Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 3: Ang mga Kautusan ay Tumutulong sa Atin na Piliin ang Tama


Aralin 3

Ang mga Kautusan ay Tumutulong sa Atin na Piliin ang Tama

Layunin

Tulungan ang bawat bata na maunawaan na binigyan tayo ng Ama sa Langit ng mga kautusan upang matulungan tayong gumawa ng mga tamang pagpili.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Mosias 2:22.

  2. Gumawa ng kopya ng bigay-siping “Mga Kautusang Palatandaan sa Daan” para sa bawat bata (na nakalimbag sa hulihan ng aralin). Gumawa ng karagdagang kopya at idikit ito sa isang makapal na papel [cardboard]. Basahin ang mga banal na kasulatang nakalista sa bigay-sipi at maging handa upang ipaliwanag ang anumang mahihirap na salita na nilalaman ng mga ito.

  3. Gumawa ng simpleng paghahanap ng kayamanan [treasure hunt] na magpapahintulot sa mga batang sumunod sa mga pahiwatig, palatandaan, o maliliit na piraso ng papel na magtuturo sa kinalalagyan ng kayamanan. Ang kayamanan ay maaaring isang kopya ng Aklat ni Mormon, isang larawan, o isang singsing na PAT.

  4. Maghanda sa pag-awit ng “Piliin ang Tamang Daan” (Aklat ng mga Awit Pambata); ang mga titik ay kasama sa likuran ng manwal na ito. Maghanda rin na awitin ang “Sundin ang Utos” (Aklat ng mga Awit Pambata).

  5. Mga kailangang kagamitan:

    1. Kopya ng Aklat ni Mormon para sa bawat bata na nakakabasa. Patulungin sa araling ito ang ilang batang nakakabasa.

    2. Pisara, tisa, at pambura (o iba pang masusulatan).

    3. Larawan 3-3, Buhay Bago ang Buhay sa Mundo; larawan 3-4, Isang Batang Lalaki at ang Kanyang Bola sa Soccer.

  6. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin sa mga bata kung nagawa nila ang anumang bagay na hinimok mong gawin nila sa loob ng linggong ito.

Tinutulungan Tayo ng mga Kautusan na Piliin ang Tama

Gawaing pantawag pansin

Hayaang hanapin ng mga bata ang kayamanan sa pamamagitan ng paggamit sa mga pahiwatig na inihanda mo.

Paglalahad ng guro

Sabihin sa mga bata na magkunwang inutusan mo silang magpunta sa bahay ng isang tao upang kunin ang ilang mahahalagang papeles at ibalik sa iyo. Ipaliwanag na malayo ang tirahan ng taong iyon at walang maaaring sumama sa kanila upang tulungan silang hanapin ang daan.

Paglalahad ng guro

  • Ano ang makatutulong sa inyo upang mahanap ang bahay?

  • Kung ang daan ay may mga palatandaan o panturo, mahahanap ba ninyo ang inyong landas? Sabihin sa mga bata na noong ipadala tayo ng Ama sa Langit dito sa lupa, tayo ay ipinadala niya para sa isang mahalagang tungkulin. Nais niyang mahanap natin ang ating daan pabalik sa kanya.

Larawan

Ipakita ang larawan 3-3, Buhay Bago ang Buhay sa Mundo, sa klase.

Larawan

  • Saan tayo nakatira bago tayo ipanganak? (Sa piling ng Ama sa Langit.)

  • Bakit natin iniwan ang Ama sa Langit upang makapunta dito sa daigdig?

Ipaliwanag sa mga bata na iniwan natin ang Ama sa Langit upang makatanggap tayo ng mga katawan, magkaroon ng mga karanasan, at matutuhang piliin ang tama.

Paglalahad ng guro

Ipaliwanag na noong iplano ng Ama sa Langit na iiwan natin siya at mamumuhay sa daigdig na ito ay ninais niyang makabalik ang bawat isa sa atin at muling mamuhay sa kanyang piling. Alam niyang kakailanganin nating gumawa ng mga tamang pagpili upang makabalik sa kanya at na ang pagpili ng tama ay makapagpapaligaya sa atin.

Binigyan niya tayo ng mga kautusan upang tulungan tayong gumawa ng mga tamang pagpili.

Paglalahad ng guro

  • Ano ang mga kautusan? (Mga bagay na ipinagagawa sa atin ng Ama sa Langit.)

  • Anu-ano ang ilan sa mga kautusan?

Ipaliwanag na ang mga kautusan ay tulad ng mga palatandaan sa daan na tutulong sa ating mahanap ang ating landas. Itinuturo ng mga ito ang tamang landas na dapat tahakin upang makabalik sa Ama sa Langit.

Awit

Awitin o bigkasin ang mga salita sa “Utos ay Sundin”:

Utos ay sundin; utos ay sundin!

Mayro’ng kaligtasa’t kapayapaan.

Mga biyaya’y kanyang ibibigay.

Propeta’y dinggin; utos ay sundin

Nang mapayapa at maligtas.

Gawain

Ipakita ang tsart na “Mga Kautusang Palatandaan sa Daan” na inihanda mo. Maikling basahin o magsabi ng tungkol sa bawat banal na kasulatan o mga paglalarawan sa mga palatandaan sa daan. Ipaliwanag na ilalarawan mo ang isang sitwasyon at pagkatapos ay magpapasiya ang mga bata kung aling kautusan sa palatandaan sa daan ang makatutulong sa kanilang piliin ang tama. Ipaliwanag ang anumang salitang mahirap maunawaan ng mga bata. Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagtuturo sa iba’t ibang mga kautusan na nagpapakita sa tamang daan.

Ang mga sumusunod ay mga iminumungkahing sitwasyon:

Gawain

  1. Naglalakad kang pauwi mula sa bahay ng isang kaibigan nang makita ka ng isa pang kaibigan. Hinihiling niyang magpunta ka sa bahay nila upang makipaglaro. Ngunit sinabi ng nanay mo na umuwi ka kaagad at nangako kang gagawin ang gayon. Sinabi ng kaibigan mo na hindi naman masama kung gagabihin ka nang kaunti sa pag-uwi. Ano ang kautusan na tutulong sa iyong piliin ang tama?

  2. Nagtitipon ka ng pera upang makabili ng isang bola sa pamamagitan ng paggawa ng mga karagdagang gawain sa tahanan para sa iyong mga magulang. Ipinagbibili ng tindahan ang bola sa mababang halaga lamang, ngunit wala ka pa ring sapat na pera maliban na lamang kung hihiram ka mula sa iyong ikapu. Aling kautusan ang makatutulong sa iyo upang piliin ang tama?

  3. Gabi na at kauuwi lamang ng inyong pamilya. Pagod ka na at nais mo nang matulog. Pagkatapos ay naalala mo na nakalimutan ng pamilya ninyo na manalangin bago matulog ang lahat. Ano ang kautusan na makatutulong sa inyo upang piliin ang tama?

  4. Inaanyayahan ka ng matalik mong kaibigan na manood ng sine isang Linggo. Matagal mo nang gustong panoorin ang pelikulang iyon. Ano ang kautusan na makatutulong sa iyo upang piliin ang tama?

  5. Nakikipaglaro ka sa iyong mga kaibigan. Isang batang lalaki na nanunukso sa iyo ang dumating at gustong makipaglaro rin. Ano ang kautusan na makatutulong sa iyong piliin ang tama?

  6. Kasama mo ang ilang kaibigan at ang ilan sa kanila ay nagnanais na uminom ka ng alak na dala ng isa sa kanila mula sa bahay. Itinuro ng mga magulang mo na ang pag-inom ay mali. Ano ang kautusan na makatutulong sa iyo upang piliin ang tama?

Purihin ang mga bata sa magaganda nilang sagot.

Kapag Pinipili Natin ang Tama ay Maganda ang Ating Pakiramdam

Talakayan

Sabihin sa mga bata na ang pagpili ng tama ay makapagdudulot sa kanila ng mabuting pakiramdam.

Pagbalik-aralan ang mga sitwasyong ito sa pamamagitan ng marami pang pagtatanong. Halimbawa, ang sumusunod na mga tanong at talakayan ay maaaring magmula sa unang dalawang sitwasyon.

Talakayan

  1. Ano sa palagay ninyo ang madarama ninyo kung uuwi kayo tulad ng sinabi ng nanay ninyo sa halip na makipaglaro sa isang kaibigan?

    Maaaring masiyahan kayo sa pakikipaglaro sa inyong kaibigan. Ngunit kahit habang naglalaro kayo, maaari kayong magkaroon ng kalungkutan dahil sa hindi pagtupad sa pangako ninyo sa inyong nanay. Kahit na mahirap piliin ang tama at gawin ang ipinagagawa ni Jesucristo sa inyo, kung ginawa pa rin ninyo ito, ay magiging maganda ang pakiramdam ninyo sa inyong sarili. Magiging maganda ang pakiramdam ninyo sa inyong sarili sa ginawa ninyong pagpili.

  2. Ano kaya ang madarama ninyo kung bumili kayo ng isang bola sa pamamagitan ng paggamit ng inyong pera sa ikapu? Magiging maganda ba ang pakiramdam ninyo kapag pinaglalaruan ninyo ang bola?

    Maaaring masiyahan kayo sa pakikipaglaro sa inyong mga kaibigan, ngunit hindi magiging maganda ang pakiramdam ninyo sa inyong sarili dahil hindi ninyo piniling magbayad ng inyong ikapu na tulad ng iniuutos ng Ama.

Pagbalik-aralan ang iba pang mga sitwasyon sa gayunding paraan. Bigyang-diin ang mabuting pakiramdam na nadarama ng mga bata kapag sumusunod sila sa isang kautusan ng Panginoon—lalung-lalo na kapag tila mahirap itong gawin. Ipaliwanag na ang mabuting pakiramdam na iyon ay ang Espiritu Santo na nagsasabi sa kanila na natutuwa ang Ama sa Langit sa kanilang mga ikinikilos.

Ipaalala sa mga bata ang nadarama nila kapag gumagawa sila ng maling pagpili. Iyon ay kadalasang hungkag at malungkot na pakiramdam. Ang damdaming ito ay maaaring ang Espiritu Santo rin na nagsasabi sa ating magsisi at gumawa ng tamang pagpili.

Larawan at kuwento

Ipakita ang larawan 3-4, Isang Batang Lalaki at ang Kanyang Bola sa Soccer.

Iparinig sa mga bata ang kuwento upang makita kung ano ang naging damdamin ni Julio sa pagpili ng tama:

Nang si Julio ay bigyan ng kanyang Tiya Maria ng bola sa soccer, halos hindi siya makapaniwala na iyon ay sa kanya. Alam niya na kaunti lamang ang pera ng kanyang Tiya Maria. Ngunit alam ni Julio na magtatampo siya kung hindi niya kukunin ang bola.

“Salamat po,” ang sabi niya. “Ngunit bakit po ninyo ibinibigay ito sa akin?”

“Dahil palagi mo akong tinutulungan,” ang sabi ni Tiya Maria. “Palagi kang sumusunod sa mga iniuutos ko at tinutulungan mo akong linisin ang aking bakuran. Ang tanging mahihiling ko ay ang palagi mong alalahanin kung bakit sa iyo na ito. Sige, maglaro ka na.”

Habang sinisipa-sipa ni Julio ang bola sa kanyang paglalakad ay iniisip niya ang sinabi ni Tiya Maria. “Alalahanin mo kung bakit sa iyo na ito,” ang sabi niya.

Gustung-gusto ni Julio ang maglaro ng soccer, at magaling siyang maglaro. Inasam niya na balang araw ay maglalaro siya sa pambansang koponan ng Brazil. Alam ni Tiya Maria iyon, ang kanyang naisip. Iyon siguro ang dahilan kung bakit ibinigay niya sa akin ang bola.

Maya-maya ay lumabas si Antonio upang makipaglaro kay Julio. Hindi nagtagal, ang ibang mga batang lalaki ay nakisali sa kanila, at maya-maya ay may sapat nang bilang upang masimulan na ang larong soccer.

Nakita ni Julio ang isang batang lalaki na nanonood ng laro sa may tabing daan. “Huwag,” ang bulong ni Antonio kay Julio. “Hayan na si Paulo. Huwag mo siyang papaglaruin! Palagi niyang ginugulo ang laro. Matatalo tayo kung maglalaro siya!”

Totoo na hindi magaling maglaro si Paulo. Ngunit alam ni Julio kung gaano kagusto ni Paulo na maglaro.

“Puwede ba akong maglaro?” ang tanong ni Paulo na may pag-asam.

Larawan at kuwento

  • Ano ang sasabihin ninyo?

Hindi agad nakasagot si Julio. Sandali siyang sumulyap sa bintana ni Tiya Maria at nakikita niya na nakatanaw si Tiya Maria sa kanya. Mukha siyang nag-aalala habang hinihintay niya ang sagot ni Julio.

“Alalahanin mo kung bakit sa iyo na ito.” Naalala ni Julio ang kanyang mga salita. Minsan pa ay tumingin siya kay Tiya Maria. Ibinahagi niya ang kanyang panahon at pagsisikap sa kanyang tiya, at naisip niya na baka sinisikap nitong sabihin sa kanya na patuloy na magbahagi.

Ibinaling ni Julio ang kanyang tingin kay Paulo at sinabing, “Oo, sige maglaro ka.” Pagkatapos ay idinagdag niya na, “Itong si Antonio ay magaling maglaro, at tutulungan ka pa niyang matuto nang husto tungkol sa laro.”

Tumingin si Antonio kay Julio at ngumiti. “Oo, ikagagalak kong gawin iyon! Tuturuan ka naming maging isang magaling na manlalaro ng soccer” ang sabi niya kay Paulo. “Lahat kami ay matutuwang tumulong sa iyo upang matuto ka.”

Ang lahat ng mga batang lalaki ay nagsimulang maglaro muli. Tumingala si Julio sa bintana ni Tiya Maria. Si Tiya Maria ay nakangiti. Noon ay nalaman ni Julio kung bakit siya binigyan ng kanyang tiya ng bagong bola sa soccer. (Hinango mula kay Sherrie Johnson, “The Soccer Ball, “ Friend, Hunyo 1973, p. 10–12.)

Talakayan

Talakayan

  • Ano ang nadama ni Julio pagkatapos niyang piliing magbahagi? (Naging masaya siya at maganda ang kanyang pakiramdam.)

  • Ano ang maaaring nangyari kung hindi siya nagbahagi? (Maaaring nalungkot siya sa pagtanggi kay Paulo; maaaring nalungkot din si Paulo.)

  • Ginawa ba ni Julio ang ipinagagawa sa kanya ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?

Ipaliwanag na marami tayong gagawing mga pagpili sa ating buhay. Ang mga pagpiling ito ay maaaring magpaligaya o magpalungkot sa atin. Ang pagpiling sundin ang mga kautusan ay palaging magpapaligaya sa atin.

Buod

Kalasag at singsing na PAT

Ipakita sa mga bata ang kalasag na PAT. Ipaalala sa kanila na ang kanilang mga singsing na PAT ay makatutulong sa kanila na maalalang piliin ang tama.

Bigay-sipi at talakayan

Magbigay ng kopya ng “Mga Kautusang Palatandaan sa Daan” sa bawat bata. Sama-samang basahin ang mga kautusan na nakalista sa mga palatandaan sa daan. (Para sa mga mas bata, ipaliwanag ang mga palatandaan at ang kahulugan ng mga ito.)

Sabihin sa mga bata na ang pagpili ng tama ay hindi palaging madali at kung minsan ay maaari tayong magkamali. Ang mga kautusan ng Ama sa Langit ay makatutulong sa atin upang makita ang tamang daan na tatahakin at makapagbibigay sa atin ng mabuting pakiramdam upang malaman nating gumagawa tayo ng mga tamang pagpili. Tutulungan tayo ng mga ito na makabalik sa Ama sa Langit. Matutuwa tayo sa ating mga pagpili kung pinipili natin ang tama.

Imungkahi sa mga bata na iuwi ang kanilang mga papel at basahin ang mga banal na kasulatan sa Aklat ni Mormon na kasama ang kanilang mga pamilya. Maaaring naisin nilang itago ang kanilang mga papel upang mapaalala sa kanila ang ilan sa mga kautusan.

Patotoo ng guro

Ibigay ang iyong patotoo sa kahalagahan ng pagbabasa ng Aklat ni Mormon. Ang pag-aaral nito ay makatutulong sa mga bata na palaging piliin ang tama.

Awit

Awitin ang “Piliin ang Tamang Daan” na kasama ang mga bata.

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pangwakas na panalangin at pasalamatan ang Ama sa Langit sa pagbibigay ng mga kautusan sa atin upang matulungan tayong gumawa ng mga tamang pagpili.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamabisa para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalik-aral o buod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong Para sa Guro.”

  1. Lagyan ng tali, pisi o lubid ang dalawang bagay sa inyong silid-aralan (halimbawa ay ang pinto at isang silya sa kabilang dulo ng silid). Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagkapit sa tali upang matunton nila ang kanilang landas patungo sa kabilang dulo ng silid nang nakapikit. Maaari kang maglagay ng gantimpala para sa bawat bata sa dulo ng tali. Ipaliwanag na ang paggabay sa atin ng taling ito patungo sa kabilang dulo ng silid ay maihahalintulad sa paggabay sa atin ng mga kautusan sa landas na pabalik sa Ama sa Langit.

  2. Maikling isalaysay ang kuwento tungkol sa panaginip ni Lehias na nakatala sa 1 Nefias 8–11 (tingnan lalo na ang 1 Nefias 8:9–30; 11:1–25). Ipaliwanag na ang gabay na bakal ay sumasagisag sa salita ng Diyos. Ipaliwanag na ang puno ng buhay ay sumasagisag sa pag-ibig ng Diyos, at talakayin kung paano nakatutulong sa atin ang mga kautusan ng Diyos na madama ang kanyang pagmamahal.

  3. Maghanda ng isang papel na may tamang laki upang matakpan ang larawan 3-5, Tinuturuan nina Adan at Eva ang Kanilang mga Anak. Gupitin ang papel sa siyam na piraso na magkakasing laki at pagkatapos ay idikit ang bawat piraso sa larawan nito upang matakpan ito. Ipaliwanag na sa likod ng papel ay may napakahalagang mensahe. Sa tuwing magbabanggit ang mga bata ng isang kautusan na masusunod nila dahil sa itinuturo ito ng kanilang mga magulang o ng ibang may sapat na gulang, maaari nilang alisin ang isang piraso ng papel at sikaping tuklasin ang mensahe. Kapag natanggal na ang lahat ng piraso, talakayin kung paano matutulungan ng mga magulang, guro, at iba pang mga pinuno ang mga bata na matutong sumunod sa mga kautusan.

commandment signs

Mga Kautusang Palatandaan sa Daan

tithing

Magbayad ng Ikapu

(3 Nefias 24:10)

obey

Sundin ang Aking mga Magulang

(Mosias 13:20)

pray

Palaging Manalangin

(2 Nefias 32:9)

sabbath

Panatilihing Banal ang Araw ng Sabbath

(Mosias 13:16)

kindly

Maging Mabait sa Bawat Isa

(3 Nefias 12:44)

tithing

Magbayad ng Ikapu

(3 Nefias 24:10)

obey

Sundin ang Aking mga Magulang

(Mosias 13:20)

pray

Palaging Manalangin

(2 Nefias 32:9)

sabbath

Panatilihing Banal ang Araw ng Sabbath

(Mosias 13:16)

kindly

Maging Mabait sa Bawat Isa

(3 Nefias 12:44)