Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 12: Ang Kaloob na Espiritu Santo


Aralin 12

Ang Kaloob na Espiritu Santo

Layunin

Tulungan ang mga bata na pahalagahan ang pribilehiyo ng pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo kapag pinagtibay sila na mga kasapi ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling-araw.

Paghahanda

  1. Pag-aralan ang Juan 14:16–17, 26.

  2. Ihanda ang tsart mula sa aralin 7 na, “Pagiging Kasapi ng Simbahan ni Jesucristo.” Bago magklase, ilagay ang mga sinulatang piraso ng papel na “Pananampalataya kay Jesucristo,” “Pagsisisi,” at “Pagbibinyag” sa wastong mga baitang ng tsart. Ihanda ang sinulatang piraso ng papel na “Kaloob na Espiritu Santo” upang gamitin sa aralin.

  3. Ilagay ang larawan 3-14, Batang Babae na Pinagtitibay (62020) sa isang kahon. Kung maaari, balutan ang kahon upang magmukhang isang regalo.

  4. Maghandang tulungan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga titik sa awit na “Ang Espiritu Santo” (Aklat ng mga Awit Pambata); ang mga titik ay kasama sa likod ng manwal na ito.

  5. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Biblia.

    2. Larawan 3-14, Batang Babae na Pinagtitibay (62020); larawan 3-22, Ang Huling Hapunan (62174; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 225); at larawan 3-10, Ang Unang Pangitain (62470; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 403).

  6. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin sa mga bata kung nagawa nila ang anumang bagay na hinimok mong gawin nila sa loob ng linggong ito.

Matatanggap Natin ang Kaloob na Espiritu Santo

Gawaing pantawag pansin

Ipakita ang kahon ng “regalo” at itanong ang mga sumusunod:

Gawaing pantawag pansin

  • Bakit tayo nagbibigayan ng mga regalo?

  • Ano ang nadarama ninyo kapag binibigyan kayo ng regalo ng isang tao?

Paglalahad ng guro

Ipaliwanag na ang araw noong maging kasapi tayo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling-araw ay isa sa pinakamahalagang araw ng ating buhay. Sa kahanga-hangang pagkakataong iyon ay binibigyan tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ng isang mahalagang regalo.

Mga pahiwatig

Sabihin sa mga bata na bibigyan mo sila ng ilang pahiwatig na tutulong sa kanilang matuklasan kung ano ang regalo. Anyayahan silang makinig nang tahimik hanggang maibigay mong lahat sa kanila ang mga pahiwatig.

Mga pahiwatig

  1. Ang regalong ibinibigay sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ay hindi mabibili ng salapi.

  2. Hindi natin mahahawakan ang regalong ito sa ating mga kamay o matitingnan katulad ng isang aklat o laruan.

  3. Ang regalong ito ay higit na mahalaga kaysa sa anumang regalo na matatanggap ng isang tao.

  4. Ang mga karapat-dapat na kasapi ng Simbahan ay tinutulungan at inaaliw nito sa buong buhay nila.

  5. Tinatanggap natin ang regalong ito kapag ipinapatong ng kalalakihang nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec ang kanilang mga kamay sa ating mga ulo at pinagtitibay tayo na mga kasapi ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling-araw.

Hilinging itaas ang mga kamay ng mga nakaaalam kung ano ang regalo.

Mga pahiwatig

  • Ano ang regalong ito? (Ang kaloob na Espiritu Santo.)

Larawan at talakayan

Pabuksan sa isang bata ang regalo upang matuklasan ang larawan. Pagkatapos ay ipakita ang larawan ng batang pinagtitibay. Ipaliwanag kung paano ibinibigay ang kaloob na Espiritu Santo. Matapos mabinyagan ang isang tao, ipinapatong ng mga lalaking nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec ang kanilang mga kamay sa ulo ng taong ito, tulad ng ipinakikita sa larawan. Isa sa kalalakihan (karaniwang ang ama, ang obispo, isang misyonero, o isang kaibigan ng taong pinagtitibay) ang bumibigkas ng panalangin. Sa oras ng panalangin, ang tao ay pinagtitibay na kasapi ng Simbahan at tumatanggap ng kaloob na Espiritu Santo.

Larawan at talakayan

  • Ano ang alam mo tungkol sa Espiritu Santo?

Maikling ipakuwento sa mga bata kung ano ang nalalaman nila tungkol sa Espiritu Santo. Tukuyin ang mga sumusunod na punto:

Larawan at talakayan

  1. Ang Espiritu Santo ay walang katawan ng laman at mga buto na tulad ng sa atin. Mayroon siyang katawang espiritu na anyong tao.

  2. Ang Espiritu Santo ay nagtuturo sa atin tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at nagpapatotoo sa mga bagay na itinuro sa atin tungkol sa kanila.

  3. Ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo na ang ating naririnig ay totoo kapag tayo ay tinuturuan ng katotohanan.

  4. Ang Espiritu Santo ay ipinadala mula sa Ama sa Langit at kay Jesucristo upang tulungan tayong piliin ang tama.

Tsart

Ipakita ang tsart na “Pagiging Kasapi ng Simbahan ni Jesucristo.”

Ilagay ang sinulatang piraso ng papel na “Kaloob na Espiritu Santo” sa ikaapat na baitang ng tsart. Ipabasa nang malakas sa isang higit mas nakatatandang bata ang mga salita o ikaw mismo ang magbasa ng mga ito; pagkatapos ay ipaulit ang mga salita sa lahat ng bata na kasama ka.

Ipaliwanag na hindi lahat ng nabubuhay sa daigdig ay nagkakaroon ng pribilehiyo natumanggap ng kaloob na Espiritu Santo. Ang mga nabinyagan lamang at napagtibay na mga kasapi ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling-araw ang nagkakaroon ng pagpapalang iyon. Bigyang-diin na kapag tinatanggap natin ang kaloob na Espiritu Santo sa oras na tayo ay pinagtitibay, nagiging opisyal na mga kasapi tayo ng Simbahan. Pagbalik-aralan ang mga hakbang sa tsart na kasama ang mga bata, na nagsisimula sa pananampalataya kay Jesucristo.

Pagbabalik-aral ng saligan ng pananampalataya

Isulat ang mga salita ng ikaapat na saligan ng pananampalataya sa pisara. Muling bigkasin ito nang malakas na kasama ng mga bata. Pagkatapos ay burahin ang ilang salita at muling bigkasin nang malakas sa kanila. Patuloy na burahin ang ilang salita sa tuwing uulitin ito hangga’t kapaki-pakinabang ang pagsasanay.

Nangako si Jesucristo na Ipadadala ang Espiritu Santo

Larawan

Ipakita ang larawan 3-22, Ang Huling Hapunan. Ipaliwanag na noong gabi bago ipako si Jesucristo sa krus, kumain siya ng isang huling hapunan kasama ang Labindalawang Apostol. Noong oras na iyon, sila ay tinuruan din niya ng ilang pinakamahahalagang bagay. Alam niya na lubha silang malulungkot kapag siya ay wala na. Alam niya na kakailanganin nila ang kanyang tulong. Nangako si Jesus sa mga Apostol na hindi sila iiwang nag-iisa kundi magpapadala siya ng isang tutulong at aaliw sa kanila.

Banal na kasulatan

Ipabasa sa isang nakatatandang bata ang sinabi ni Jesus sa mga Apostol mula sa Juan 14:16 o ikaw mismo ang magbasa nito.

Banal na kasulatan

  • Ano ang iba pang pangalan ng Mang-aaliw na ipinangako ni Jesus na ipadadala sa mga Apostol? (Ang Espiritu Santo.)

Basahin sa mga bata ang Juan 14:26.

Bigyang-diin na ipinadala ni Jesucristo ang Espiritu Santo upang tulungan at aliwin ang kanyang mga Apostol. Kahit na hindi nakikita ng mga Apostol ang Espiritu Santo, nararamdaman nila na siya ay tumutulong at umaaliw sa kanila. Kaya siya ay tinatawag na Mang-aaliw.

Awit

Awitin o bigkasin ang mga salita sa awit na “Ang Espiritu Santo.”

Matutulungan Tayo ng Espiritu Santo

Paglalahad ng guro

Ipaliwanag na bilang mga kasapi ng Simbahan ni Jesucristo, tayo ay may pribilehiyo na tulad ng sa mga Apostol na mapasaatin ang Espiritu Santo upang tulungan at aliwin tayo. Bigyang-diin na ang pagsama sa atin ng Espiritu Santo ay isa sa pinakadakilang mga kaloob na matatamasa natin sa buhay na ito. Palagi siyang mapapasaatin kung tayo ay karapat-dapat at namumuhay nang matwid.

Sabihin sa mga bata na matutulungan tayo ng Espiritu Santo na malaman ang gagawin kapag may mahihirap na pagpili tayong gagawin. Hikayatin ang mga bata na sundin ang kanilang mga nadarama mula sa Espiritu Santo kapag sila ay natatakot o nasasaktan. Tutulungan niyang malaman ang dapat nilang gawin, tulad ng pag-uudyok sa kanila na sabihan ang isang tao na makatutulong sa kanila.

Kuwento

Isalaysay sa sarili mong mga salita ang sumusunod na kuwento. Hilingin sa mga bata na makinig upang malaman kung paano tinulungan at inaliw ng Espiritu Santo ang isang batang babae na ang pangalan ay Jan:

Si Jan ay tumira nang halos buong buhay niya sa isang maliit na bayan ng maraming sakahan. Mahal niya ang bayan at ang mga taong nakatira roon. Madalas ay naiisip ni Jan kung gaano kasarap mamuhay sa isang bayan na napakaraming tao na palakaibigan.

Isang araw, umuwi ang kanyang ama mula sa trabaho at sinabi sa pamilya na mag-iiba siya ng trabaho at lilipat sila sa isang mas malaking lungsod.

Kuwento

  • Ano sa palagay ninyo ang naramdaman ni Jan?

Nakakaramdam si Jan ng pagkalungkot at pagkabahala sa tuwing maiisip niya ang paglipat. Naging mahirap para sa kanya na isiping hindi magtatagal ay iiwanan na niya ang kanyang mga kaibigan, tahanan, paaralan, at purok.

Nag-alala si Jan. Nag-alala siya na baka mahirapan siyang magkaroon ng mga bagong kaibigan. Ano kaya ang magiging lagay niya sa kanyang bagong tahanan at purok? Magiging napakahirap kaya para sa kanya ang gawain sa paaralan?

Walang nakatulong sa kanya na maalis ang kanyang damdamin ng pag-aalala. Nagpasiya si Jan na manalangin at humingi ng tulong sa Ama sa Langit.

Nanalangin si Jan sa Ama sa Langit nang buong puso. Habang nananalangin siya, isang kahanga-hangang bagay ang nagsimulang mangyari. Nagsimulang mawala ang lahat ng kanyang mga takot at pag-aalala.

Naramdaman ni Jan na may umaaliw sa kanya.

Kuwento

  • Sino sa palagay ninyo ang umaaliw kay Jan? (Ang Espiritu Santo.)

Lumipat ang pamilya ni Jan at ang lahat naman ay naging maayos. Lagi niyang naaalala ang mapagmahal na tulong na tinanggap niya mula sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Karanasan at patotoo ng guro

Maaari mong naising ikuwento ang isang pagkakataon na inaliw ka ng Espiritu Santo, tulad nang natakot ka o nang nawalan ka ng isang minamahal. Magpatotoo na maaari tayong aliwin at gabayan ng Espiritu Santo. Ang kaloob na Espiritu Santo na tinatanggap natin matapos ang pagbibinyag ay isa sa pinakamahalagang kaloob na maibibigay sa atin ng Ama sa Langit upang tulungan tayong piliin ang tama sa buong buhay natin.

Buod

Bigyang-diin na bilang mga miyembro ng Simbahan, tayo ay naniniwala sa Espiritu Santo. Alam natin na ibibigay niya sa atin ang tulong at aliw na kailangan natin kung sinusunod natin ang mga kautusan.

Saligan ng pananampalataya

Ipaliwanag na ang unang saligan ng pananampalataya ay nagpapahayag tungkol sa Espiritu Santo. Uliting bigkasin na kasama ng mga bata ang unang saligan ng pananampalataya. Ipakita ang larawan 3-10, Ang Unang Pangitain, at larawan 3-14, Batang Babae na Pinagtitibay, sa naaangkop na pagkakataon habang binibigkas ninyo ang saligan ng panampalataya.

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pangwakas na panalangin; paalalahanan siya na pasalamatan ang Ama sa Langit sa pagbibigay sa atin ng pagkakataon na matanggap ang kaloob na Espiritu Santo.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamainam para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalik-aral o buod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong Para sa Guro.”

  1. Anyayahan ang isang espesyal na panauhin sa iyong klase. Hilingin sa iyong panauhin na magbahagi ng isang karanasan nang siya ay aliwin ng Espiritu Santo. (Humingi ng pahintulot mula sa obispo o pangulo ng sangay kung ang panauhin ay hindi galing sa inyong purok o sangay.)

  2. Tanungin ang mga bata kung may nagpapadama sa kanila ng sigla, saya, at pagiging ligtas, lalung-lalo na kapag may pangyayaring nagpapalungkot sa kanila. Bigyang-diin na ang ganitong mga tao kung minsan ay nakaaaliw sa atin kapag tayo ay nalulungkot o nakadarama ng pag-iisa. Ipaliwanag na ang Espiritu Santo kung minsan ay tinatawag na Mang-aaliw. Maaari niya tayong bigyan ng malaking kaginhawahan sa buong buhay natin. Ipinadala siya ni Jesucristo upang makasama natin kapag tayo ay nalulungkot o naguguluhan.

  3. Awitin o bigkasin ang huling dalawang taludtod ng “Ang Munting Tinig” (Primarya 2):

    Dinggin, dinggin. (Bahagyang itikom ang kamay sa tainga)

    Sa ‘tin s’yang nagsasabi. (Ilagay ang hintuturo sa labi)

    Dinggin, dinggin (Bahagyang itikom ang kamay sa tainga)

    Ang munting tinig. (Kamay sa may tapat ng puso)

  4. Maglaro ng sumusunod na tahimik na laro na kasama ang mga bata upang ipakita sa kanila na maaari silang gabayan ng isang marahan at banayad na tinig:

    Ipakita sa mga bata ang isang maliit na bagay na itatago mo para sa larong ito. Anyayahan ang isang bata na sandaling iwan ang grupo habang itinatago mo ang isang bagay. Pabalikin sa grupo ang bata, at sabihin sa kanya na kailangan niyang makinig upang malaman ang daan papunta sa nakatagong bagay. Gumawa ng mahinang ingay, tulad ng pagtuktok ng lapis, mahinang pagpalakpak ng mga kamay, o paghimig ng isang awit, upang ipakita sa bata kung saan babaling sa paghahanap ng nakatagong bagay. Tiyaking ang mga ingay na ginagawa mo ay napakahina at mapitagan. Tumuktok nang bahagya kapag ang bata ay tumingin sa tamang direksiyon. Lalong bilisan ang pagtuktok habang ang bata ay palapit nang palapit sa pinagtataguan, hanggang makita niya ang bagay na hinahanap.

    Bigyang-diin sa mga bata na mapapatnubayan sila sa kanilang mga buhay sa pamamagitan ng pakikinig sa marahan at banayad na tinig ng Espiritu Santo.

  5. Bulungan ang mga bata at magsabi ng ilang bagay tulad ng “Kung naririnig mo ako, ilagay mo ang iyong daliri sa pisngi mo. Kung naririnig mo ako, ilagay mo ang iyong daliri sa baba mo. “ Pagkatapos ay ipaliwanag na may iba pang nagsasalita sa marahan at banayad na tinig, at kailangan nilang makinig nang mabuti upang marinig ang sinasabi ng tinig sa kanila. Ang tinig na iyon ay nanggagaling sa Espiritu Santo.