Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 8: Ang Simbahan ni Jesucristo ay may mga Propeta na Magtuturo sa Atin


Aralin 8

Ang Simbahan ni Jesucristo ay may mga Propeta na Magtuturo sa Atin

Layunin

Tulungan ang mga bata na maunawaan ang kahalagahan ng pakikinig at pagsunod sa mga aral ng mga propeta.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Lucas 1:70.

  2. Hilingan ang isang maytaglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec mula sa purok o sangay ninyo na dumalo sa klase at sabihin sa mga bata na magpapanggap siya na si Haring Benjamin. (Maaaring naisin niyang magsuot ng isang batang pampaligo o anumang kahawig nito at ipatong na lamang sa kanyang damit na suot para sumagisag sa damit ng hari.) Hilingin sa kanyang ipakilala ang kanyang sarili bilang si Haring Benjamin. Sabihing ipaliwanag niya sa mga bata na siya ay matwid na hari na nagtrabaho upang matustusan ang kanyang sarili at para hindi siya maging pabigat sa kanyang mga tao. Hilingin sa kanya na sandaling ipaliwanag na nagpatayo siya ng isang tore at nagdatingan ang mga tao mula sa malayo at kalapit na lugar upang pakinggan ang kanyang mensahe. Hilingin sa kanya na sandaling ituro sa mga bata ang isang alituntunin na itinuro ni Haring Benjamin (tingnan sa Mosias 2–5).

  3. Isulat ang bawat isa sa mga sumusunod na aral mula sa mga propeta at mga Pangulo ng Simbahan sa magkakahiwalay na piraso ng papel o kumuha ng larawan na sumasagisag sa bawat isa. Ilagay ang mga papel sa isang lalagyan (o pataob na ilagay sa mesa ang mga larawan.) Magdagdag pa ng mga aral kung kailangan upang magkaroon ng pagkakataon ang bawat bata.

    “Magdaos ng gabing pantahanan ng mag-anak.”

    “Pag-aralan ang mga banal na kasulatan.”

    “Magsimba tuwing Linggo.”

    “Manalangin araw-araw.”

    “Huwag kunin ang mga bagay na pag-aari ng iba.”

    “Igalang ang mga magulang mo sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila sa tahanan.”

    “Magbayad ng ikapu.”

    “Mahalin ang bawat isa.”

  4. Ilagay sa mesa o kahit saan sa harapan ng klase ang isang kopya ng magasin ng Simbahan na naglalaman ng mensahe mula sa propeta. Bago magklase, magtago ng mga piraso ng papel na nasusulatan ng mga pahiwatig [clue] tungkol sa kinalalagyan ng magasin. Ilagay ito sa paligid ng silid, tulad halimbawa sa ilalim ng isang upuan, sa bintana, at sa pisara. Ang bawat pahiwatig ay dapat magsaad kung saan makikita ang kasunod na pahiwatig. Ang huling pahiwatig ay dapat magtuon sa atensiyon nila pabalik sa magasin na nakalantad. Guhitan o kahit paano ay markahan sa magasin ang isang maikling mensahe mula sa propeta na maiintindihan ng mga bata.

  5. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Biblia.

    2. Isang larawan ng kasalukuyang propeta.

    3. Larawan 3-19, Pangulong David O. McKay.

  6. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin sa mga bata kung nagawa nila ang anumang bagay na hinimok mong gawin nila sa loob ng linggong ito.

Ang Simbahan ni Jesucristo ay Pinamumunuan ng Isang Propeta

Gawaing pantawag pansin

Sabihin sa mga bata na sila ay may mahalagang panauhin sa klase ngayon. Hilingin sa kanilang makinig na mabuti sa kanyang mensahe dahil sasabihin niya sa kanila ang tungkol sa isang matwid na hari at propeta. Pagkatapos magsalita ng panauhin, anyayahan ang mga bata na makipagkamay sa kanya at pasalamatan siya sa pagdating.

Talakayan sa banal na kasulatan

Hilingin sa mga bata na makinig sa isang banal na kasulatan at tingnan kung may matututuhan sila tungkol sa mga propeta. Basahin ang Lucas 1:70. Tulungan silang maunawaan na kung minsan tayo ay tinuturuan ng Panginoon sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanyang mga propeta kung ano ang kailangan nating malaman, at ang Simbahan ay palaging pinamumunuan ng isang propeta.

Talakayan sa banal na kasulatan

  • Sino ang unang propeta sa mundong ito? (Adan.)

  • Sino ang unang propeta sa huling araw? (Joseph Smith.)

  • Sino ang ating propeta at Pangulo ng Simbahan ngayon? (Ipakita ang kanyang larawan at papagsanayin ang mga bata sa pagbigkas ng kanyang pangalan.)

  • Sinong mga propeta sa Biblia at Aklat ni Mormon ang mababanggit ninyo?

  • Maaari bang piliin ng kahit sino na maging propeta? (Tingnan sa Juan 15:16.)

Ipaliwanag na hindi lahat ay tinatawag na maging propeta. Si Jesucristo mismo ang pumipili kung sino ang magiging propeta niya. Kapag pumipili ng isang propeta si Jesucristo ay ibinibigay niya sa propetang ito ang lahat ng awtoridad na kakailanganin niya upang mamuno sa Simbahan. Ang propetang ito ang Pangulo rin ng Simbahan.

Binigyan Tayo ng Ama sa Langit ng mga Propeta Upang Pamunuan at Pagpalain Tayo

Gawain

Sabihan ang mga bata na makinig na mabuti sa mga sumusunod na pangungusap. Kung sumasang-ayon sila sa pangungusap, dapat ay tumayo sila. Kung hindi sila sumasang-ayon, dapat ay maupo sila. Mag-ukol ng panahon sa pagpapaliwanag ng anumang pangungusap na hindi naiintindihan ng mga bata. (Yamang ang mga sagot sa mga sumusunod na pangungusap ay “sang-ayon,” paupuin ang mga bata sa pagitan ng bawat pangungusap. Ang layunin ng gawain ay upang makagalaw at masanay ang malalaking kalamnan sa silid-aralan.)

Gawain

  1. Tumatanggap tayo ng mga mensahe mula sa propeta natin sa pangkalahatang komperensiya. (Sang-ayon. Ipaliwanag na ang mga tagapayo ng propeta at ang Labindalawang Apostol ay mga propeta rin.)

  2. Kahit kailan ay hindi tayo uutusan ng propeta na gumawa ng maling bagay. (Sang-ayon. Ipaliwanag na naniniwala tayo na ang lahat ng sasabihin ng propeta sa atin ay ang tamang bagay na gagawin.)

  3. Si Pangulong (banggitin ang pangalan ng kasalukuyang propeta) ang propeta at Pangulo ng Simbahan, (Sang-ayon.)

  4. Sinasabi sa atin ng ating propeta ang mga bagay na nais ipagawa sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo upang maging maligaya tayo at makapamuhay muli sa piling nila. (Sang-ayon.)

Paglalahad ng guro

Ipaliwanag na ang propeta ay nagbibigay sa atin ng mga mensahe sa mga magasin ng Simbahan, nagsasalita sa mga pulong, at ginagabayan at tinuturuan ang iba pang mga pinuno ng Simbahan.

Ipaliwanag na si Jesucristo ang pinakadakilang propeta na namuhay sa daigdig. Itinuro niya ang ebanghelyo at nagsagawa siya ng maraming himala.

Larawan at kuwento

Sabihin sa mga bata na ikukuwento mo sa kanila ang tungkol kay Pangulong David O. McKay, isa sa mga propeta sa huling-araw. Ipaliwanag na ang mga propeta sa huling-araw ay ang mga nabuhay mula sa panahon ni Joseph Smith, o malapit sa panahon natin ngayon. Ipakita ang larawan 3-19, si Pangulong David O. McKay, habang ibinabahagi mo ang sumusunod na kuwento.

Noong si Pangulong David O. McKay pa ang propeta ay nilakbay niya halos ang buong daigdig upang makilala at mapamunuan ang mga kasapi ng Simbahan. Minsan nang nasa Alemanya siya, narinig niya ang tungkol sa isang ina na naparalisado (hindi niya maigalaw ang mga bahagi ng kanyang katawan) at hindi makadalo sa komperensiya para makinig sa pagsasalita niya.

Ang inang ito ay may dalawang anak, at gusto niyang dumalo sila sa komperensiya para makita at mapakinggan ang buhay na propeta, May malaking pananampalataya niyang sinabi na, “Alam ko na kapag pinapunta ko ang mga anak ko upang makamayan si Pangulong McKay, at pagkatapos ay uuwi sila at hahawakan ang mga kamay ko—kung mahahawakan ko ang maliliit nilang kamay—alam ko na gagaling ako.”

Isinaayos ang lahat kaya’t nakapunta ang dalawa niyang anak sa komperensiya. Sabik na sabik ang mga bata sa paglalakbay nila upang makita ang propeta.

Sa pagtatapos ng komperensiya ay nakipagkamay si Pangulong McKay sa mga taong naroroon. Alam niyang darating ang dalawang batang ito, at nang makita niya sila ay kinamayan niya sila at sinabing, “Maaari bang dalhin ninyo ang panyong ito sa nanay ninyo kalakip ng aking basbas?”

Iniuwi ng mga bata ang panyo sa kanilang nanay. Tuwang-tuwa siya at araw-araw niyang pinasalamatan ang Panginoon para sa panyo at basbas na ipinadala sa kanya ni Pangulong McKay sa pamamagitan ng dalawa niyang anak. Pagkauwing pagkauwi ng mga bata, nagsimula siyang gumaling, at hindi nagtagal ay naigalaw na niya ang katawan niya at naalagaan na niya ang kanyang mga anak. (Tingnan sa Cherished Experiences from the Writings of President David O. McKay, tinipon ni Clare Middlemiss [Salt Lake City: Deseret Book Co., 1955], p. 149–51.)

Maaari Nating Sundin ang Propeta

Treasure hunt

Magdaos ng simpleng treasure hunt. Magsimula sa pamamagitan ng pagsasabing: “Sa isang dako ng silid na ito ay may mensahe mula sa propeta ng Simbahan para sa mga miyembro ng klaseng ito. Tingnan ninyo kung mahahanap ninyo ito.” Pagkatapos ay sabihin sa mga bata ang unang pahiwatig [clue]. Basahin o ipabasa sa batang marunong bumasa ang bawat mahahanap na pahiwatig. Ang huling pahiwatig ay maaaring magsaad ng gaya ng, “Nakalimbag ito sa papel. May kasama pa itong ibang mga pahina ng papel. Makulay ang pabalat nito.” Kapag natuklasan ng mga bata na ito ang magasin, basahin mo ito o ipabasa sa isang bata mula sa magasin ang may marka ng mensahe na nagmula sa propeta. Pagkatapos ay ipaliwanag kung gaano kalaking kayamanan ang mga salita ng propeta. Ang mga propeta ang nagsasabi sa atin kung paano mamuhay upang makabalik tayo sa Ama sa Langit.

Buod

Ibigay ang patotoo mo tungkol sa mga biyayang dumating sa iyo sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga turo ng mga propeta sa mga banal na kasulatan at pagsunod sa nabubuhay na propeta. Maaari mong naising ibahagi ang isang sariling karanasan tungkol sa kung paano naimpluwensiyahan ng isang aral mula sa isang propeta ang iyong buhay.

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pangwakas na panalangin.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamainam para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalik-aral o buod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong Para sa Guro.”

  1. Papilahin ang mga bata at pagmartsahin nang tahimik sa paligid ng silid habang binibigkas o inaawit ang mga titik sa koro ng “Propeta ay Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata). Sa tuwing matatapos ang koro ay sasabihin ng bata na nasa unahan ng pila kung paano niya susundin ang mga aral ng propeta at pagkatapos ay pupunta siya sa hulihan ng pila. Tiyakin na magkakaroon ng pagkakataon ang bawat bata na mapunta sa unahan ng pila.

    Propeta’y sundin, propeta’y sundin,

    Propeta’y sundin, h’wag mawalay.

    Propeta’y sundin, propeta’y sundin,

    Propeta’y sundin, s’ya ang gabay.

  2. Ipaliwanag na kapag sinusunod natin ang propeta sa pamamagitan ng paggawa ng hinihiling niyang gawin natin, tayo ay pagpapalain at makababalik sa piling ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Magpasa ng kopya ng maze (nasa kabilang pahina) sa bawat bata at hilingin sa kanilang kulayan ang tamang landas upang makabalik sa Ama sa Langit at kay Jesus. Maaaring mangailangan ng tulong ang mga batang hindi nakakabasa.

  3. Magbahagi ng mga tunay na pangyayari at mga kuwento tungkol sa kasalukuyang propeta habang ipinakikita mo ang kanyang larawan.

  4. Tulungan ang mga bata na matutuhan ang ikalimang saligan ng pananampalataya sa abot ng kanilang makakaya.

follow the prophet
maze lines
maze art

Sundin ang mga kautusan

Magdaos ng gabing pantahanan ng mag-anak

Maging matapat

Maging isang misyonero

Magbayad ng iyong ikapu

Dumalo sa simbahan

Pag-aralan ang mga banal na kasulatan

Igalang ang iyong ama at ina

Manalangin araw-araw

Sabihin ang totoo

Mahalin ang bawat isa