Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 25: Maaari Akong Maging Misyonero


Aralin 25

Maaari Akong Maging Misyonero

Layunin

Tulungan ang mga bata na malaman na maaari silang gumawa ng gawaing misyonero ngayon.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Doktrina at mga Tipan 133:37.

  2. Kopyahin (o bakasin ang kopya ng) ang batang babae o lalaking misyonero para sa bawat bata.

  3. Maging handa para awitin o bigkasin ng klase ang mga titik sa “Sana Ako’y Makapagmisyon” (Aklat ng mga Awit Pambata); ang mga titik ay kasama sa likod ng manwal na ito.

  4. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Doktrina at mga Tipan.

    2. Papel, mga gunting, at mga krayola.

    3. Larawan 3-51, Sermon sa Bundok (62166; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 212).

  5. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Hilingan ang bata na inanyayahang magbibigay ng pambungad na panalangin na ipanalangin ang mga misyonero sa buong mundo.

Kumustahin sa mga bata kung nagawa nila ang anumang bagay na hinimok mong gawin nila sa loob ng linggong ito.

Maaari Tayong Tumulong na Magturo ng Ebanghelyo ni Jesucristo

Gawaing pantawag pansin

Humiling na tulungan ka ng isang volunteer. Hilingan ang volunteer na mamigay ng isang piraso ng papel sa bawat tao sa silid, na magsisimula kapag sinabi mong “go.” Pagkatapos na makatanggap ang bawat bata ng isang piraso ng papel, kolektahin ang lahat ng piraso ng papel. Tanungin ang mga bata kung mas mabilis na magagawa ito ng volunteer nang may katulong. Hilingan ang ikalawang volunteer na tumulong mamigay ng mga piraso ng papel. Ang bawat volunteer ay dapat na mamigay ng mga piraso ng papel sa kalahati ng klase. Ipaalam na ang mga volunteer ay makatatapos ng kanilang trabaho nang mas mabilis kapag sila ay may katulong. Pabalikin ang mga volunteer sa kanilang mga upuan habang muli mong kinukulekta ang mga piraso ng papel. (Para sa maliit na klase, maaari mong kailanganing magpabigay sa mga volunteer ng higit sa isang piraso ng papel para sa bawat bata.)

Larawan

Ipakita ang larawan 3-51, Sermon sa Bundok.

Ipaliwanag na hinilingan tayo ni Jesucristo na tulungan siyang ituro ang ebanghelyo. Kapag may sapat na mga katulong, ang kanyang mga turo ay maipaabot sa lahat ng tao sa mundo. Gusto ni Jesucristo na matutuhan ng lahat ang kanyang mga turo.

Talakayan sa banal na kasulatan

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 133:37. Ipaliwanag na ang ebanghelyo ay isa pang salita para sa mga turo ni Jesucristo, ang lahi ay isang grupo ng mga tao na magkakamag-anak, ang wika ay isa pang salita para sa lengguwahe, at ang mga tao ay nangangahulugan ng mga nabibilang sa isang tanging bansa, lahi, o pamayanan.

Talakayan sa banal na kasulatan

  • Ano ang sinasabi ng banal na kasulatang ito na mangyayari? (Ang ebanghelyo ay ipangangaral sa lahat.)

  • Ano ang tawag natin doon sa mga tinawag ng Ama sa Langit upang tumulong na ituro ang ebanghelyo? (Mga misyonero.)

Sabihin sa mga bata na bawat kasapi ng Simbahan, gaano man katanda o kabata, ay maaaring maging misyonero sa pamamagitan ng pagsasabi sa iba tungkol sa ebanghelyo.

Kuwento

Hayaang makinig ang mga bata sa sumusunod na kuwento tungkol sa isang batang lalaking nagngangalang Ryan na naging misyonero:

Si Ryan ay mahilig pumasok sa paaralan. Lalong gusto niya ang kanyang guro na si Binibining Johnson.

Isang araw ay pinaguhit ni Binibining Johnson ang mga bata ng larawan ng kung ano ang gusto nilang maging paglaki nila. Alam agad ni Ryan kung ano ang iguguhit niya. Iginuhit niya ang larawan ng isang lalaki na nakapolong puti na may kurbata na dala-dala ang mga banal na kasulatan at naglalakad sa lansangan. Higit sa anumang bagay, tulad ng nakatatanda niyang kapatid, gusto ni Ryan na maging misyonero paglaki niya.

Nang tingnan ng guro ni Ryan ang kanyang larawan, hindi niya maintindihan kung ano ang iginuhit nito. Si Binibining Johnson ay hindi kasapi ng Simbahan, kaya hindi niya malaman kung ano ang ginagawa ng lalaking ito sa larawan ni Ryan. Ipinapaliwanag niya kay Ryan ang larawan niya sa kanya. Sinabi ni Ryan sa kanyang guro na paglaki niya ay gusto niyang maging misyonero para sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling-araw. Si Binibining Johnson ay nagtaka na ang pinakadakilang hangarin ng isang batang lalaki ay maging isang misyonero kaysa isang pulis, doktor, o anumang trabaho.

Pagkatapos ng eskuwela, si Binibining Johnson ay nagtanong pa kay Ryan kung bakit gusto niyang maging isang misyonero. Sinabi sa kanya ni Ryan kung gaano niya kamahal ang Simbahan at kung paano ang kanyang kapatid ay nagtuturo sa iba ng tungkol sa Simbahan sa ibang bansa. Sinabi niya sa kanya na alam niyang totoo ang Simbahan dahil ang mga turo nito ay mga turo ni Jesucristo.

Nang gabing iyon sinabi ni Ryan sa kanyang mga magulang ang tungkol kay Binibining Johnson at ang larawan na iginuhit niya. Tinanong niya ang kanyang mga magulang kung maaari niyang anyayahan na maghapunan sa kanila si Binibining Johnson para makilala siya ng pamilya at makausap siya tungkol sa ebanghelyo.

Nang sumunod na araw, dinala ni Ryan ang sulat kay Binibining Johnson na nag-aanyaya sa kanya para maghapunan sa kanyang tahanan. Tinanggap niya ang paanyaya ni Ryan at pumunta sa tahanan ni Ryan mga ilang araw ang lumipas. Nakagiliwang mabuti ni Binibining Johnson si Ryan at ang kanyang pamilya kaya’t dumalaw siya nang madalas sa kanila. Marami silang tinalakay tungkol sa Simbahan, at pagkalipas ng anim na buwan, si Binibining Johnson ay nabinyagan. Palagi siyang nagpapasalamat kay Ryan sa pagbabahagi sa kanya ng kanyang pagmamahal sa Simbahan.

Maraming Paraan Upang Maging mga Misyonero

Pagbabalik-aral

Sabihin sa mga bata na maraming paraan upang maging mabuting mga misyonero. Aalamin mo kung alam nila ang ilan sa mga paraang ito. Hilingan silang makinig na mabuti sa ilang pangungusap. Kung ang pangungusap ay isang magandang paraan upang maging misyonero, sila ay dapat na tumayo. Kung ito ay hindi magandang paraan upang maging misyonero, sila ay dapat na maupo.

Pagbabalik-aral

  • Hindi ka makikipaglaro sa isang kaklase sa paaralan.

  • Inaanyayahan mo ang isang kaibigan sa Primarya.

  • Sinasabihan mo ang isang di-kasaping kaibigan tungkol sa Simbahan ni Jesucristo.

  • Salbahe ka sa iyong kapitbahay.

  • Nag-iipon ka ng pera sa iyong pagmimisyon.

  • Mapitagan ka habang ginaganap ang pulong-sakramento.

  • Nandadaya ka sa pagsusulit sa paaralan.

  • Kinukuha mo ang isang bagay na hindi sa iyo nang walang paalam.

  • Hindi mo sinusunod ang iyong mga magulang at ipinagmamayabang mo ito sa iyong mga kaibigan.

  • Inaanyayahan mo ang isang kaibigan sa iyong tahanan para sa gabing pantahanan ng mag-anak.

  • Inaanyayahan mo ang isang bagong kapitbahay na makipaglaro sa iyo.

  • Tinutukso mo ang isang kaklase hanggang sa siya ay umiyak.

  • Nananalangin ka para sa mga misyonero.

Maaaring naisin mong sabihin sa klase ang isang paraan kung paano mo nagawang maging misyonero. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng kanilang mga karanasan o mga karanasan ng mga miyembro ng kanilang pamilya sa pagbabahagi ng ebanghelyo.

Buod

Gawaing bigay-sipi

Bigyan ang bawat bata ng bigay-sipi ng batang lalaki o babaeng misyonero, at paguhitin ang bawat bata ng mukha sa kanyang bigay-sipi. Tulungan silang isulat ang kanilang mga pangalan sa mga name tag at isulat ‘Ang Aklat ni Mormon” sa aklat. Pagkatapos nilang makulayan ang larawan, ipagupit sa kanila ang larawan.

Awit

Awitin o bigkasin ang mga salita sa “Sana Ako’y Makapagmisyon.”

Hilingan ang bata na inanyayahang magbigay ng pangwakas na panalangin na pasalamatan ang Ama sa Langit para sa mga pagkakataon nila na maging mga misyonero.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamainam para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalik-aral o buod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong Para sa Guro.”

  1. Anyayahan ang isang sumapi sa Simbahan na pumunta sa klase at ikuwento ang tungkol sa mga taong tumulong sa kanya na matutuhan ang tungkol sa Simbahan. (Tiyaking kumuha ng pahintulot mula sa obispo o pangulo ng sangay kung taga ibang purok o sangay ang taong iyon. Sabihin sa pangulo ng Primarya kung ang taong iyon ay mula mismo sa purok o sangay ninyo.)

  2. Ipatalakay sa mga bata, pagkatapos ay ipasadula, ang sumusunod na mga kalagayan:

    1. Narinig ka ng mga kaibigan mong hindi kasapi ng Simbahan na inaawit ang “Ako ay Anak ng Diyos” at tinanong ka kung ano ang inaawit mo. Paano mo magagamit ang pagkakataong ito upang sabihin sa kanila ang tungkol sa Simbahan at anyayahan sila sa Primarya?

    2. Napansin mo ang isang bagong kapitbahay na batang lalaki. Siya ay mahiyain at wala pang kaibigan. Paano ka magiging mabuting misyonero?

    3. Gumising ang kapatid mong lalaki ng Linggo ng umaga at ayaw pumunta sa Simbahan. Ano ang magagawa mo upang maging misyonero?

  3. Muling ilahad ang kuwento ni Ammon mula sa aralin 24, ginagamit ang larawan 3-50. Ihagis ang bola o malambot na bagay sa isang bata at tanungin siya tungkol sa kuwento. Kung siya ay sumagot ng tama, patayuin siya at ipahagis pabalik ang bola sa iyo. Patuloy na ihagis ang bola at magtanong hanggang sa lahat ng mga bata ay nakatayo.