Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 20: Tinutulungan Tayo ng Espiritu Santo na Malaman ang Katotohanan


Aralin 20

Tinutulungan Tayo ng Espiritu Santo na Malaman ang Katotohanan

Layunin

Tulungan ang mga bata na maunawaan na matutulungan sila ng Espiritu Santo na malaman na ang mga turo ni Jesucristo ay totoo.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Mosias 11; 12:17–19; 13:1–9; 17; 18:1–3; Moronias 10:4–5; Doktrina at mga Tipan 130:22.

  2. Maghandang awitin o bigkasin ang mga salita sa “Ang Espiritu Santo” (Aklat ng mga Awit Pambata); ang mga salita ay nasa likod ng manwal na ito.

  3. Maghanda ng labing-apat kard katulad ng ipinakikita. Isulat ang titik sa isang bahagi at ang bilang sa kabilang bahagi. Para sa mga bata na hindi nakababasa, dagdagan ng mga tuldok katumbas ng mga bilang.

    Holy Ghost sign

    Kung maaari, idikit ang mga kard sa anumang ayos sa likod ng mga upuan ng mga bata bago magklase.

  4. Maghandang awitin ang unang talata ng “Aking Ama’y Buhay” (Aklat ng mga Awit Pambata).

  5. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang kopya ng Aklat ni Mormon para sa bawat bata na nakababasa.

    2. Teyp, kung mayroon.

    3. Pisara, yeso, at pambura; o papel na susulatan.

    4. Larawan 3-47, Si Abinadias sa Harapan ni Haring Noe (62042; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 308).

  6. Gumawa ng mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin mo ang mga bata kung mayroon mang gawaing hinikayat mong gawin nila sa loob ng isang linggo.

Tinulungan ng Espiritu Santo si Alma na Makilala ang Katotohanan

Gawaing pantawag pansin

Ipahanap sa mga bata ang mga nakatagong kard, at tulungan sila na buuin ang pangalang Espiritu Santo. Ang mga nakababata ay maaaring ilagay ang mga kard ayon sa pagkakasunud-sunod ng bilang; at pagkatapos ibaligtad ang mga ito at basahin nang malakas ang mga salita. Ipasabi ang pangalan sa klase.

Saligan ng pananampalataya

Patayuin ang mga bata at ipaulit ang unang saligan ng pananampalataya na sinasabayan mo.

Banal na kasulatan, larawan, at kuwento

Ipakita sa mga bata ang larawan 3-47, Si Abinadias sa Harapan ni Haring Noe. Habang isinasalaysay mo ang sumusunod na kuwento sa iyong sariling mga salita, hilingan ang mga bata na pakinggan kung paano tinulungan ng Espiritu Santo si Alma.

Ipaliwanag na pagkalipas ng maraming taon makaraang makaalis si Lehias at ang kanyang mag-anak sa Jerusalem, isang masamang tao na nagngangalang Noe ang naging hari ng mga Nefita. Masamang hari si Haring Noe at tinuruan ang mga Nefita na maging makasalanan.

Nagpadala ang Panginoon ng propetang nagngangalang Abinadias upang mangaral sa mga Nefita. Sinabihan ni Abinadias ang mga Nefita na sila at ang kanilang hari ay masasama at nais ng Ama sa Langit na magsisi sila.

Nagalit si Haring Noe kay Abinadias at siya ay ipinahuli. Pagkatapos ay dinala si Abinadias sa masamang Haring Noe at sa kanyang mga saserdote. Tinuruan sila ni Abinadias ng mga aral ni Jesucristo. Hindi sila nakinig, subalit pinagpala ng Panginoon si Abinadias, at walang sinuman ang makagawa ng masama sa kanya hanggang sa maibigay niya ang mensahe na ipinag-utos sa kanya. Sinabi niya sa kanila na ang mga aral na ito ay totoo. Tumangging maniwala ang Haring Noe at ang karamihan sa kanyang saserdote sa mga salita ni Abinadias. Ayaw nilang magsisi sa kanilang kasamaan. Sa halip ay gusto nilang patayin si Abinadias.

Isa sa mga saserdote na nagngangalang Alma ang naniwala kay Abinadias. Ipinaalam ng Espiritu Santo kay Alma na nagsasabi ng katotohanan si Abinadias. Nagmakaawa si Alma kay Haring Noe na pakawalan si Abinadias. Ang pagsusumamo ni Alma ay lalong nagpagalit kay Haring Noe. Pinalayas niya si Alma. Pagkatapos ay nagpadala siya ng kanyang mga alagad upang patayin si Alma. Subalit nakatakas si Alma sa mga alagad ni Haring Noe at nagtago. Nanatiling nakatago at ligtas si Alma sa loob ng maraming araw. Nang matapos si Abinadias sa pagsasabi kay Haring Noe ang mga ipinag-utos sa kanya, ipinapatay ni Haring Noe si Abinadias.

Samantalang nagtatago si Alma, isinulat niya ang mga aral na itinuro ni Abinadias. Alam ni Alma na ang mga aral na ito ay totoo. Pinagsisihan niya ang lahat ng kanyang kasalanan at nagsimulang sundin ang mga kautusan. Naging isang dakilang misyonero si Alma sa pamamagitan ng pagbabahagi sa iba ng mga katotohanan na nalaman niya.

Banal na kasulatan, larawan, at kuwento

  • Paano nalaman ni Alma na ang mga salita ni Abinadias ay totoo?

Pagsasaulo ng banal na kasulatan

Tulungan ang mga bata na makita ang Moronias 10:5, at ipaliwanag na ang banal na kasulatan na ito ay nagbibigay sa kanila ng kasagutan. Ipabasa ito sa isang nakatatandang bata para sa klase o basahin mo ito mismo nang malakas. Ipaliwanag na tinulungan ng Espiritu Santo si Alma na malaman na katotohanan ang sinabi ni Abinadias.

Maaaring isulat mo ang talata sa pisara o sa isang malaking papel at tulungan ang mga nakatatandang bata na isaulo ito. Pagkatapos na magkakasabay na basahin ang talata ng ilang ulit, burahin o takpan ang isa o dalawang salita at ipaulit sa mga bata ang talata. Ipagpatuloy ang pagbura sa mga salita pagkatapos ng bawat pag-uulit hanggang ang banal na kasulatan ay lubusang mabura. (Para sa mga bata na hindi nakababasa, magkakasabay na ulitin ang talata nang ilang ulit. Sandaling tumigil at hayaan ang mga bata na punan ang mahahalagang parirala.) Bigyan ang mga bata ng pagkakataon na bigkasin ang banal na kasulatan sa klase kung nais nila.

Matutulungan Tayo ng Espiritu Santo na Malaman ang Katotohanan

Paglalahad ng guro

Bigyang-diin na binibigyan tayo ng Espiritu Santo ng mabuting pakiramdam kapag pinipili natin ang tama. Binibigyan din niya tayo ng mabuting pakiramdam upang tulungan tayong makilala ang mga totoong aral.

Kuwento

Isalaysay ang sumusunod na kuwento tungkol sa isang batang lalaki na nakilala ang katotohanan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo:

Ikinasiya ni Jeff ang pakikinig sa mga misyonero nang pumunta sila sa kanyang tahanan. Nagsalaysay sila ng mga kahanga-hangang kuwento sa kanya at sa kanyang mag-anak. Higit niyang nagustuhan ang mga kuwento tungkol kay Jesucristo. Nang sabihin sa kanya ng mga misyonero na ipinanumbalik na sa lupa ang totoong Simbahan ni Jesucristo, inakala niya na ito na ang pinakanakatutuwang kaalaman na kanyang narinig kailanman. Sinabi ng mga misyonero sa kanya at sa kanyang mag-anak na kung sila ay mananalangin sa Ama sa Langit, malalaman nila kung ang itinuro ng mga misyonero ay totoo. Binanggit ng mga misyonero ang Moronias 10:5: “At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng mga bagay.”

Hindi nakatitiyak si Jeff kung paano niya malalaman na ang mensaheng dala ng mga misyonero ay totoo, subalit sinunod niya ang sinabi nila. Habang nananalangin si Jeff sa Ama sa Langit na tulungan siya na malaman ang katotohanan at nakinig sa mga itinuturo ng mga misyonero, isang mainit, maginhawang pakiramdam ang nagsimula niyang maramdaman. Agad, si Jeff ay hindi na nag-alinlangan. Natiyak niya na ang mga itinuro ng mga misyonero ay totoo. Nakatanggap siya ng isang mabuting pakiramdam, isang patotoo, mula sa Espiritu Santo.

  • Ano ang itinulong ng Espiritu Santo kay Jeff na maunawaan? (Na ang mga bagay na itinuro ng mga misyonero sa kanya ay totoo.)

  • Paano nagpabatid ang Espiritu Santo kay Jeff? (Isang mainit, mabuting pakiramdam ang sumapuso niya.)

  • Ano ang ginawa ni Jeff upang matamo ang pakiramdam na ito mula sa Espiritu Santo? (Nanalangin siya upang malaman kung ang mensahe ng mga misyonero ay totoo.)

Sabihin sa mga bata na maaaring madama nila ang Espiritu Santo sa oras ng aralin sa Primarya, aralin sa gabing pantahanan ng mag-anak, o anumang oras na sinasabihan sila ng katotohanan. Maraming tao ang nagkakaroon ng ganitong damdamin kapag sila ay nagbabasa o nakikinig ng mga salita mula sa mga banal na kasulatan o mga salita ng mga buhay na propeta. Bigyang-diin na ang Espiritu Santo ay hindi pangkaraniwang nagpapabatid sa atin sa pamamagitan ng mga salita na naririnig ng ating mga tainga. Sa halip, binibigyan niya tayo ng mabuting pakiramdam tungkol sa kung ano ang totoo.

Ipaliwanag na dahil ang Espiritu Santo ay may katawang espiritu lamang (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 130:22), kung minsan ay tinatawag ito na Espiritu. Sabihin sa mga bata na maaaring makarinig sila ng mga tao na nananalangin na mapasakanila ang Espiritu ng Diyos. Hinihiling nila na mapasakanila ang Espiritu Santo. Ang pagiging nasa atin nito ay tumutulong upang mapalapit tayo sa Ama sa Langit, maunawaan ang kanyang mga kautusan, at piliin ang tama.

Buod

Patotoo

Kung maaari, magbahagi ng isang sariling karanasan kung kailan tinulungan ka ng Espiritu Santo na makilala o malaman ang katotohanan. Magbigay ng iyong patotoo sa mga bata na ang Espiritu Santo ay kasapi ng Panguluhang Diyos na tutulong sa kanila na malaman ang katotohanan at kung ano ang tama.

Awit

Ipaawit o ipabigkas sa klase ang mga salita sa unang talata ng “Aking Ama’y Buhay”:

Aking Ama’y buhay, ako’y mahal niya.

Bulong ‘to ng Espiritu ang sabi’y totoo,

Ang sabi’y totoo.

  • Ano ang ipinapahayag ng awit tungkol sa sinasabi ng Espiritu Santo sa bawat isa sa atin? (Na ang Ama sa Langit ay buhay at mahal tayo.)

Muling ipaawit o ipabigkas sa mga bata ang awit.

Pagbabalik-aral sa banal na kasulatan

Muling ipabigkas sa mga bata ang Moronias 10:5, at hikayatin sila na ibahagi ito sa kanilang mga mag-anak.

Ipaliwanag sa mga bata na bagaman makapagbibigay ang Espiritu Santo sa sinuman ng mabuting pakiramdam kapag nakaririnig siya ng katotohanan, ang isang taong nabinyagan ay makatatanggap ng natatanging kaloob kapag siya ay pinagtibay na isang kasapi ng Simbahan. Ang kaloob na iyon ay ang kaloob na Espiritu Santo, na nangangahulugan na ang taong iyon ay madarama ang impluwensiya ng Espiritu Santo sa lahat ng oras kung mamumuhay siya nang matwid. Sabihin sa kanila na marami pa silang matututuhan tungkol sa kaloob na Espiritu Santo sa ibang mga aralin.

Awit

Awitin o bigkasin na kasama ang mga bata ang mga salita sa “Ang Espiritu Santo.”

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pangwakas na panalangin.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamainam para sa mga bata. Maaari mong gamitin ang mga ito sa aralin mismo o bilang isang pagbabalik-aral o pagbubuod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong sa Guro.”

  1. Awitin o bigkasin ang huling dalawang linya ng “Ang Munting Tinig” (Aklat ng mga Awit Pambata).

    Dinggin, dinggin. (itikom ang kamay sa likod ng tainga)

    Sa ‘tin s’yang nagsasabi. (ilagay ang hintuturo sa labi)

    Dinggin, dinggin (itikom ang kamay sa likod ng tainga)

    Ang munting tinig. (ilagay ang kamay sa tapat ng dibdib)

  2. Ipasadula sa mga bata ang kuwento ni Abinadias sa harap ni Noe at ng mga saserdote. Maaaring tumukoy ang batang kumakatawan kay Abinadias ng ilang kautusan ng Ama sa Langit. Maaaring aminin ni Alma na naniniwala siya at hilingin sa hari na iligtas ang buhay ni Abinadias. Sa halip, palalayasin si Alma. Papagtaguin ang bata na nagkukunwang si Alma at papagkunwariing isinusulat ang mga itinuro ni Abinadias.