Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 46: Ginawang Maaari ni Jesucristo na Tayo ay Mabuhay Magpakailanman (Linggo ng Pagkabuhay)


Aralin 46

Ginawang Maaari ni Jesucristo na Tayo ay Mabuhay Magpakailanman (Linggo ng Pagkabuhay)

Layunin

Tulungan ang mga bata na maunawaan na dahil sa pagmamahal sa atin ni Jesucristo, ginawa niyang maaari para sa atin na mabuhay magpakailanman.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Marcos 10:13–16, ang mga salaysay tungkol sa kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ni Jesucristo ay matatagpuan sa Lucas 23 at 24, at ang salaysay ng pagdalaw ni Jesucristo sa mga Nefita sa 3 Nefias 11.

  2. Maghanda ng sinulatang piraso ng papel na may nakasulat na, walang-kamatayan.

  3. Isulat ang pangalan ng bawat bata sa magkakahiwalay na piraso ng papel.

  4. Maghandang turuan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga salita sa, “Si Jesus ay Nagbangon” (Aklat ng mga Awit Pambata).

  5. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Biblia at isang Aklat ni Mormon.

    2. Isang soft ball o supot ng bins.

    3. Teyp.

    4. Isang guwantes.

    5. Larawan 3-71, Ang Pagpapako sa Krus (62505; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 230); larawan 3-15, Ang Nabuhay na Mag-uling si Jesucristo (62187; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 239); larawan 3-72, Nagpapakita si Cristo sa mga Nefita (62047; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 315); larawan 3-56, Si Cristo at ang mga Bata (62467; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 216); larawan 3-17, Nagtuturo si Jesus sa Kanluraning Bahagi ng Mundo (62380; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 316); larawan 3-73, Si Samuel na Lamanita na nasa Ibabaw ng Pader (62370; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 314); larawan 3-74, Ang Libing ni Jesus (62180; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 231); at larawan 3-75, Mga Babae sa Libingan.

  6. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin sa mga bata kung nagawa nila ang anumang bagay na hinimok mong gawin nila sa loob ng linggong ito.

Dahil Mahal Tayo ni Jesucristo, Tayo ay Tinutulungan Niya

Gawaing pantawag pansin

Sabihin sa mga miyembro ng klase na mahal ni Jesucristo ang mga bata. Sabihin sa kanila kung gaano siya nalulugod at nasisiyahan na malaman na sila ay nasa Primarya sa umaga ng Linggo ng pagkabuhay na ito.

Ipakita ang larawan 3-15, Ang Nabuhay na Mag-uling si Jesucristo, sa dingding, pisara o sa ibang lugar.

Ipaliwanag na isinulat mo ang bawat mga pangalan nila sa isang piraso ng papel, at gusto mo silang lumapit nang isa-isa at iteyp ang kanilang mga pangalan malapit sa larawan ni Jesus. Sa paglapit ng bawat bata, sabihin sa kanya: “Mahal ni Jesucristo si (pangalan ng bata).’’

Kuwento sa banal na kasulatan

Ilahad ang sumusunod na kuwento mula sa Marcos 10:13–16 sa iyong sariling mga salita:

Noong nabubuhay si Jesucristo sa mundo, dinala ng ilang mga nanay ang kanilang maliliit na anak sa kanya. Umasa sila na bibigyan niya ang bawat isa ng pagbabasbas. Gusto ng mga kaibigan ni Jesus na magpahinga na siya, at hiniling nila sa mga nanay na ilayo na ang kanilang mga anak at huwag na siyang abalahin.

Nang marinig ni Jesus ang sinasabi ng kanyang mga kaibigan, sinabi niya, “Pabayaan ninyong magsilapit sa akin ang maliliit na bata; huwag ninyo silang pagbawalan.” Sa madaling salita, sinabi niya na, “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata; huwag ninyo silang itataboy. Mahal ko ang mga bata.” Pagkatapos ay kinandong niya ang mga bata at binasbasan sila.

Talakayan

Hawakan ang larawan 3-56, Si Cristo at ang mga Bata. Hawakan ito nang malapit sa mga bata upang mapagmasdan nila ito nang mabuti at madama ang espiritu ng larawan. Itanong ang mga sumusunod na mga uri ng mga katanungan upang tulungan ang mga bata na madama ang laki ng pagmamahal ni Jesucristo para sa kanila.

Talakayan

  • Ano sa palagay ninyo ang nadama ng mga bata?

  • Kung kayo ay naroon, ano ang gusto ninyong sasabihin sa inyo ni Jesucristo?

  • Kung naging kasama ninyo si Jesucristo tulad ng mga batang ito, ano ang maaaring nasabi ninyo sa kanya?

  • Ano ang inyong pakiramdam na malaman na mahal kayo ni Jesus tulad ng pagmamahal niya sa mga batang ito?

Namatay si Jesucristo Para sa Atin

Kuwento sa banal na kasulatan

Hawakan ang mga banal na kasulatan, at ipaliwanag na sa pamamagitan ng pagbabasa ng Biblia at ng Aklat ni Mormon ay matututuhan natin kung ano ang ginawa ni Jesucristo upang tulungan tayo. Ilahad ang sumusunod na kuwento sa iyong sariling mga salita:

Si Jesucristo ay nabuhay maraming taon na ang nakararaan. Ipinadala siya ng Ama sa Langit sa mundong ito upang tulungan ang mga tatay at nanay at ang mga batang lalaki at babae na gawin ang mga bagay na tama. Halos buong buhay niya ay tumira siya sa lupain na ngayon ay tinatawag na Israel.

Mahal ni Jesus ang lahat ng tao. Ang ilan sa mga tao ay masasama at hindi siya gusto. Siya ay ipinako nila sa krus.

Ipakita ang larawan 3-71, Ang Pagpapako sa Krus.

Si Jesucristo ay nagdusa at namatay. Ang mga taong nagmamahal sa kanya ay labis na nalungkot. Kinuha nila ang kanyang katawan sa krus at ibinalot ito sa isang malinis na puting tela. Dinala nila ang kanyang katawan sa loob ng puntod. Ang puntod ay parang isang kuweba na kung saan ang mga tao ay inililibing. Marahan nilang inihiga ang kanyang katawan.

Ipakita ang larawan 3-74, Ang Libing ni Jesus.

Pagkatapos nito ay isinara ng mga kaibigan ni Jesucristo ang pasukan sa puntod sa pamamagitan ng pagpapagulong ng malaking bato sa harap ng pintuan.

Hindi naunawaan ng mga kaibigan ni Jesucristo na siya ay muling mabubuhay. Ang ilang mga kawal ay dumating at binantayan ang puntod na pinaglibingan sa kanya. Nang ikatlong araw pagkamatay niya, bago sumikat ang araw, ang mga anghel ay dumating at iginulong pabukas ang bato mula sa pinto. Ang kanyang katawan ay wala roon. Ang mga kawal ay takot na takot at may katagalang hindi makakilos. Nang sila ay nakakikilos na, sila ay nagtakbuhan papalayo.

Ipakita ang larawan 3-75, Mga Babae sa Libingan.

Nang umaga ring iyon ang ilang kababaihan ay pumunta sa puntod. Mahal nila si Jesucristo at sila ay dumating upang lagyan ng pabango at unguento ang kanyang katawan tulad ng ginagawa ng mga tao noong mga panahong iyon. Nakita nila ang bato na iginulong papalayo mula sa pinto. Sila ay pumasok sa loob ng puntod at nakita ang isang anghel na nakadamit ng puti, at sila ay natakot. Ang sabi ng anghel ay, “Huwag kayong mangatakot. Siya’y wala rito, sapagka’t siya’y nagbangon.”

Ituro ang larawan ng nabuhay na mag-uling si Cristo.

Kuwento sa banal na kasulatan

  • Ano sa palagay ninyo ang naramdaman ng mga kaibigan ni Jesucristo nang malaman nilang siya ay nabuhay na mag-uli?

Talakayan sa pisara

Ipaliwanag na noong si Jesus ay nabuhay na mag-uli, tinanggap niyang muli ang kanyang katawan upang sumanib sa kanyang espiritu, pero ang kanyang katawan ay nagbago.

Ipakita ang sinulatang piraso ng papel na, walang-kamatayan.

Talakayan sa pisara

  • Ano ang ibig sabihin ng walang-kamatayan?

Ipaliwanag na noong ang katawan ng Tagapagligtas ay naging imortal, ito ay nagbago upang hindi na kailanman muling mamatay at sa halip ay mabubuhay magpakailanman.

Sabihin sa mga bata na noong si Jesus ay nabuhay na mag-uli, siya ay naging imortal, at ginawa rin niyang maaari para sa ating lahat na mabuhay na mag-uli at maging imortal. Ito ay nangangahulugan na pagkatapos nating mabuhay na mag-uli, hindi na kailanman tayo muling mamatay. Maaari tayong mamuhay na kasama ang ating mga pamilya magpakailanman.

Paglalahad at talakayan

Ipakita ang iyong kamay na walang guwantes sa mga bata at sabihin sa kanila na noong tayo ay namumuhay na kasama ang Ama sa Langit bago tayo isinilang, tayo ay tinawag na mga espiritu. Tayo ay nakagagalaw (igalaw ang mga daliri ng kamay mo na walang guwantes) at nakapag-iisip at natututo.

Nang dumating ang ating mga espiritu upang mamuhay sa mundo, tayo ay binigyan ng mga katawang lupa. (Isuot ang guwantes.) Tayo ay nakagagalaw pa rin (igaiaw ang iyong mga daliri na nasa loob ng guwantes) at nakapag-iisip at natututo pero binigyan pa tayo ng Ama sa Langit ng mga kahanga-hangang katawan upang taglayin at pangalagaan.

Kapag tayo ay namatay, ang katawan ay kailangang humiwalay mula sa espiritu (alisin ang guwantes). Ang katawan ay hindi makagagalaw na mag-isa (tukuyin ang guwantes) pero ang espiritu ay buhay pa rin.

Kapag tayo ay nabuhay na mag-uli, ang katawan ay magiging ganap at muling magiging kasama ng espiritu (isuot ang guwantes). Pagkatapos nating mabuhay na mag-uli, hindi na tayo kailanman muling mamamatay. Nangangahulugan ito na ang espiritu at ang katawan ay hindi na kailanman mapaghihiwalay.

Bigyang-diin na dahil mahal na mahal ni Jesucristo ang bawat isa sa atin, siya ay namatay para sa atin. Si Jesus ang unang tao na nabuhay na mag-uli. Dahil sa ginawa niya para sa atin, tayo ay mabubuhay na mag-uli at maaaring mamuhay na muli kasama ang Ama sa Langit. Kapag iniisip natin ang Linggo ng pagkabuhay, dapat nating isipin ang tungkol sa unang Linggo ng pagkabuhay at alalahanin ang pagmamahal ni Jesucristo para sa atin. Ibinigay niya ang kanyang buhay para sa atin. Siya ay nabuhay na mag-uli. Ngayon, siya ay namumuhay sa langit na kasama ang kanyang Ama sa Langit.

Ipaalam na ang pagkabuhay na mag-uli ni Jesucristo ay kahanga-hanga, kaya taun-taon ay ipinagdiriwang natin ang Linggo ng pagkabuhay upang ipakita sa kanya kung gaano ang ating pasasalamat sa ginawa niya para sa atin.

Gawain

Ihagis ang isang soft ball o supot ng bins sa mga bata. Hali-haliling ipasalo ito sa mga bata upang ang bawat bata ay makapagsabi ng isang bagay na naaalala nila tungkol sa kuwento ng Linggo ng Pagkabuhay.

Dinalaw ni Jesucristo ang mga Nefita Pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na mag-uli

Kuwento sa banal na kasulatan na may mga larawan

Kuwento sa banal na kasulatan

Sabihin sa mga bata na alam nating nabuhay na mag-uli si Jesucristo dahil sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan na marami sa kanyang mga disipulo at mga tagasunod ang nakakita sa kanya pagkatapos niyang mabuhay na mag-uli.

Ipaliwanag na nakita si Jesucristo ng matutuwid na Nefita at Lamanita na nanirahan sa Amerika at ang Aklat ni Mormon ay nagsasabi tungkol sa kanyang pagdalaw. Pagkatapos ng kanyang pagkabuhay na mag-uli sa Jerusalem, dinalaw ni Jesucristo ang mga taong ito. Nagkaroon sila ng pagkakataon na makita, marinig, at mahawakan siya.

Ipaliwanag na sinabi ng mga propeta sa mga Nefita sa loob ng maraming taon na si Jesucristo ay dadalaw sa kanila balang-araw.

Ipakita ang larawan 3-73, Si Samuel na Lamanita na nasa Ibabaw ng Pader.

Ipaliwanag na ang propetang nagngangalang Samuel na Lamanita ay nabuhay mga ilang taon bago isilang si Jesucristo, sinabi sa mga tao kung paano nila malalaman kung kailan ipinako at nabuhay na mag-uli si Jesucristo sa Jerusalem. Ipinaliwanag niya na kapag namatay si Jesus, matatakpan ng malaking kadiliman ang buong lupain; ito ay tatagal ng tatlong araw hanggang sa siya ay mabuhay na mag-uli.

Sabihin sa mga bata na ang lahat ng propesiya ni Samuel na Lamanita ay nagkatotoo. Nang si Jesucristo ay namatay sa Jerusalem, natakpan ng malaking kadiliman ang lupain ng Amerika. Ang taong masasama ay nangamatay, at marami sa matutuwid na tao ang sama-samang nagtipon upang talakayin kung ano ang nangyari at kung ano ang dapat nilang gawin. Habang sila ay nag-uusap, sila ay bigla na lang nakarinig ng isang tinig na parang nanggagaling sa langit. Ito ay isang marahan at mapagmahal na tinig. Hilingan ang mga batang pakinggan kung ano ang sinabi ng tinig. Tulungan ang isang bata na basahin ang 3 Nefias 11:7, o ikaw na mismo ang magbasa nito.

Kuwento sa banal na kasulatan

  • Sino ang nagsasalita? (Ang Ama sa Langit.)

Ipaliwanag na ang mga tao ay tumingala at nakita ang isang lalaki na nakadamit ng puti na bumababa mula sa langit. Akala nila ay nakakakita sila ng isang anghel.

Ipakita ang larawan3-72, Nagpapakita si Cristo sa mga Nefita.

Kuwento sa banal na kasulatan

  • Sino talaga ang bumababa mula sa langit? (Si Jesus.)

Basahin ang 3 Nefias 11:9–10. Ipaliwanag na nang sabihin ni Jesucristo sa mga tao kung sino siya, naalala nila ang sinabi ng mga propeta na sila ay dadalawin niya. Sila ay natuwa. Inanyayahan niya ang mga tao na lumapit at hawakan ang mga bakas ng mga pako sa kanyang mga kamay at paa at ang sugat sa kanyang tagiliran. Ginawa niya ito dahil gusto niyang maunawaan nila na siya rin ang Jesus na ipinako at siya ay nabuhay na mag-uli.

Ipakita ang larawan 3-17, Nagtuturo si Jesus sa Kanluraning Bahagi ng Mundo.

Kuwento sa banal na kasulatan

  • Ano sa palagay ninyo ang nadama ng mga tao nang makasama nila si Jesucristo?

Ipaliwanag na ang mga tao ay napuno ng malaking pasasalamat at pagmamahal sa Tagapagligtas kaya sila ay sumigaw ng, “Hosana! Purihin ang pangalan ng Kataas-taasang Diyos!” (3 Nefias 11:17). Sila ay nagsiluhod at sumamba sa kanya.

Ipaliwanag na si Jesucristo ay nakadama ng malaking pagmamahal para sa mga taong ito kaya siya ay nanatiling kasama nila at pinagaling ang kanilang maysakit, binasbasan ang kanilang mga anak, at tinuruan sila. Sinasabi sa atin ng Aklat ni Mormon na hindi pa nagkaroon kailanman ng napakaligayang mga tao sa ibabaw ng lupa na tulad ng mga taong ito.

Awit

Tulungan ang mga batang awitin o bigkasin ang mga salita sa “Si Jesus ay Nagbangon.”

Jesus nagbangon,

Ating puso’y maligaya,

S’ya’y buhay na.

Papuri sa kanya ay awitin.

Jesus nagbangon, Panginoon,

Jesus nagbangon, Panginoon!

Buod

Patotoo ng guro

Magbigay ng patotoo at ipahayag ang iyong pagmamahal at pasasalamat kay Jesucristo sa labis niyang pagmamahal sa atin na ginagawang maaari para sa atin na mabuhay na mag-uli at taglayin ang ating mga katawan magpakailanman.

Anyayahan ang mga bata na umuwi sa kanilang bahay at sabihin sa kanilang mga pamilya kung ano ang ginawa ng Tagapagligtas upang gawing maaari para sa atin na taglayin ang ating mga katawan magpakailanman.

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pangwakas na panalangin.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamainam para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalik-aral o buod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong Para sa Guro.”

  1. Maghanda ng kopya para sa bawat bata ng bigay-siping “Nakapabilog na Pagmamahal ni Jesucristo,” na matatagpuan sa katapusan ng aralin.

    Mamahagi ng kopya ng bigay-sipi, lapis, at ilang krayola sa bawat bata. Ipasulat o tulungan silang isulat ang kanilang mga pangalan sa kanang bahaging itaas ng kanilang mga papel.

    Basahing kasama ng mga bata ang mga salita na nakapaikot sa loob ng bilog. Paguhitin sila ng mga larawan nila sa loob ng bilog. Isulat ang “Mahal ako ni Jesucristo” sa pisara, at ipakopya ito sa papel ng mga bata sa bandang ibaba ng bilog.

  2. Patayuin ang mga bata at gawin ang gawaing ito na kasama ka.

    Si Jesus ay nahimlay sa lugar na ito. (tumuro)

    Tingnan ninyo, pinagulong ang pintong bato! (muling tumuro)

    Tayo’y yumuko. (yumuko)

    Tumingin sa loob. (ilagay ang mga kamay sa noo na parang may inaaninag)

    Siya ay wala rito! (tumayo)

    Si Jesus ay nagbangon!

    Magagalak tayo! (tahimik na pumalakpak)

two circles

Dahil si Jerucristo ay nabuhay na mag-uli,

tataglayin ko ang aking katawan magpakailanman.