Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 6: Ang Simbahan ni Jesucristo ay Naipanumbalik


Aralin 6

Ang Simbahan ni Jesucristo ay Naipanumbalik

Layunin

Tulungan ang bawat bata na maunawaan na ang totoong Simbahan ni Jesucristo ay naipanumbalik.

Paghahanda

  1. Pag-aralan ang Amos 3:7.

  2. Kung may makukuha sa inyong lugar, makipag-ayos upang maipalabas ang Joseph Smith: The Man (9 na minuto), sa videocassette na Moments from Church History (53145).

  3. Maghandang awitin o bigkasin ang mga titik sa “Ang Pagkasaserdote ay Naipanumbalik” (Aklat ng mga Awit Pambata); ang mga titik ay kasama sa likod ng manwal na ito.

  4. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Doktrina at mga Tipan at isang Biblia.

    2. Isang kaakit-akit na bagay o larawan, gaya ng isang bulaklak, kabibe, o magandang larawan mula sa aklatan ng bahay-pulungan.

    3. Tisa, pisara, at pambura.

    4. Mga papel na irorolyo at gagawing mga torotot.

    5. Larawan 3-10, Ang Unang Pangitain (62470; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 403); larawan 3-11, Ipinagkakaloob ni Juan Bautista ang Pagkasaserdoteng Aaron (62013; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 407); larawan 3-12, Pagpapanumbalik ng Pagkasaserdoteng Melquisedec (62371; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 408); larawan 3-13, Batang Lalaki na Binibinyagan (62018); at larawan 3-14, Batang Babae na Pinagtitibay (62020).

  5. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin sa mga bata kung nagawa nila ang anumang bagay na hinimok mong gawin nila sa loob ng linggong ito.

Ang Totoong Simbahan ay Naipanumbalik

Gawaing pantawag pansin

Basahin ang Apocalipsis 14:6–7 sa mga bata. Ipaliwanag na ang anghel sa banal na kasulatang ito ay ang anghel na si Moronias, na nagpakita kay Joseph Smith at nagpahayag na ang ebanghelyo ay ipanunumbalik. Iparolyo sa mga bata ang mga papel at gawing mga “torotot.” Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagkukunwaring isang anghel na nagpapahayag na ang Simbahan ay naipanumbalik.

Larawan at talakayan

Ipakita ang larawan 3-13, Batang Lalaki na Binibinyagan.

Larawan at talakayan

  • Ano ang mangyayari kung walang sinumang mabibinyagan? (Walang sinumang magiging miyembro ng Simbahan ni Jesucristo.)

Sabihin sa mga bata na noong nabuhay si Jesus sa lupa ay nais niyang matutuhan at masunod ng mga tao ang mga kautusan niya. Ang mga aral na ito ay makatutulong sa mga tao na malaman kung ano ang kailangan nila para makabalik at manirahang muli sa piling niya at ng Ama sa Langit. Itinatag ni Jesus ang kanyang simbahan para tulungan ang mga tao na matutuhang ipamuhay ang mga aral niya. Pagkatapos mamatay si Jesus at ang kanyang mga Apostol ay hindi namuhay ang mga tao ayon sa itinuro ni Jesus. Binago ng mga tao ang mga aral niya kaya’t nawala ang totoong simbahan. Kinuha ni Jesus ang kanyang pagkasaserdote mula sa mga tao sa lupa. Ang ibig sabihin nito ay hindi na mabibinyagan ang mga tao sa pamamagitan ng tamang awtoridad. At kung wala ang awtoridad na iyon ng pagkasaserdote, hindi matatanggap ng mga tao ang kaloob na Espiritu Santo, hindi sila maibubuklod sa templo bilang isang pamilya, o hindi magkakaroon ng propeta na makikipag-usap sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa lupa.

Larawan at talakayan

Ipakita ang larawan 3-10, Ang Unang Pangitain.

Larawan at talakayan

  • Sino ang nasa larawang ito? (Ang Ama sa Langit, si Jesus, at si Joseph Smith.)

  • Ano ang nangyari nang manalangin si Joseph Smith upang malaman kung aling simbahan ang totoo? (Nagpakita sa kanya ang Ama sa Langit at si Jesus. Sinabi sa kanya ni Jesus na huwag sumapi sa alinman sa mga simbahan dahil wala ni isa sa mga ito ang totoo.

Ipaliwanag sa mga bata na ang totoong simbahan ay wala pa sa lupa noong panahong iyon. Nais ni Jesus na ipanumbalik sa lupa ang mga aral niya at ang kanyang simbahan.

Pakay aralin

Pakay aralin

  • Ano ang ibig sabihin ng salitang ipanumbalik? (Ibalik muli ang isang bagay sa dati nitong katayuan.)

Pagkatapos sumagot ng mga bata ay ibigay ang mga sumusunod na halimbawa:

Ipakita ang bagay o larawan na dinala mo. Talakayin kung bakit sa palagay mo ay kaakit-akit at kapaki-pakinabang ang bagay na ito at hilingin sa mga bata na ibahagi ang mga damdamin nila. Pagkatapos ay anyayahan ang isang bata na kunin ang bagay at hawakan ito sa hindi nakikita ng ibang mga bata.

Pakay aralin

  • Gusto ba ninyong maibalik muli sa atin ang magandang bagay o larawang ito at ilagay sa lugar na makikita natin?

Ipabalik muli sa bata ang bagay sa lugar kung saan ay makikita itong muli ng klase. Ipaliwanag na naibalik ang bagay sa dati nitong kinalalagyan. Ituro na ang ibig sabihin ng ibalik ay gawing katulad pa rin ng dati ang isang bagay. Paalalahanan ang mga bata na kahit na itinatag ni Jesus ang kanyang Simbahan sa paraang nais niya ay inalis pa rin ng mga tao ang mga katotohanan pagkatapos mamatay si Jesus at ang kanyang mga Apostol. Gusto ni Jesus na maibalik ang kanyang mga aral, kanyang Simbahan, at ang kanyang awtoridad na magbinyag ng mga tao, na katulad mismo noong nasa lupa pa siya.

Talakayan

Sabihin sa mga bata na pinili ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang isang batang lalaki na masunurin at mapagkakatiwalaan upang tulungan siyang maipanumbalik ang kanyang Simbahan.

Talakayan

  • Sino ang batang lalaki na ito? (Joseph Smith.)

Iturong muli ang larawan ng Unang Pangitain, at ipaliwanag na sa tuwing nasa lupa ang totoong Simbahan, ang Panginon ay pumipili ng isang propeta upang pamunuan ito. Pinili ni Jesus si Joseph Smith upang maging unang makabagong propeta.

Videocassette at talakayan

Kung may makukuha, ipalabas ang Joseph Smith: The Man.

Videocassette at talakayan

  • Ano ang isang propeta?

Ipaliwanag na ang isang propeta ay isang taong binigyan ni Jesus ng mga tagubilin para sa kanyang Simbahan.

Talakayan sa banal na kasulatan

Tulungan ang mas nakatatandang bata na basahin nang malakas ang Amos 3:7 o kaya ay ikaw mismo ang magbasa nito. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “ihahayag ang kaniyang lihim” ay magbigay ng mga tagubilin sa kanyang propeta sa pamamagitan ng mga pangitain, panaginip, o iba pang pahayag.

Talakayan sa banal na kasulatan

  • Kanino ibinibigay ni Jesucristo ang kanyang mga tagubilin? (Sa buhay na propeta.)

Ipaliwanag na ang propeta ang nagsasabi sa mga tao tungkol sa nais ipagawa ni Jesus sa kanila. Tinutulungan tayo ng mga propeta na piliin ang tama upang makabalik tayo at mamuhay sa piling ng Ama sa Langit at ni Jesus.

Ipakita sa mga bata ang isang kopya ng Doktrina at mga Tipan.

Ipaliwanag na ibinigay ni Jesus kay Joseph Smith ang karamihan sa mga salitang nakasulat sa aklat na ito. Ang ilan sa mga salitang ito ay nagsabi kay Joseph tungkol sa totoong Simbahan ni Jesus. Mula sa mga banal na kasulatang ito ay malalaman natin na ipinanumbalik ni Jesus ang totoong Simbahan sa pamamagitan ni Joseph Smith.

Tinanggap ni Joseph Smith ang Pagkasaserdote

Talakayan

Ipaliwanag sa mga bata na bago makatulong si Joseph Smith sa pagpapanumbalik ng Simbahan ay kinailangan munang mabigyan siya ng natatanging kapangyarihan—ang karapatang kumilos para kay Jesus.

Talakayan

  • Alam ba ninyo kung ano ang tawag sa kapangyarihang ito? (Ang pagkasaserdote.)

Larawan at talakayan

Isalaysay ang sumusunod na kuwento kung paano tinanggap ni Joseph Smith ang pagkasaserdote.

Napag-alaman nina Joseph Smith at Oliver Cowdery ang tungkol sa pagbibinyag habang isinasalin ang Aklat ni Mormon. Nais nilang mabinyagan sa totoong Simbahan. Lumuhod sila at nanalangin sa Ama sa Langit. Maya-maya ay nagpakita sa kanila ang isang mensaherong mula sa langit.

Ipakita ang larawan 3-11, Ipinagkakaloob ni Juan Bautista ang Pagkasaserdoteng Aaron.

Ipaliwanag na ang sugo ay si Juan Bautista, ang taong nagbinyag kay Jesus. Nang magpakita siya kina Joseph at Oliver, sila ay tinuruan niya ng tungkol sa pagbibinyag. Ibinigay niya sa kanila ang kapangyarihang magbinyag. Ang kapangyarihang ito ay tinatawag na Pagkasaserdoteng Aaron. Pagkatapos ay sinabihan sila ni Juan Bautista na binyagan nila ang isa’t isa sa katulad na paraan noong bininyagan niya si Jesus. Una ay bininyagan ni Joseph si Oliver sa kalapit na ilog at pagkatapos ay bininyagan ni Oliver si Joseph.

Ang tamang paraan ng pagbibinyag ay ipinanumbalik sa daigdig, katulad na katulad ng itinuro ni Jesus.

Mga larawan at talakayan

Ipakita ang larawan 3-12, Pagpapanumbalik ng Pagkasaserdoteng Melquisedec.

Ipaliwanag na pagkaraan ng ilang linggo ay may tatlong iba pang mensahero na nagpakita kina Joseph at Oliver. Ang mga kalalakihang ito ay tatlo sa mga Apostol ni Jesus noong nabubuhay pa siya sa daigdig at ang mga pangalan nila ay Pedro, Santiago, at Juan. Ipinatong nila ang mga kamay nila sa ulo nina Joseph at Oliver at ibinigay sa kanila ang Pagkasaserdoteng Melquisedec. Ang pagkasaserdoteng ito ay nakahihigit sa Pagkasaserdoteng Aaron at nagbibigay ng awtoridad sa kalalakihan upang makagawa ng maraming magagandang bagay sa pangalan ni Jesucristo, gaya ng pagbabasbas sa mga taong may sakit, pagbibigay ng basbas ng ama sa mga anak, at pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo.

Ang kapangyarihan ng Pagkasaserdote ay nagpapahintulot sa atin na mabinyagan at mapagtibay bilang mga miyembro ng Simbahan at mabigyan ng kaloob na Espiritu Santo. Ipakitang muli ang larawan 3-13, Batang Lalaki na Binibinyagan, at larawan 3-14, Batang Babae na Pinagtitibay. Ang kapangyarihang ito ay ginagamit din upang pagalingin ang mga may sakit at ibuklod ang mga pamilya sa templo upang manatili sila bilang mga pamilya sa walang hanggan kung mamumuhay sila nang wasto.

Awit

Awitin o bigkasin ang mga titik sa awit na, ‘Ang Pagkasaserdote ay Naipanumbalik.”

Magbigay ng patotoo sa mga bata na ang pagkasaserdote ay nasa daigdig na muli. Ang kapangyarihang kumilos para kay Jesus ay ipinanumbalik sa pamamagitan ni Joseph Smith. Ginamit ni Joseph ang kapangyarihang ito upang itatag ang totoong Simbahan ni Jesus. Ang pagkasaserdoteng ito ay nanatili sa totoong Simbahan mula noon.

Awit

  • Ano ang tawag sa totoong simbahan ni Jesucristo? (Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling-araw.)

Ipaulit sa mga bata ang pangalan ng Simbahan. Ipaliwanag na ito ay tinatawag na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling-araw dahil ito ang totoong simbahan ni Jesus na ibinalik niya sa mga huling araw. Ang ibig sabihin ng mga huling-araw ay ngayon, o ang panahon natin sa ngayon.

Buod

Saligan ng pananampalataya

Ipaliwanag na tayo din ay may pribilehiyo na maging mga miyembro ng simbahang itinatag ni Jesus noong siya ay nasa daigdig pa. Kung minsan ay tinatawag nating “Sinaunang Simbahan” ang Simbahan na itinatag ni Jesus noon (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:6).

Banggitin ang ikaanim na saligan ng pananampalataya at ipaulit ito sa mga bata na kasabay mo. Himukin ang mga marunong magsaulo na sauluhin ang lahat o ang bahagi lamang nito.

Talakayan sa pisara

Hilingan ang mga bata na mag-isip ng ilang natatanging dahilan kung bakit gusto nilang maging mga miyembro ng tanging totoong Simbahan sa mundo. Isulat sa pisara ang mga sagot na katulad ng sumusunod:

Talakayan sa pisara

  1. Upang sundin ang Ama sa Langit.

  2. Para magabayan tayo ng mga aral ni Jesus.

  3. Para mapatawad ang mga kasalanan natin.

  4. Upang tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo.

  5. Upang makabalik at mamuhay sa piling ng Ama sa Langit at ni Jesus.

  6. Upang maging kasapi ng kaharian ng Diyos sa lupa.

Patotoo

Ipahiwatig ang iyong patotoo sa mga bata tungkol sa kung bakit sa palagay mo ay isang pribilehiyo ang maging isang kasapi ng totoong simbahan ni Jesus. Ilarawan sa mga bata ang kaligayahang naidulot ng Simbahan sa iyong buhay at ang iyong pasasalamat na nakasapi ka sa Simbahan.

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pangwakas na panalangin.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamainam para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalik-aral o buod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong Para sa Guro.”

  1. Sabihin sa mga bata na dahil naibalik na sa lupa ang totoong Simbahan ni Jesus ay matututuhan natin ang mga bagay na itinuro ni Jesus noong siya ay nasa daigdig. Tayong lahat ay may pagkakataong maging miyembro ng Simbahan niya.

    Isalaysay ang sumusunod na kuwento sa sarili mong pananalita o ipasadula ito sa mga bata:

    “Ang pangalan ko ay lla Marie Goodey. Ako ay labing-apat na taong gulang at labing-isang taon na akong may polyo…. Ako ay namamalagi sa Primary Children’s Hospital sa Lungsod ng Salt Lake….

    “Naaalala ko na mula noong magkaisip ako ay itinanim na sa isipan ko ng aking mga magulang na ang pinakamahalagang bagay sa buhay ko ay ang aking Simbahan at ang aking Ama sa Langit.… Natutuhan kong mahalin [ang] Simbahan nang buong puso ko…

    “Itinuro sa akin ng mga magulang ko kung gaano kahalaga ang pagbibinyag, kaya’t sabik na sabik ako sa sarili kong binyag. Nang sa wakas ay naging walong taong gulang na ako, nasa ospital ako at sinabi ng doktor na hindi ako puwedeng umalis sa ospital kahit na para magpabinyag lang. Labis akong nalungkot at nagmakaawa sa tatay ko na pabinyagan ako habang walong taong gulang pa ako. Ngunit parang kailangan ko pang maghintay hanggang sa gumaling ako at makalabas, at walang nakaaalam kung kailan mangyayari iyon.

    “Pagkatapos, [bago ang ikasiyam na kaarawan ko], ang mga magulang ko … at iba pang mga kamag-anak at kaibigan ay nagpunta sa ospital, at bininyagan ako … sa tangke ng [tubig] ng silid namin sa physical therapy. Pinagtibay akong miyembro ng Simbahan na minamahal ko….

    “Ngayon, anim na taon na ang nakararaan, ay nahilingan akong isulat ang kuwentong ito para ipakita sa iba kung gaano kahalaga sa akin ang pagbibinyag.

    “… Gusto kong … sabihin sa inyo kung gaano ang pasasalamat ko na maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling-araw” (lla Marie Goodey, “I Was Baptized in a Hubbard Tank,” Children’s Friend , Ene. 1963, p. 30).

  2. Ipakuwento sa mga bata ang tungkol sa isang binyag na nasaksihan nila, gaya ng sa isang nakatatandang kapatid na lalaki o babae.

  3. Hayaang gumuhit ang mga bata at kulayan ang isang bagay na magpapaalala sa kanila tungkol sa pagpapanumbalik ng Simbahan, gaya ng isang torotot upang ihayag ang Pagpapanumbalik o ang pananalangin ni Joseph Smith sa isang kakahuyan.