Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 37: Paglilingkuran Ko si Jesucristo sa Pamamagitan ng Paglilingkod sa Iba


Aralin 37

Paglilingkuran Ko si Jesucristo sa Pamamagitan ng Paglilingkod sa Iba

Layunin

Tulungan ang mga bata na maunawaan na sila ay makapagpapakita ng pagmamahal kay Jesucristo sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Mosias 2:17 at Lucas 10:30–37, at maghandang ipaliwanag ang mga banal na kasulatang ito sa mga bata.

  2. Maghandang ihimig ang “Kung Tayo’y Tumutulong” (Aklat ng mga Awit Pambata) at “Sabi ng Munting Sapa, ‘Magbigay’” (Aklat ng mga Awit Pambata).

  3. Maghandang awitin o bigkasin ang mga titik sa “Ating Obispo” (Piliin ang Tama, B)

  4. Makipag-usap sa iyong obispo o pangulo ng sangay tungkol sa kanyang kabataan. Hilingan siyang sabihin sa iyo ang ilang paraan na siya ay nakapaglingkod noong siya ay bata pa. Maghanda ng maikling paglalahad tungkol sa kanya upang mahulaan ng mga bata kung sino ang iyong inilalarawan. Kung maaari, manghiram ng larawan ng iyong obispo o pangulo ng sangay noong siya ay bata pa. (Maaari mo ring ihanda ang paglalahad na ito tungkol sa pangulo ng Primarya o sa isa pang pinuno.)

  5. Gumawa ng bulaklak mula sa hinubog na papel para sa bawat bata tulad ng mga halimbawa na nakapakita sa ibaba. Gawing kainaman ang laki nito upang masulatan ng maikling mensahe sa likod.

    paper flowers
  6. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Aklat ni Mormon at Biblia.

    2. Isang istro o patpat para sa bawat bata, kung may makukuha.

    3. Malinaw na teyp, kung may makukuha.

    4. Isang lapis o krayola para sa bawat bata.

    5. Isang plorera o bote.

    6. Tisa, pisara, at pambura.

    7. Larawan 3-63, Ang Mabuting Samaritano (62156; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 218).

  7. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Tayo ay Nagpapakita ng Pagmamahal kay Jesucristo sa Pamamagitan ng Paglilingkod sa Iba

Gawaing pantawag pansin

Hilingan ang mga bata na mag-ulat ng isang paraan na nakapagpakita sila ng pagmamahal kay Jesucristo sa loob ng nagdaang linggo (tingnan sa aralin 36). Ipaliwanag na gusto mong makarinig pa sila ng tungkol sa isang paraan na makapagpapakita sila ng pagmamahal kay Jesucristo.

Ipaliwanag sa mga bata na ang laro na gagawin nila ay makatutulong sa kanila na maunawaan ang isang napakahalagang paraan kung saan maipakikita natin ang pagmamahal kay Jesucristo. Ipaliwanag na ikaw ay hihimig ng isang awit. Kapag sa palagay nila ay alam nila ang pamagat ng awit, maaari nilang itaas ang kanilang mga kamay. Maaari mong putulin ang iyong paghimig at hilingin sa isang bata na hulaan kung anong awit ito o magtanong pagkatapos mong ihimig ang buong awit.

Ihimig ang “Kung Tayo’y Tumutulong.” Pagkatapos na mahulaan ng isang bata ang pamagat ng awit, itanong ito:

Gawaing pantawag pansin

  • Tungkol saan ang awit na ito? (Pagtulong.)

Isulat ang Pagtulong sa pisara.

Ihimig ang “Sabi ng Munting Sapa, ‘Magbigay.’ “ Pagkatapos na mahulaan ng mga bata ang pamagat ng awit, itanong sa kanila ito:

Gawaing pantawag pansin

  • Tungkol saan ang awit na ito? (Pagbibigay.)

Isulat ang Pagbibigay sa ilalim ng Pagtulong.

Gawaing pantawag pansin

  • Makaiisip ba kayo ng ibang salita na nangangahulugan ng pagtulong at pagbibigay? (Paglilingkod. Bigyan sila ng mga karagdagang pahiwatig kung kailangan hanggang mahulaan nila ito.)

Ipaliwanag na ang paglilingkod sa iba ay maaaring kabilangan ng pagbibigay at pagtulong. Tayo ay madalas na nagiilingkod sa pamamagitan ng pagtulong at pagbibigay sa iba.

Saligan ng pananampalataya

Tulungan ang mga bata na sama-samang ulitin ang sumusunod na bahagi ng ikalabintatlong saligan ng pananampalataya: “Naniniwala kami … sa paggawa ng mabuti sa lahat ng tao.”

Banal na kasulatan

Basahin ang Mosias 2:17. Ipaliwanag na ito ay nangangahulugan na kapag tayo ay nagiilingkod sa iba nang taos sa puso, tayo ay nagiilingkod sa Ama sa Langit at gayundin kay Jesucristo. Maipakikita natin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na mahal natin sila sa pamamagitan ng paglilingkod sa isa’t isa.

Kuwento at larawan

Ipakita ang larawan 3-63, Ang Mabuting Samaritano, kapag naaangkop habang sinasabi mo sa iyong sariling mga salita ang sumusunod na kuwento:

Itinuro ni Jesucristo ang tungkol sa paglilingkod sa bawat isa sa kuwento ng mabuting Samaritano. Ikinuwento niya ang tungkol sa isang lalaking naglalakbay mula sa Jerusalem papunta sa Jerico. Sa kanyang paglalakad, siya ay sinalakay ng mga magnanakaw na kumuha ng kanyang mga damit, bumugbog sa kanya, at iniwan siya na halos patay na. Isang saserdote ang dumating at, nakita ang sugatang tao, ay dumaan sa kabilang panig ng daan. Pagkatapos ay dumating ang isang Levita, isang tao na tumutulong sa mga saserdote sa kanilang mga tungkulin, pero siya ay dumaan din sa kabilang panig ng daan upang maiwasan ang lalaki.

Sa wakas, isang Samaritano, isang grupo ng mga tao na kinamumuhian ng mga Judio, ang dumating at huminto upang tulungan ang taong sugatan, hinugasan at binalot ang kanyang mga sugat. Isinakay ng Samaritano ang lalaki sa kanyang sariling hayop, dinala siya sa isang bahay-panuluyan, at sinamahan siya sa buong magdamag. Nang sumunod na araw, binayaran ng Samaritano ang tagapangasiwa ng bahay-panuluyan at sinabi sa kanya na kung ang taong sugatan ay mangangailangan pa ng karagdagang kabayaran para sa pangangalaga sa kanya, siya ay babalik at daragdagan pa ang kanyang ibinayad.

Kuwento at larawan

  • Bakit sa palagay ninyo nilampasan ng saserdote at ng Levita ang taong sugatan at hindi man lamang siya tinulungan? (Isama sa mga maaaring sagot ang sumusunod: Siguro ay nagmamadali sila. Maaaring natakot sila sa taong sugatan. Siguro ay ayaw nilang maabala ng problema ng iba.)

  • Bakit kung minsan ay nilalampasan natin ang mga taong nangangailangan ng ating tulong?

Ipaliwanag na ang mga bata ay maaaring maging mabubuting Samaritano sa pamamagitan ng pagtulong sa mga taong nangangailangan. Sabihin sa kanila ang ilang kalagayan na kung saan ay nangangailangan ng tulong ang iba, at ipasadula sa mga bata kung paano sila makatutulong. Maaari mong gamitin ang mga kalagayan na tulad ng sumusunod:

Kuwento at larawan

  • May mga laruang nagkalat sa sahig, ang sanggol ay umiiyak, at ang nanay mo ay naghahanda ng hapunan.

  • Isang batang babae ang kalilipat sa kabilang bahay. Siya ay nagmula sa ibang bansa at hindi siya makapagsalitang mabuti ng inyong wika. Kapag siya ay lumalabas upang maglaro, siya ay mukhang malungkot.

  • Si Kapatid [babae] na Castro ay nagsisimba tuwing Linggo, pero para bang walang nakakapansin sa kanya. Siya ay matanda na, laging nakaupong nag-iisa, at mukhang malungkot.

  • Ang maliit mong kapatid na babae ay naiinis dahil nasira ang kanyang paboritong laruan.

Ipaliwanag na si Jesus ay nasisiyahan kapag tayo ay naglilingkod sa iba ng taos-puso. Imungkahi sa mga bata na makapaglilingkod sila sa ibang tao.

Makapagpapakita Tayo ng Pagmamahal kay Jesucristo sa Pamamagitan ng Paglilingkod sa Kanyang Simbahan

Pagtatanghal ng larawan

Ipaliwanag na maraming tao sa Simbahan ang naglilingkod kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagtulong sa iba linggu-linggo, tulad ng mga guro sa Primarya, mga tagakumpas, mga organista, mga saserdote at diyakono na nangangasiwa sa sakramento, at marami pang iba.

Kung maaari, ipakita ang larawan ng obispo o pangulo ng sangay noong siya ay bata pa, pero huwag sabihin sa mga bata kung sino siya.

Ipaliwanag na ito ay larawan ng isang batang lalaki na lumaki upang maging isang mahalagang tao sa inyong purok o sangay. Sabihin na ito ang tao na masayang nagiilingkod sa mga tao sa inyong purok o sangay linggu-linggo.

Paglalahad ng guro

Sabihin sa mga bata na ang impormasyon na iyong natipon ay tungkol sa isang lalaki na kilalang-kilala nila. Ipaliwanag na siya ay naglingkod sa iba noong siya ay bata pa. Pahulaan sa mga bata kung sino siya. Kung kailangan, magbigay ng higit pang mga pahiwatig hanggang sa tumama ang hula nila. (Halimbawa: tinutulungan niya tayong piliin ang tama; tinutulungan niya tayo kapag tayo ay may mga problema; ibinibigay natin ang ating ikapu sa kanya.)

Ipaliwanag na ang obispo ay nagbibigay ng maraming oras ng paglilingkod sa mga kasapi ng purok bawat linggo. Siya ay tumutulong hindi lamang sa araw ng Linggo kundi sa iba pang mga araw ng linggo,

Paglalahad ng guro

  • Sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga tao sa kanyang purok, sino pa ang pinaglilingkuran ng obispo? (Diyos.)

  • Kanino nagpapakita ng pagmamahal ang obispo habang siya ay nagiilingkod? (Kay Jesucristo at sa mga tao sa kanyang purok.)

Awit

Ipaawit o ipabigkas sa mga bata ang mga salita sa “Ating Obispo.”

Abala s’yang palagi

Ating Obispo.

Sa ‘ki’y mayro’ng panahon,

Ating Obispo.

Salita n’ya’y kay buti

Sa mga bata lagi.

Tulungan na parati

Ating Obispo.

Masayang lingkod ng Dios

Ating Obispo.

Ama ng purok natin,

Ating Obispo.

Tumutulong sa ating

Ang mabuti ay gawin.

Minamahal natin s’ya

Ating Obispo.

Buod

Gawain

Ipaliwanag na gusto mong magbigay ang mga bata ng regalo ng pasasalamat para sa obispo para sa mga oras ng paglilingkod na ibinibigay niya sa kanila. Mamigay ng bulaklak, lapis, at istro o patpat sa bawat bata. Hilingan ang mga bata na sumulat o gumuhit ng isang paraan na makapagpapakita sila ng pagmamahal kay Jesucristo sa isang panig ng bulaklak at ipalagda ang kanilang mga pangalan. Pagkatapos ay iteyp ang mga istro o patpat para maging mga sanga.

Kapag tapos na ang lahat, tipunin ang mga panustos at ipalagay sa bawat bata ang bulaklak sa plorera o bote na iyong dinala. Kasama ang mga bata, pumili ng isang miyembro ng klase na magdadala ng mga bulaklak na papel sa obispo pagkatapos ng klase.

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pangwakas na panalangin.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamainam para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalik-aral o buod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong Para sa Guro.”

  1. Isalaysay ang sumusunod na kuwento tungkol kay Heber J. Grant, ang ikapitong Pangulo ng Simbahan, at talakayin kung paano siyang naglingkod sa iba.

    Ang ama ni Heber ay namatay noong siya ay siyam na araw pa lamang. Ang kanyang ina ay mahirap na mahirap at hindi alam kung paano tutustusan ang kanyang sarili at ang maliit na si Heber. Itinaguyod niya sila sa pamamagitan ng pananahi sa ibang tao at pagtanggap ng mga umuupa sa kanilang tinutuluyan. Kung minsan siya ay nananahi sa loob ng maraming oras nang walang pahinga, na halos hindi na niya mapadyakan ang pedal ng kanyang sinaunang makinang panahi. Si Heber ay kadalasang gumagapang sa ilalim ng makinang panahi at pinapadyakan ang pedal para sa ina. Ang taglamig sa Lungsod ng Salt Lake ay napakalamig, at si Heber ay mayroon lamang isang manipis at sira-sirang pangginaw upang hindi siya ginawin. Pinapangarap niya na magkaroon ng pangginaw pero alam niya na halos sapat lamang ang kanilang pera para sa pagkain. Si Heber ay nasiyahan sa kanyang kaarawan nang bigyan siya ng kanyang nanay ng isang makapal na pangginaw. Ang pangginaw ay ginawa ng nanay para kay Heber. ang kanyang bagong pangginaw ay itinuturing niyang pinakamahalagang pag-aari niya. llang linggo ang nagdaan, habang nagmamadaling sumusunod sa utos, nakita niya ang isang batang lalaki na kasinlaki niya na nanginginig sa ginaw. Ang batang lalaki ay nakasuot ng manipis na pangginaw, at naalala in Heber kung ano ang pakiramdam ng may nakapagpapainit na pangginaw. Hinubad ni Heber ang kanyang bagong pangginaw at nagpumilit na isuot ito ng batang lalaki. Sinabi niya sa batang lalaki na sa kanya na ito dahil siya ay may iba pang pangginaw sa bahay.

    Maaari mong ipasadula sa mga bata ang kuwentong ito at pagkatapos ay ipapaliwanag kung ano ang maaaring naramdaman ng iba’t ibang tauhan.

  2. Paupuin nang pabilog ang mga bata at ipasa nang paikot ang isang bola o malambot na bagay habang inihihimig mo ang “Kung Tayo’y Tumutulong. “ Kapag tumigil ka na sa paghimig, kung sino man ang may hawak ng bola o malambot na bagay ay magsasabi ng paraan kung paano niya matutulungan ang isang tao. Tiyakin na ang lahat ay magkakaroon ng pagkakataon na makapagsabi ng paraan na maaari siyang makatulong.

  3. laspili o iteyp nang pabaligtad ang mga nakangiting mukha sa mga bata bago sila lumabas ng klase. Sabihin sa kanila na kapag sila ay gumagawa ng mabuting paglilingkod sa isang tao, maaari nilang itayo ang nakangiting mukha.