Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 1: Piliin ang Tama


Aralin 1

Piliin ang Tama

Layunin

Tulungan ang mga bata na malaman na ang pagpili ng tama ay makatutulong sa kanila upang sundin si Jesucristo.

Paghahanda

  1. Maghanda ng isang walang sulat na name tag o badge para sa bawat bata at isa para sa iyong sarili. Isulat ang iyong pangalan sa isang name tag, subalit huwag sulatan ang iba.

  2. Maghandang awitin o basahin ang “Piliin ang Tamang Daan” (Aklat ng mga Awit Pambata); ang mga titik ay kasama sa likod ng manwal.

  3. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Biblia.

    2. Krayola o lapis para sa bawat bata.

    3. Kaputol na teyp o aspili para sa bawat bata.

    4. Kalasag na PAT para kulayan ng bawat bata; ang kalasag ay kasama sa harapan ng manwal.

    5. Singsing na PAT para sa bawat bata na hindi pa nakatanggap nito noong nakaraang taon.

    6. Larawan 3-1, Binibinyagan ni Juan Bautista si Jesus (62133; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 208).

  4. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Paggalang sa Aking Pangalan

Gawaing pantawag pansin

Ipakilala ang sarili mo sa mga bata. Sabihin sa kanila ang pangalan mo, at ipakita sa kanila ang iyong name tag.

Bigyan ang bawat bata ng isang name tag at isang lapis o krayola, at ipasulat sa bawat isa ang kanyang pangalan sa tag. Tulungan ang mga hindi makapagsulat ng kanilang pangalan. Ikabit sa damit ng mga bata ang mga tag sa pamamagitan ng teyp o mga aspili.

Gawaing pantawag pansin

  • Bakit mahalaga ang mga pangalan? (Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang isang pangalan ay ang pagkakakilanlan sa isang tao.)

Bigkasing malakas ang mga pangalan ng ilang tao na kilala at iginagalang ng mga bata, tulad ng mga pangalan ng kanilang mga magulang, ng obispo, isang misyonero, at ng Pangulo ng Simbahan. Tanungin sila kung ano ang naiisip nila kapag naririnig nila ang ilang pangalan at kung ano ang nadarama nila sa taong nagmamay-ari ng pangalang iyon. Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang isang pangalan ay ang pagkakakilanlan sa isang tao; kapag alam ng isang bata ang pangalan ng isang tao, maaari niyang marinig ang pangalan at isipin kung ano ang anyo at pagkilos ng taong iyon.

Ipabigkas nang malakas sa bawat bata ang kanyang pangalan sa klase.

Gawaing pantawag pansin

  • Ano ang gusto mong isipin ng mga tao tungkol sa iyo kapag naririnig nila ang iyong pangalan?

  • Paano ninyo magagamit ang inyong pangalan bilang sagisag ng mabubuting bagay?

Magpamungkahi sa mga bata ng ilang paraan kung saan ay maigagalang nila at makadarama sila ng mabuti tungkol sa kanilang mga pangalan, tulad ng paggawa ng kanilang bahagi sa trabaho, pagpapakita ng pagmamahal, pagiging magalang, pagiging matapat, pagsunod sa kanilang mga magulang, pagsunod sa mga utos, at pagsunod sa mga batas at tuntunin. Sabihin sa mga bata na maganda ang pakiramdam natin sa ating sarili kapag pinipili natin ang tama, at maganda ang iisipin ng mga tao kapag naririnig nila ang ating mga pangalan.

Ang Pagpili ng Tama ay Tumutulong sa Akin na Magkaroon ng Magandang Damdamin Tungkol sa Aking Pangalan

Gawain

Ipakita ang kalasag na PAT na nasa harapan ng manwal.

Gawain

  • Ano ang isinasagisag ng PAT? (Piliin ang tama.)

Ipaliwanag na sa pamamagitan ng pagpili ng tama ay magiging maganda ang pakiramdam ng mga bata sa kanilang mga pangalan. Ipaulit sa kanila ang mga salitang piliin ang tama na kasabay ka.

Kuwento

Isalaysay ang sumusunod na kuwento tungkol sa isang batang lalaki na nagkaroon ng isang napakahalagang pagpili na gagawin:

Si Randy at ang kanyang kaibigang si David ay naglalaro sa bakuran ng kanilang kapitbahay. Walang tao sa kapitbahay nila at natutuwa ang dalawang batang lalaki sa paglalaro sa ilang mga laruang pambata. Habang iniuugoy nila ang isa’t isa sa duyan, iyon ay napatid at bumagsak sa lupa. Hindi alam nina Randy at David kung ano ang gagawin kaya’t tumakbo silang papalayo. Umasa sila na sana ay walang nakakita sa kanila.

Nalungkot si Randy na napatid nila ni David ang duyan. Maghapon niyang inisip iyon subalit hindi makapagpasiya kung ano ang gagawin. Paggising niya kinabukasan ay naalala ni Randy ang ibig sabihin ng PAT. Binigkas ni Randy ang mga salitang natutuhan niya sa Primarya na “Piliin ang tama”; pagkatapos ay naisip niya ang duyan ng kapitbahay.

Mabilis siyang nagbihis at nagpunta sa kapitbahay. Tumayo siya sandali sa labas dahil medyo natatakot siyang kumatok sa kanilang pinto. Sa wakas ay kumatok siya.

Nang lumapit ang isang babae sa pinto ay sinabi sa kanya ni Randy ang nangyari. Nakinig sa kanya ito habang ikinukuwento niya ang tungkol sa napatid na duyan. Pagkatapos niyang magkuwento ay dahan-dahan siyang inakbayan ng babae at itinanong ang kanyang pangalan. Sinabi niya sa kanya na ang kanyang pangalan ay Randy. Tumingin siya sa mga mata ni Randy at sinabing, “Randy, sa tuwing makikita kita o maiisip ang iyong pangalan ay maiisip ko ang isang batang matapat.”

Kuwento

  • Ano ang piniling gawin ni Randy?

  • Ano ang nakatulong kay Randy upang gawin ang ganoong pasiya?

Ipakita ang kalasag na PAT sa mga bata.

Kuwento

  • Paano nakatulong kay Randy ang pagpili ng tama upang magkaroon siya ng magandang pangalan?

Awit

Awiting kasama ng mga bata o basahin nang malakas ang mga titik ng “Piliin ang Tamang Daan.”

Nais ni Jesucristo na Piliin Ko ang Tama

Talakayan

Ipaliwanag sa mga bata na may iniisip kang isa pang pangalan. Ito ay pangalan ng isang taong nagnanais na piliin nila ang tama. Pahulaan sa mga bata kung sino ang iniisip mo habang binibigyan mo sila ng mga pahiwatig na tulad ng—

Talakayan

  1. Mahal niya tayo.

  2. Itinuro niya sa atin kung paano ang pumili ang tama.

Sabihin sa mga bata na ang taong iniisip mo ay si Jesucristo. Itinuro niya sa atin na palaging piliin ang tama. Itinuro rin niya sa atin na magpabinyag katulad sa paraan ng pagkakabinyag sa kanya.

Talakayan

  • Ano ang naaalala ninyo tungkol sa kung paano bininyagan si Jesus?

Talakayan ng larawan

Ipakita ang larawan 3-1, Binibinyagan ni Juan Bautista si Jesus. Basahin nang malakas ang unang bahagi ng Mateo 3:16, na nagtatapos sa salitang umahon sa tubig. Ipaliwanag na bininyagan si Jesus sa pamamagitan ng paglulubog, na ang ibig sabihin ay inilubog siya sa tubig.

Talakayan ng larawan

  • Sa paanong paraan nais ng Ama sa Langit at ni Jesus na kayo ay mabinyagan? (Sa pamamagitan ng paglulubog, katulad ng kay Jesus.)

Tanungin ang mga bata kung ilang taon na sila. Ituro na kapag walong taong gulang na ang mga bata ay nasa sapat na gulang na sila upang mabinyagan. Mananagot na rin sila sa kanilang mga pagpili. Sa pamamagitan ng pagpapabinyag at pagsunod sa mga kautusan ay mapipili nila ang tama.

Talakayan ng larawan

  • Bakit mahalaga ang mabinyagan?

  • Paano ipinakikjta ng pagpapabinyag na pinili ninyo ang tamang daan?

Ipaliwanag na kapag pinili nila ang magpabinyag, pinipili nilang maging mga kasapi ng Simbahan ni Jesucristo at taglayin ang kanyang pangalan. Ipinangangako nilang magiging sagisag ni Jesucristo ang kanilang sariling pangalan. Ipinapangako nilang sisikaping maging katulad niya at gagawin ang mga bagay na gagawin niya. Tulungan ang mga bata na maunawaan na sa pamamagitan ng pagpili ng tama ay magiging maganda ang kanilang pakiramdam sa kanilang sariling mga pangalan at igagalang ang pangalan ni Jesucristo at ang pangalan ng kanyang simbahan.

Patotoo ng guro

Ibigay ang iyong patotoo sa mga bata tungkol sa kahalagahan ng palaging pagpili ng tama.

Awit at singsing

Tulungan ang mga bata na awitin ang awit ng klase na, “Piliin ang Tamang Daan.” Pagkatapos ay bigyan ng singsing na PAT ang bawat bata na hindi nakatanggap noong nakaraang taon.

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pangwakas na panalangin.

Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamabisa para sa mga bata. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong Para sa Guro.”

  1. Anyayahan ang bawat bata na ikuwento ang isang pagkakataon nang piliin niya ang tama at na ipaliwanag kung ano ang nadama niya pagkatapos gawin ang pagpiling iyon.

  2. Pakulayan sa bawat bata ang isang kopya ng kalasag na PAT na matatagpuan sa harapan ng manwal.

  3. Paguhitin ang mga bata ng mga larawan ng mga paraan na kung saan ay maaari nilang piliin ang tama.

  4. Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagkukunwaring gumagawa sila ng isang karaniwang gawain sa bahay na ibinigay sa kanila ng kanilang mga magulang at pagkatapos ay ipaliwanag kung paanong ito ay pagpili ng tama.