Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 30: Mahal ni Jesucristo ang Bawat Isa sa Atin


Aralin 30

Mahal ni Jesucristo ang Bawat Isa sa Atin

Paghahanda

Tulungan ang mga bata na malaman na minamahal at pinagpapala ni Jesucristo ang mga bata saanman.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Marcos 10:13–16 at 3 Nefias 17.

  2. Maghanda ng bigay-sipi para sa bawat bata tulad ng nakapakita:

    Jesus loves me

    Mahal Ako ni Jesucristo

  3. Maghanda ng mga sumusunod na sinulatang piraso ng papel:

    Holland

    Fiji

    Mexico

  4. Maging handa sa pagbanggit ng mga sumusunod na lugar sa mapa ng daigdig: (a) ang inyong bansa, (b) Jerusalem, (c) mga Amerika, (d) Holland (mga taga-Netherland), (e) Fiji, at (f) Mexico.

  5. Maging handa sa pagtuturo ng awit na “Mga Bata sa Buong Daigdig” (Aklat ng mga Awit Pambata).

  6. Mga kailangang kagamitan:

    1. Ang mga sumusunod na ginupit na larawan ng mga bata na nakasuot ng kanilang katutubong damit upang isalarawan ang mga kuwento: batang lalaking Dutch (ginupit na larawan 3-7), batang babae na taga-Fiji (ginupit na larawan 3-8), dalawang batang lalaki na taga-Mexico (mga ginupit na larawan 3-9 at 3-10).

    2. Larawan 3-56, Si Cristo at ang mga Bata (62367; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 216); larawan 3-57, Binabasbasan ni Jesus ang mga Batang Nefita; at larawan 3-58, Mapa ng Daigdig, o isang globo ng daigdig kung may makukuha.

  7. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin sa mga bata kung nagawa nila ang anumang bagay na hinimok mong gawin nila sa loob ng linggong ito.

Mahal ni Jesucristo ang Lahat ng Bata

Gawaing pantawag pansin

Ipakita ang larawan 3-58, Mapa ng daigdig, at ituro kung saang bansa kayo nakatira. Sabihin sa mga bata na gusto mong matutuhan nila ang tungkol sa iba pang mga bansa sa daigdig. (Kung ang isa sa mga sumusunod na halimbawa ay ang bansa na kasalukuyan mong tinitirahan, pumili ng ibang bansa.)

Ipakita ang sinulatang piraso ng papel na “Holland” at ginupit na larawan 3-7. Ituro ang Holland (mga taga-Netherland) sa mapa. Ipaliwanag na halos lahat ng lupain ng bansang ito ay minsang nakalubog noon sa tubig. Nilimas ng mga tao ang tubig at gumawa ng mga dike upang hindi makapasok ang tubig. Gumagamit sila dati ng windmills upang paandarin ang mga bomba ng tubig. Ang mga tao rito ay kilala sa pagtatanim ng mga tulip at ibang magagandang bulaklak. Ang ilan sa mga tao sa bukid at mga baryong pinangingisdaan ay nagsusuot ng bakya ng tinatawag na klompen. Ang mga sapatos na ito ay maingay sa matitigas na sahig o ibang lalakaran, pero ang mga ito ay nagbibigay proteksiyon sa paa ng mga tao mula sa basang lupa nang higit na mainam kaysa sapatos na gawa sa balat.

Ipakita ang sinulatang piraso ng papel na “Fiji” at larawan 3-8. Ituro ang Fiji sa mapa. Ipaliwanag na ang mga bata sa Fiji ay nakatira sa lupain na napalilibutan ng dagat. Ang mga tao ay nagtatanim ng mga saging, niyog, at tubo. Ang mainit na tropikong klima ay napakaginhawa. Ang ilang tao ay tinatawag ito na lupain ng magagandang pagsikat ng araw, pero tinatawag ng mga taga-Fiji ang kanilang lugar na masasayang pulo, dahil waring gustung-gusto ng mga tao ang kanilang tahanang pulo.

Ipakita ang sinulatang piraso ng papel na “Mexico” at mga ginupit na larawan 3-9 at 3-10. Ituro ang Mexico sa mapa. Ipaliwanag na ang salita ng mga tao sa Mexico ay Kastila. Matagal nang panahon, natuto silang magtanim ng mais, at ito ang naging pinakamahalaga nilang pagkain. Sa loob ng siyam na gabi bago sumapit ang Pasko, ang mga kaibigan at kapitbahay ay nagtitipun-tipon at isinasadula ang paglalakbay nina Maria at Jose patungong Betlehem. Pagkatapos, ang mga bata ay maglalaro ng piñata. Ipaliwanag na ang piñata ay isang lalagyan na gawa sa luad o hinulmang papel na hinubog na tulad ng hayop at puno ng kendi, prutas, at mga laruan. Ito ay nakabitin na lampas sa mga ulo ng mga bata na nakapiring at naghahali-haliling subukang basagin ang piñata sa pamamagitan ng pamalo. Kapag nabasag na ang piñata, mag-aagawan sila sa kendi at ibang laman nito.

Ipaliwanag na ang mga batang nakatira sa iba’t ibang bansang ito ay magkakapareho sa ilang paraan at magkakaiba sa ibang bagay. Pero maging sila man ay magkakamukha at iisa ang kilos, hindi na mahalaga ito. Mahal sila ng Ama sa Langit at ni Jesucristo tulad ng pagmamahal nila sa inyo. Minamahal at binabantayan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang lahat ng mga bata sa lahat ng dako.

Awit

ituro sa mga bata ang awit na “Mga Bata sa Buong Daigdig,” Ipaawit o ipabigkas nang buo sa kanila ito nang minsan o makalawang ulit.

Sa buong mundo sa bawat gabi,

Mga anak ng Dios nagdarasal.

Bawat isa ay nagpapasalamat,

Salamat sa kanyang sariling paraan.

“Gracias.” “Malo,” “Wir danken dir.”

Sa buong daigdig naririnig,

Wika’y “tak,” at may “merci,”

“Kanshasimasu,” salamat.

Sila’y dinig ng ating Dios;

Bawat wika’y alam.

Sila’y kanyang kilala;

At mahal na mahal ang lahat.

Larawan at kuwento sa banal na kasulatan

Ipakita ng larawan 3-56, Si Cristo at ang mga Bata, at ituro ang Jerusalem sa mapa ng daigdig. Ipaliwanag n ito ang lugar na tinirahan ni Jesus nang siya ay nasa mundo. Isalaysay sa iyong sariling mga salita ang kuwento ni Jesus, ng kanyang mga Apostol, at ng maliliit na bata na matatagpuan sa Marcos 10:13–16. Banggitin ang sumusunod sa kaalaman:

Larawan at kuwento sa banal na kasulatan

  1. Isang malaking grupo ng mga tao ang nagtipun-tipon sa paligid ni Jesus upang makinig sa kanyang pagtuturo.

  2. Ilang tao ang nagnais na dalhin ang kanilang mga anak kay Jesus upang sila ay mabasbasan niya.

  3. Dahil ang mga Apostol ay nag-aalala sa kapakanan ng Tagapagligtas, gusto nilang palayuin ang mga bata.

  4. Sinabi ni Jesus sa mga Apostol na hayaang lumapit ang mga bata.

  5. Mahal ni Jesus ang mga bata at sila ay binasbasan.

Larawan at kuwento sa banal na kasulatan

Ipakita ang larawan 3-57, Binabasbasan ni Jesus ang mga Batang Nefita, at ituro ang Amerika sa mapa. Isalaysay sa iyong sariling mga salita ang sumusunod na kuwento mula sa 3 Nefias 17.

Pagkatapos na maipako si Jesucristo at nabuhay na mag-uli at umakyat sa langit, dinalaw niya ang mga Nefita sa Amerika at tinuruan sila ng maraming mahahalagang bagay.

Nang dumating na ang oras para umalis si Jesus, nagsimulang umiyak ang mga tao dahil siya ay mahal nila at nadama ang kanyang malaking pagmamahal sa kanila. Gusto nilang manatili muna siya nang mas matagal.

Dahil sa pananampalataya at hangarin ng mga tao, ang Tagapagligtas ay nanatili nang mas matagal.

Pagkatapos ay sinabihan ni Jesus ang mga ama at ina na dalhin ang kanilang mga anak sa kanya. Hindi nagtagal, ang mga bata ay nakapaligid na kay Jesus.

Sila ay isa-isa niyang kinarga at binasbasan. Pagkatapos siya ay nanalangin sa ating Ama sa Langit para sa mga bata.

Pagkatapos noon ay sinabi niya sa mga ama at ina, “Masdan ang inyong mga musmos” (3 Nefias 17:23). Habang ang mga magulang ay nanonood, ang langit ay nabuksan; ang mga anghel ay nagbabaan, pinalibutan ang mga bata, at sumama sa kanila.

Ipaliwanag na tulad ng pagmamahal at pagbasbas ni Jesucristo sa mga bata sa Jerusalem at sa Amerika, minamahal at binabasbasan niya ang mga bata na nabubuhay ngayon sa buong mundo.

Minamahal at Binabasbasan Tayo ni Jesucristo Ngayon

Mga ginupit na larawan at kuwento

Ipakita ang mga ginupit na larawan ng mga batang nakasuot ng kanilang katutubong damit. Ipaliwanag na nais mong makinig ang mga bata sa mga kuwento tungkol sa mga bata mula sa iba’t ibang bansa at kung paano sila pinagpala ng Ama sa Langit at ni Jesus.

Tulungan ang bata na idikit ang ginupit na larawan ng batang lalaking Dutch malapit sa bansang Holland sa mapa ng daigdig. Pagkatapos ay ilahad ang sumusunod na kuwento:

“Ang labing-isang-taong gulang na si John Roothoof ay nakatira sa Rotterdam, Holland. Siya ay dating masayang nagpupunta sa paaralan at sa simbahan, nakikipaglaro sa mga kaibigan, at ginagawa ang lahat ng bagay na gustung-gustong gawin ng isang batang lalaki. Nang hindi inaasahan, isang makirot na sakit sa mata ang naging dahilan ng kanyang pagkabulag. Hindi na niya kaya pang makapunta sa paaralan o makabasa. Hindi na rin siya makakita nang maayos upang makipaglaro sa kanyang mga kaibigan. Ang bawat araw ay puno ng kadiliman at paghihirap.

“Dumating ang balita sa mga Banal sa Huling-araw sa Holland na si Pangulong Joseph F. Smith ay darating para dalawin sila. Matagal na pinag-isipan ni John ang tungkol dito, at pagkatapos ay sinabi niya sa kanyang ina, ‘ … Kung isasama po ninyo ako sa pulong para matingnan niya ang aking mga mata, naniniwala po ako na ako ay gagaling.’

“Sa pagtatapos ng pulong nang sumunod na Linggo, si Pangulong Smith ay nagpunta sa likod ng maliit na kapilya upang batiin ang mga tao at kamayan ang bawat isa. Tinulungan ni Kapatid na [babae] Roothoof si John, ang kanyang mga mata ay nakabenda, na sumabay sa iba upang makipag-usap sa kanilang minamahal na pinuno.

“Inakay ni Pangulong Smith ang bulag na batang lalaki at pagkatapos ay iniangat nang dahan-dahan ang benda at tumingin sa mga mata ni John na masakit. Binasbasan ng Propeta si John at ipinangako sa kanya na muli siyang makakakita.

“Pagdating sa bahay, inalis ng ina ni John ang benda sa kanyang mga mata para linisin ang mga ito gaya ng sabi ng doktor sa kanya. Habang ginagawa niya ito, si John ay naiyak sa tuwa, ‘O, Inay, magaling na po ang aking mga mata. Maayos na po akong nakakakita ngayon—at malayo pa. At wala na po akong nararamdamang sakit!’ “ (“President Smith Took Him by the Hand,” Friend, Ago. 1973, p. 36).

Mga ginupit na larawan at kuwento

  • Ano ang nangyari kay John? (Binasbasan siya ng propeta upang muling makakita, at pinagaling siya ng Ama sa Lanigt.)

  • Paano ipinakita ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang kanilang pagmamahal kay John?

Mga ginupit na larawan at kuwento

Tulungan ang isang bata na idikit ang mga ginupit na larawan ng mga batang taga-Mexico malapit sa bansa ng Mexico sa mapa. Simulan ang kuwento sa pamamagitan ng pagpapaliwanag na ang mga pangalan ng mga bata ay Miguel at Tomas at ang kanilang ina ay naglalabada para kumita ng ikabubuhay:

“Isang araw nang dumating ng bahay ang [kanilang ina] galing sa paghahatid ng nilabhan, siya ay pinanghinaan ng loob. Nagtrabaho siya nang husto pero kahit isa ay walang nagbayad sa kanya nang araw na iyon, at wala siyang kapera-pera upang ibili ng tinapay. Alam niyang gutom na gutom na ang kanyang mga anak dahil hindi pa sila kumakain magmula nang sila ay maghapunan ng tinapay nang nakaraang gabi. Hinati ni Miguel, ang pinakamatanda sa magkakapatid ang kapiraso ng tinapay niya para kay Maria dahil siya ay gutom pa at napakaliit pa para maunawaan kung bakit wala ng pagkain Napansin ni Tomas na hindi pa kumakain ang kanilang ina kaya ibinigay niya sa kanya ang bahagi ng kanyang tinapay.

“Gustong tumulong nina Miguel at Tomas. Naalala ni Miguel ang mga kuwento ng kanyang ina tungkol kay Jesus nang turuan niya ang mga taong manalangin para humingi ng tulong. Sina Miguel at Tomas ay nangangailangan ng tulong, kaya sila ay magkasamang lumuhod at nanalangin. Pagkatapos manalangin, sina Miguel at Tomas ay pumunta sa panaderya at tinanong nila si Senor Alonzo kung puwede niya silang utusan. Sinabi ni Senor Alonzo, hindi nalalaman kung gaano kagutom ang mga batang lalaking ito, na wala siyang maipagagawa sa kanila. Sila ay nagpatuloy sa paghahanap ng trabaho. Nang dumilim na ay kumita sila ng pera pero hindi ito sapat.

“Nagsimulang umuwi ang dalawang nawawalan ng pag-asa at nagugutom na mga batang lalaki. Habang sila ay naglalakad sa kalsada, isang lalaki ang nakita nilang nagbibisikleta. Nabangga niya ang nakausling bato at may nalaglag mula sa kanyang basket. Hinabol siya ni Miguel upang pahintuin, pero nagpatuloy pa rin ang mama. Pinulot ni Tomas ang supot upang tingnan kung ano ang nalaglag. Ito ay bagong lutong tinapay. Nagmamadali silang bumalik sa panaderya ni Senor Alonzo at ipinaliwanag kung ano ang nangyari. Naalala ni Senor Alonzo kung sino ang taong iyon at sinabi na bibigyan na lang niya sa susunod ng isa pang tinapay ang lalaking iyon kapag siya ay bumalik. Pagkatapos ay sinabi niya sa mga bata na ipagbibili niya ang tinapay sa halagana kalahati ng presyo nito. Mabilis na binilang nina Miguel at Tomas ang kanilang pera, tamang-tama iang ang pera nila. Binili ng mga batang lalaki ang tinapay at nagmamadaling umuwi ng bahay.

“Nagulat ang nanay nila nang makita ang tinapay. Ipinaliwanag ng mga batang lalaki kung paanong nasagot ang kanilang panalangin. Nang gabing iyon ang nagugutom na pamilya ay lumuhod at nagbigay pasasalamat sa [Ama sa Langit] para sa pagkain” (Lumakad sa Kanyang Landas: Batayang Manwal para sa mga Bata, Bahagi B [1979], aralin 4).

Mga ginupit na larawan at kuwento

  • Paano pinagpala ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sina Miguel at Tomas? (Sa pamamagitan ng pagsagot sa kanilang mga panalangin.)

Paglalahad ng guro

Ipaliwanag sa mga bata na pinagpapala ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang mga bata saanman sila nakatira sa mundo. Ang totoong Simbahan ni Jesucristo ay magkakapareho sa buong mundo. Ipaliwanag na ang mga bata sa Simbahan ay may pagkakataon na dumalo sa Primarya, na kung saan sila ay umaawit ng parehong mga awitin at nakakarinig ng parehong mga aralin sa buong mundo. Sa buong mundo, ang mga bata na pareho ang edad na tulad ng mga nasa klase mo ay nagsusuot ng mga singsing na PAT upang tulungan silang maalala na piliin ang tama. Ang mga bata sa Simbahan ay maaaring mabinyagan kapag sila ay walong taong gulang na, saanman sila nakatira. Maaari silang binyagan sa isang pinagbibinyagan ng bahay-pulungan ng Simbahan, sa mayelong lawa, sa dagat, o sa isang maliit na sapa o ilog. Pero ang kanilang binyag ay palaging ginagawa sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig at laging ginagawa ng isang tao na nagtataglay ng pagkasaserdote.

Buod

Banal na kasulatan at patotoo ng guro

Basahin sa mga bata ang 2 Nefias 26:33, nagsisimula sa mga salitang “inaanyayahan niya silang lahat na lumapit sa kanya.” Pagkatapos ay hali-haliling pagsalitain ang mga bata kung paano nila nalaman na mahal sila ni Jesucristo.

Ibigay ang iyong patotoo na mahal ng Ama sa Langit ang lahat ng mga bata, maging sino man sila, o saanman sila nakatira, o anumang uri ng bahay ang tinitirhan nila, o anumang kulay ang kanilang buhok, mga mata, o balat. Gusto ng Ama sa Langit na maging masaya ang lahat at bumalik sa kanya upang muli niyang makasama.

Awit

Ipaawit o ipabigkas sa mga bata ang mga salita sa “Mga Bata sa Buong Daigdig.”

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pangwakas na panalangin.

Bigay-sipi

Bigyan ng bigay-siping “Mahal Ako ni Jesucristo” ang mga bata habang sila ay paalis. Anyayahan ang mga bata na sabihin sa kanilang mga pamilya ang natutuhan nila tungkol sa pagmamahal ni Jesus sa lahat ng mga bata sa buong mundo.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamainam para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalik-aral o buod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong Para sa Guro.”

  1. Magdala ng basyo ng softdrink. Paupuin ang mga bata nang pabilog sa sahig. Sabihin sa kanila na pagkatapos mong paikutin ang bote, ito ay hihinto at tuturo sa isa sa kanila. Ang batang iyon ay babanggit ng isang bagay na nagpapakita sa kanya na mahal siya ni Jesus. Pagkatapos, siya naman ang magpapaikot ng bote. Sikaping bigyan ng pagkakataon ang bawat bata sa pamamagitan ng pagpapausog sa likod sa mga batang nakatapos na.

  2. Ituro sa mga bata ang sumusunod na tula at mga galaw:

    Mahal ni Jesus ang Maliliit na Bata

    Ilang mga bata ang nagtakbuhan sa maalikabok na kalsada, (tumakbo sa lugar)

    Nagmamadaling tumatakbo ang maliliit nilang paa, (ituro ang mga paa)

    Nakipagsiksikan sa maraming tao upang maghanap ng daan (iumang ang mga siko na para bang nakikipagsiksikan sa maraming tao)

    Papalapit kay Jesus, upang mukha niya’y mamasdan. (tumingkayad at tumingin sa paligid)

    Ang sabi ng ilang malalaki, “Palayuin ang mga iyan.” (galing ang mga kamay sa dibdib, sumenyas na parang nananaboy)

    “Siya’y abalang-abala para sa mga bata ngayon.” (sumimangot at umiling)

    Pero ang sabi ni Jesus, “Palapitin sila sa akin. (ikaway ang mga kamay na parang tumatawag)

    “Sila ay nabibilang sa kaharian ng Ama at sila ay mahal niya at mahal ko rin.” (yakapin ang sarili)

  3. Kasama ang mga nakatatandang bata, maaari mong naising talakayin ang sumusunod na mga alituntunin na nagpapakita ng pagmamahal ni Jesucristo sa atin. Bigyang-diin na ang mga pagpapalang ito ay maaari nating makuhang lahat saanman tayo nakatira.

    • Binigyan tayo ni Jesucristo ng mga kautusan upang gabayan tayo.

    • May mga propeta tayo na gagabay sa atin.

    • Makapagsisisi tayo dahil pinagbayaran ni Jesucristo ang ating mga kasalanan.

    • Makakatanggap tayo ng mga pagbabasbas ng pagkasaserdote.

  4. Ipaguhit at pakulayan sa mga bata ang anumang larawan na nagpapakita na minamahal sila ni Jesucristo (tulad ng pamilya, mga puno, mga bulaklak, o mga hayop).

  5. Hikayatin ang mga bata na gumawa ng kabutihan para sa isang tao sa loob ng darating na linggo at maghandang ikuwento sa klase ang tungkol dito. Kung magagawa mo, maaari mong naising ipaalala sa kanila ang tungkol dito sa loob ng linggong ito.