Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 17: Naniniwala Tayo na ang Aklat ni Mormon ay Salita ng Diyos


Aralin 17

Naniniwala Tayo na ang Aklat ni Mormon ay Salita ng Diyos

Layunin

Tulungan ang mga bata na maunawaan na matutulungan sila ng mga banal na kasulatan na matutuhan at maunawaan ang mga kautusan at matutulungan sila na lumapit kay Jesucristo.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang 1 Nefias 3–4; 3 Nefias 18:19; at Mosias 23:15. Paghandaang isalaysay ang kuwento ni Nefias at ng mga laminang tanso.

  2. Iayos ang apat na pamantayang banal na kasulatan sa ibabaw ng mesa; ilagay ang iba pang mga aklat, katulad ng aklat ng kuwento, aklat sa pagluluto (recipe), at aklat-aralin (textbook), sa magkakahiwalay na sulok ng silid. Paghandaang talakayin sa mga bata ang iba’t-ibang uri ng mga aklat na ipinakita mo upang maunawaan nila ang layunin ng bawat isa.

  3. Paghandaang awitin o bigkasin ang mga salita sa “Ang Ika-walong Saligan ng Pananampalataya” (Piliin ang Tama, B); ang mga titik sa awit ay katulad ng mismong saligan ng pananampalataya.

  4. Mga kailangang kagamitan:

    1. Ang apat na pamantayang banal na kasulatan.

    2. Iba pang mga aklat, katulad ng aklat ng kuwento, aklat sa pagluluto, at aklat-aralin.

    3. Pisara, yeso, at pambura.

    4. Larawan 3-41, Tumatakas si Laman; larawan 3-42, Si Nefias na Malapit sa Bahay ni Laban; larawan 3-43, Sina Nefias at Zoram; at larawan 3-44, Si Lehias at ang mga Laminang Tanso.

  5. Gumawa ng mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin mo ang mga bata kung mayroon mang gawaing hinikayat mong gawin nila sa loob ng linggong ito.

Ang mga Banal na Kasulatan ay Naglalaman ng mga Kautusan ng Ama sa Langit

Gawaing pantawag pansin

Ilagay ang iba’t ibang uri ng mga aklat sa magkakahiwalay na sulok ng silid at magkuwento ng kaunti tungkol sa bawat isa. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod o ibang mga tanong na tumutukoy sa mga aklat na ipinakita mo. Matapos na masagot nang tama ng mga bata ang bawat tanong, papuntahin sila sa sulok ng silid na kinaroroonan ng aklat at ipaturo ito.

Gawaing pantawag pansin

  • Alin sa mga aklat na ito ang nagpapaliwanag kung paano gumawa ng tinapay?

  • Alin sa mga aklat na ito ang naglalaman ng mga kuwento ng pagpapanggap?

  • Alin sa mga aklat na ito ang naglalaman ng mga turo ng mga propeta na tutulong sa atin na sundin ang mga kautusan?

Ipaliwanag na nais ng Ama sa Langit na sundin natin ang mga kautusan. Sinabihan niya ang mga propeta na isulat ang kanyang mga salita upang malaman natin ang kanyang mga turo (aral) at mga kautusan.

Gawaing pantawag pansin

  • Ano ang tawag natin sa mga sagradong aklat kung saan sumulat ang mga propeta? (Ang mga banal na kasulatan.)

Ipaliwanag na isinulat ng mga propeta ang ebanghelyo at kung paano ipinamuhay ito ng mga tao upang malaman natin ang mga kautusan. Ang mga kautusan na ito ay nakatala sa ating apat na aklat ng banal na kasulatan. Kung minsan ay tinatawag natin ang mga ito na mga pamantayang banal na kasulatan.

Nakuha ni Nefias ang mga Banal na Kasulatan

Mga larawan, kuwento sa banal na kasulatan, at talakayan

Ipaliwanag na ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng kuwento na nagpapakita kung gaano kahalaga ang mga banal na kasulatan kay Nefias at sa kanyang mag-anak.

Isalaysay sa mga bata na sinabihan ni Lehias ang kanyang mga anak na lalaki—sina Laman, Lemuel, Sam, at Nefias—na nais ng Panginoon na bumalik sila sa Jerusalem at kunin ang ilang laminang tanso mula sa taong nagngangalang Laban. Ang mga laminang tanso ay aklat ng banal na kasulatan na ginawa mula sa metal na mga pahina. Sina Laman at Lemuel ay ayaw bumalik sa Jerusalem at labis na nagalit, subalit maluwag sa loob nina Nefias at Sam na bumalik.

Upang ipakita sa mga bata kung ano ang naramdaman ni Nefias tungkol sa pagkuha ng mga laminang tanso, basahin nang malakas ang 1 Nefias 3:7 at talakayin ito sa mga bata.

Mga larawan, kuwento sa banal na kasulatan, at talakayan

  • Bakit maluwag sa kalooban ni Nefias na umalis? (Alam niya na may nakahandang paraan ang Panginoon upang matupad niya ang ipinag-uutos sa kanya.)

  • Ano ang pangakong ginawa ni Nefias? (Na gagawin niya ang bagay na iniutos ng Panginoon na gawin niya.)

Ipaliwanag na hinikayat ni Nefias ang kanyang mga kapatid na sumama sa kanya.

Si Laman ang unang pumunta sa bahay ni Laban. Hiningi niya ang mga laminang tanso kay Laban. Hindi ibinigay ni Laban ang mga lamina at pinagbantaan siyang papatayin. Natakot si Laman at tumakbong pabalik sa kanyang mga kapatid. Ipakita ang larawan 3-41, Tumatakas si Laman. Gusto niyang bumalik sa kanilang ama sa ilang.

Sinabi ni Nefias na kailangan nilang sumunod sa kautusan upang makuha ang mga laminang tanso. Bumalik sa kanilang dating tahanan sa Jerusalem sina Nefias at ang mga kapatid niya at kinuha ang kanilang mga ginto at pilak. Binalak nilang ipagpalit ang kanilang mga kayamanan sa mga laminang tanso.

Kinuha ni Laban ang kanilang ginto at pilak subalit hindi ibinigay kina Nefias at sa mga kapatid niya ang mga laminang tanso. Inutusan niya ang kanyang mga tao na patayin sila. Tumakbong palayo at nagtago ang magkakapatid.

Nagalit sina Laman at Lemuel. Pinalo nila ng kahoy sina Nefias at Sam. Isang anghel ang lumabas at nag-utos sa kanilang tumigil. Sinabi ng anghel na tutulungan sila ng Panginoon na makuha ang mga laminang tanso at sinabihan silang sumunod kay Nefias.

Ipakita ang larawan 3-42, Si Nefias na Malapit sa Bahay ni Laban.

Sa pagkakataong ito si Nefias ang pumunta upang kunin ang mga lamina. Naghintay ang mga kapatid niya sa labas ng pader ng lungsod habang pagapang niyang inaakyat ito patungo sa bahay ni Laban. Nakita ni Nefias na lasing na nakahiga sa lupa si Laban. Inutusan ng Espiritu Santo si Nefias na patayin si Laban. Si Nefias ay nag-atubili sapagkat hindi niya gustong pumatay ng sinuman.

Naalala ni Nefias ang dakilang kahalagahan ng mga banal na kasulatan, at alam niya na hindi niya makukuha ang mga laminang tanso kundi niya papatayin si Laban. Kayat sinunod niya ang ipinag-uutos ng Espiritu Santo. Pinatay niya si Laban at isinuot ang damit nito.

Pagkatapos ay nagpanggap siya na si Laban.

Ipakita ang larawan 3-43, Sina Nefias at Zoram.

Inutusan ni Nefias ang tagapaglingkod ni Laban na si Zoram na dalhin sa kanya ang mga laminang tanso at sumunod sa kanya. Si Zoram ay sumunod sa pag-aakalang si Nefias ay si Laban. Sa bandang huli, ipinaliwanag ni Nefias kay Zoram na inutusan siya at ang kanyang mga kapatid ng Panginoon na kunin ang mga laminang tanso. Naniwala sa kanya si Zoram. Gusto rin niyang sumunod. Sumama siya sa magkakapatid pabalik kay Lehias sa ilang.

Ipakita ang larawan 3-44, Si Lehias at ang mga Laminang Tanso.

Binasa ni Lehias ang mga laminang tanso. Ang mga lamina ay naglalaman ng mga kautusan at ilang kuwento tungkol kay Moises at iba pang mga propeta. Naglalaman din ito ng talaangkanan ng mag-anak ni Lehias. Inutusan si Lehias na dalhin ang mga laminang tanso sa lupang pangako.

Mga larawan, kuwento sa banal na kasulatan, at talakayan

  • Kaninong mga sinulat ang nasa mga laminang tanso?

  • Ano ang nakasulat sa mga laminang tanso?

  • Bakit sa palagay ninyo kailangan ni Lehias at ng kanyang mag-anak ang mga laminang tanso?

Gawain

Laruin ang sumusunod upang tulungan ang mga bata na maunawaan kung bakit mahalaga para sa mag-anak ni Lehias na dalhin sa lupang pangako ang mga laminang tanso, na naglalaman ng nakasulat na tala ng mga kautusan.

Ang layon ng laro ay ipakita kung paano ang mga salita sa mga banal na kasulatan ay makakalito kung hindi nakasulat ang mga ito.

Paupuin ang mga bata sa isang bilog. Ibulong sa batang nasa kanan mo, “Susundin ko ang mga kautusan ng Ama sa Langit.” Pagkatapos ay ipabulong sa batang iyon ang narinig niya sa taong nasa kanan niya. Ipagpatuloy ang pagpapasa ng mensahe hanggang sa marinig ito ng lahat ng nasa bilog. Patayuin ang huling bata at ipaulit ang mga salitang narinig niya. Malamang na hindi mauulit ng bata nang wasto ang unang mensahe. (Kung maulit nang wasto ang mensahe, maaaring purihin mo ang mga bata sa kahusayan nila. Pagkatapos ay subukan ang isa pang mensahe na may 2 o 3 pangungusap.) Sabihin sa mga bata ang mensaheng sinimulan mo.

Ipaliwanag na madaling makalimutan o makalito ang mga kuwento o mensahe na hindi nakasulat. Isinulat ng mga propeta ang mga itinuro ng Ama sa Langit at ni Jesucristo upang hindi malimutan ang mga ito. Ang mga turong ito ay nasa ating mga banal na kasulatan.

Kinailangan ng mag-anak ni Lehias ang mga laminang tanso upang maalala nila ang mga kautusan at masunod ang mga ito.

Tinutulungan Tayo ng mga Banal na Kasulatan na Sumunod

Gawain sa banal na kasulatan

Ipaliwanag na kailangan nating malaman ang mga kautusan na katulad ng mag-anak ni Lehias. Matutulungan tayo ng mga banal na kasulatan na sundin ang Ama sa Langit at si Jesucristo sapagkat ang mga ito ay naglalaman ng marami sa kanilang mga kautusan.

Hilingan sa mga bata na makinig na mabuti habang binabasa mo ang dalawang banal na kasulatan. Ipataas sa kanila ang kanilang mga kamay kapag alam nila ang kautusan na itinuturo ng banal na kasulatan. Basahin ang 3 Nefias 18:19 at Mosias 23:15 at talakayin ang mga ito sa mga bata.

Paalalahanan ang mga bata na kung wala tayong mga banal na kasulatan, maaaring makalimutan natin ang mga kautusan at hindi masunod ang mga ito. Sa gayon ay hindi natin matatanggap ang mga pagpapala na nanggagaling sa pagsunod sa mga kautusan.

Saligan ng pananampalataya at awit

Ipaawit sa mga bata o ipabigkas ang mga titik sa awit na “Ika-walong Saligan ng Pananampalataya.” Ipaliwanag na ang saligan ng pananampalatayang ito ay nagsasabi sa atin na ang Biblia at ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng salita ng Diyos, nangangahulugan na naglalaman ang mga ito ng mga totoong aral. Inutusan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang mga propeta na isulat ang mga aral na ito para sa mga susunod na salinlahi.

Ipaulit sa klase nang kasabay ka ang ikawalong saligan ng pananampalataya. Maaaring tulungan mo ang mga nakatatandang bata na malaman na mayroon tayong mga banal na kasulatan upang matutuhan natin ang mga kautusan na tutulong sa atin na piliin ang tama at tuparin ang ating mga tipan sa pagbibinyag.

Buod

Talakayan

Ipatalakay sa klase ang mga sumusunod:

Talakayan

  • Anu-ano ang dapat na pasalamatan natin sa ating Ama sa Langit sa mga panalangin natin? (Tanggapin ang lahat ng sagot, subalit bigyang-diin ang mga banal na kasulatan.)

  • Ano ang dapat na hilingin natin sa kanya sa mga panalangin natin? (Tulong na masunod ang mga kautusan.)

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pangwakas na panalangin.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang pinakamakabubuti sa mga bata. Maaari mong gamitin ang mga ito sa aralin mismo o bilang isang pagbabalik-aral o pagbubuod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong sa Guro.”

  1. Magsimulang isalaysay ang kuwento ng pagbabalik nina Nefias at ng kanyang mga kapatid sa Jerusalem upang kunin ang mga laminang tanso kay Laban. Padugtungan sa bawat bata ng isang pangungusap ang kuwento, na nagsasabi kung ano ang susunod na nangyari. Hikayatin sila na magbigay ng kahit gaano karaming detalye na maalala nila. Gamitin ang mga larawan upang tulungan sila na maalala ang kuwento. (Kung mali ang mga sagot na ibinibigay ng mga bata o mali ang pagkakasunud-sunod ng pangyayari, tulungan lamang sila na maiayos ang pagkakasunud-sunod sa maaaring pinakamalapit sa tama. Tanggapin at humikayat ng lahat ng sagot.

  2. Magpaguhit sa isang bata sa pisara o sa papel ng isang larawan ng kung paano niya susundin ang mga kautusan sa loob ng isang linggo at pagkatapos ay ipasabi sa iba pang mga bata kung ano ang pinaplano niya na gawin. Tawaging isa-isa ang mga bata upang mabigyan ng pagkakataong makaguhit ng larawan at maipaliwanag ito. Maaaring gumuhit ang mga bata ng mga larawan ng mga bagay na katulad ng pagsisimba, pananalangin, pagtulong sa kanilang mga mag-anak, at pagbabahagi ng kanilang mga laruan.

  3. Ipaawit o ipabigkas ang mga salita sa awit na “Matapang si Nefias” (Aklat ng mga Awit Pambata); ang mga salita ay kasama sa likod ng manwal na ito. Maaaring naisin mong lagyan ng ilang galaw o isadula ang mga salita.

  4. Para sa mga bata na nakababasa, gumawa ng kopya ng “Ang Aking Tipan sa Pagbibinyag” mula sa bigay-sipi sa hulihan ng aralin 3. Gupitin ang bigay-sipi sa apat na piraso sa pamamagitan ng paggupit nito sa ibaba ng mga salitang “Ako, , nangangakong,” sa ibaba ng mga salitang “upang sundin ang mga kautusan ng Ama sa Langit,” at sa ibaba ng mga salitang “Nangangako ang Ama sa Langit na.” Paghaluin ang mga piraso ng papel at ipaayos sa mga bata sa tamang pagkakasunud-sunod ang mga ito. Matapos na mapagdugtung-dugtong ng mga bata ang mga piraso ng papel, basahin nang malakas sa klase ang tipan sa pagbibinyag. Ipaliwanag na nais ng Ama sa Langit na tuparin natin ang pangako na ginagawa natin sa araw ng binyag na tayo’y susunod sa kanyang mga kautusan. Inutusan niya ang mga propeta na isulat ang kanyang mga salita upang malaman natin ang kanyang mga aral at kautusan.