Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 15: Ang Paglabas ng Aklat ni Mormon


Aralin 15

Ang Paglabas ng Aklat ni Mormon

Layunin

Tulungan ang bawat bata na maunawaan kung paano natin natanggap ang Aklat ni Mormon.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Joseph Smith-Kasaysayan 1:29–54, 59–60; Mormon 8:1, 4.

  2. Pag-aralan at maghandang awitin o bigkasin ang mga titik sa ‘Ang mga Laminang Ginto” (Aklat ng mga Awit Pambata).

  3. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Mahalagang Perlas; gayundin, kung maaari, isang Aklat ni Mormon para sa bawat bata.

    2. Larawan 3-32, Nagpapakita si Moronias kay Joseph Smith sa Kanyang Silid (62492; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 404); larawan 3-33, Tinatanggap ni Joseph ang mga Laminang Ginto (62012; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 406); larawan 3-34, Pinaiikli ni Mormon ang mga Lamina (62520; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 306); at larawan 3-35, Itinatago ni Moronias ang mga Lamina sa Burol ng Cumorah (62462; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 320); larawan 3-35, Ang mga Laminang Ginto.

  4. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin sa mga bata kung nagawa nila ang anumang bagay na hinimok mong gawin nila sa loob ng linggong ito.

Sumulat si Mormon sa mga Laminang Ginto

Gawaing pantawag pansin

Ihimig ang unang talata ng “Ang mga Laminang Ginto.”

Gawaing pantawag pansin

  • Ipakita ang larawan 3-36, Ang mga Laminang Ginto. Itanong: “Mayroon ba sa inyong makapagsasabi sa akin kung ano ang inihihimig kong awit?” (“Ang mga Laminang Ginto.”)

Ipaliwanag na ang aralin ay tungkol sa mga laminang ginto.

Sabihin sa klase na maraming taon na ang nakararaan, ilang ama ang nag-ingat ng mga kasaysayan ng kanilang mga mag-anak. Karaniwan, bago mamatay ang isang ama, ibibigay niya ang kasaysayan ng kanyang mag-anak sa kanyang anak na lalaki, na siyang magpapatuloy sa pagsusulat ng kasaysayan. Pag-iingatan ng mga mag-anak ang kanilang mga kasaysayang tulad nito sa loob ng maraming taon. Isinulat din ng mga propeta ang mga nangyari sa kanilang mga mag-anak. Isinulat din nila kung paano sila tinulungan ng Ama sa Langit at ang tungkol sa mga taong nanirahan sa paligid nila noong panahong iyon.

Talakayan sa larawan

Ipakita ang larawan 3-34, Pinaiikli ni Mormon ang mga Lamina.

Ipaliwanag na tinawag ng Ama sa Langit ang isang propetang nagngangalang Mormon upang tipunin ang lahat ng kasaysayan ng kanyang mga tao, kopyahin ang pinakamahahalagang bahagi, at isulat ang mga iyon sa maninipis na piraso ng ginto, katulad ng mga pahina ng isang aklat. Ang mga ito ay tinawag na mga laminang ginto.

Talakayan sa larawan

  • Sa palagay ninyo, bakit isinulat ni Mormon ang mga tala sa mga piraso ng ginto sa halip na sa papel?

Sabihin sa mga bata na ang ginto ay isang metal na nagtatagal. Ang ginto ay hindi nasisira na katulad ng papel at ibang mga kagamitan o kinakalawang na katulad ng maraming iba pang metal.

Ipaliwanag na gumamit si Mormon ng mga laminang ginto sapagkat ang mga ito ay magtatagal nang mahabang panahon. Maraming taon ang ginugol ni Mormon upang tapusin ang pagsusulat sa mga lamina. Bago namatay si Mormon, ibinigay niya ang mga lamina sa kanyang anak na lalaki na si Moronias.

Larawan

Ipakita ang larawan 3-35, Itinatago ni Moronias ang mga Lamina sa Burol ng Cumorah.

Ipaliwanag na noong makatapos si Moronias sa pagsusulat sa mga laminang ginto, ipinabaon sa kanya ng Ama sa Langit ang mga lamina sa isang burol. Alam ng Ama sa Langit na ang mga nakasulat sa mga laminang ginto ay magiging mahalaga sa mga taong mabubuhay matapos ang maraming taon. Gumawa si Moronias ng isang kahon na gawa sa bato kung saan inilagay niya ang mga laminang ibabaon upang ang mga ito ay maging ligtas hanggang naisin ng Ama sa Langit na mabasa ng kanyang mga anak ang mga ito.

Tinagubilinan ni Moronias si Joseph Smith Tungkol sa mga Laminang Ginto

Awit

Awitin o bigkasin ang unang talata ng “Ang mga Laminang Ginto” na kasama ng klase.

Ang laminang ginto’y iningatan,

D’on sa kabundukan,

Hanggang matagpuan ng Dios,

Pagkakatiwalaan.

Talaang ginawa ni Nefias,

Nung unang panahon;

Dito sa Aklat ni Mormon,

Isinalaysay ngayon.

Awit

  • Anong uri ng tao ang sinasabi ng awit na kailangan ng Ama sa Langit na maglalabas ng mga laminang ginto? (Isang matapat na tao.)

Ipaliwanag na ang isang matapat na tao ay tapat at masunurin. Ang pinili ng Ama sa Langit na matapat na tao na tutulong sa kanya ay si Joseph Smith.

Larawan at kuwento

Ikuwento sa mga bata ang tungkol sa pagdalaw ni Moronias kay Joseph Smith (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:29–54, 59–60).

Isang gabi si Joseph Smith ay nanalangin. Isang maningning na liwanag ang pumasok sa kanyang silid. Gabi noon, subalit ang silid ay naging higit na maliwanag kaysa kapag nakasikat ang araw. Walang anu-ano, isang anghel ang nagpakita sa tabi ng kama ni Joseph, nakatayo at bahagyang nakaangat sa sahig.

Ipakita ang larawan 3-32, Nagpapakita si Moronias kay Joseph Smith sa Kanyang Silid.

Sinabi ng anghel kay Joseph na ang pangalan niya ay Moronias at ipinaliwanag niya na isinugo siya upang sabihin kay Joseph na may natatanging gawain na ipagagawa sa kanya ang Ama sa Langit.

Sinabi ni Moronias kay Joseph ang tungkol sa isang kahanga-hangang aklat, isang kasaysayan, na ibinaon sa loob ng daan-daang taon. Isinulat ang aklat sa maninipis na piraso ng ginto. Ang anghel na ito ay mismong si Moronias na siyang nagbaon ng mga lamina noong siya ay nabubuhay pa sa mundo.

Sinabi ni Moronias kay Joseph na pagdating ng tamang panahon, papayagan si Joseph na kunin ang mga laminang ginto mula sa pinagtataguan ng mga ito sa Burol ng Cumorah. Sinabi rin ni Moronias kay Joseph ang maraming iba pang bagay tungkol sa mga laminang ginto at sa natatanging gawain na iaatas sa kanya na gawin. Nang matapos magsalita si Moronias, pinalibutan si Moronias ng liwanag at siya ay bumalik sa langit.

Habang nakahigang nag-iisip si Joseph tungkol sa nangyari, muling nagliwanag ang silid. Nagpakita si Moronias sa ikalawang pagkakataon at ibinigay kay Joseph ang mismong mensaheng ibinigay niya noong unang pagdalaw. Pagkatapos ay umalis si Moronias sa paraang katulad nang nauna.

Muling nahiga si Joseph na pinagsisikapang maunawaan ang lahat ng nangyari. Pagkatapos, sa malaking pagkamangha ni Joseph, nagpakita si Moronias sa tabi ng kanyang kama sa ikatlong pagkakataon at muling inulit ang kuwento tungkol sa mga laminang ginto at ang natatanging gawain ni Joseph. Idinagdag ni Moronias na tatangkain ni Satanas na tuksuhin si Joseph na kunin ang mga lamina dahil sa salapi, subalit makukuha lamang ni Joseph ang mga lamina upang gawin ang ipinagawa ng Ama sa Langit.

Larawan at kuwento

  • Bakit sa palagay ninyo tatlong ulit na nagpakita nang gabing iyon si Moronias kay Joseph Smith?

Ipaliwanag na maraming mahahalagang bagay ang sinabi ni Moronias kay Joseph noong gabing iyon. Tatlong ulit niyang ibinigay ang mensahe upang maunawaang mabuti ni Joseph.

Mayamaya pagkaalis ni Moronias sa ikatlong pagkakataon, tumilaok ang isang tandang, kayat nalaman ni Joseph na madaling araw na noon. Nagtagal nang buong magdamag ang tatlong pagdalaw ni Moronias. Bumangon si Joseph subalit hindi sinabi kanino man ang nangyari. Pagkatapos ng agahan, sumama siyang magtrabaho sa kanyang ama sa bukid. Dahil sa sobrang pagod mula sa kanyang karanasan at kakulangan ng tulog, hindi makapagtrabaho si Joseph. Pinauwi siya ng kanyang ama sa pag-aakalang maysakit siya.

Pagod na nagsimulang umuwi si Joseph, subalit habang umaakyat siya sa ibabaw ng bakod, nahulog siya sa lupa dahil sa panghihina. Matapos na mahiga doon nang ilang sandali, narinig niya ang isang tinig na tumatawag sa pangalan niya. Ito ay ang anghel na si Moronias.

Muli pang inulit ng anghel ang sinabi niya kay Joseph noong nagdaang gabi. Pagkatapos ay pinabalik siya ng anghel sa kanyang ama upang sabihin ang lahat ng kanyang nakita at narinig.

Nakinig ang ama ni Joseph sa bawat salita at nalaman niya na nagsasabi ng katotohanan ang kanyang anak. Sinabi niya kay Joseph na gawin nang hustung-husto ang sinabi ng anghel sapagkat ang mensahe ay nagmula sa Ama sa Langit. Kinahapunan nang araw na iyon, pumunta si Joseph sa Burol ng Cumorah upang hanapin ang nakabaong mga laminang ginto. Nang makarating siya sa burol, tuluy-tuloy siyang pumunta sa lugar kung saan nakabaon ang mga lamina.

Banal na kasulatan

Basahin o sabihin sa sarili mong mga salita kung ano ang sinabi ni Joseph na natagpuan niya doon (tingnan sa Joseph Smith–Kasaysayan 1:52).

Ipaliwanag na nagpakita ang anghel na si Moronias habang nakatingin si Joseph sa kahong bato. Sinabihan niya si Joseph na huwag alisin ang mga lamina sapagkat hindi pa dumarating ang panahon para kunin niya ang mga ito.

Sinabihan ni Moronias si Joseph Smith na bumalik sa Burol ng Cumorah taun-taon sa loob ng apat na taon. Ginawa ito ni Joseph, at sa bawat pagdalaw niya roon, naratnan niyang naghihintay si Moronias upang ituro sa kanya kung ano ang nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na malaman niya.

Larawan

Ipakita ang larawan 3-33, Tinatanggap ni Joseph ang mga Laminang Ginto.

Sa wakas, pagkaraan ng apat na taon, dumating ang panahon upang kunin ang mga lamina sa kahon. Inalis ang takip sa kahon na bato, at inilagay ang mga laminang ginto sa mga kamay ni Joseph. Sinabihan ni Moronias si Joseph Smith na pag-ingatang mabuti ang mga ito at bantayan ang mga ito ng buong buhay.

Larawan

  • Bakit mahalaga para kay Joseph na pangalagaan ang mga lamina? (Sapagkat may masasamang tao na magpupumilit na makuha ang mga iyon sa kanya at hindi gagawin ang nais ng Ama sa Langit na gawin sa mga lamina.)

Isinalin ni Joseph ang mga Lamina

Ipaliwanag na ang nakasulat sa mga lamina ay sa wika na hindi mabasa ni Joseph. Tumanggap si Joseph ng isang natatanging kagamitan na tutulong sa kanya sa pagsasalin ng mga nakasulat sa mga lamina.

  • Mayroon bang nakaaalam sa inyo kung ano ang Urim at Tummim?

Ipaliwanag na ang Urim at Tummim ay katulad ng mga natatanging salamin kung saan maaaring tumingin si Joseph upang matulungan siyang isalin ang mga sinaunang nakasulat sa mga lamina. Sa tulong ng Ama sa Langit at sa pamamagitan ng paggamit ng Urim at Tummim, nagawang maisalin ni Joseph ang mga salita mula sa laminang ginto sa mga salitang mauunawaan natin. Nang matapos ang pagsasalin sa wikang Ingles, ang aklat ay inilimbag. Tinawag ito na Aklat ni Mormon.

Itaas ang Aklat ni Mormon. Ituro na ang aklat na ito ang isinalin ni Joseph mula sa mga laminang ginto.

Pagkatapos na maisalin ang Aklat ni Mormon, isinauli ni Joseph Smith kay Moronias ang mga lamina.

Gawain sa banal na kasulatan

Ipamahagi ang mga kopya ng Aklat ni Mormon sa mga bata na wala nito.

Ituro na ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng maraming magkakahiwalay na aklat. Ang mga aklat sa Aklat ni Mormon ay ipinangalan sa mga propeta na sumulat sa mga lamina. Ipakita sa mga bata kung paano nahahati sa mga kabanata at talata ang aklat ni Moronias.

Tulungan ang mga nakatatandang bata na hanapin ang Mormon 8. Basahin kasama ng klase ang Mormon 8, talata 1 at 4, hanggang sa salitang lupa.

Ipaliwanag na tinatawag natin ang aklat na ito na Aklat ni Mormon sapagkat si Mormon ang nagsulat ng pinakamarami sa mga salita sa mga laminang ginto. Si Moronias na anak na lalaki ni Mormon ang tumapos ng tala.

Buod

Talakayan sa pagbabalik-aral

Ipakita ang lahat ng larawan mula sa aralin o ilatag ang mga iyon sa sahig. Hayaan ang bawat bata na magkaroon ng pagkakataon na ituro ang tamang larawan habang nagtatanong ka.

Talakayan sa pagbabalik-aral

  • Aling larawan ang nagpapakita ng mga laminang ginto?

  • Aling larawan ang nagpapakita kay Mormon na nagsusulat sa mga laminang ginto?

  • Aling larawan ang nagpapakita kay Moronias na ibinabaon ang mga laminang ginto?

  • Aling larawan ang nagpapakita sa anghel na si Moronias na nakikipag-usap kay Joseph Smith?

  • Aling larawan ang nagpapakita sa anghel na si Moronias na nagbibigay ng mga laminang ginto kay Joseph Smith?

Awit

Awitin o bigkasin ang dalawang talata ng ‘Ang mga Gintong Lamina” na kasama ng klase.

Hilingan ang bata na mag-aalay ng pangwakas na panalangin na pasalamatan ang Ama sa Langit para sa Aklat ni Mormon.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamainam para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalik-aral o buod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong Para sa Guro.”

  1. Sa paggamit ng mga naaangkop na larawan, muling pag-aralan ang ilan sa mga kuwento sa Aklat ni Mormon na pag-aaralan ng mga bata sa taong ito. Halimbawa:

    1. Ipakita ang larawan 3-37, Sinusupil ni Nefias ang Kanyang mga Suwail na Kapatid na Lalaki (62044; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 303). Sabihin sa mga bata na matututuhan nila kung paano tinulungan ng Ama sa Langit si Nefias sa paggawa ng barko kahit na naging malupit sa kanya ang kanyang mga nakatatandang kapatid na lalaki.

    2. Ipakita ang larawan 3-38, Dalawang Libong Kabataang Mandirigma (62050; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 313). Sabihin sa mga bata na matututuhan nila kung paano nakipaglaban ang mahigit sa dalawang libong kabataang lalaki upang mapanatiling malaya ang kanilang mga pamilya.

    3. Ipakita ang larawan 3-17, Nagtuturo si Jesus sa Kanluraning Bahagi ng Mundo (62380; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 316). Sabihin sa mga bata na matututuhan nila ang tungkol sa pagdalaw ni Jesucristo sa mga Nefita.

  2. Ipaguhit sa mga bata ang larawan ng mga laminang ginto at Aklat ni Mormon. Isulat ang mga salitang Mga Laminang Ginto at Aklat ni Mormon sa mga larawan nila.

  3. Upang matulungan ang mga bata na maunawaan kung paano nakasusulat ang mga sinaunang propeta sa mga metal na lamina, anyayahan ang bawat bata na subukang isulat ang unang titik ng kanyang pangalan sa ilalim ng lata sa pamamagitan ng isang pako. Dapat na ipakita muna ito ng guro.

  4. Pagbalik-aralan sa mga bata ang ikawalong saligan ng pananampalataya. Tulungan ang mga makakakaya na isaulo ang bahagi o lahat ng ito.