Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 14: Ang Salita ng Karunungan


Aralin 14

Ang Salita ng Karunungan

Layunin

Tulungan ang bawat bata na maunawaan na pinagpapala tayo ng Panginoon kapag sinusunod natin ang mga kautusang ibinibigay sa Salita ng Karunungan.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Doktrina at mga Tipan 89 at Daniel 1.

  2. Dalawang supot na papel, isang may iginuhit na nangiting mukha at isang may malungkot na mukha. Kung walang makuhang mga supot na papel, gumuhit ng isang nakangiting mukha at malungkot na mukha sa magkahiwalay na papel.

  3. Gumawa ng isang maliit na bilog na papel na may nakangiting mukha para sa bawat bata. Maaari mong naising magdala ng mga aspile o teyp upang ikabit ito sa damit ng bawat bata.

  4. Gumuhit ng maliliit na larawan ng pagkain o gumupit ng mga ito sa mga magasin (kung may makukuha). Maglaan ng sapat na bilang upang magkaroon ng kahit tig-dadalawang larawan ang bawat bata. Isama ang sari-saring uri ng masusustansiyang pagkain at mga larawan ng mga produktong tabako, tsaa, o kape, at mga nakalalasing na inumin.

  5. Maghandang awitin o bigkasin ang mga titik sa “Sa Kalusugan” (Aklat ng mga Awit Pambata).

  6. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Biblia at Doktrina at mga Tipan.

    2. Kalasag at singsing na PAT.

    3. Larawan 3-6, Ang Propetang si Joseph Smith (62002; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 401); larawan 3-29, Tinatanggihan ni Daniel ang Karne at Alak ng Hari (62094; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 114); larawan 3-27, Pagpapaangkas saTraysikel (62317); larawan 3-30, Lubid na Pangtalon [Jumping Rope] (62523); larawan 3-31, Batang may Kasamang Aso.

  7. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang gawaing nagpapayaman sa kaalaman na gagamitin mo.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Kumustahin sa mga bata kung nagawa nila ang anumang bagay na hinimok mong gawin nila sa loob ng linggong ito.

Nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na Magkaroon Tayo ng Malulusog na Katawan

Gawaing pantawag pansin

Papikitin ang mga bata at papagkunwariing ang bawat isa sa kanila ay may alagang hayop, tulad ng tuta. Mahal na mahal nila ang kanilang mga alaga at tuwang-tuwa sila sa mga ito. Isang araw ang mga alagang hayop ay tila pagod at may sakit at ayaw kumain ng kanilang paboritong pagkain.

Gawaing pantawag pansin

  • Ano kaya ang diperensiya ng ipinalagay mong alagang hayop?

  • Bakit kaya ayaw kumain ng alagang hayop na ito?

Ipaliwanag na ang alagang hayop ay nakakain ng isang bagay na nakasasama rito.

Gawaing pantawag pansin

  • Paano mo matutulungan ang iyong alagang hayop? (Sa pamamagitan ng hindi pagpapakain dito ng mga pagkaing nakasasama.)

  • Ano ang maaaring mangyari sa iyong katawan kung kumakain ka ng mga bagay na hindi makabubuti rito.

Ipaliwanag na maaari nating mapinsala ang ating mga katawan sa pamamagitan ng pagkain ng mga hindi nakapagpapalusog na pagkain. Sapagkat alam ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na maaari itong mangyari, binigyan nila tayo ng ilang kautusan upang tulungan tayong lumaking malakas at masaya.

Ibinigay sa Atin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang Salita ng Karunungan

Mga larawan at talakayan

Ipakita ang larawan 3-6, Ang Propetang si Joseph Smith. lpaliwanag na sinabi ni Jesucristo kay Propetang Joseph Smith ang tungkol sa ilang pagkaing dapat nating kainin at ilan na hindi natin dapat kainin. Isinulat ni Joseph Smith ang mga bagay na ito upang maging gabay natin. Ang mga tagubiling ito ay tinatawag na Salita ng Karunungan, na matatagpuan sa bahagi 89 ng Doktrina at mga Tipan. (Itaas ang isang kopya ng Doktrina at mga Tipan.)

Ipaliwanag na ang mga pagkain na dapat nating kainin ay kinabibilangan ng mga gulay, bins, kaunting karne, prutas, at mga butil na tulad ng trigo, (tinapay at noodles) at kanin.

Nagbabala rin sa atin si Jesucristo tungkol sa mga bagay na makapipinsala sa ating mga katawan, tulad ng tabako, maiinit na inuming tulad ng tsaa at kape, at alak at iba pang nakalalasing na mga inumin. Nagbabala rin sa atin ang mga makabagong propeta na huwag gumamit ng mga nakasasamang gamot. (Tulungan ang mga bata na maunawaan na hindi lahat ng taong nagsisigarilyo; umiinom ng tsaa, kape o alkohol; o gumagamit ng gamot ay masasama. Hindi nga alam ng ilang tao na ang mga bagay na ito ay masama sa kanilang mga katawan.)

Ipaliwanag na sinabi rin ni Jesucristo sa atin na kaunti lamang ang dapat kaining karne. Ipaliwanag na makabubuti sa atin na kumain ng sari-saring nakapagpapalusog na pagkain.

Ipakita ang mga larawan ng mga aktibong bata (larawan 3-37, Pagpapaangkas sa Traysikel; larawan 3-30, Lubid na Pangtalon [Jumping Rope]; larawan 3-31, Batang may Kasamang Aso). Tiyakin na nauunawaan ng mga bata na ang Salita ng Karunungan ay ibinibigay upang tulungan tayong mapanatiling malusog at malakas ang ating mga katawan at mas masaya tayo kapag sinusunod natin ang mga patnubay nito.

Laro

Ilagay ang dalawang mukha (o mga supot), isang nakangiti at isang nakasimangot, sa sahig. Ipakita ang mga larawan ng pagkain at inumin. Hayaang hali-haliling pumili ang mga bata ng larawan ng pagkain. Hayaan silang magpasiya kung saang supot o tumpok nabibilang ang bawat pagkain. Talakayin kung aling mga pagkain ang makatutulong sa kanila upang lumaking malakas at malusog.

Nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na Maging Malusog at Malakas Tayo

Banal na kasulatan, larawan, at kuwento

Ipakita ang larawan 3-29, Tinatanggihan ni Daniel ang Karne at Alak ng Hari, at isalaysay ang kuwento sa banal na kasulatan na ipinakikita ng larawan (tingnan sa Daniel 1). Ipaliwanag na alam ni Daniel na ang masustansiyang karne at alak mula sa hari ay hindi mabuti sa kanyang katawan at hindi magpapalakas sa kanya. Siya ay matapang na tumanggi sa alok ng hari. Pinili niyang kumain ng mga pagkaing gulay at butil at humingi ng malinis na tubig upang inumin. Ipaliwanag na sa bandang huli ay nakita ng hari na pinakamalusog at pinakamatalino si Daniel at ang kanyang tatlong kaibigan. (Ito rin ang Daniel na kahima-himalang iniligtas ng Diyos mula sa kuweba ng mga leon kung saan ay ipinatapon siya ng hari dahil sa pagsuway niya sa utos nitong bawal manalangin sa Diyos.)

Banal na kasulatan

Basahin ang Daniel 1:17 sa mga bata, at ipaliwanag na pinagpala sila ng Ama sa Langit dahil sa pangangalaga nila sa kanilang mga katawan.

Himukin ang mga bata na sundin ang halimbawa ni Daniel kapag inaalok sila ng isang bagay na makasasama sa kanilang mga katawan. Maikling ipatalakay o ipasadula sa mga bata ang maaari nilang gawin upang piliin ang tama.

Awit

Kasama ng mga bata, awitin o bigkasin ang mga salita sa “Sa Kalusugan.” Kung alam ito ng mga bata, maaari ninyong awitin ito nang isa-isa:

Sa kalusuga’t pagkain

Salamat po, O Dios.

Buod

Ipakita ang kalasag na PAT o singsing na PAT. Bigyang-diin ang kahalagahan ng pagpili sa tamang daan upang mapanatiling malakas ang ating mga katawan. Magtanong ng ilang katanungan mula sa aralin bilang isang mabilis na pagbabalik-aral, tulad ng sumusunod:

  • Itinuro sa atin ni Jesus kung paano natin dapat na panatilihing malusog at malakas ang ating mga katawan. Saan sa mga banal na kasulatan natin mababasa ang tungkol dito. (Doktrina at mga Tipan 89.)

  • Tinatawag natin itong ng (Salita ng Karungan.)

  • Bakit sa palagay ninyo tinatawag itong Salita ng Karunungan?

  • Ano ang ilang mabubuting bagay na dapat nating kainin at inumin?

  • Ano ang ilang bagay na makasasama sa ating mga katawan?

  • Paano ipinakita ni Daniel ang kanyang katapangan? (Sa pamamagitan ng pagsasabi ng “hindi” sa mga pagkaing hindi nakapagpapalusog.)

  • Ano ang maaari mong gawin kapag inalok ka ng isang tao ng anumang bagay na hindi nakapagpapalusog? (Tanungin sila tungkol sa ilang tiyak na bagay, tulad ng sigarilyo, mga ipinagbabawal na gamot, o kahit na sobrang kendi. Tulungan ang mga bata na matutuhan at maisagawa ang mga paraan ng pagtugon sa ganitong mga tukso.)

Bigay-sipi

Bigyan ang bawat bata ng nakangiting mukha (maaari mong iaspile o iteyp sa kanilang damit) upang maipaalala sa kanila na mas maligaya sila kapag pinipili nilang kainin ang mga nakapagpapalusog na pagkain.

Hilingin sa batang magbibigay ng pangwakas na panalangin na pasalamatan ang Ama sa Langit sa nakapagpapalusog na pagkain at malalakas na katawan.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Piliin mula sa mga sumusunod na gawain ang mga magiging pinakamainam para sa mga bata. Magagamit mo ang mga ito sa aralin mismo o bilang pagbabalik-aral o buod. Para sa karagdagang patnubay, tingnan ang “Oras ng Klase” sa “Mga Tulong Para sa Guro.”

  1. Maaari kang magpasiyang magdala ng kaunting nakapagpapalusog na miryenda na ibabahagi sa mga bata, tulad ng prutas o tinapay. (Makipag-alam sa mga magulang ng mga bata bago ito gawin upang matiyak na ang mga pagkaing ito ay hindi makasasama sa mga bata. Huwag magdadala ng pagkain sa Linggo ng ayuno.)

  2. Awitin o bigkasin ang mga salita sa ikalawang talata ng “Doon sa Aming Deseret” (Mga Himno) na kasama ang mga bata.

    Upang buhay magtagal

    Katawa’y minamahal,

    Tsa, kape, at ang tabako ay bawal,

    Alak ‘di pinapansin, karne ay minsan lang din;

    Hangari’y katalinuhan at galing.

  3. Para sa mas maliliit na bata, maaari kang gumawa ng simpleng puppet na gawa sa papel o tela na may bibig na bumubuka nang malaki. Ipakita ang mga larawan ng pagkain o ilarawan ang iba’t ibang pagkain. Ibuka nang malaki ang bibig ng puppet para sa mabubuting pagkain at itikom ito para sa mga bagay na hindi dapat ipasok sa katawan. O maaari mong anyayahan ang mga bata na ibuka o itikom ang kanilang mga bibig habang ipinakikita mo o inilalarawan ang iba’t ibang pagkain. (Tingnan sa Friend, Nob. 1993, p. 12.)

  4. Anyayahan ang mga bata na isadula ang kuwento ni Daniel at ng kanyang mga kaibigan na tinatanggihan ang maluhong pagkain ng hari at pinipili ang simpleng pagkain na alam nilang mas nakapagpapalusog.