Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 40: Pagsamba sa Simbahan


Aralin 40

Pagsamba sa Simbahan

Layunin

Palakasin ang pagnanais ng mga bata na sumamba sa simbahan.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Exodo 20:8 at Doktrina at mga Tipan 25:12.

  2. Maghanda ng bituin na may apat na tulis tulad ng nakalarawan. Ilagay ito sa loob ng supot na papel para gamitin sa paglalaro.

    star

    Sumamba

    Umawit

    Makinig

    Sakramento

    Manalangin

  3. Maghandang tulungan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga titik sa “Tuwing Magsisimba” (When I Go to Church, Children’s Songbook, p. 157).

  4. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Doktrina at mga Tipan.

    2. Isang supot na papel.

    3. Larawan 3-25, Pumupunta sa Simbahan; larawan 3-59, Ipinapasa ang Sakramento (62021); larawan 3-64, Nananalangin sa Simbahan; larawan 3-65, Umaawit sa Simbahan; larawan 3-66, Nakikinig sa Simbahan; larawan 3-67, Si Pangulong Spencer W. Kimball.

    4. Tisa, pisara, at pambura.

  5. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin sa mga bata kung nagawa nila ang anumang bagay na hinimok mong gawin nila sa loob ng linggong ito.

Ang Linggo ay Isang Natatanging Araw

Gawaing pantawag pansin

Tulungan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga salita sa “Tuwing Magsisimba.”

Ako ay palaging masaya,

T’wing magsisimba.

Awit aking pakikinggan,

At uupo ng marahan.

Batiin guro’t kaibigan,

T’wing magsisimba.

Sa pag-awit nais sumali,

T’wing magsisimba.

Yuyuko nang matahimik,

Habang mayro’ng panalangin.

Mag-iisip nang taimtim,

T’wing magsisimba.

Ama’y aking nakikilala,

T’wing magsisimba.

S’ya’y pinasasalamatan,

Puno, halaman, tahanan,

Lahat ay kaygandang masdan,

T’wing magsisimba.

Ipaliwanag na alam ng Ama sa Langit na kakailanganin natin ang oras bawat linggo na kung kailan ay higit tayong matututo tungkol sa kanya at kay Jesucristo. Ginawa niyang natatanging araw ang Linggo para sa atin, ang araw na kung kailan ay dumadalo tayo sa pulong sakramento at sa Primarya. Gusto niyang maging masayang araw ang Linggo, araw na ating pinakahihintay. Kapag pinili nating pumunta sa simbahan, pinipili natin ang tama.

Ang Simbahan ay Isang Natatanging Lugar

Kuwento at talakayan

Ikuwento sa mga bata ang tungkol sa isang batang lalaki na may problema na halos nagpahinto sa kanyang pagpunta sa simbahan. Ang pangalan niya ay Vaughn Featherstone, at kinalaunan siya ay naging isang Pangkalahatang Awtoridad. Simulan ang kuwento sa pamamagitan ng pagpapaliwanag na noong si Vaughn Featherstone ay bata pa, ang kanyang pamilya ay mahirap lamang at hindi kayang bumili ng damit.

“Mayroon akong pares ng sapatos na isinusuot ko sa simbahan. Ang mga ito ay hindi pinakamainam na mga sapatos. May butas ang mga ito sa suwelas, kaya gumugupit ako ng ilang piraso ng karton [mula sa kahon ng cereal] at ipinapasok sa loob ng sapatos para maging panloob na sapin. Kapag pumupunta ako sa simbahan, umuupo ako nang nakalapat ang dalawang paa sa sahig. Ayokong itaas ang isang binti at baka may makakita [ng nakasulat sa karton na mula sa kahon ng cereal] ng ilalim ng aking sapatos, Pumupunta ako ng simbahan na ganoon ang ginagawa, at naging maayos naman ang lahat hanggang sa masira ang mga sapatos na iyon. Pagkatapos noon ay hindi ko na alam ang aking gagawin. Naalala ko na Sabado noon, at naisip ko, ‘Kailangan kong pumunta sa simbahan. Sa simbahan ako ay mahalagang tao. Talagang pinahahalagahan nila ako.’ Naalala kong ito ang iniisip ko nang husto, at pumunta ako sa maliit na kahon ng mga sapatos na ibinigay sa amin ng ilang kapitbahay. Tiningnan ko ang mga ito, pero nakakita lang ako ng isang pares ng sapatos na magkakasya sa akin… . Ang mga ito ay pares ng sapatos ng mga babaeng nars. Naisip ko, ‘Paano ko maisusuot ang mga iyon? Pakutya nila akong pagtatawanan sa simbahan.’ At ako ay nagpasiyang hindi isuot ang mga ito, at hindi na ako pupunta sa simbahan.”

Kuwento at talakayan

  • Ano ang mararamdaman ninyo kung kayo ang nasa lugar ni Kapatid na Featherstone?

  • Ano ang dapat ninyong ginawa?

Hayaan ang ilang bata na sumagot; pagkatapos ay ipagpatuloy ang kuwento:

“Nag-isip akong mabuti nang gabing iyon, at nang sumunod na umaga… . Alam ko na kailangan akong pumunta!… Nagpasiya ako kung ano ang aking gagawin. Maagang-maaga akong pupunta roon at mauupo sa may malapit sa harap bago magdatingan ang iba. Naisip ko, ‘Itatago ko ang aking mga paa sa ilalim ng [bangko] para walang makakita sa mga ito, at pagkatapos ay hihintayin kong makaalis ang lahat. Kapag nakaalis na sila patakbo akong uuwi ng bahay pagkaraan ng mga kalahating oras.’ Iyon ang naging piano ko. Mabilis akong nagpunta sa simbahan ng mga kalahating oras na mas maaga, at naging ayos naman. Walang katao-tao roon. Itinago ko ang aking mga paa sa ilalim ng bangko. Hindi nagtagal ay nagdatingan na ang lahat, at walang anu-ano ay may nagsalita ng: ‘Maghihiwa-hiwalay na tayo para sa kani-kaniyang klase.’ Nalimutan kong kailangan ka nga palang pumunta sa klase… natakot ako. Nagsimula nang magdatingan ang mga usher sa daraanan, sila ang lumapit sa aming hanay, at ang lahat ay nagtayuan at nag-alisan. Pero naupo lang ako roon. Hindi ako makakilos. Alam kong hindi ako makatayo dahil sa takot na may makakita sa aking mga sapatos. Pero hindi ka mapapakali dahil sa mga nasa paligid mo. Ang pulong na iyon ay para bang tumigil at naghintay na ako ay kumilos, kaya kinailangan na ako ay umalis na. Tumayo ako at sumunod na lang sa klase sa ibaba.

“Para sa akin ay natutuhan ko ang pinakamahalagang aral nang araw na iyon. Ako ay bumaba, at pinaupo kami ng guro sa malaking half-circle. Naramdaman kong parang dalawang talampakan ang laki ng bawat sapatos ko. Talagang hiyang-hiya ako. Nagmasid ako, pero, alam ba ninyo, wala ni isa man sa mga walo at siyam na taong gulang na mga bata sa klaseng iyon ang nagtawa sa akin. Wala ni isa man sa kanila ang tumingin sa akin. Walang pumansin sa aking sapatos. Ang aking guro ay hindi tumingin. Palagi akong nakatingin sa lahat nang oras. Pinagmamasdan ko ang lahat upang malaman kung may nakatingin sa akin… . Siyempre nakita nila ang mga sapatos na iyon na pangnars na kailangan kong isuot sa simbahan. Pero sila ay may maayos na pag-uugali na huwag tumawa” (Vaughn J. Featherstone, “Acres of Diamonds,” sa Speeches of the Year, 1974 [Provo: Brigham Young University Press, 1975], p. 351–52).

Kuwento at talakayan

  • Bakit handang isuot ni Kapatid na Featherstone ang pangnars na mga sapatos sa simbahan nang siya ay bata pa? (Dahil gustung-gusto niyang pumunta sa simbahan.)

Ipaliwanag na alam ng batang si Vaughn Featherstone na mahalagang dumalo sa simbahan. Siya ay masaya sa pagpunta sa simbahan linggu-linggo, kahit na hindi kayang bumili ng magandang sapatos ng kanyang pamilya para sa kanya. Ang pagpunta sa simbahan ay higit na mahalaga para sa kanya, kahit na wala siyang magandang sapatos.

Tayo ay Dumadalo sa Simbahan Upang Sambahin ang Ama sa Langit at si Jesucristo

Pisara at mga larawan

Ipaliwanag na sa buong mundo, ang mga batang lalaki at babae at ang kanilang mga magulang ay dumadalo sa simbahan bawat Linggo. Kapag tayo ay dumadalo sa simbahan at sumasali sa pamamagitan ng pakikinig at pag-aaral, tayo ay sumasamba sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ipakita ang larawan 3-25, Pumupunta sa Simbahan. Ipaliwanag na sila ay sasamba.

Isulat ang Pagsamba sa pisara.

Ipaliwanag na maraming paraan na makasasamba tayo sa Simbahan. Ipakita ang larawan 3-59, Ipinapasa ang Sakramento.

Ipaalala sa mga bata na kapag tumatanggap tayo ng sakramento, inaalaala natin si Jesucristo. Kung tayo ay nabinyagan na, sinasariwa natin ang mga tipan na ginawa natin na lagi siyang alalahanin at sundin ang kanyang mga kautusan. Ang pagtanggap ng sakramento ay isa sa pinakamahalagang mga paraan na tayo ay sumasamba habang dumadalo sa simbahan.

Ipakita ang larawan 3-65, Umaawit sa Simbahan, kasunod sa larawan ng sakramento.

Banal na kasulatan

Banggitin na kapag umaawit tayo ng himno nang may damdamin, ipinapahayag natin ang ating pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Kung hindi tayo umaawit, nawawalan tayo ng pagkakataon na sambahin sila.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 25:12 sa mga bata. Bigyang-diin na ang Ama sa Langit ay nasisiyahan kapag tayo ay umaawit ng mga himno at mga banal na awit sa kanya.

Gawaing may larawan

Ipakita ang larawan 3-64, Nananalangin sa Simbahan, kasunod sa larawan ng umaawit.

Ipaliwanag na nakakarinig tayo ng maraming panalangin kapag tayo ay nasa simbahan. Ipaalala sa mga bata na kapag nagbibigay ng panalangin ang isang tao, dapat nating ipikit ang ating mga mata, iyuko ang ating mga ulo, at pakinggan ang sinasabi.

Gawaing may larawan

  • Ano ang sinasabi natin sa hulihan ng panalangin? (Amen o Siya nawa.)

  • Bakit sinasabi nating “amen o siya nawa”? (Upang ipakita ang ating pagsang-ayon at pagsuporta sa mga sinabi.)

Ituro na sa oras ng paglilingkod sa sakramento, tayo ay maaaring manalangin nang tahimik. Habang iniisip natin ang tungkol kay Jesucristo, maaari nating hilingin sa Ama sa Langit na tulungan tayong piliin ang tama at sundin ang mga kautusan.

Ipakita ang larawan 3-66, Pakikinig sa Simbahan, kasunod sa larawan ng panalangin.

Gawaing talakayan

Gawaing talakayan

  • Paano natin maipakikita na tayo ay nakikinig sa Simbahan? (Sa pamamagitan ng pag-upo nang mapitagan, hindi pagsasalita, at pagtingin sa nagsasalita o guro.)

Hamunin ang mga bata na tukuyin ang ilang tao na dapat nating pakinggan habang nasa simbahan. Bigyan sila ng tagubilin na itaas ang isang daliri para sa bawat ideya. Kabilang sa mga maaaring kasagutan ang: isang nagsasalita sa Primarya o pulong sakramento, kabataang lalaki na nagbabasbas ng sakramento, isang tao na nananalangin sa klase o sa isang pulong, at isang guro.

Kuwento

Ipakita ang larawan 3-67, si Pangulong Spencer W. Kimball. Ipaliwanag na siya ay propeta at ikalabindalawang Pangulo ng Simbahan. Isalaysay ang sumusunod na kuwento tungkol sa kanya.

Si Pangulong Spencer W. Kimball ay isa pa lamang batang lalaki nang marinig niya ang isang pinuno ng Simbahan mula sa Lungsod ng Salt Lake na nagsabi sa kongregasyon na dapat nilang basahin ang mga banal na kasulatan. Nabatid niya na hindi pa niya nababasa ang Biblia, kaya hinangad niyang basahin ito.

Umuwi ng bahay si Spencer at pumanhik sa kanyang maliit na silid sa pagitan ng kisame at bubungan at sinindihan ang maliit na ilawang langis at binasa ang unang mga kabanata ng Genesis nang gabi ring iyon. Bagama’t ito ay mahirap, alam niya na kung nagawa ito ng iba, magagawa rin niya ito.

Pagkalipas ng isang taon, nabasa niya ang bawat kabanata sa Biblia. Nang matapos siya, nagkaroon siya ng magandang damdamin na natupad niya ang hinangad niyang magawa. (Tingnan sa “Planning for a Full and Abundant Life,” ni Spencer W. Kimball, Ensign, Mayo 1974, p. 88.)

Kuwento

  • Bakit nagpasiya si Spencer W. Kimball na basahin ang Biblia? (Dahil narinig niyang iminumungkahi ng isang nagsasalita sa simbahan na dapat basahin ng lahat ang mga banal na kasulatan.)

  • Ano ang narinig ninyo mula sa nagsasalita sa simbahan na nagbigay sa inyo ng interes o nakatulong sa inyong sundin ang isang kautusan o higit na matutuhan ang tungkol sa ebanghelyo?

Buod

Laro

Ipakita ang bituin na iyong inihanda. Banggitin na ang apat na paraan upang sumamba na iyong tinalakay sa araw na ito ay nakasulat dito. Ipaliwanag na ilalagay mo ang bituin sa isang supot na papel at bibigyan ng pagkakataon ang bawat bata na bunutin ang bituin mula sa supot. Pagkatapos ay sasagutin nila ang mga sumusunod na pahayag tungkol sa salita sa tulis ng bituin na kanilang hinahawakan.

Ang sumusunod ay ilang mga pahayag na iminungkahi. Itanong ang gayunding katanungan sa tuwing mapipili ang katulad na tulis. Dahil maraming iba’t ibang mga sagot para sa bawat pahayag, ang larong ito ay maaaring ulitin upang bigyan ang bawat bata ng ilang mga pagkakataon upang makisali.

Makinig: Sino ang ilang tao na dapat nating pakinggan sa simbahan? (Ang panguluhang obispo, ang saserdote na nagbabasbas ng sakramento, mga kasapi na nagbibigay ng mga pananalita, at mga guro sa Primarya.)

Umawit: Bumanggit ng isang awit na gusto ninyong awitin sa simbahan. (Maaari mong naising ipaawit sa klase ang awit na pinili ng isang bata.)

Manalangin: Bumanggit ng isang pagkakataon na tayo ay nananalangin sa Simbahan. (Pambungad na panalangin, pagbabasbas sa tinapay, pagbabasbas sa tubig, pangwakas na panalangin, tahimik na mga panalangin, o pambungad at pangwakas na mga panalangin sa Primarya.)

Sakramento: Bumanggit ng isang bagay na magagawa ninyo sa oras ng sakramento. (Isipin si Jesucristo, manalangin, maupo nang mapitagan, makinig sa mga panalangin, o alalahanin ang mga tipan ng binyag.)

Patotoo ng guro

Ibigay ang iyong patotoo na malalaking pagpapala ng kapayapaan, dagdag na pang-unawa sa ebanghelyo, at pagiging malapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ang maaaring dumating mula sa pagpiling sumamba sa tamang paraan. Anyayahan ang mga bata na makinig nang mas mabuti sa kanilang susunod na pulong.

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pangwakas na panalangin.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamainam para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalik-aral o buod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong Para sa Guro.”

  1. Maghanda ng isang panyo na may butones na nakatali sa isang dulo. Sabihin sa mga bata na iyong ilalaglag ang panyo. Sabihin sa kanila na itaas ang mga kamay nila kapag narinig nila itong nalaglag. Purihin ang mga nagtaas ng kanilang mga kamay dahil sila ay nakinig na mabuti. Alisin ang butones sa dulo ng panyo at muling ihulog ang panyo. Hilingan ang mga batang itaas ang kanilang mga kamay kapag may narinig sila sa pagkakataong ito.

    Sabihin sa mga bata na palagi silang dapat na makinig nang mabuti tulad ng kanilang pakikinig sa paglaglag ng panyo. Sa tuwing may tumatayo sa harapan upang magsalita sa kanila, maging ito man ay ang obispo o ang pangulo ng Primarya o isang bata sa Primarya na nagbibigay ng pananalita, kailangan nilang makinig. Kapag ang kanilang mga guro ay tumatayo sa kanilang harapan sa silid-aralan, ito ay hudyat upang makinig para marinig nila kung ano ang sasabihin ng mga guro. Ipaalala sa mga bata na hindi nila dapat kailanman makaligtaan ang bagay na mahalaga, kaya dapat silang makinig na mabuti sa mga bagay na sinasabi.

  2. Isalaysay ang sumusunod na kuwento:

    Gusto ni Karen na pumunta sa Primarya. Isang araw ng Linggo, nagtanong ang tatay ni Karen ng “Ano ang natutuhan mo sa Primarya ngayong araw na ito, Karen?” Nag-isip sandali si Karen; pagkatapos ay sinabi niya, “Hindi ko po maalala, Tatay.” Nang maisip niya, naalala niya na sa buong Primarya ay nag-iisip siya kung gaano magiging kasaya ang kaarawan ni Sally kinabukasan. Kahit kaunti ay hindi siya nakinig sa Primarya.

    Sinabi ng tatay niya, “Karen, ako ay natutuwa na pumupunta ka sa Primarya, pero gusto rin namin ng Nanay mo na maging mapitagan ka habang ikaw ay naroroon.”

    “Pero Tatay, naging tahimik na tahimik po ako!”

    “Ako ay natutuwa na naging tahimik ka Karen, pero iyon ay bahagi lamang ng pagiging mapitagan. Kailangan mo ring makinig at makisali sa lahat ng bagay. Kapag inuusal ang panalangin, dapat mong pag-isipan ito na para bang ikaw ang nananalangin mismo at pagkatapos ay sabihin mong “amen”. Kapag umaawit ka, dapat mong isipin ang mga salita ng awit. Dapat kang makinig na mabuti sa iyong guro. Kapag sumasali ka sa lahat ng bagay, ikaw ay mapapalapit sa Ama sa Langit. lyan ang pagiging mapitagan.”

  3. Kung may isang bata sa iyong klase na lumiban o hindi gaanong aktibo, maglaan ng oras na kasama ang klase na gumawa ng sulat para sa batang iyon. Magpatulong sa mga bata na magmungkahi ng mga bagay na ginagawa nila sa simbahan na hindi nagagawa ng batang iyon. Isulat na hinahanap-hanap mo at ng mga bata ang batang iyon sa klase. Palagdaan sa bawat kasapi ng klase ang sulat. Ipadala ang sulat.

  4. Tulungan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga titik sa “Ang mga Pinto sa Kapilya” (Our Chapel Doors, Children’s Songbook, p. 156).

    Sa kapilya pinto’y nagpayo,

    “Sh, tahimik.”

    Pagkat lugar na ito’y sagrado.

    “Sh, tahimik.”

    Tayo’y nandirito pag Linggo

    Upang kilalanin si Cristo.

    Kaya ‘pag sa pinto’y papasok,

    “Sh, tahimik.”