Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 22: Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo


Aralin 22

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo

Layunin

Tulungan ang mga bata na malaman na ang mga tao ay makapagsisisi dahil pinagbayaran ni Jesucristo ang ating mga kasalanan.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Lucas 22:39–46 at Mosias 27, at maghandang ikuwento ang salaysay ng pagsisisi ni Alma.

  2. Dalhin ang mga sinulatang piraso ng papel na ginamit sa aralin 10 “Nalulungkot,” “Humingi ng Kapatawaran”, “Itama ang mali,” “Huwag ulitin ang mali.”)

  3. Tandaan na ang mga bata na ang gulang ay pitong taon pababa ay wala pang pananagutan at hindi kailangang magsisi ng kasalanan. Hikayatin sila na palaging gawin ang tama.

  4. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Aklat ni Mormon at Doktrina at mga Tipan.

    2. Isang malaking bato o anumang mabigat na bagay at bag na paglalagyan nito upang mapasan ito ng bata sa kanyang balikat. Sulatan ang bato o bagay na may panandang tinatakan ng “pagnanakaw.”

    3. Mga ginupit na larawan: Nakababatang Alma (ginupit na larawan 3-3), ang apat na lalaking anak ni Mosias (ginupit na larawan 3-4), at isang anghel (ginupit na larawan 3-5).

    4. Larawan 3-46, Si Jesus na Nananalangin sa Getsemani (62175; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 227).

  5. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin sa mga bata kung nagawa nila ang anumang bagay na hinimok mong gawin nila sa loob ng linggong ito.

Maaaring Makapagsisi ang mga Tao sa mga Maling Pagpili

Gawaing pantawag pansin

Isalaysay sa klase ang sumusunod na kuwento:

Habang namimili si Josh at ang kanyang ina, kumuha si Josh ng isang bagay sa tindahan na hindi binayaran. Alam ni Josh na mali ang ginawa niya. Kabibinyag lamang niya at alam na dapat sana ay pinili niya ang tama.

Ipakita sa mga bata ang malaking bato (o anumang mabigat na bagay) na nasa bag.

Tanungin ang klase kung ano ang naramdaman ni Josh tungkol sa kanyang ninakaw. Papagkunwariin ang isang bata na siya si Josh. Ipapasan sa isang bata ang bag. Ipaliwanag na hindi nakadama ng maganda si Josh sa pagnanakaw. Ito ay katulad ng isang mabigat na bagay sa loob na pumigil sa kanya upang maging lubusang maligaya.

Gawaing pantawag pansin

  • Paano magiging mas masaya si Josh? (Sa pamamagitan ng pagsisisi.)

  • Ano ang dapat na gawin ni Josh upang itama ang mali niyang pagpili? (Magsisi.)

Ipakita sa pisara ang apat na sinulatang piraso ng papel. Ipaalala sa mga bata na natutuhan nila sa mas naunang aralin ang tungkol sa pagsisisi.

Gawaing pantawag pansin

  • Ano ang magagawa ni Josh upang makapagsisi? (Ang mga sagot ay maaaring kabilangan ng sumusunod: ibalik ang ninakaw niya, bayaran ang ninakaw niya, humingi ng paumanhin sa nagtitinda, at mag-alok ng kahit anong magagawa sa nagtitinda upang maitama ang maling nagawa.)

Pagkatapos na maipaliwanag ng mga bata kung paano makapagsisisi si Josh, alisin ang mabigat na bato sa bag ng bata. Ipaliwanag na kapag tayo ay nagsisisi, pinalalaya natin ang ating mga sarili mula sa mabigat, malungkot na damdamin, at mas masaya tayo.

Sabihin sa klase na ang pagkakataon na magsisi at mapatawad ay isang magandang pagpapala.

Larawan

Ipakita ang larawan 3-46, Si Jesus na Nananalangin sa Getsemani. Sabihin sa mga bata na ginawang maaari ng Tagapagligtas para sa mga tao na mapatawad.

Nagbayad si Jesucristo Para sa Ating mga Kasalanan

Paglalahad ng guro

Ipaliwanag na bago namatay si Jesucristo sa krus, siya at ang kanyang mga Apostol ay pumunta sa halamanan na tinatawag na Getsemani. Tatlo sa mga Apostol—Si Pedro, si Santiago, at si Juan—ay nagpunta sa halamanan na kasama siya. Sila ay naghintay sa di-kalayuan samantalang si Jesus ay nagpunta sa banda pa roon ng halamanan at nanalangin sa Ama sa Langit. Alam ni Jesus na kakailanganin niya na magdusa para sa atin upang tayo ay makapagsisi at mapatawad sa ating mga kasalanan. Sa Halamanan ng Getsemani at sa krus, si Jesus ay nagdanas ng matinding paghihirap para sa atin. Siya ay nagdusa para sa ating mga kasalanan, o sa mga maling bagay na ginagawa natin.

Isulat ang salitang Pagbabayad-sala sa pisara. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng Pagbabayad-sala ay ang pagbabayad ni Jesucristo sa ating mga kasalanan upang tayo ay makapagsisi at mapatawad. Ginawa niya ito dahil sa pagmamahal niya sa atin at dahil sa gusto niyang maging maaari para sa atin na makapagsisi at maging malinis. Sinasabi natin na pinagbayaran niya ang ating mga kasalanan at mga maling pagpili. Ipabigkas sa klase ang salitang Pagbabayad-sala.

Mahal din tayo ng ating Ama sa Langit at gustong ang bawat isa sa atin ay makapagsisi at muling mamuhay na kasama niya. Dahil sa pagbabayad-sala ni Jesucristo, mapapatawad tayo sa mga kasalanan at maling pagpili na ginagawa natin paglampas ng walong taong gulang.

Nagsisi ang Nakababatang si Aima

Kuwento sa banal na kasulatan na may mga ginupit na larawan

Sa iyong sariling mga salita, sabihin sa klase ang tungkol sa pagsisisi at pagbabalik-loob ni Alma. Ipakita ang mga ginupit na larawan kapag binabanggit na ang bawat tauhan.

Sabihin sa mga bata na ang propeta sa Aklat ni Mormon na si Alma ay may anak na lalaki na napakasuwail at gumawa ng maraming kamalian. Ang propetang si Alma na ito ay siya ring lalaki na nakilala natin sa kuwento ni Abinadias. Nakinig siya sa Espiritu Santo at naging magaling na guro at pinuno sa Simbahan. Ang kanyang anak na lalaki ay pinangalanan ding Alma. Madalas nating tinatawag ang anak na lalaking ito na Nakababatang Alma upang hindi natin siya mapagkamalang tatay niya.

Banggitin ang mga sumusunod na paksa mula sa kuwento sa banal na kasulatan na matatagpuan sa Mosias 27:8–14:

Kuwento sa banal na kasulatan na may mga ginupit na larawan

  1. Hindi sinunod ng Nakababatang si Alma ang kanyang ama. Siya at ang kanyang apat na kaibigan ay nagtangkang sirain ang Simbahan sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga taong gumawa ng mali.

  2. Maraming tao ang naniwala kay Nakababatang Alma at tumigil sa pagsunod sa mga kautusan.

  3. Ang ama ng Nakababatang si Alma ay nag-alala sa kanyang anak at sa mga kasapi ng Simbahan.

  4. Nanalangin ang ama na matutuhan ng kanyang anak ang katotohanan.

Talakayan

Talakayan

  • Paano sinagot ng Ama sa Langit ang panalangin ng ama ng Nakababatang si Alma? (Siya ay nagpadala ng anghel upang sabihan si Alma at ang kanyang mga kaibigan na magsisi.)

  • Mayroon bang nakaaalam kung ano ang nangyari pagkatapos niyon?

Hayaan ang mga bata na patuloy pang bumanggit ng mga nalalaman nila tungkol sa kuwento. Banggitin ang mga sumusunod na paksa:

Talakayan

  1. Si Alma at ang kanyang mga kaibigan ay takot na takot nang makita nila ang anghel kaya sila ay bumagsak sa lupa.

  2. Nawala ang kakayahan ni Alma na magsalita o kumilos.

  3. Dinala siya ng kanyang mga kaibigan sa bahay ng kanyang ama at sinabi sa kanyang ama ang lahat ng nangyari.

  4. Nag-ayuno at nanalangin sa loob ng dalawang araw ang ama ni Alma at ang mga saserdote ng Simbahan upang muling bumalik kay Alma ang kanyang lakas at makapagsalita sa kanila.

  5. Ang kanilang mga panalangin ay sinagot, at ang Nakababatang si Alma ay bumangon at nagsalita na talagang nagpasaya at ipinagpasalamat ng kanyang ama.

Upang malaman kung ano ang sinabi ng Nakababatang si Alma, basahin o ipabasa sa mas nakatatandang bata ang sumusunod mula sa Mosias 27:24: “Sapagkat, sinabi niya, nagsisi na ako sa aking mga kasalanan.”

Talakayan

  • Ano ang sinabi ni Alma na ginawa niya?

Pagbabalik-aral na gawain

Sabihin sa mga bata na gusto mong sagutin nila ang ilang tanong at talakayin kung paano natin nalalaman na talagang nagsisi ang Nakababatang si Alma. Sumangguni sa nakapaskil na mga sinulatang piraso ng papel habang nagbabalik-aral kayo.

Pagbabalik-aral na gawain

  • Nalungkot ba ang Nakababatang si Alma sa kanyang ginawa?

  • Kanino kailangang humingi ng tawad ang Nakababatang si Alma upang mapatawad siya? (Sa Ama sa Langit, sa kanyang amang si Alma, at sa Simbahan.)

Ipaliwanag na upang maituwid ang pagkakamali, si Alma ay nagpunta sa bawat lungsod na ipinapangaral ang totoong Simbahan. Siya ay naging misyonero.

Pagbabalik-aral na gawain

  • Sa palagay mo kaya ay talagang nagsisi si Alma? (Bigyang-diin kung gaano lubusang nagbago ang buhay ni Alma pagkatapos niyang magsisi.)

  • Bakit napatawad si Alma nang siya ay magsisi? (Dahil sa pagbabayad-sala ni Jesucristo, na magdurusa sa mga kasalanan ni Alma sa darating na panahon.)

Buod

Sabihin sa mga bata na dahil sa pagmamahal at pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang mga tao ay makapagsisisi kapag sila ay nakagawa ng mali, at patatawarin sila ng Ama sa Langit at ni Jesus. Ipaliwanag na mas mabuting hindi gumawa ng mga kamalian upang hindi na tayo kailangan pang magsisi. Pero kapag nagkasala tayo, tayo ay makapagsisisi at magiging malinis at dalisay. Nangangako si Jesus sa atin na hindi na niya aalalahanin pa ang mga kamaliang ginawa natin kung tayo ay talagang nagsisisi (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 58:42).

Patotoo ng guro

Ibigay ang iyong patotoo tungkol sa pagbabayad-sala ni Jesucristo at kahalagahan ng pagsisisi.

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pangwakas na panalangin.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamainam para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalik-aral o buod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong Parasa Guro.”

  1. Tulungan ang mga nakatatandang bata na isaulo ang ikatlong saligan ng pananampalataya. Pagbalik-aralan ang saligan ng pananampalatayang ito na kasama ang mas mga nakababata. Ipaliwanag sa mga bata ang alinmang mga salita o konsepto na hindi nila nauunawaan.

  2. Isulat ang Doktrina at mga Tipan 19:16 sa pisara, at ipabasa ito sa mga nakatatandang miyembro ng klase nang sabay-sabay. Ipaliwanag na ang “Diyos” sa talatang ito ay nangangahulugang Jesucristo. Hilingan ang mga bata na ipaliwanag ang talatang ito sa kanilang sariling mga salita.

    Ipaliwanag na mahal tayo ng Ama sa Langit at gusto niyang mamuhay tayong muli na kasama siya. Pero bago tayo makapamuhay na kasama siya, kailangan tayong magsisi sa lahat ng ating kasalanan at mapatawad.

    • Bakit handang magpakahirap si Jesucristo para sa bawat isa sa atin? (Dahil mahal niya tayo.)

    • Paano nakatulong sa atin ang paghihirap ni Jesucristo? (Dahil nagpakahirap siya para sa ating mga kasalanan, tayo ay makapagsisisi at mapatatawad.)

    Ipamahagi ang kopya ng bigay-sipi sa ibaba at isang lapis para sa bawat bata na nakababasa at nakasusulat. Basahin ang mensahe na kasama sila. Tanungin kung sino ang makakatuklas sa mga titik na ilalagay sa mga patlang. Ang unang pitong patlang ay para sa mga titik ng salitang nagsisi, at ang susunod na labinlimang patlang ay para sa Pagbabayad-sala. Papunan sa mga bata ang mga patlang. Hamunin ang mga bata na iuwi ang mensahe sa bahay, basahin ito sa kanilang mga magulang, at ipaliwanag kung ano ang natutuhan nila sa Primarya. Tapusin ang gawain sa pamamagitan ng malakas na pagbasa ng klase sa mensahe.

  3. Awitin o bigkasin ang mga titik sa “Mangahas na Tama’y Gawin” (Mga Himno at Awit Pambata); ang mga titik ay kasama sa likod ng manwal na ito.

special message

Isang Natatanging Mensahe

Ako ay mapatatawad kapag ako ay dahil sa ni Jesus.