Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 21: Tumatanggap Tayo ng Maraming Biyaya Bilang mga Kasapi ng Simbahan ni Jesucristo


Aralin 21

Tumatanggap Tayo ng Maraming Biyaya Bilang mga Kasapi ng Simbahan ni Jesucristo

Layunin

Tulungan ang mga bata na maunawaan na maraming biyaya ang maaaring dumating mula sa pagiging mga kasapi ng Simbahan.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Mosias 18 at Enos 1, at maghanda sa pagsasalaysay ng mga kuwento sa dalawang kabanatang ito.

  2. Maghandang tulungan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga titik sa “Ang Espiritu Santo” (Mga Himno at Awit Pambata) at “Ama, Ako’y Tulungan” (Mga Himno at Awit Pambata); ang mga titik sa mga awit na ito ay kasama sa likod ng manwal na ito.

  3. Bago magsimula ang klase, ilatag ang mga bagay na iyong tinipon—kasama ang mga larawan 3-13, 3-14, 3-48, at 3-49 (tingnan ang 4d sa ibaba)—sa ibabaw ng mesa o sa sahig, at takpan ang mga ito ng tela.

  4. Mga kailangang kagamitan:

    1. Ang mga sumusunod na sinulatang piraso ng papel:

      Ang mga Biyaya ng Pagbibinyag

      Tayo ay Nagiging mga Kasapi ng Simbahan ni Jesucristo

      Kaloob na Espiritu Santo

      Pinatatawad Tayo ng Ama sa Langit

    2. Kumuha ng mga sumusunod na bagay kung maaari: isang Aklat ni Mormon, Biblia, maliit na larawan ni Jesucristo, at singsing na PAT.

    3. Isang telang kainaman ang laki upang takpan ang mga bagay na iyong tinipon.

    4. Larawan 3-48, Nagbibinyag si Alma sa mga Tubig ng Mormon (62332; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 309); larawan 3-13, Batang Lalaking Binibinyagan (62018); larawan 3-14, Batang Babaeng Pinagtitibay (62020); at larawan 3-49, Nananalangin si Enos (62604; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 305).

  5. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin sa mga bata kung nagawa nila ang anumang bagay na hinimok mong gawin nila sa loob ng linggong ito.

Maaari Tayong Maging mga Kasapi ng Simbahan ni Jesucristo

Gawaing pantawag pansin

Sabihin sa mga bata na may ilang bagay na natatakpan ng tela sa mesa. Ipaliwanag na aalisin mo ang tela sa loob ng sampung segundo. Ang mga bata ay kailangang tumingin nang mabuti at subukang tandaan ang mga bagay na makakaya nilang tandaan.

Ipunin ang klase nang paikot sa mesa. Alisin ang takip ng mga bagay sa loob ng sampung segundo. Pagkatapos ay takpang muli ang mga bagay. Pabalikin ang mga bata sa kanilang mga upuan.

Hali-haliling ipasubok sa mga bata na banggitin ang mga pangalan ng lahat ng bagay sa ibabaw ng mesa. Pagkatapos na magkaroon ng pagkakataong sumagot ng mga nagnais na sumubok, alisin ang tela upang malaman kung gaano sila kahusay. Ipaliwanag na bawat isa sa mga bagay na ito ay maaaring magpaalala sa atin ng mga biyaya na tinatanggap natin mula sa Ama sa Langit kapag tayo ay binibinyagan.

Sinulatang piraso ng papel

Ipadikit sa bata ang sinulatang piraso ng papel na ‘Ang mga Biyaya ng Pagbibinyag” sa pisara.

Larawan at kuwento sa banal na kasulatan

Ipakita ang larawan 3-48, Nagbibinyag si Alma sa mga Tubig ng Mormon.

Maikling pagbalik-aralan ang kuwento ni Alma mula sa aralin 20. Ipaalala sa mga bata na matapos tumakas si Alma mula sa mga tagapaglingkod ng masamang Haring Noe, siya ay nagtago sa ilang. Doon ay isinulat niya ang mga turo na sinabi ni propetang Abinadias.

Pagkalipas ng maraming araw, pumunta si Alma sa mga tao at palihim na nagsimulang magturo sa kanila tungkol kay Jesucristo. Marami sa kanila ang nakinig kay Alma at naniwala sa kanya. Ang mga naniwala ay pumunta sa isang lugar na tinatawag na Mormon. Sa lugar na ito ay may bukal ng dalisay na tubig at palumpon ng maliliit na puno kung saan nagtatago si Alma kung araw mula sa mga tagapaghanap ng hari.

Maraming tao ang nagtipun-tipon upang makinig kay Alma. Tinuruan niya sila ng tungkol sa pananampalataya at pagsisisi. Bininyagan ni Alma ang lahat ng nagnais na mabinyagan, at sila ay naging mga kasapi ng tunay na simbahan ni Jesucristo.

Sinulatang piraso ng papel

Ipadikit sa bata ang sinulatang piraso ng papel na “Tayo ay Nagiging mga Kasapi ng Simbahan ni Jesucristo.”

Maaari Tayong Magkaroon ng Kaloob na Espiritu Santo

Sinulatang piraso ng papel at talakayan

Sinulatang piraso ng papel at talakayan

  • Anong handog ang maaari nating matanggap pagkatapos nating mabinyagan? (Ang kaloob na Espiritu Santo.)

Ipadikit sa bata ang sinulatang piraso ng papel na “Kaloob na Espiritu Santo” sa ilalim ng naunang sinulatang piraso ng papel.

Ipaliwanag na pagkatapos nating mabinyagan, matatanggap natin ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Ito rin ay isang kahanga-hangang kaloob mula sa ating Ama sa Langit. Kung ginagawa natin ang tama, ang Espiritu Santo ay palaging mananatili sa atin at sasabihin sa atin ang mga tamang bagay na gagawin.

Awit

Awitin o bigkasing kasama ng mga bata ang mga salita sa “Ang Espiritu Santo.”

Saligan ng pananampalataya

Pagbalik-aralang kasama ng mga bata ang ikaapat na saligan ng pananampalataya. Ipaliwanag na ang kaloob na Espiritu Santo ay magiging pagpapala sa atin sa buong buhay natin—kung tayo ay namumuhay nang karapat-dapat.

Kuwento

Sa iyong sariling mga salita, ikuwento kung paano tinulungan ng Espiritu Santo si Tim:

Nakikita ni Tim na ang kanyang ina ay nag-aalala. Ang kanyang ama ay pagod at malungkot. May katagalan na rin magmula nang makatanggap sila ng sulat mula sa kanyang kapatid na si Wally, na naglilingkod sa misyon.

Si Tim ay naupo sa sopa sa sala. Naririnig niya ang kanyang ina at ama na nag-uusap sa kusina.

“Kakila-kilabot na pinsala talaga ang magkaroon ng lindol,” ang sabi ng kanyang ama, “at napakalapit sa lugar na kung saan si Wally ay naglilingkod. Sana ay makabalita agad tayo tungkol sa kanya.”

Nakinig na mabuti si Tim. “Lindol … si Wally?” naisip niya. Nakadama siya ng bara sa kanyang lalamunan. Nakikini-kinita niya ang kanyang kapatid na napinsala o nalibing sa ilalim ng malalaking bato. Sumulyap siya sa larawan ni Wally sa ibabaw ng desk, at napuno ng luha ang kanyang mga mata. Madali siyang nagtungo sa kanyang silid at isinara ang pinto. Sumagi sa isip ni Tom ang lahat ng uri ng mga kakila-kilabot na bagay at nag-alala ng buong gabing iyon at maghapon ng sumunod na araw. Sa tuwing susubukan niyang kausapin ang kanyang mga magulang tungkol kay Wally, nagbabara ang kanyang lalamunan at hindi niya magawang makapagsalita.

Tumindi nang tumindi ang takot ni Tim. Nadama niyang kailangang may mapagsabihan siya tungkol sa mga bagay na ito. Alam niya na ang kanyang ama ay gumagawa sa silong ng bahay, kaya si Tim ay bumaba papunta roon.

Ibinukas ni Tim ang kanyang bibig upang simulan ang binalak niyang sabihin. Pero hindi madaling pag-usapan ang tungkol kay Wally. Tumungo siya at napuno ng luha ang kanyang mga mata.

Nag-aalala ka tungkol kay Wally, di ba Tim?” ang tanong ng kanyang ama. “Nang marinig namin ang tungkol sa lindol, kami ay nag-alala. Ako at ang iyong ina ay nanalangin para sa kaligtasan ni Wally. Nakatanggap kami ng pag-aliw mula sa Espiritu Santo na ang lahat ay maayos at hindi namin kailangang mag-alala. Maaari ka ring magkaroon ng katulad na kaaliwan, Tim.”

“Paano?” ang tanong ni Tim.

“Manalangin ka sa Ama sa Langit. Sabihin mo sa kanya ang iyong mga takot. Hilingin mo sa kanya na tulungan kang malaman kung si Wally ay ligtas. Natitiyak ko na makatatanggap ka ng kaaliwan.”

Ginawa ni Tim ang sinabi ng kanyang ama na gawin niya. Nanalangin siya para sa kaligtasan ni Wally. Hiniling niya sa kanyang Ama sa Langit na ipaalam sa kanya na si Wally ay buhay at nasa mabuting kalagayan. Pagkatapos na manalangin ni Tim, isang magandang damdamin ng kapayapaan at kaaliwan ang dumating sa kanya. Hindi na siya nag-alala pa tungkol kay Wally. Alam niyang ang lahat ay nasa mabuting kalagayan.

Sa wakas ay dumating ang sulat na tumitiyak sa mag-anak na si Wally ay ligtas. Hindi man lang nagtaka si Tim. Talagang alam niya na si Wally ay ligtas. Si Tim ay binigyan ng kapanatagan ng kalooban ng Espiritu Santo.

Kuwento

  • Paano tinulungan ng Espiritu Santo si Tim? (Nagbigay siya ng panatag na damdamin sa kanya—damdamin na si Wally ay ligtas.)

Sabihin sa mga bata na ang kaloob na Espiritu Santo ay malaking pagpapala kay Tim at sa kanyang pamilya. Ito ay maaari ring maging malaking pagpapala para sa atin.

Pagkatapos Tayong Mabinyagan, Patatawarin Tayo ng Ama sa Langit

Sinulatang piraso ng papel

Ipadikit sa bata ang sinulatang piraso ng papel na “Pinatatawad Tayo ng Ama sa Langit” sa pisara.

Ipaliwanag na isa pang dakilang pagpapala ng binyag ay ang pagpapatawad sa atin kapag tayo ay nakagagawa ng mga kamalian at di-tama. Alam ng ating Ama sa Langit na ang lahat ng kanyang mga anak ay makagagawa ng mga kamalian. Ipinag-utos niya sa lahat na pagsisihan ang kanilang mga maling gawain. Kung tayo ay magsisisi, ipinangako niya na tayo ay patatawarin niya at bibigyan tayo ng iba pang mga biyaya. Ipaalala sa mga bata na bahagi ng pagsisisi ay ang pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo. Isa pang bahagi ay ang buhay na nais ni Jesus na ipamuhay natin, iyon ay ang higit na pagsunod sa kanyang mga kautusan. Higit pa tayong matututo ng tungkol kay Jesus at sa kanyang mga kautusan sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Larawan at kuwento sa banal na kasulatan

Ipakita ang larawan 3-49, Nananalangin si Enos.

Ipaliwanag na si Enos ay isang propeta na maaari nating mabasa sa Aklat ni Mormon. Hinilingan si Enos ng kanyang ama na pag-ingatan ang mga tala na kinabibilangan ng mga banal na kasulatan at kasaysayan ng kanyang mga tao. Ang kasaysayan na ito ay isinulat sa mga laminang metal. Tinuruan si Enos ng kanyang ama ng ebanghelyo na nakapaloob sa mga talang ito, kaya alam ni Enos kung paano siya mamumuhay. Isang araw ay pumunta si Enos sa kakahuyan at nanalangin sa Ama sa Langit ng buong araw hanggang inabot ng gabi. Hiniling niyang mapatawad siya sa mga maling nagawa niya. Pagkatapos ay may magandang bagay na nangyari.

Ipaliwanag na pinatawad ng Ama sa Langit si Enos at nangakong pagpapalain siya. Isang tinig ang nagsabi sa kanyang, “Enos, ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na, at ikaw ay pagpapalain” (Enos 1:5). Si Enos ay pinatawad dahil siya ay may pananampalataya kay Jesucristo, na kanyang nabasa sa mga tala. Siya ay pinatawad dahil naniwala siya sa sakripisyong pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ipinangako rin ng Ama sa Langit kay Enos na ang mga talang iyon ay pag-iingatan at isang araw ay mababasa ng mga Lamanita ang mga nakasulat dito. Ang mga tala ay tutulong sa kanila na matuto ng tungkol kay Jesus, sundin ang mga kautusan, at tumanggap ng kapatawaran kapag sila ay nakagawa ng mali.

Ipaliwanag na alam natin na tinupad ng Ama sa Langit ang pangako niya kay Enos dahil mababasa natin sa Aklat ni Mormon ang mga bagay na nakasulat sa mga lamina.

Larawan at kuwento sa banal na kasulatan

  • Anong pagpapala ang tinanggap ni Enos nang siya ay magsisi? (Tanggapin ang alinmang tamang sagot, pero bigyang-diin na pinatawad siya ng Ama sa Langit.)

Ipahayag ang iyong pasasalamat para sa kaalaman na ang lahat ng tunay na nagsisisi ay patatawarin. Bigyang-diin na ang mga banal na kasulatan ay maaaring maging malaking pagpapala sa pagtulong sa atin na paunlarin ang pananampalataya kay Jesucristo at matutuhan ang kanyang mga turo.

Awit

Tulungan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga salita sa ‘Ama, Ako’y Tulungan.”

Buod

Pagbalik-aralan ang mga biyaya ng pagkakasapi sa Simbahan na nakalista sa mga sinulatang piraso ng papel. Ipaalala sa mga bata na ipinangako ng Ama sa Langit na bibigyan tayo ng malaking pagpapala kung tayo ay mabibinyagan at susunod sa mga kautusan.

Anyayahan ang mga bata na isipin ang mga biyaya na ibinigay ng Ama sa Langit sa kanila sa susunod na pagtanggap nila ng sakramento. Hikayatin silang magtuon ng sapat na pansin sa mga panalangin ng sakramento at isipin ang mga pangako na kanilang gagawin kapag sila ay bibinyagan na. Ang mga nabinyagan na ay maaaring pag-isipang mabuti ang kanilang kamakailan lamang na pagbibinyag.

Patotoo

Ibigay ang iyong patotoo na ang Ama sa Langit ay palaging tumutupad sa kanyang mga pangako sa atin kung tayo ay sumusunod sa kanya. Maaaring naisin mong ibahagi ang iyong karanasan sa mga bata nang maramdaman mong lubhang pinagpala ka dahil sa pagkakasapi mo sa kanyang simbahan.

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pangwakas na panalangin.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamainam para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalik-aral o buod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “MgaTulong Para sa Guro.”

  1. Maghanda ng isang tsart na may mga salita ng 3 Nefias 11:33 dito. Gumupit ng isa pang piraso ng papel na kasing laki ng tsart, at isulat dito “Ang mga Biyaya ng Pagbibinyag.” Gupitin ang papel na ito sa ilang piraso na tulad ng puzzle. Idikit ang bawat piraso sa tsart upang matakpan ang lahat ng piraso ng banal na kasulatan. Maging maingat upang ang bawat piraso ay maiaalis nang madali nang hindi masisira ang nakalimbag na banal na kasulatan.

    Ipakita sa mga bata ang puzzle na “Ang Biyaya ng Pagbibinyag” at ipabasa sa kanila ang pamagat. Ipaliwanag na babasahin mo ang ilang tanong tungkol sa aralin. Kung sinuman ang makasasagot sa tanong nang tama ay maaaring magtanggal ng isang piraso sa takip ng puzzle. Sa bandang huli ay mahahayag ng mga bata ang banal na kasulatan sa ilalim nito. Ang sumusunod ay ilan sa mga mungkahing tanong:

    • Anong mga tipan ang ginagawa natin sa [araw ng] pagbibinyag? (Palaging alalahanin si Jesucristo, taglayin ang pangalan niya, at sundin ang kanyang mga kautusan.)

    • Ano ang ginawa ni Alma sa mga Tubig ng Mormon? (Bininyagan niya ang mga taong gustong magpabinyag.)

    • Sa anong simbahan nakasapi si Alma at ang kanyang mga tagasunod? (Ang Simbahan ni Jesucristo.)

    • Paano nasagot ang panalangin ni Tim? (Tinulungan siya ng Espiritu Santo na malaman na ligtas si Wally.)

    • Bakit nanalangin si Enos? (Gusto niyang mapatawad siya sa kanyang mga kasalanan.)

    • Anong aklat ang isinalin mula sa mga laminang ginto? (Ang Aklat ni Mormon.)

    • Anong gulang ka dapat mabinyagan? (Kapag ako ay walong taong gulang na.)

    Pagkatapos matanggal ang mga piraso ng puzzle, ipabasa mo sa klase ang banal na kasulatan na kasama ka. Ipaliwanag na ang “magmana ng kaharian ng Diyos” ay nangangahulugang mamuhay nang walang-katapusan na kasama ang Ama sa Langit.

  2. Awitin o bigkasin ang mga salita sa himnong “Pagpapala ay Bilangin Mo” (Mga Hlmno).

    Pagpapala ay bilangin mo;

    Pagpapalang kaloob sa ‘yo.

    ‘Yong bilangi’t isa-isahin;

    Mga pagpapalang kaloob sa ‘yo.

    Pagpapala ay bilangin mo;

    Pagpapalang kaloob sa ‘yo.

    ‘Yong bilangi’t isa-isahin;

    Mga pagpapalang kaloob sa ‘yo.

  3. Magbigay sa bawat bata ng mga krayola at isang piraso ng papel na sinulatan ng “Ang mga Biyaya ng Pagbibinyag”. Magpaguhit at pakulayan sa bawat bata ang larawan ng isang biyayang maaari nilang matanggap pagkatapos nilang mabinyagan at mapagtibay bilang mga kasapi ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling-araw.