo ang naramdaman nina Laman at Lemuel?

Ipaliwanag na nagsisi sina Laman at Lemuel. Tinulungan nila si Nefias na gumawa ng barko.

Talakayan sa larawan

  • Paano tinulungan ng Panginoon si Nefias? (Itinuro sa kanya kung saan makukuha ang inang mina upang makagawa ng mga kagamitan. Tinuruan siya na gumawa ng barko. Ipinagsanggalang siya laban sa kanyang mga kapatid.)

Ipaliwanag na kahit hindi marunong gumawa ng barko si Nefias, naniwala siya na tutulungan siya ng Panginoon kung susundin niya ang mga utos niya.

Awitin o bigkasin ang ikalawang talata ng “Matapang si Nefias” kasama ng mga bata.

Talakayan sa pisara

Gumuhit ng isang simpleng mukha na nakangiti at isang nakasimangot sa pisara. Kausapin ang mga bata tungkol sa kung ano ang nakapagpapaligaya sa kanila. Tulungan ang mga bata na maunawaan na nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na lumigaya tayo, at ito ang dahilan kaya binigyan tayo ng mga kautusan na susundin. Magtanong ng tulad ng mga sumusunod tungkol sa kung paano nagbibigay ng kaligayahan ang pagsunod sa mga kautusan:

Talakayan sa pisara

  • Alin sa mga mukhang ito ang nagpapakita ng naramdaman ni Nefias nang sumunod siya na gumawa ng barko?

  • Paano tayo tinutulungang lumigaya ng pagsisimba?

  • Paano tayo tinutulungang maging maligaya ng pagmamahal at paglilingkod sa ating mga miyembro ng pamilya?

Tutulungan Tayo ng Panginoon na Sundin ang mga Kautusan

Kuwento

Ipaliwanag na katulad ng pagtulong ng Panginoon kay Nefias, tutulungan niya ang bawat isa sa atin kung may pananampalataya tayo sa kanya at nakahandang sundin ang kanyang mga utos. Sabihan ang mga bata na makinig habang isinasalaysay mo ang kuwento kung paano tinulungan ng Ama sa Langit ang isang batang babae na sundin ang utos na gawing banal ang araw ng Sabbath.

Si Ma-ling ay may isang maliit na tindahan ng pagkain sa daan malapit sa ilog. Araw-araw, nagtitinda siya ng kanin at isda sa mga tao na tumitigil sa kanyang tindahan. Bawag gabing pauwi siya sa kanyang bahay na bangka at binibilang ang perang kinita, napapabuntung-hininga at napapailing siya, sapagkat halos tamang-tama lamang ito na pambili ng bigas para sa kanyang mag-anak at isda na ititinda sa kinabukasan.

Isang araw nakilala ni Ma-ling ang mga misyonero, at tinuruan siya nila ng ebanghelyo. Tinuruan siya tungkol sa mga kautusan ng Ama sa Langit at sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath. Nanalangin si Ma-ling sa Ama sa Langit at nangakong hindi na muling magtitinda sa araw ng Linggo. Nais niya na mapanatiling banal ang araw ng Sabbath at hindi gumawa sa araw ng Linggo.

Mula sa araw na iyon, bawat gabi na binibilang ni Ma-ling ang kanyang pera, natuklasan niya na mas dumarami ang pera niya kaysa noong mga nagdaang araw. Nakabili siya ng mas maraming pagkain na ibabahagi sa kanyang mag-anak, at nakabili siya ng mas maraming isda na ipagbibili. Biniyayaan ng Ama sa Langit si Ma-ling sapagkat pinanatili niyang banal ang araw ng Sabbath. Maligaya si Ma-ling sapagkat sinunod niya ang mga utos.

Talakayan

Talakayan

  • Anong kautusan ang sinunod ni Ma-ling?

  • Paano siya tinulungan ng Ama sa Langit?

Sabihin sa mga bata na katulad ng pagtulong ng Ama sa Langit kina Nefias at Ma-ling, tutulungan din ang bawat isa sa kanila na masunod ang kanyang mga kautusan.

Buod

Patotoo ng guro

Kung naaangkop, sabihin sa mga bata ang isang pagkakataon nang tinulungan ka ng Ama sa Langit na masunod ang isang utos. Ibigay ang iyong patotoo na mahal tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at tutulungan tayo na masunod ang mga kautusan.

Bigyan ang bawat bata ng isang papel o kard at isang lapis. Magpaguhit sa mga bata ng isang mukha na nakangiti. Pagkatapos ay anyayahan ang mga bata na pumili ng isang kautusan na susundin nila sa loob ng isang linggo, katulad ng pagiging tagapamayapa, pagtulong sa Nanay at Tatay, pagiging mabait na kapatid, o pagbabahagi sa mga kaibigan. Ipasulat o tulungan ang bawat bata na isulat ang kautusan na pinili niya sa kanyang kard. Sabihan ang mga bata na maghanda sa susunod na linggo upang mag-ulat tungkol sa naramdaman nila nang sila ay sumunod.

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pangwakas na panalangin.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang pinakamakabubuti sa mga bata. Maaari mong gamitin ang mga ito sa aralin mismo o bilang isang pagbabalik-aral o pagbubuod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong sa Guro.”

  1. Kausapin ang mga bata tungkol sa ilang kautusan, katulad ng pagpipitagan, panalangin, kabaitan, katapatan, Salita ng Karunungan, at iba pa. Ipaliwanag na napapansin ng bawat tao na may ilang kautusan na mas madaling sundin kaysa sa iba. Bigyang-diin na bawat isa ay tutulungan ng Ama sa Langit na masunod ang mga utos kung tunay tayong nagsisikap at humihingi ng kanyang tulong.

  2. Kasama ang mga bata, awitin o bigkasin ang mga salita sa “Piliin ang Tamang Daan” (Aklat ng mga Awit Pambata) at iba pang mga awit tungkol sa mga kautusan, katulad ng “Magmahalan” (Aklat ng mga Awit Pambata) o “Kung Tayo ay Tumutulong” (Aklat ng mga Awit Pambata); ang mga titik para sa tatlong awit na ito ay kasama sa likod ng manwal na ito.

  3. Ihagis ang isang supot ng bins o isang maliit na stuffed animal sa isang bata; pagkatapos ay tanungin siya ng isang tanong mula sa aralin, katulad ng:

    • Ano ang ipinagawa ng Panginoon kay Nefias?

    • Ano ang isinagot nina Laman at Lemuel nang sabihin ni Nefias ang tungkol sa paggawa ng barko?

    • Matutukoy mo ba ang isang kautusan na masusunod mo ngayon?

    • Ano ang maaari nating gawin kung kailangan natin ng tulong ng Ama sa Langit? (Manalangin.)

    • Ano ang ipinagawa ng Panginoon kay Nefias na mahirap gawin?

    • Paano nagkaroon ng kagamitan si Nefias?

  4. Pagkunwariin ang mga bata na naghuhukay ng inang mina, gumagawa ng mga kagamitan, at gumagawa ng barko katulad ng ginawa ni Nefias.

  5. Para sa mga nakatatandang bata: Gumawa ng isang nakasulat na kopya ng 1 Nefias 3:7 para sa bawat bata. Gupitin ito sa bawat linya at ipadikit ang mga ginupit ayon sa pagkakasunud-sunod sa isang papel. Hikayatin sila na isaulo ang banal na kasulatan.

Lord commands

1 Nefias 3:7

Hahayo ako at gagawin ang mga bagay

na ipinag-uutos ng Panginoon,

sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon

ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao

maliban sa siya ay maghahanda ng isang paraan

para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay

na kanyang ipinag-uutos sa kanila.