Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 16: Maipakikita Natin ang Ating Pananampalataya sa Pamamagitan ng Pagiging Masunurin


Aralin 16

Maipakikita Natin ang Ating Pananampalataya sa Pamamagitan ng Pagiging Masunurin

Layunin

Tulungan ang mga bata na maunawaan na maipakikita nila ang kanilang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang ulat ni Lehias at ng kanyang mag-anak sa 1 Nefiass 1–2.

  2. Mga bagay o larawan ng mga bagay na kumakatawan sa mga ari-arian na kinailangang pagpilian ng mag-anak ni Lehias noong naghahanda na maglakbay sa ilang.

  3. Maghanda na awitin o bigkasin ang mga salita sa “Pananampalataya” (Aklat ng mga Awit Pambata).

  4. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Aklat ni Mormon.

    2. Larawan 3-39, Nagpopropesiya si Lehias sa mga Tao sa Jerusalem (62517; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 300); at larawan 3-40, Nililisan ng Mag-anak ni Lehias ang Jerusalem (62238; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 301); at larawan ng kasalukuyang propeta.

    3. Kalasag at singsing na PAT.

  5. Gumawa ng mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin mo ang mga bata kung mayroon mang gawaing hinikayat mong gawin nila sa loob ng isang linggo.

Ang Pagiging Masunurin ay Isang Paraan ng Pagpapakita ng Pananampalataya

Gawaing pantawag pansin

Awitin o bigkasin ang mga salita sa “Pananampalataya.” Magagamit mo ang mga galaw sa ibaba para sa mga klase ng mga nakababata.

Pananampalataya ang nalalaman kong araw ay sisikat, (ihugis ang mga bisig ng kalahating bilog)

At dalangin ko’y dinig N’ya (itikom nang bahagya ang kamay sa likod ng tainga)

Tulad ng munting binhi: (itikom ang kaliwang kamay at magkunwaring nagtatanim ng buto sa kanang kamay)

Buhay ‘pag ‘tinanim. (pagalawin ang kanang kamay na parang halamang lumalaki sa kaliwang kamay na bahagyang nakatikom)

Pananampalataya’y dama (ilagay ang mga kamay sa dibdib sa tapat ng puso)

Pag ginawa’y tama, (tumuro paitaas sa pamamagitan ng kanang hintuturo)

Alam ko. (ituro ang kanang hintuturong daliri sa ulo)

Kapag sinasabihan tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na gawin ang isang bagay, ito ay tinatawag na kautusan. Kapag sinunod natin ang mga kautusan, ipinakikita natin sa Ama sa Langit at kay Jesus na nagtitiwala tayo sa kanila. Alam natin na mahal nila tayo at hindi kailanman magpapagawa ng anumang bagay na makasasakit sa atin. Ipinakikita natin ang ating pananampalataya kapag sumusunod tayo.

Paalalahanan ang mga bata na ang paniniwala sa Ama sa Langit at kay Jesus ay nangangahulugan na may pananampalataya tayo. Bagaman hindi man natin sila nakita habang nabubuhay tayo sa lupa, nananampalataya tayo sa mga patotoo ng mga iba na nakakita sa kanila. Nanininiwala din tayo na ang Espiritu Santo ay totoo at walang katawan na may laman at mga buto subalit isang personahe ng espiritu sa anyo ng tao.

Saligan ng pananampalataya

Tulungan ang mga nakatatandang bata na isaulo ang unang saligan ng pananampalataya. Maaaring ulitin ito ng mga nakababata kasabay mo at maaaring isaulo ang bahagi nito.

Ipinakita ni Lehias ang Kanyang Pananampalataya sa Pamamagitan ng Pagiging Masunurin

Kuwento at larawan sa banal na kasulatan

Ipaliwanag na tayo ay mga anak ng Ama sa Langit at maipakikita natin na may pananampalataya tayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Sa Aklat ni Mormon, isang propeta na nagngangalang Lehias ang nagpakita ng kanyang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesus sa pamamagitan ng pagiging masunurin.

Isalaysay sa sarili mong mga salita ang sumusunod na kuwento sa banal na kasulatan:

Mahabang panahon na ang nakararaan, anim na daang taon bago isilang si Jesus, isang propeta na nagngangalang Lehias ang nabuhay sa Jerusalem kasama ang kanyang mag-anak. Sariah ang pangalan ng kanyang maybahay. Mayroon silang apat na anak na lalaki na nagngangalang Laman, Lemuel, Sam, at Nefias.

Masagana at maginhawa ang buhay ni Lehias at ng kanyang mag-anak. Minahal ni Lehias ang Ama sa Langit at si Jesus. Pinagsikapan niyang ituro sa kanyang mag-anak na mahalin sila at sundin ang kanilang mga kautusan.

Ipakita ang larawan 3-39, Nagpopropesiya si Lehias sa mga Tao ng Jerusalem.

Noong panahong iyon ang mga taong naninirahan sa Jerusalem ay napakasama. Pinagsikapan ni Lehias na turuan sila tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesus at sa mga kautusan, subalit hindi nakinig ang mga tao sa kanya.

Isang araw habang nananalangin si Lehias nagkaroon siya ng isang panaginip o pangitain. Nakita niya ang maraming kahanga-hangang bagay. Nakita rin niya na wawasakin ang Jerusalem kundi magsisisi ang mga tao. Pinapurihan ni Lehias ang Ama sa Langit sapagkat alam niya na nais ng Ama sa Langit na bigyan ng babala ang mga tao ng Jerusalem. Inutusan siya ng Ama sa Langit na sabihin sa mga tao ang tungkol sa kanyang mga nakita. Ginawa ni Lehias ang inutos sa kanya. Sinabi niya sa mga tao na wawasakin ang Jerusalem kundi sila magsisisi.

Kuwento at larawan sa banal na kasulatan

  • Ano ang nakita ni Lehias sa kanyang pangitain? (Maraming bagay, kasama na ang pagwasak sa Jerusalem; tingnan sa 1 Nefias 1:13.)

  • Ano ang naramdaman ni Lehias matapos ang kanyang pangitain? (Pinapurihan niya ang Ama sa Langit; maligaya siya; tingnan sa 1 Nefias 1:14–15.)

Ang pagsasabi sa mga tao na magsisi sa kanilang kasamaan ay nangailangan ng tapang. Subalit nanampalataya si Lehias na babantayan siya ng Ama sa Langit, kayat ginawa niya ang ipinag-utos sa kanya. Hindi nakinig ang mga tao sa kanya at pinagtawanan lamang siya at sinubukang patayin siya sapagkat hindi nila gustong marinig na masasama sila.

Kuwento at larawan sa banal na kasulatan

  • Ano ang ginawa ni Lehias upang ipakita ang kanyang pananampalataya sa Ama sa Langit? (Sumunod siya at sinabihan ang mga tao na magsisi; tingnan sa 1 Nefias 1:4, 18.)

  • Ano ang ginawa ng mga tao matapos na sabihan sila ni Lehias na magsisi? (Pinagtawanan nila siya at gustong patayin; tingnan sa 1 Nefias 1:19–20.)

  • Ano sa palagay ninyo ang naramdaman ni Lehias nang hindi makinig sa kanya ang mga tao?

Talakayan sa banal na kasulatan

Makaraan ang ilang panahon, kinausap ng Ama sa Langit si Lehias. Hilingin sa mga bata na pakinggan kung ano ang iniutos niya kay Lehias. Basahin sa 1 Nefias 2:1–2.

Talakayan sa banal na kasulatan

  • Ano ang iniutos ng Ama sa Langit na gawin ni Lehias? (Iwan ang Jerusalem at pumaroon sa ilang.)

Ipaliwanag na ang ilang ay karaniwang isang lugar na walang mga bahay, gusali, o daan. Inutusan ng Ama sa Langit si Lehias at ang kanyang mag-anak na iwan ang lahat at pumunta sa isang lugar na kung saan sila ay kailangang mamuhay sa kanilang sarili.

Talakayan sa banal na kasulatan

  • Bakit inutusan si Lehias na alisin ang kanyang mag-anak sa Jerusalem? (Pinagpaplanuhang patayin si Lehias ng masasamang tao, at wawasakin ang lungsod.)

Hilingan ang mga bata na pakinggan kung ano ang ginawa ni Lehias; pagkatapos ay basahin ang 1 Nefias 2:3–4.

Talakayan sa banal na kasulatan

  • Ano ang ginawa ni Lehias? (Nagbalot siya ng mga bagay na kailangan upang mabuhay sa ilang at inialis ang kanyang mag-anak sa Jerusalem.)

Kuwento at larawan sa banal na kasulatan

Ipakita ang larawan 3-40, Nililisan ng Mag-anak ni Lehias ang Jerusalem.

Bagaman nanirahan si Lehias sa Jerusalem sa loob ng mahabang panahon, agad siyang sumunod sa kautusan na lisanin ang kanyang tahanan. Iniwan ni Lehias at ng kanyang mag-anak ang kanilang tahanan, kanilang lupain, karamihan sa kanilang kasuotan, kanilang ginto at pilak, at iba pang ari-arian. Dinala lamang nila ang pagkain, ilang damit, mga tolda, at iba pang bagay na kailangan na maaaring maisakay sa mga kamelyo o buriko. Pagkatapos ay umalis sila at pumunta sa ilang.

Ituro na hindi madali para kay Lehias ang umalis, subalit maluwag sa kalooban niya na sundin ang kautusang ito.

Kuwento at larawan sa banal na kasulatan

  • Ano ang ginawa ni Lehias na nagpakita na may pananampalataya siya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? (Siya ay naging masunurin. Binigyan niya ng babala ang masasamang tao, at iniwan niya ang kanyang tahanan at mga ari-arian at pumuta sa ilang sapagkat inutusan siyang gawin ito.

Talakayan

Hilingan ang mga bata na magkunwari na mga miyembro sila ng pamilya ni Lehias.

Ipaisip sa kanila kung anu-ano ang dadalhin nila kung pupunta sila sa ilang. Ipasabi sa kanila kung anu-ano ang nanaisin nilang dalhin at anu-ano ang iiwan nila. Maaaring magpakita ka ng ilang bagay o mga larawan ng mga bagay na kumakatawan sa mga pinagpilian ng mag-anak ni Lehias; halimbawa, ang isang singsing ay maaaring kumakatawan sa alahas, ang isang barya ay maaaring mangahulugan ng pera, ang isang mansanas ay maaaring kumatawan bilang pagkain. Ipapili sa mga bata kung anu-ano ang kinailangan ng mag-anak ni Lehias. Paalalahanan sila na ilang bagay lamang ang maaari nilang dalhin.

Gawain

Pagpasiyahin ang mga bata kung anu-ano ang pipiliin nilang dalhin kung sasama sila kay Lehias sa ilang. Pagkatapos ay sasabihin ng unang bata, “Kung sasama ako kay Lehias sa ilang, dadalhin ko ang .” (Lalagyan ng bata ang patlang ng kung anuman ang napili niyang dalhin.) Ang susunod na bata ay uulitin ang sinabi ng unang bata at idaragdag ang bagay na napili niya. Bawat susunod na bata ay uulitin ang lahat ng mga naunang sinabi at magdaragdag ng isang napili niya. Ipagpatuloy hanggang lahat (pati na ang guro) ay magkaroon ng kahit isang pagkakataon.

Gawain

  • Ano sa palagay ninyo ang mararamdaman ninyo kung malaman ninyo na hindi na ninyo muling makikita ang inyong mga kaibigan at mga ari-arian?

  • Ano sa palagay ninyo ang naramdaman ng mag-anak ni Lehias?

Ang pagsunod sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng paglisan sa Jerusalem ay nangailangan ng dakilang pananampalataya. Tumanggap ng mga pagpapala si Lehias at ang kanyang mag-anak sapagkat sila ay masunurin.

Kapa Pinipili Natin ang Tama, Tayo ay Masunurin

Gawaing pagsasadula

Ipakita ang kalasag at singsing na PAT.

Gawaing pagsasadula

  • Ano ang kahulugan ng mga titik na P A T? (Piliin ang Tama.)

Sabihin sa mga bata na ang pagpili ng tama ay nangangahulugan ng paggawa ng nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na gawin natin.

Isalaysay sa sarili mong mga salita ang mga sumusunod na kuwento, at ipasadula sa mga bata ang mga pangyayari.

Gawaing pagsasadula

  1. Sa inyong pag-uwi ikaw at ang ilang kaibigan ay napadaan sa bakuran ng inyong kapitbahay. Isang punongkahoy sa bakuran ang hitik sa makatas na bunga. Nais ng mga kaibigan mo na sumama ka sa kanila na mamitas ng ilang bunga upang makain. Sinasabi nila na napakarami ng bunga kung kaya’t ang ilang piraso na mawawala ay hindi mapapansin.

    • Ano ang nanaisin ng Ama sa Langit at ni Jesus na gawin ninyo?

    Sabihin sa mga bata na kapag pinipili nila ang tama, nagiging masunurin sila at nagpapakita ng pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

  2. Gusto mong maglaro ng iyong paboritong laruan, subalit nasa kapatid mo ito.

    • Ano ang nanaisin ng Ama sa Langit at ni Jesus na gawin mo?

    Ipaliwanag na kapag ginagawa natin ang nais ng Ama sa Langit at ni Jesus, pinipili natin ang tama.

    Kung may oras pa, maaaring ipakita mo ang larawan ng propeta at ipatukoy sa mga bata ang ilang bagay na hiniling niya na gawin natin. Talakayin kung paano makapagdadala ng mga pagpapala ang pagsunod sa mga kautusang ito.

Buod

Muling ipakita ang kalasag at singsing na PAT at paalalahanan ang mga bata na palagiang piliin ang tama. Kapag pinipili nila ang tama, sila ay sumusunod. Kapag sumusunod sila, ipinakikita nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na sila ay may pananampalataya sa kanila.

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pangwakas na panalangin.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang pinakamakabubuti sa mga bata. Maaari mong gamitin ang mga ito sa aralin mismo o bilang isang pagbabalik-aral o pagbubuod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong sa Guro.”

  1. Ipakuwento sa isang kasapi ng inyong purok o sangay kung paano siya natulungan ng pagiging masunurin. Ang isang kababalik na misyonero, bagong nagbabalik-loob, o isang kamakailan lamang nakapasok sa templo ay naaangkop na piliin. Hingin ang pagsang-ayon ng pangulo ng inyong Primarya at pinuno ng pagkasaserdote bago papuntahin ang napiling kasapi sa iyong klase.

  2. Tipunin ang ilang bagay na nagsasanggalang, katulad ng sapatos, sombrero, payong, at iba pa. Magkaroon ng sapat na bilang ng mga bagay upang makasali ang bawat bata sa iyong klase. Isa-isang papiliin ang mga bata ng isang bagay at ipasabi kung anong uri ng pagsasanggalang ang ibinibigay nito (ipinagsasanggalang ng sapatos ang mga paa, at iba pa). Sabihin sa mga bata na kapag sinusunod natin ang ating mga magulang at mga pinuno, tayo ay ipinagsasanggalang din. Pag-usapan ang tungkol sa ilang tuntunin at paano ang mga ito nakapagsasanggalang.

  3. Itaas ang iyong mga kamay at ipakita sa mga bata kung paano mo naigagalaw ang iyong mga daliri. Ipaliwanag na maigagalaw mo ang sarili mong mga kamay at mga daliri subalit hindi ang mga daliri ng ibang tao. Ipataas sa mga bata ang kanilang mga kamay, ipagalaw ang kanilang mga daliri, at ipabukas at ipatikom ang kanilang mga kamay. Tulungan ang mga bata na maunawaan na kapag sinasabi nila sa kanilang mga kamay na piliin ang tama, sila ay sumusunod.

  4. Awitin o sabihin ang ikalawang talata ng “Ako ay May Dalawang Munting Kamay.”

    Amang Dios, salamat sa mga kamay ko

    At hinihiling kong sila’y basbasan N’yo

    Upang malaman na bata’y liligaya

    Kung mga kamay masunurin sa t’wina.

    (Aklat ng mga Awit Pambata)

  5. Hanapin ang lahat ng paraan kung saan mapipili natin ang tama na nakapaloob sa ika-labintatlong saligan ng pananampalataya. Isali ang mga bata sa paggawa nito. Ipabilang sa kanila ang mga paraan, ipaturo, o ipaulit ang mga ito. Hikayatin ang mga bata na makakakaya na isaulo ang isa o dalawang parirala na mahalaga sa kanila.