Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 34: Tayo ay Maaaring Manalangin sa Ama sa Langit


Aralin 34

Tayo ay Maaaring Manalangin sa Ama sa Langit

Layunin

Palakasin ang pagnanais ng bawat bata na manalangin sa Ama sa Langit tulad ng ginawa ni Jesucristo.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang 3 Nefias 17 hanggang 19.

  2. Maghandang awitin o bigkasin ang mga titik sa ‘Ama sa Langit, Salamat sa Inyo” (Mga Himno at Awit Pambata).

  3. Maghanda ng isang piraso ng papel para sa bawat bata tulad ng sumusunod:

    Ako ay Ako ay Nagpapasalamat sa Inyo

    Humihiling sa Inyo

  4. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Aklat ni Mormon.

    2. Isang lapis o krayola para sa bawat bata.

    3. Larawan 3-60, Nananalangin ang Batang Babae (62310); at larawan 3-61. Si Jesus ay Nananalanging Kasama ng mga Nefita (62542).

  5. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin sa mga bata kung nagawa nila ang anumang bagay na hinimok mong gawin nila sa loob ng linggong ito.

Tayo ay Maaaring Makipag-usap sa Ating Ama sa Langit

Gawaing pantawag Pansin

Ipakita ang larawan 3-60, Nananalangin ang Batang Babae.

Gawaing pantawag Pansin

  • Paano natin maaaring makausap ang ating Ama sa Langit?

  • Bakit tayo nananalangin sa ating Ama sa Langit?

  • Kailan tayo maaaring manalangin sa ating Ama sa Langit?

Dahil mahal na mahal tayo ng Ama sa Langit, ginawa niyang maaari para sa atin na makipag-usap sa kanya. Gusto niyang pasalamatan natin siya para sa ating mga pagpapala. Gusto rin niyang hingin natin ang kanyang tulong kailanman natin ito kailangan.

Tayo ay Maaaring Magpasalamat sa Ating Ama sa Langit

Talakayan

Ipaliwanag na kapag tayo ay nananalangin, dapat nating pasalamatan ang Ama sa Langit para sa ating mga pagpapaia.

Talakayan

  • Ano ang ilang pagpapala na ibinigay sa atin ng Ama sa Langit na maaari nating pagpasalamatan sa Kanya? (Maaaring isama sa mga sagot ang ating mga tahanan, pamilya, ang magandang daigdig, pagkain, at damit.)

Kapag tayo ay nakikipag-usap sa Ama sa Langit, tayo ay gumagamit ng mga natatanging salita. Kapag pinasasalamatan natin siya, sinasabi nating, “Nagpapasalamat kami sa inyo.”

Pahintulutan ang mga bata na sabihin sa klase kung paano nila pasasalamatan ang Ama sa Langit para sa tiyak na pagpapala. Hilingan ang bawat bata na mag-isip ng isang bagay na maaaring ipagpasalamat sa Ama sa Langit na ginagamit ang mga salitang Nagpapasalamat po ako sa inyo.

Kuwento

Hayaang makinig ang mga bata habang inilalahad mo sa iyong sariling mga salita ang sumusunod na kuwento tungkol kay Jean at kung paano niya naalalang pasalamatan ang Ama sa Langit.

Panahon ng digmaan noon sa Inglatera. Madilim kaya si Jean ay natatakot. Ang kanyang lola ay nakatira sa isang maliit na baryo malapit sa London, at papunta na si Jean doon upang dalawin siya. Kinailangan niyang magbisikleta nang tatlong kilometro upang marating ang pangunahing kalsada. Si Jean ay nanalangin nang buong-puso na siya’y maging ligtas.

Habang siya ay nagbibisikleta at nananalangin, isang malakas, malamig na hangin ang halos pumatid sa kanyang hininga. Si Jean ay muling nanalangin para sa kaligtasan at magawa niyang makita ang daraanan.

Walang anu-ano’y may liwanag na lumitaw sa burol. Nagpatuloy si Jean sa pagbibisikleta patungo sa liwanag. Nanatiling naroroon sa harapan niya ang liwanag na iyon sa kanyang buong paglalakbay.

Malaking-malaki ang pasasalamat ni Jean. Alam niyang sinagot ng Ama sa Langit ang kanyang panalangin. Sa tuwing maaalala niya ito, muli niyang pinasasalamatan ang Ama sa Langit. (Tingnan sa “The Light,” ni Lucile C. Reading, Children’s Friend, Ago. 1965, p. 45.)

Bigyang-diin na tulad ng pag-alaala ni Jean na pasalamatan ang Ama sa Langit, ang bawat isa sa atin ay dapat na maalalang pasalamatan siya sa lahat ng ibinibigay niya at sa tulong na ating tinatanggap.

Awit at talakayan

Awitin o bigkasing kasama ng mga bata ang unang talata ng “Ama sa Langit, Salamat sa Inyo.”

Ama sa Langit, salamat sa inyo.

Sa kabutihan, awa’t pag-ibig N’yo.

Sa tahanan, kaibiga’t magulang,

At sa bawat biyayang nakakamtan.

Hilingan ang mga bata na ibahagi ang ibang biyaya na kanilang pinasalamatan sa Ama sa Langit.

Tayo ay Maaaring Humingi ng Tulong sa Ama sa Langit

Larawan at patotoo

Ituro ang larawan 3-60, Nananalangin ang Batang Babae.

Ibigay ang iyong patotoo na kahit na ano pang suliranin mayroon tayo, maaari tayong humingi ng tulong sa Ama sa Langit kailanman natin kailangan ito.

Larawan at patotoo

  • Ano ang ilang bagay kung saan ay maaari nating hingin ang tulong ng Ama sa Langit? (Bigyan ng panahon ang mga bata na mag-isip. Maaaring isama sa mga sagot ang tulong sa pagbibigay ng pananalita o paggawa ng gawain sa paaralan, tulong na maunawaan at matutuhang sundin ang mga kautusan, natatanging proteksiyon, at tulong upang gumaling sa karamdaman.)

Ipakuwento sa mga bata ang mga pagkakataon nang sila ay nanalangin para sa isang tao, tulad ng mga miyembro ng pamilya, kaibigan, o kapitbahay.

Ang mga natatanging salita na ginagamit natin kapag humihingi tayo ng tulong sa Ama sa Langit ay Hinihiling ko po sa inyo. Ipaulit ang mga salitang ito sa mga bata.

Awit

Awitin o bigkasin ang mga salita sa ikalawang talata ng “Ama sa Langit, Salamat sa Inyo.” Hilingan ang mga bata na makinig sa mga salita at sabihin kung ano ang maaari nilang hilingin sa Ama sa Langit.

Tulungang maging mabuti’t mabait.

At sa ‘king ama at ina’y makinig.

Sa ngalang Jesus ako’y pagpalain,

Bilang anak N’yo ako’y kalingain.

Dapat Tayong Manalangin nang Madalas, Tulad ng Ginawa ni Jesucristo

Paglalahad ng guro

Ituro na si Jesucristo ay nanalangin nang maraming beses sa Ama sa Langit nang siya ay nabuhay sa lupa. Pagkatapos ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, siya ay nanalangin din sa Ama sa Langit. Nang dalawin ni Jesucristo ang mga Nefita, sila ay tinuruan at pinagpala niya. Siya rin ay nanalangin para sa mga tao at tinuruan sila na dapat din silang manalangin.

Larawan

Ipakita ang larawan 3-61, Si Jesus ay Nananalanging Kasama ng mga Nefita.

Ipaliwanag na sinasabi sa Aklat ni Mormon na tinipon ni Jesucristo ang mga tao sa paligid niya at sila ay pinaluhod. Nang sila ay lumuhod na sa lupa, siya rin ay lumuhod at nanalangin sa Ama sa Langit. Siya ay nagbigay ng napakagandang panalangin kaya nang marinig nila ang kanyang mga salita, ang mga tao ay napuspos ng kagalakan.

Pagkatapos silang maturuan ni Jesucristo ng maraming kahanga-hangang bagay, tinuruan niya sila na dapat silang manalangin tulad ng ginawa niya.

Talakayan sa banal na kasulatan

Basahin ang 3 Nefias 18:16.

Talakayan sa banal na kasulatan

  • Ano ang sinasabi sa talatang ito ng banal na kasulatan na itinuro ni Jesucristo sa mga Nefita? (Sila ay tinuruan niyang manalangin.)

Ipaliwanag na iniwan ni Jesucristo ang mga Nefita, pero siya ay bumalik sa ikalawang pagkakataon. Nang siya ay bumalik, muli siyang nanalangin sa Ama sa Langit upang pasalamatan siya sa pagtulong sa kanyang mga disipulong Nefita. Hiniling din niya sa Ama sa Langit na basbasan ang mga tao. Si Jesucristo ay nanalangin nang maraming ulit habang siya ay kasama ng mga Nefita. Ang ilan sa kanyang mga panalangin ay nakatala sa Aklat ni Mormon. Sinasabi sa atin ng Aklat ni Mormon na ang ilan sa mga panalangin na kanyang ibinigay ay napakaganda kung kaya’t hindi maaaring isulat ang mga ito.

Ipaliwanag na dapat gawin ng bawat isa sa atin ang mga bagay na itinuro ni Jesucristo sa mga Nefita at manalangin nang madalas sa Ama sa Langit.

Talakayan sa banal na kasulatan

  • Kailan tayo maaaring manalangin sa Ama sa Langit? (Bigyan ng pagkakataong sumagot ang mga bata, at talakayin ang iba’t ibang pagkakataon na maaaring manalangin ang mga bata, kabilang na sa tuwing umaga at gabi, sa oras ng pagkain, kasama ng kanilang mga pamilya, o kailanman na sila ay may mga problema o nangangailangan ng natatanging tulong.)

  • Ano ang mga natatanging salita na ginagamit natin kapag nakikipag-usap tayo sa Ama sa Langit?

Ipaulit sa mga bata ang “Nagpapasalamat po ako sa inyo” at “Hinihiling ko po sa inyo.” Hikayatin ang mga bata na gumamit ng ibang naaangkop na salita para sa panalangin. Maaari nilang sanaying gamitin ang “kayo,” “ninyo,” at “inyo.”

Buod

Gawain

Ibigay sa mga bata ang mga papel na iyong inihanda at isang lapis o krayola. Hilingan ang bawat bata na gumuhit ng larawan sa bawat kalahati ng papel na ipinapakita kung ano ang kanyang pasasalamatan at kanyang ipapanalangin.

Patotoo ng guro

Ibahagi sa mga bata ang iyong patotoo tungkol sa panalangin. Bigyang-diin na isang napakalaking pagpapala na tayo ay makapanalangin sa Ama sa Langit upang pasalamatan siya at humingi ng tulong sa kanya. Anyayahan ang mga bata na manalangin araw-araw, at paalalahanan na maaari silang manalangin anumang oras at saan man nila gusto.

Para sa paghahanda sa pangwakas na panalangin, magpamungkahi sa mga bata ng mga bagay na maaaring pasalamatan sa Ama sa Langit ng taong magbibigay ng panalangin. Magpamungkahi rin sa kanila ng mga bagay na maaari nilang hilingin.

Ikaw mismo ang magbigay ng pangwakas na panalangin na inaalaala ang mga ideya na iminungkahi ng klase.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamainam para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalik-aral o buod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong Para sa Guro.”

  1. Bigkasin ang sumusunod na tula na ginagawa ang mga galaw. Pagkatapos ay ulitin ito na kasama ng mga bata na ginagawa ang mga galaw.

    Maraming salamat sa araw na maliwanag, (itaas ang mga kamay, pinagdidikit ang mga daliri upang ihugis araw)

    Sa mga ibong nag-aawitan sa umaga, (iunat ang mga kamay sa tagiliran na parang mga ibong lumilipad)

    Sa mga batang masasaya kahit saan, (ngumiti)

    At sa inyong pagmamahal aming Ama. (iyuko ang ulo, itiklop ang mga kamay, na parang nananalangin)

  2. Sabihin sa iyong sariling mga salita ang sumusunod na kuwento tungkol sa kung paano nasagot ang panalangin ng isang maliit na batang lalaki.

    Isang walong-taong-gulang na batang lalaki ang nasa operating table ng isang ospital. Ang kanyang mga magulang ay patay na, pero siya ay natutong manalangin. Alam niyang maselan ang operasyon. Hinilingan niya ang doktor na mag-oopera sa kanya, “Doktor, bago kayo magsimulang mag-opera, puwede bang ipagdasal ninyo ako?” Nagtatakang napatingin ang doktor na mag-oopera sa batang lalaki at sinabi, “Bakit, hindi kita puwedeng ipagdasal,”

    Pagkatapos ay tinanong ng batang lalaki ang ibang mga doktor na tumutulong, at lahat ay iisa ang sagot. Sinabi ng batang lalaki, “Kung hindi ninyo ako ipagdarasal, puwede po ba kayong maghintay habang nananalangin ako para sa aking sarili?” Siya ay lumuhod sa operating table, itiniklop ang mga kamay, at sinabi, “Ama sa Langit, isa po lamang akong ulilang maliit na batang lalaki, pero malubha po ang aking sakit at ang mga doktor pong ito ang mag-oopera. Pakiusap po na tulungan silang gawin ito nang tama. At ngayon, Amang nasa Langit, kung inyo po akong pagagalingin. ako po ay magiging mabuting bata. Salamat po sa pagpapagaling ninyo sa akin.”

    Nang matapos siyang manalangin, ang mga doktor at nars ay naluha. Ang batang lalaki ay humiga sa operating table at sinabing, “Handa na po ako.” (Iniangkop mula sa, Sharing the Gospel with Others, ni George Albert Smith, pinili ni Preston Nibley [Salt Lake City: Deseret Book Co., 1948], p. 144–45.)

  3. Gumawa ng pang-isang linggong tsart ng panalangin para sa bawat bata sa isang kalahating piraso ng papel upang malagyan niya ito ng marka sa umaga at gabi kapag siya ay nananalangin. Sa isa pang kalahati ng papel, ipaguhit sa bawat bata ang kanyang sariling larawan na nananalangin. Anyayahan ang bawat bata na ilagay ang tsart ng kanyang panalangin sa kanyang tahanan kung saan maaari niyang makita at maalalang markahan ito sa umaga at gabi.

  4. Pagbalik-aralan na kasama ng mga bata ang unang saligan ng pananampalataya.