Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 43: Paggalang sa mga Pangalan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo


Aralin 43

Paggalang sa mga Pangalan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo

Layunin

Tulungan ang bawat bata na igalang at irespeto ang mga pangalan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin at maghandang basahin ang Mosias 13:15, magtatapos sa salitang walang saysay sa unang pagkakataon na mababasa at 1 Samuel 3:1–10, 19–20.

  2. Magdala ng isang manika na nakabalot sa isang maliit na kumot (o gumamit ng isang nakabalumbon na kumot o tuwalya) upang kumatawan sa isang maliit na sanggol.

  3. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Aklat ni Mormon.

    2. Tisa, pisara, at pambura.

    3. Larawan 3-47, Si Abinadias sa Harapan ni Haring Noe (62042; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 308); larawan 3-67, Si Pangulong Spencer W. Kimball; larawan 3-70, Ang Batang Lalaking si Samuel ay Tinatawag ng Panginoon (62498; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 111).

  4. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda sa alinmang mga gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin sa mga bata ang iyong ipinagawa, kung hinimok mo silang gumawa ng isang bagay sa loob ng linggong ito.

Mahalaga ang mga Pangalan

Gawaing pantawag pansin

Magkunwaring nginingitian at idinuduyan ang isang maliit na sanggol (manika o kumot) sa iyong mga bisig. Tumingin at sabihin sa mga bata na: “Noong kayo ay isang maliit at kapapanganak na sanggol pa lamang, pumili ang inyong mga magulang ng isang pangalan para sa inyo. Ito ay isang pangalan na ibig nila at gustong maging pangalan ninyo.”

Gawaing pantawag pansin

  • Alam ba ninyo kung bakit binigyan kayo ng inyong mga magulang ng natatanging pangalan? (Pasagutin ang bawat bata. Ang ilan ay maaaring ipinangalan sa mga kamag-anak o mga ninuno o sa ilang espesyal na dahilan. Tulungan ang lahat ng bata na magkaroon ng magandang damdamin tungkol sa kanilang mga pangalan, maging alam man o hindi ng mga bata kung bakit nila natanggap ang mga pangalang iyon.)

  • Ano ang inyong mararamdaman kung pagalit na bibigkasin ng mga tao ang inyong pangalan, gawin itong katawa-tawa, o bigkasin ito nang mali?

Ipaliwanag na ang mga pangalan ay napakahalaga. Nakikilala tayo ng mga tao sa pamamagitan ng ating mga pangalan. Ang isang pangalan ay nagpapakilala sa isang tao.

Talakayan

Ipaalaala sa mga bata na alam ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang ating mga pangalan. Ipaalaala sa kanila na ang pinakaunang salitang sinabi ng Ama sa Langit sa batang lalaking si Joseph Smith sa sagradong kakahuyan ay ang pangalang, “Joseph.” Siya ay tinawag ng Ama sa Langit sa pangalan. Maaari mo ring ipakita ang larawan 3-70, Ang Batang Lalaking si Samuel ay Tinatawag ng Panginoon, at ilahad ang kuwento sa Biblia ng batang lalaking si Samuel (tingnan sa I Samuel 3:1–10, 19–20), na kung saan tinawag ng Panginoon si Samuel sa pangalan.

Ipaliwanag na ang isang pangalan ay nagpapakilala sa isang tao. Sa sandaling marinig ninyo ang pangalan ng isang taong kilala ninyo, iniisip ninyo ang taong iyon. Isang mahalagang okasyon kapag ang sanggol ay binibigyan ng pangalan. Ang sanggol ay napaliligiran ng mga maytaglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec at binibigyan ng pangalan at pagbabasbas.

Talakayan

  • Kapag naririnig ninyo ang pangalan ng ating obispo (sabihin ang pangalan ng inyong obispo o pangulo ng sangay), anong uri ng tao ang naiisip ninyo? (Pasagutin sila, hinihimok ang mga bata na mag-isip ng mga positibong bagay.)

Maaari mong naising ulitin nang dalawa o tatlong beses ang gawaing ito, na ginagamit ang mga pangalan ng mabubuting tao na kilala ng mga bata.

Talakayan sa pisara

Isulat ang pangalang Jesucristo sa pisara, o sabihin sa mga bata na babanggitin mo ang isang napakaespesyal na pangalan. Sabihin ang “Jesucristo” nang may pagpipitagan at paggalang. Pagkatapos ay bigkasin ang pangalan kasama ng mga bata.

Talakayan sa pisara

  • Anong uri ng tao ang iniisip ninyo kapag naririnig o nakikita ninyo ang pangalang ito?

Isulat ang pangalang Ama sa Langit sa pisara, o bigkasin ito nang malakas tulad ng ginawa mo sa pangalan ng Tagapagligtas. Bigkasin itong kasama ng mga bata.

Talakayan sa pisara

  • Anong uri ng tao ang iniisip ninyo kapag naririnig o nakikita ninyo ang pangalang ito? (Isang tao na mapagmahal at nagbigay sa atin ng maraming bagay.)

Ipaliwanag na maraming bagay ang ginawa para sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Mahal natin sila. Kapag naririnig natin ang kanilang mga pangalan, madalas nating isipin ang maraming mabubuting bagay na ginawa nila. Nakadadama tayo ng pagmamahal at ng utang na loob kapag naiisip natin sila.

Iginagalang at nirerespeto natin ang ating mga minamahal. Nagpapakita tayo ng paggalang at respeto sa kanila sa pamamagitan ng paggamit ng mga pangalan nila nang may paggalang at pagmamahal.

Saligan ng pananampalataya

Tulungan ang mga batang bigkasin nang sabay-sabay ang unang saligan ng pananampalataya.

Tayo ay Inuutusan na Igalang ang mga Pangalan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo

Talakayan ng larawan

Ipakita ang larawan 3-47, Si Abinadias sa Harapan ni Haring Noe.

Talakayan ng larawan

  • Ano ang nagaganap sa larawang ito?

Ipaliwanag na noong tinuturuan ni propeta Abinadias ang mga tao, sinabi niya sa kanila ang tungkol sa Sampung Utos, na nanggaling sa Diyos.

Ang Sampung Utos ay gabay upang tulungan tayong mamuhay sa tamang paraan. Ang ikatlong kautusan ay nagsasabi sa atin na dapat nating igalang at irespeto ang mga pangalan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Talakayan sa banal na kasulatan

Hayaang makinig ang mga bata habang binabasa mo ang ikatlong utos. Basahin ang Mosias 13:15, na humihinto sa salitang walang saysay sa unang pagkakataon na makikita ito sa talata.

Ipaliwanag na ang salitang “sa walang saysay” ay nangangahulugang paggamit ng mga pangalan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa walang-galang na paraan o kapag hindi nila talagang iniisip ang Ama sa Langit at si Jesucristo.

Ipaulit sa mga bata ang mga salita sa banal na kasulatan na kasama ka.

Talakayan sa banal na kasulatan

  • Ano ang ilan sa ibang mga pangalan na ginagamit natin kapag tinutukoy natin ay ang Ama sa Langit o si Jesus? (Diyos, Ama sa Langit, Jehova, ang Panginoon, Cristo, ang Tagapagligtas.)

Tulungan ang mga batang maunawaan na kahit kailan natin ginagamit ang alinman sa mga pangalang ito, dapat tayong magsalita nang magalang. Ang mga pangalang ito ay hindi kailanman dapat bigkasin nang pagalit o nang pabiro. Ang sinumang gumagamit ng mga pangalang ito sa ganitong paraan ay nanunungayaw. Ang mga pangalang ito ay hindi kailanman dapat gamitin bilang mga salita ng panunungayaw. Dapat lang nating gamitin ang mga pangalan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo kapag tayo ay nananalangin o pinag-uusapan ang tungkol sa kanila sa magalang na paraan.

Kung ang iyong klase ay nakababasa, anyayahan ang isang bata na pumunta sa harapan at isulat ang mga salitang paggalang at respeto sa pisara. Bigyang-diin ang ideya na kung mahal natin ang Ama sa Langit at si Jesucristo, magpapakita tayo ng paggalang at respeto sa kanilang mga pangalan sa pamamagitan ng paggamit ng mga ito nang may paggalang at pagmamahal.

Paggamit nang Tama sa mga Pangalan ng Ama sa Langit at Jesucristo

  • Kailan nararapat na gamitin ang pangalan ng Ama sa Langit? (Kapag tayo ay nagsasalita nang may pagpipitagan at paggalang, kapag tayo ay nananalangin.)

Kuwento

Isang ina ang nagkuwento sa kanyang anak na lalaki ng tungkol sa kuwentong ito nang siya ay bata pa. Muling ilahad ito sa iyong sariling mga salita.

“ ‘Bilang isang maliit na batang babae, lumalakad akong pauwi ng bahay mula sa paaralan na kasama ang aking kapatid na lalaki. Palagi kaming dumaraan sa pinakamalapit na daan na may dinaraanang malaking itim na aso na humahabol sa amin habang patakbo kaming dumadaan sa bahay niya. Kung kami ay tatakbo ng tamang oras, kami ay makakaabot sa bakod at magiging ligtas. Sinasabi sa akin ng kapatid kong lalaki kung kailan ako dapat tumakbo.

“ ‘Isang araw ay nag-iisa ako at hindi nakatakbo sa tamang oras. Inabangan ako ng aso, at hindi ako nakakilos sa bangketa dahil sa takot. Nang pasugod na ito sa akin, [sa takot] ay sumigaw ako nang malakas na malakas: “Ama sa Langit, tulungan po ninyo ako!” ’

Ayon sa kanyang anak na lalaki: “Walang anu-ano, sa naaalala ng aking nanay, ang aso ay biglang huminto na para bang may humarang sa kanya, at siya ay gumapang nang ligtas sa bakod. Alam niyang ang kanyang panalangin ay nasagot” (S. Michael Wilcox, “No Other Gods before Me,” Ensign, Ene. 1994, p. 22-23).

Bigyang-diin kung gaano kahalaga na gamitin lamang ang mga pangalan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo kapag tayo ay nananalangin o nakikipag-usap sa kanila nang may pagpipitagan.

Larawan at kuwento

Ipakita ang larawan 3-67, Si Pangulong Spencer W. Kimball, at sabihin sa mga bata na siya ay minamahal na propeta at ikalabindalawang Pangulo ng Simbahan.

Ilahad ang sumusunod na kuwento:

Isang araw pagkatapos ng operasyon, si Pangulong Kimball ay inilalabas mula sa operating room ng ospital nang matisod at madapa ang isang nars. Ang nars ay nagsimulang magmura at ginagamit ang pangalan ng Panginoon ng walang saysay. Kahit na maysakit si Pangulong Kimball, siya ay nakiusap sa nars, “Nakikiusap ako! Pangalan ng aking Panginoon ang [ginagamit mo sa maling paraan].”

Natahimik ang nars. Pagkatapos ay bumulong siya ng, “Ikinalulungkot ko” (tingnan sa “President Kimball Speaks Out On Profanity,” Ensign, Peb. 1981, p. 3).

Talakayan

Talakayan

  • Anong kautusan ang sinuway ng nars?

  • Bakit ayaw itong marinig ni Pangulong Kimball?

  • Kailan natin dapat gamitin ang mga pangalan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?

  • Ano ang maaari ninyong gawin kung narinig ninyo sa paaralan o sa mga kapitbahay na ginagamit ng mga tao ang mga pangalan ng Ama sa Langit at ni Jesus sa walang saysay?

Buod

Himukin ang mga bata na gamitin ang mga pangalan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo nang may pagpipitagan at paggalang.

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pangwakas na panalangin.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamainam para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalik-aral o buod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong Para sa Guro.”

  1. Bigkasin ang sumusunod na talatang nagsasaad ng galaw na kasama ang mga bata.

    Jesus ay malumanay na sabihin

    Tinig, kung maaari’y pahinain. (Idampi ang hintuturo sa mga labi)

    Pangalan niya’y igalang natin sa bawat tamang ating pipiliin.

    Pangalan ng ating Ama sa Langit,

    Ay tulad ng isang panalangin (itiklop ang mga bisig at iyuko ang ulo)

    May pagmamahal at pag-iingat lamang itong dapat sabihin.

  2. Tumawag ng isang bata sa mali niyang pangalan, at hilingan siyang gumawa ng isang bagay para sa iyo. Hilingan siyang ipaliwanag sa klase kung ano ang naramdaman niya nang tawagin siya sa maling pangalan. Gamitin ang karanasang ito upang ilarawan kung paano nakababahala sa atin kung may maling magbibigkas, makakalimot, o maling gagamit ng ating mga pangalan. Ipaliwanag na ayaw nating pagalit na isinisigaw ang ating mga pangalan. Maiinis tayo na marinig ang ating mga pangalan na ginagamit sa maling paraan. Ayaw rin ito ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Tinuruan lamang nila tayong gamitin ang kanilang mga pangalan nang may paggalang, kapag tayo ay nananalangin o nagsasalita nang may pagpipitagan.

  3. Kung maisusulat ng mga bata ang kanilang sariling mga pangalan, ipasulat sa kanila ang una nilang mga pangalan sa gitna ng walang sulat ng papel, pagkatapos ay pakulayan ang palibot nito ng iba’t ibang kulay hanggang sa makagawa sila ng pabilog na “bahaghari” sa palibot ng mga pangalan. Kung hindi maisusulat ng mga bata ang una nilang mga pangalan, maaari mong isulat ang kanilang mga pangalan sa gitna ng mga papel at palagyan ng palamuti sa kanila ang mga pangalan ng mga guhit bahaghari o sa ibang paraan.

  4. Ulitin ang dula ni Abinadias sa aralin 20, at hayaan ang isang batang magkukunwaring si Abinadias na ulitin ang kautusan “Huwag ninyong babanggitin ang pangalan ng Panginoon ninyong Diyos sa walang saysay” kay masasamang Haring Noe.

  5. Kasama ang mga bata, awitin o bigkasin ang mga salita sa “Ang Unang Panalangin ni Joseph Smith” (Mga Himno); ang mga titik ay kasama sa likod ng manwal na ito.

  6. Maghanda ng isang malaking puzzle para sa klase sa kamukha nito:

    puzzle

    Huwag ninyong babanggitin

    ang pangalan ng Panginoon

    ninyong

    Diyos sa

    walang saysay.

    Sabihin sa mga bata na gusto mong malaman kung natatandaan nila ang mahalagang utos na tinalakay sa aralin. Bigyan ang limang bata ng isang piraso ng malaking puzzle na iyong inihanda. Tulungan silang iayos nang sunud-sunod ang mga salita ng banal na kasulatan. Pagkatapos ay ipabasa nang sabay-sabay sa klase ang kautusan.

    Anyayahan ang sinumang bata na gustong bumigkas sa banal na kasulatang ito.