Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 36: Pagpapakita ng Pagmamahal kay Jesucristo


Aralin 36

Pagpapakita ng Pagmamahal kay Jesucristo

Layunin

Tulungan ang mga bata na ipakita ang pagmamahal kay Jesucristo sa pamamagitan ng paggawa ng mga nais niyang gawin nila.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin at maghandang basahin ang Juan 14:15.

  2. Sa anim na maliliit na piraso ng papel, isulat ang isa sa mga sumusunod na pahiwatig:

    1. Pahiwatig 1: Mahal niya tayo.

    2. Pahiwatig 2: Bininyagan siya sa pamamagitan ng paglulubog gaya ng pagbibinyag sa atin.

    3. Pahiwatig 3: Natuto siya na magkarpinterya noong siya ay bata pa.

    4. Pahiwatig 4: Mahal niya ang maliliit na bata at binabasbasan sila.

    5. Pahiwatig 5: Tinuruan niya tayong mahalin ang isa’t isa.

    6. Pahiwatig 6: Namatay siya para sa atin at ginawang maaari ang pagsisisi.

    Bago magsimula ang klase, itago ang bawat pahiwatig sa iba’t ibang bahagi ng silid-aralan.

  3. Maghandang awitin ang “Magmahalan” (Mga Himno at Awit Pambata); ang mga titik ay kasama sa likod ng manwal na ito.

  4. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Biblia.

    2. Isang lapis at papel o kard para sa bawat bata.

    3. Larawan 3-9, Si Jesus, ang Cristo (62572; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 240); larawan 3-23, Binabasa ng Isang Bata ang mga Banal na Kasulatan; larawan 3-25, Pumupunta sa Simbahan; larawan 3-26, Nagbabayad ng Ikapu ang Isang Bata; larawan 3-27, Pagbabahagi sa TraysikeI (62317); larawan 3-59, Ipinapasa ang Sakramento (62021); at larawan 3-60, Nanalangin ang Batang Babae (62310).

    4. Tisa, pisara, at pambura.

  5. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin sa mga bata kung nagawa nila ang anumang bagay na hinimok mong gawin nila sa loob ng linggong ito.

Mahal Tayo ni Jesucristo

Gawaing pantawag pansin

Ipaliwanag na itinago mo ang ilang pahiwatig sa silid na may kaugnayan sa aralin. Ipahanap nang tahimik sa mga bata ang mga ito. Pagkatapos na matagpuan ang lahat ng pahiwatig, ipalagay o tulungan ang mga bata na ilagay ang mga ito ayon sa pagkakasunud-sunod mula una hanggang anim. Basahin ang mga ito na kasama ang mga bata. Hingin ang kanilang mga ideya pagkatapos ng bawat pahiwatig.

Gawaing pantawag pansin

  • Tungkol kanino ang mga pahiwatig na ito? (Jesucristo.)

Larawan at talakayan

Ipakita ang larawan 3-9, Si Jesus, ang Cristo.

Sabihin sa klase na alam nating mahal tayo ni Jesucristo dahil napakarami niyang ginawa para sa atin.

Larawan at talakayan

  • Ano ang nagawa ni Jesucristo para sa atin? (Tulungan ang mga bata na maunawaan na ibinigay ni Jesucristo sa atin ang mga kautusan, ang mga propeta, ang kanyang simbahan, at ang mga ordenansa ng pagkasaserdote. Sa pamamagitan ng kanyang pagbabayad-sala, ginawa rin niyang maaari para sa atin na magsisi sa mga mali nating gawain upang balang-araw ay makabalik tayo sa piling niya at ng Ama sa Langit.)

Ipaliwanag na ipinakita ni Jesucristo ang kanyang pagmamahal sa atin sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng mga kahanga-hangang pagpapalang ito. Ang bawat isa sa atin ay natatangi sa kanya at sa Ama sa Langit.

Talakayan sa pisara

ipaliwanag na ipinakita ni Jesucristo ang kanyang pagmamahal sa atin at maipakikita rin natin ang ating pagmamahal sa kanya. Isulat ang pariralang “Maipakikita ko ang pagmamahal kay Jesucristo sa pamamagitan ng ” sa pisara o sa isang piraso ng papel, at basahin ito nang malakas. Pagkatapos ay sabihin sa mga bata na ngayon ay tatalakayin ninyo ang mga paraan na maipakikita natin ang pagmamahal para kay Jesucristo. Para sa mga bata na nakababasa, ilista ang mga paraang ito sa pisara habang tinatalakay mo ang mga ito. Para sa mga nakababata, maaari kang gumuhit ng mga simpleng larawan upang isalarawan ang paksang tinalakay.

Ipinakikita Natin ang Pagmamahal kay Jesucristo sa Pamamagitan ng Pagsunod sa mga Kautusan

Banal na kasulatan at talakayan sa pisara

Hilingan ang klase na pakinggan ang isa pang paraan upang maipakita ang pagmamahal kay Jesucristo habang binabasa mo ang Juan 14:15.

Sinabi sa atin ni Jesucristo na sa pamamagitan ng pagsunod sa kanyang mga kautusan, ipinakikita natin sa kanya na mahal natin siya. Kapag tayo ay binibinyagan, tayo ay nangangako na susundin ang kanyang mga kautusan. Kapag sinusunod natin ang mga kautusan, ipinakikita natin na mahal natin siya. Isulat ang “Pagsunod sa mga kautusan,” o gumuhit ng nakangiting mukha sa pisara o sa listahang papel.

Talakayan sa larawan

Talakayan sa larawan

  • Ano ang mga kautusan? (Mga tuntunin mula sa Ama sa Langit at kay Jesucristo upang tulungan tayong maging maligaya.)

  • Ano ang ilan sa mga kautusan na maaari nating sundin upang maipakita ang ating pagmamahal kay Jesucristo?

Maaari mong patayuin ang lahat ng bata; pagkatapos ay maaari nang maupo ang bawat bata matapos na makabanggit ng isang kautusan. (Maghandang tulungan ang mga bata na hindi kayang makaisip ng kautusan.)

Ipakita ang naaangkop na mga larawan habang ang mga bata ay nagmumungkahi ng mga ideyang tulad ng pagdalo sa mga pulong ng Simbahan, pag-alaala kay Jesucristo sa oras ng sakramento, pagbabayad ng ikapu, pagsasabi ng totoo, pananalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagtulong sa ating mga pamilya sa tahanan, at marami pang iba.

Ipinakikita Natin ang Pagmamahal kay Jesucristo sa Pamamagitan ng Pangangalaga sa Pag-aari ng Simbahan

Kuwento

Ipaliwanag na gusto mong makinig ang mga bata sa isang kuwento tungkol sa kung paano ipinakita ni Kim ang kanyang pagmamahal kay Jesucristo.

Isang napakalakas na bagyo ang katatapos lang na dumaan sa lugar na tinitirhan ni Kim. Dahil ang tinitirhan ng pamilya ni Kim ay malapit lang sa kanilang bagong bahay-pulungan, sinabihan ng obispo ang kanyang tatay na tingnan ang gusali pagkatapos ng bagyo. Magkasamang naglakad si Kim at ang kanyang tatay, na iniiwasan ang mga sanga ng kahoy na nilipad ng hangin sa bawat madaanan nila. May ilang mga bahay ang nawalan ng mga bintana, at nadaanan nila ang ilang nasirang sasakyan. Si Kim ay nag-aalala na baka pati ang bahay-pulungan ay nasira na rin.

Habang sila ay papalapit sa bahay-pulungan, nakikita nila na isang malaking bintana ang nasira ng bagyo. Ang tubig ulan ay pumasok sa loob, kasama ang putik, mga dahon, basura, mga siit, at maliliit na sanga. Pinaghintay si Kim ng kanyang tatay sa labas habang tinitiyak niya na ligtas nang pumasok. Siya ay madaling bumalik, sinasabi na wala ng iba pang nasira sa gusali. Magkasama silang pumasok sa loob ng bahay-pulungan. Habang ang tatay ni Kim ay nagsisiyasat sa paligid upang alaming mabuti ang nasira, si Kim ay nagsimulang maging abala. Hindi na kinailangan pang sabihan, nagsimula niyang tipunin ang mga dahon, mga siit, maliliit na sanga, at mga basura na tinangay ng hangin sa loob noong kasalukuyang bumabagyo.

Kumuha ng isa pang kasapi ng purok ang tatay ni Kim upang tumulong, at hindi nagtagal ay natakpan na nila ang bintana. Habang ginagawa ng mga lalaki ang bintana, si Kim ay nagpatuloy sa kanyang paglilinis. Hindi nagtagal ay halos naialis na sa daraanan ang mga sanga at mga dahon. Nag-alok ang tatay ni Kim na iuuwi na siya upang makapagpahinga, pero gusto ni Kim na tumulong sa paglilinis ng bahay-pulungan. Siya ay nanatili doon at gumawa habang nag-aalis ng putik at naglilinis sila ng mga dingding at sahig.

Kuwento

  • Paano ipinakita ni Kim ang kanyang pagmamahal kay Jesucristo? (Siya ay tumulong sa paglilinis ng bahay-pulungan.)

  • Ano sa palagay ninyo ang naramdaman ni Kim nang matapos na ang trabaho?

Ipaliwanag na maraming paraan para makatulong tayo sa pangangalaga ng bahay-pulungan at sa mga gamit na naroroon. Makatutulong tayo sa pangangalaga ng ating bahay-pulungan at gawin ang ating makakaya upang mapanatiling malinis ito at maganda. Maaari tayong mamulot ng papel at huwag mag-iwan ng mga bagay na makapagpapadumi sa gusali. Maaari nating gamitin ang mga aklat ng himno at mga banal na kasulatan nang may pag-iingat at paggalang. Kung minsan ay makatutulong tayo sa mga natatanging proyekto upang linisin ang bahay-pulungan o ang paligid nito. Ang lahat ay makatutulong na pangalagaan ang pag-aari ng Simbahan sa ilang paraan.

Isulat ang “Pangangalaga sa Pag-aari ng Simbahan,” o gumuhit ng simpleng bahay-pulungan, sa pisara o papel sa ilalim ng pariralang “Maipakikita ko ang pagmamahal kay Jesucristo sa pamamagitan ng .”

Tayo ay Nagpapakita ng Pagmamahal kay Jesucristo Kapag Minamahal Natin ang Iba

Awit

Hilingan ang mga bata na makinig nang mabuti upang matutuhan ang isang napakahalagang kautusan.

Awitin o bigkasin ang mga salita sa awit na “Magmahalan” na kasama ang klase.

Talakayan

Talakayan

  • Ano ang sinasabi ng awit na ito tungkol sa nais ni Jesucristo na gawin natin? (Mahalin ang isa’t isa tulang nang ginawa ni Jesus.)

  • Ano ang bagong kautusan? (Mahalin ang isa’t isa.)

  • Ano ang ibig sabihin ng salitang disipulo? (Isang tao na sumusunod at naniniwala kay Jesucristo.)

  • Paano malalaman ng mga tao na kayo ay sumusunod at naniniwala kay Jesucristo? (Kung ikaw ay magpapakita ng pagmamahal sa iba at sisikaping gawin ang tama sa lahat ng iyong ginagawa.)

Ipaliwanag na si Jesucristo ang pinakamabait at pinakamaunawaing tao na nabuhay. Kailangan tayong maging lubhang mapagmahal sa iba kung tayo ay magmamahal na tulad niya. Ang mga salita sa awit na ito ay totoo, at nanggagaling sa Biblia. Sinabi ni Jesus, “Kung paanong iniibig ko kayo,… mangag-ibigan kayo sa isa’t isa” (tingnan sa Juan 13:34; tingnan din sa 15:12, 17). Alam natin na mahal na mahal niya tayo. Kailangan nating mahalin ang ibang tao nang may gayon ding uri ng pagmamahal. Sa pamamagitan ng pagmamahal sa iba, ipinakikita natin kay Jesus na minamahal din natin siya.

Isulat ang “Pagmamahal sa iba,” o gumuhit ng puso, sa ibaba ng iyong listahan.

Buod

Ipaliwanag na ipinakikita natin na minamahal natin si Jesucristo kapag tayo ay tumutulong na pangalagaan ang pag-aari ng Simbahan, sumusunod sa mga kautusan, at minamahal ang iba. Ipinakikita natin ang pagmamahal kay Jesus sa pamamagitan ng ginagawa natin.

Gawain

Magbigay ng isang lapis at papel o kard sa bawat bata. Ipakopya sa mga batang marunong sumulat ang mga salitang “Maipakikita ko ang pagmamahal kay Jesucristo sa pamamagitan ng (LINE)” sa kanilang papel. Maaari mong naising isulat ito sa mga papel ng mga nakababata. Anyayahan ang mga bata na sumulat o gumuhit ng isang bagay na gagawin nila sa linggong ito para maipakita ang pagmamahal kay Jesucristo. Ipaliwanag na sa susunod na linggo ay gusto mong malaman kung gaano nila kahusay na ginampanan ang takdang-gawaing ito. Hikayatin ang mga bata na iuwi ang kanilang mga papel sa bahay at ilagay sa lugar na makikita nila ang mga ito sa loob ng darating na linggo bilang isang paalala.

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pangwakas na panalangin.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamainam para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalik-aral o buod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase”. sa “Mga Tulong Para sa Guro.”

  1. Magdala ng isang supot ng bins o ibang malambot na bagay na maihahagis. Paupuin ang mga bata nang pabilog sa sahig. Tanungin sila ng:

    Mahal ba ninyo si Jesus? Paano niya malalaman?

    Piliin ang tama at makikita ito.

    Bigkasing kasama ng mga bata ang talatang ito; pagkatapos ay tumawag ng pangalan at mahinay na ihagis ang supot ng bins sa batang iyon. Ang batang tinawag ay kailangang magsabi ng isang bagay na magagawa niya upang maipakita kay Jesucristo na siya ay minamahal niya. Pagkatapos ay pabalik niyang ihahagis sa iyo ang supot ng bins. Ipagpatuloy hanggang ang bawat bata ay magkaroon ng pagkakataon.

  2. Awitin ang awit na “Magmahalan.” Ipaliwanag sa mga bata na sa halip na awitin ang salitang magmahalan ay ihalukipkip nila ang kanilang mga bisig (na nakatikom ang mga kamay) sa tapat ng kanilang dibdib sa tuwing mababanggit ang salita. Ito ay nangangahulugan ng pagmamahal sa senyas ng kamay. Tayo ay dapat na magpakita ng pagmamahal at pang-unawa sa lahat ng mga anak ng Ama sa Langit. Ituro sa mga bata kung paano isenyas ang “Mahal ka!” sa pamamagitan ng paggawa ng senyas ng mahal, pagkatapos ay ituturo ang isang tao. Imungkahi na ipakita nila ito sa mga miyembro ng pamilya kapag sila ay nakauwi na ng bahay. Ipaalala sa mga bata na ang paraan upang talagang maipakita ang pagmamahal ay sa pamamagitan ng pagiging kasing-bait na tulad ni Jesus.

  3. Awitin o bigkasin na kasama ng mga bata ang awit na nagsasaad ng galaw na: “Lahat ay Magmahalan Sabi ni Jesus” (Aklat ng mga Awit Pambata).

    Lahat ay magmahalan; (lumingon sa katabi, ngumiti at makipagkamay)

    Sabi ni Jesus, (iunat ang mga kamay)

    Kung puso’y may pag-ibig, (ilagay ang mga kamay sa dibdib na malapit sa puso)

    Mamahalin ka. (iunat ang mga kamay sa harapan at pagkatapos ay ipatong ang mga ito sa dibdib)

  4. Gumupit ng tatlo o higit pang malilit na pusong papel para sa bawat bata. Ipaliwanag na magagamit ng mga bata ang mga pusong ito sa linggong ito upang ipakita ang pagmamahal. Dapat silang gumawa ng isang bagay na maganda para sa isang tao at mag-iwan ng isang puso. Ang pagtulong sa iba ay isang bagay na gustong ipagawa sa atin ni Jesus. Magbigay ng ilang halimbawa ng mabubuting bagay na magagawa ng mga bata. Maaari kang magpasiyang ipasadula ang ilan sa mabubuting gawaing ito na kasama ang mga kasapi ng klase.

  5. Kung ang inyong purok ay may sariling aklat ng himno na hindi napangangalagaang mabuti, ipakita ang mga ito sa mga bata at talakayin kung paano at bakit dapat napangalagaan ang mga ito.