Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 9: Mga Basbas at Ordenansa ng Pagkasaserdote


Aralin 9

Mga Basbas at Ordenansa ng Pagkasaserdote

Layunin

Tulungan ang bawat bata na maunawaan ang kahalagahan ng mga basbas at ordenansa ng pagkasaserdote.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Santiago 5:14–15 at Doktrina at mga Tipan 42:44, 48–52. Kahit na hindi ginamit sa aralin ang mga banal na kasulatang ito, magbibigay ang mga ito sa iyo ng ideya mula banal na kasulatan para sa pagtuturo ng alituntuning ito.

  2. Maghanda ng isang windmill na yari sa papel para magamit sa gawaing pantawag pansin. Para makagawa ng windmill na yari sa papel, maghanda ng isang parisukat na papel na tulad ng nakapakita sa ibaba. Gupitin ang linyang may tuldok at itupi sa gitna ang isang dulo ng bawat nagupit na piraso. Pagkatapos ay lagyan ng aspili ang gitna at itusok ang aspili sa isang lapis o patpat.

    paper windmill
  3. Maghandang tulungan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga titik ng awit na “Ang Pagkasaserdote ay Naipanumbalik” (Aklat ng mga Awit Pambata); ang mga titik ay kasama sa likod ng manwal na ito.

  4. Kung magagawa mo, ihanda ang isang kopya ng sumusunod na liham para iuwi ng bawat bata. Pasulatan o tulungan ang bawat bata na punan ang patlang ng angkop na salita para sa batang iyon (tulad halimbawa ng “Inay at Itay”). Maging sensitibo sa mga batang hindi kapiling ang kapwa magulang sa tahanan.

    Mahal kong ,

    Nakatanggap na po ba ako ng basbas ng pagkasaserdote? Sana po ay sabihin ninyo sa akin ang tungkol dito.

    Nagmamahal,

  5. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang bote ng inilaang langis.

    2. Mga krayola o lapis para ipanlagda ng mga bata sa mga liham.

    3. Larawan 3-11, Iginagawad ni Juan Bautista ang Pagkasaserdoteng Aaron (62013; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 407); larawan 3-12, Pagpapanumbalik ng Pagkasaserdoteng Melquisedec (62371; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 408); larawan 3-20 Naghahanda ang Isang Ama Upang Basbasan ang Kanyang Anak na Maysakit; larawan 3-21, Binabasbasan ng Isang Ama ang Kanyang Sanggol.

  6. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin sa mga bata kung nagawa nila ang anumang bagay na bagay na hinimok mong gawin nila sa buong linggong ito.

Naipanumbalik ang mga Ordenansa ng Pagkasaserdote

Gawaing pantawag pansin

Ipakita sa mga bata ang ginawa mong windmill na yari sa papel (maaari mong gawin ang windmill sa klase upang ipakita sa kanila kung paano gawin ito kung inaakala mong angkop ito sa iyong klase). Papuntahin sa harapan ng klase ang bawat bata at paihipan ang windmill para paikutin ito.

Gawaing pantawag pansin

  • Ano ang nagpapaikot sa windmill? (Ang kapangyarihan ng hangin.)

  • Ano ang mangyayari kung walang hangin?

Ipaliwanag na ang hangin ay maaaring maging makapangyarihang puwersa. Makahihigop ito ng tubig mula sa lupa, o makapagbibigay ito ng lakas sa malalaking makina. Sabihin sa mga bata na ngayong araw na ito ay matututuhan nila ang tungkol sa isang kapangyarihang mas malakas pa kaysa sa hangin. Paalalahanan sila tungkol sa aralin nila kamakailan lang tungkol sa pagpapanumbalik ng totoong Simbahan ni Jesucristo (tingnan sa aralin 6). Isang mahalagang dahilan kung bakit ipinanumbalik ang ebanghelyo ay upang ipanumbalik ang pagkasaserdote sa daigdig.

Gawaing pantawag pansin

  • Bakit napakahalaga ng pagkasaserdote? (Tulungan ang mga bata na maunawaan na ito ang kapangyarihang kumilos para sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.)

  • Ano ang ibig sabihin ng kumilos para sa Ama sa Langit at kay Jesus? (Gawin ang mga bagay na gagawin nila.)

  • Ano ang ilan sa mabubuting bagay na ginawa ni Jesucristo sa lupa? (Bininyagan siya, nagpagaling ng maysakit, tinulungang makakita ang bulag, binasbasan ang mga bata, inihanda ang sakramento sa unang pagkakataon, at marami pang iba.)

  • Maaari bang gawin ang mga bagay na ito ngayon? (Oo, maaaring gawin at ginagawa sa ngayon. Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang mga bagay na tulad nito ay maaari lang gawin sa pamamagitan ng makatwirang paggamit ng pagkasaserdote at ng sarili nating pananampalataya.)

  • Kung gayon ano ang pagkasaserdote? Ano ang magagawa ng isang taong matwid na iginagalang ang kanyang pagkasaserdote? (Ipaliwanag sa mga bata na kailangan nating tanggapin ang mga tiyak na ordenansa upang makabalik sa ating Ama sa Langit. Ang mga ordenansang ito ay maisasagawa lang sa pamamagitan ng awtoridad at kapangyarihan ng pagkasaserdote.)

  • Ano ang ilan sa mga ordenansang ito ng pagkasaserdote? (Ang sakramento, pagbibinyag, pagpapatibay, ordenasyon sa pagkasaserdote, mga pagbubuklod sa templo, at marami pang iba. Kung kailangan, maglaan ng mga pahiwatig tulad ng, “Ano ang maaaring mangyari kapag walong taong gulang na kayo?”)

    Ang ibang mga ordenansa ay nagdudulot sa atin ng mga biyaya upang tulungan tayo habang nabubuhay dito.

  • Anong mga pagbabasbas ang maaari nating tanggapin mula sa mga nagtataglay ng pagkasaserdote? (Ang mga sagot ay maaaring kabilangan ng pangangasiwa sa maysakit, mga basbas ng ama, at pagpapangalan at pagbabasbas sa mga sanggol. Maaaring kailanganin mong magbigay ng mga pahiwatig.)

    Ipaliwanag na ang mga ordenansa at basbas na ito ay nakakamtan natin sa pamamagitan ng ating pananampalataya, mga panalangin, at tamang awtoridad ng pagkasaserdote.

Mga larawan

Ipakita ang larawan 3-11, Iginagawad ni Juan Bautista ang Pagkasaserdoteng Aaron, at larawan 3-12, Pagpapanumbalik ng Pagkasaserdoteng Melquisedec. Ipahayag ang pasasalamat sa Ama sa Langit at kay Jesucristo para sa pagpapahintulot na maipanumbalik ang mga pagpapalang ito sa pamamagitan ng Propetang si Joseph Smith. Sabihin sa mga bata na sa taong ito ay magkakaroon pa sila ng maraming aralin tungkol sa pagbibinyag, pagpapatibay, sakramento, at sa mga templo. Tiyakin sa mga bata na naiplano na ng Ama sa Langit na makapiling nila ang isang mapagmahal na pamilya sa walang hanggan, at na sa pamamagitan ng mga ordenansang ito ay makababalik sila sa kanya.

Mababasbasan ng Pagkasaserdote ang Lahat

Talakayan

Talakayan

  • Naipatong na ba ng inyong tatay o iba pang maytaglay ng pagkasaserdote ang kanyang mga kamay sa inyong ulo at binigyan kayo ng isang basbas? (Himukin ang mga bata na ibahagi ang kanilang mga karanasan. Alamin kung sino ang nagbigay sa kanila ng basbas at kung para saan ang basbas na iyon.)

Talakayin sa mga bata ang sumusunod na mga punto tungkol sa mga basbas:

Talakayan

  1. Ang isang basbas ay ibinibigay ng isang nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec. Ang isang nagtataglay ng pagkasaserdote ay may kapangyarihan na kumilos para kay Jesucristo. Ang taong ito ay maaaring ang inyong tatay, inyong kapatid na lalaki, iyong lolo, ang obispo o ang pangulo ng sangay, ang mga misyonero, ang inyong tagapagturo sa tahanan, o sinumang karapatdapat na nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec.

  2. Ang lahat ng mga basbas na ibinibigay sa pamamagitan ng awtoridad ng pagkasaserdote ay makatutulong sa atin.

  3. May iba’t ibang uri ng mga basbas.

Sabihin sa mga bata na sa susunod ay matututuhan nila ang tungkol sa dalawang uri ng natatanging basbas ng pagkasaserdote.

Ang mga Nagtataglay ng Pagkasaserdote ay Maaaring Magbasbas at Magpangalan sa mga Sanggol

Larawan

Ipakita ang larawan 3-21, Binabasbasan ng Isang Ama ang Kanyang Sanggol.

Larawan

  • Ano ang nangyayari sa larawang ito? (Isang sanggol ang binabasbasan at binibigyan ng pangalan.)

    Hilingin sa mga bata na isipin ang huling pagkakataon kung kailan nakakita sila ng isang sanggol na binabasbasan.

  • Ano ang nadama ninyo habang binabasbasan ang sanggol? (Himukin ang mga bata na ibahagi ang kanilang mga karanasan at damdamin.)

Ang mga Nagtataglay ng Pagkasaserdote ay Maaaring Mangasiwa sa Maysakit

Saligan ng Pananampalataya

Sabihin sa mga bata na bilang mga kasapi ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling-araw, tayo ay naniniwala sa isa pang uri ng pagbabasbas na tinatawag na pangangasiwa sa maysakit. Ipaliwanag na ang pangangasiwa sa maysakit ay pagbibigay ng basbas. Basahin nang malakas ang ikapitong saligan ng pananampalataya at tulungan ang mga bata na ulitin ang pariralang, “Naniniwala kami sa kaloob na pagpapagaling.” Paalalahanan ang mga bata na ang pagpapagaling ay maaaring maganap pagkatapos ng gayong basbas kapag ito ay kagustuhan ng Ama sa Langit.

Larawan

Ipakita ang larawan 3-20, Naghahanda ang Isang Ama Upang Basbasan ang Kanyang Anak na Maysakit. Ipaliwanag na sa tuwing may magkakasakit, ang mga nagtataglay ng pagkasaserdote ay maaaring magbigay sa kanya ng isang natatanging basbas. Mabuti ang humingi ng isang basbas kapag may sakit tayo. Ipaliwanag ang sumusunod tungkol sa mga basbas para sa maysakit:

Larawan

  1. Maaari ninyong sabihin sa inyong mga magulang kung kayo ay may sakit at nangangailangan ng basbas. Kung ang inyong tatay ay nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec maaaring hilingan niya ang isa pang karapat-dapat na nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec na tulungan siya na bigyan kayo ng basbas. Kung ang tatay ninyo ay hindi nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec, maaari ninyong hilingan ang mga tagapagturo ng inyong tahanan, lolo, tiyo, ang obispo o pangulo ng sangay, o ang mga misyonero para sa basbas.

  2. Ang mga nangangasiwa sa maysakit o nagbibigay ng basbas ay gumagamit ng purong langis ng olibo na inilaan (binigyan ng natatanging basbas) ng dalawang kasapi ng Pagkasaserdoteng Melquisedec. Ipakita sa mga bata ang bote ng inilaang langis.

  3. May dalawang bahagi ang pangangasiwa sa maysakit: Una, ang isa sa mga nagtataglay ng pagkasaserdote ay maglalagay ng kaunting langis sa ibabaw ng ulo ng taong maysakit at bibigkas ng maikling panalangin. Pangalawa ay ipapatong ng dalawang nagtataglay ng pagkasaserdote ang kanilang mga kamay sa ulo ng taong maysakit, at pagtitibayin ang pagpapahid sa pamamagitan ng pag-usal ng isa pang natatanging panalangin, na nilalakipan ng pagbibigay ng pagpapalang binigyang inspirasyon ng Ama sa Langit.

Ipaliwanag sa mga bata na kapag may pananampalataya tayo at tumanggap tayo ng isang basbas ng pagkasaserdote, pagpapalain tayo ng Ama sa Langit ayon sa kanyang kalooban. Palagi niyang gagawin ang pinakamainam para sa ating buhay.

Karanasan ng guro

Magbahagi ng sarili mong karanasan o nalalaman tungkol sa isang taong maysakit na napagaling pagkatapos tumanggap ng isang basbas. Sabihin sa mga bata kung gaano kalaki ang pasasalamat mo sa pagkasaserdote at sa kaloob na pagpapagaling.

Basbas ng Isang Ama

Kuwento

Sabihin sa mga bata ang tungkol sa isa pang natatanging uri ng basbas ng pagkasaserdote sa pamamagitan ng pagbabahagi ng sumusunod na kuwento (sa pagkukuwento at sa pagtalakay ng angkop na alituntunin pagkatapos, maging sensitibo sa mga bata na walang tatay na makapagbibigay sa kanila ng basbas ng pagkasaserdote):

Nag-aalala si Melissa tungkol sa pagsisimula ng klase, kahit na matagal na niya itong hinihintay. Hindi pa nakapapasok sa paaralan si Melissa at hindi niya alam kung ano ang mangyayari. Hindi niya kilala ang guro niya at hindi niya alam kung sinu-sino ang ibang mga bata.

Noong huling gabi bago magsimula ang pasukan, iniladlad ni Melissa ang damit na isusuot niya at naghanda na siyang matulog. Maya-maya ay nagpunta siya sa sala na hinahaplos ang kanyang tiyan. “Hindi maganda ang pakiramdam ko. Parang may sakit ako.” ang sabi niya. Sinabi ng mga magulang ni Melissa na nais nilang tulungan siya na bumuti ang kanyang pakiramdam. Niyakap siya ng kanyang ina. Sinabi ng tatay niya na nauunawaan niya na nag-aalala siya sa pagpasok sa paaralan.

Sinabi ng tatay niya na may ibibigay siya kay Melissa na makatutulong sa kanya para magkaroon siya ng masayang karanasan sa paaralan. Ipinaliwanag niya na mabibigyan niya si Melissa ng natatanging basbas ng ama sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pagkasaserdote.

Sinabi ni Melissa na gusto niyang bigyan siya ng kanyang ama ng basbas ng isang ama. Kaya ipinatong ng kanyang tatay ang mga kamay niya sa ulo ni Melissa at binigyan siya ng isang basbas. Binasbasan niya si Melissa na magkakaroon siya ng maraming kaibigan at magkakaroon siya ng mabait na guro na magmamahal sa kanya at tutulong sa kanyang matuto.

Pagkatapos ng basbas, niyakap ni Melissa ang tatay niya at pinasalamatan siya sa pagbibigay sa kanya ng isang basbas ng ama. Sinabi niya na bumuti na ang pakiramdam niya.

Kuwento

  • Sa anong mga problema ninyo kinailangan ang tulong?

  • Mayroon bang sinuman sa inyo na makapagkukuwento ng isang pagkakataon kung kailan tumanggap kayo ng basbas ng isang ama?

Himukin ang mga bata na humiling ng basbas ng ama sa kanilang tatay sa tuwing magkakaroon sila ng natatanging pangangailangan. Ipaliwanag na kung hindi nagtataglay ng pagkasaserdote ang kanilang ama, ang sinumang karapat-dapat na nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec, gaya ng mga tagapagturo ng tahanan, ang obispo o pangulo ng sangay, ang mga misyonero, o iba pang mga kamag-anak tulad ng mga tiyo o lolo na nagtataglay ng pagkasaserdote ay maaaring magbigay sa kanila ng isang natatanging basbas kapag sila ay nangangailangan. (Maging nakapasensitibo sa mga batang nagmula sa mga tahanan kung saan maaaring hindi tanggap ang pagkasaserdote.)

Awit

Awitin o bigkasin ang mga titik ng awit na “Ang Pagkasaserdote ay Naipanumbalik.”

Buod

Mga liham

Ipasa ang mga liham na inihanda mo. Sabihin sa mga bata kung ano ang isinasaad ng mga liham. Tulungan ang bawat bata na lagyan ito ng wastong address at ilagda ang kanyang pangalan sa ibaba ng liham. Himukin ang mga bata na kausapin ang kanilang mga magulang tungkol sa mga basbas ng pagkasaserdote na tinanggap nila at tungkol sa mga basbas na natutuhan nila sa Primarya.

Patotoo ng guro

Ibigay ang iyong patotoo sa mga bata na ang pagkasaserdote, at ang kapangyarihan nito ay naipanumbalik na sa daigdig at ito ay isang natatanging kaloob mula sa Ama sa Langit upang pagpalain ang ating buhay. Sa pamamagitan ng awtoridad at kapangyarihan ng pagkasaserdote ay matatanggap natin ang mga ordenansa at pagpapalang kailangan upang muling mamuhay sa piling ng Ama sa Langit at mamuhay nang mas mabuti dito sa daigdig.

Anyayahan ang bata na magbibigay ng pangwakas na panalangin na pasalamatan ang Ama sa Langit para sa mga natatanging basbas ng pagkasaserdote.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamainam para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalik-aral o buod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong Para sa Guro.”

  1. Hayaang bakasin ng mga bata ang kanilang mga kamay sa isang piraso ng papel sa pamamagitan ng krayola. Paalalahanan sila na kapag may sakit sila ay maaaring ipatong ng isang nagtataglay ng pagkasaserdote ang kanyang mga kamay sa ating mga ulo upang bigyan tayo ng basbas. Sa alin pang pagkakataon ipinapatong ang mga kamay sa mga ulo natin? (Maaaring naisin ng mas nakatatandang mga bata na sulatan ng sagot ang bawat daliring binakas tulad ng pagpapatibay, mga ordenasyon sa pagkasaserdote, at mga basbas ng ama. Para sa mga mas nakababata, pag-usapan lamang ang iba pang mga basbas.)

  2. Makipag-ayos upang ang isang ama at ang kanyang bagong silang na sanggol ay dumalo sa klase para makipag-usap sa mga bata, Pagsalitain ang ama tungkol sa basbas ng sanggol; pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

    • Ginamit ba sa basbas ang buong pangalan ng sanggol? Ano ang buo niyang pangalan?

    • Sino ang nagbasbas sa sanggol, at anong awtoridad ang taglay niya?

    • Sino ang tumulong sa pagbabasbas, at paano sila tumulong?

    • Bakit mahalagang araw ito para sa sanggol?

    • Anong mga natatanging basbas ang tinanggap ng sanggol? (Talakayin lamang ito kung naaangkop.)

  3. Gumawa at gumupit ng mga simpleng drawing, gaya ng mga nasa kasunod na pahina, na sumasagisag sa mga sagot sa sumusunod na bugtong. Ipasa ang drowing na ginawa mo. Ipataas sa bawat bata ang kanyang drowing at sabihin kung ano ang isinasagisag nito.

    Ipaliwanag na babasahin mo ang ilang bugtong, at magpapasiya ang mga bata kung aling drawing ang sagot sa bugtong. Ipalagay sa batang may hawak ng sagot sa bugtong ang drowing sa tabi ng angkop na larawan ng basbas. (Ang ilang drowing ay maaaring angkop sa higit pa sa isang basbas.)

    1. Ginagamit ako kapag binibigyan ng basbas ang isang taong maysakit. Kaunti ko lamang ang inilalagay ng maytaglay ng pagkasaserdote sa ulo ng taong maysakit. Ano ako? (Inilaang langis.)

    2. Hindi ako makalakad. Hindi ako makapagsalita. Ako ay batang-bata. Kailangan akong mabigyan ng pangalan at basbas. Ano ako? (Isang sanggol.)

    3. Kailangan ko ng natatanging basbas. Mataas ang aking lagnat. Hinilingan ko ang tatay ko na bigyan ako ng basbas para matulungan akong gumaling. Ano ako? (Isang batang maysakit.)

    4. Binigyan ako ng isang natatanging kapangyarihan na tinatawag na pagkasaserdote. Ako ay may mga anak. Maaari kong bigyan ng basbas ng ama ang aking mga anak. Ano ako? (Isang ama.)

    5. Kapag humihingi ng basbas ang isang taong may sakit, kahit paano ay tumatawag ng ilang bilang ng kalalakihan na nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec upang magbigay ng basbas. Ako ang bilang na iyon. Ano ako? (Ang bilang na 2.)

    6. Kapag ang kalalakihan na nagtataglay ng pagkasaserdote ay nagbabasbas ng isang sanggol, nagbabasbas sa maysakit, o nagbibigay ng basbas ng isang ama, ako ay ginagamit nila. Ipinapatong nila ako sa ulo ng tao o ginagamit ako upang hawakan ang sanggol. Ano ako? (Mga kamay.)