Bahagi 138
Isang pangitain na ibinigay kay Pangulong Joseph F. Smith sa Salt Lake City, Utah, noong ika-3 ng Oktubre 1918. Sa kanyang pambungad na talumpati sa ikawalumpu’t siyam na Animang Buwang Pangkalahatang Pangpupulong ng Simbahan noong ika-4 ng Oktubre 1918, si Pangulong Smith ay nagpahayag na siya ay nakatanggap ng ilang banal na pakikipagtalastasan noong mga nakaraang buwan. Isa sa mga ito, ay hinggil sa pagdalaw ng Tagapagligtas sa mga espiritu ng mga patay habang ang kanyang katawan ay nasa libingan, na natanggap ni Pangulong Smith noong nakaraang araw. Ito ay isinulat kaagad kasunod ng pagtatapos ng pagpupulong. Noong ika-31 ng Oktubre 1918, ito ay iniharap sa mga tagapayo ng Unang Panguluhan, sa Kapulungan ng Labindalawa, at sa Patriyarka, at ito ay buong pagkakaisang tinanggap nila.
1–10, Si Pangulong Joseph F. Smith ay nagbulay-bulay sa mga isinulat ni Pedro at ang pagdalaw ng ating Panginoon sa daigdig ng mga espiritu; 11–24, Nakita ni Pangulong Smith ang mabubuting namatay na natipon sa paraiso at ang ministeryo ni Cristo sa kanila; 25–37, Nakita niya kung paano ang pangangaral ng ebanghelyo ay isinaayos sa mga espiritu; 38–52, Nakita niya sina Adan, Eva, at marami sa banal na propetang nasa daigdig ng mga espiritu na ipinalalagay na ang kanilang espiritung kalagayan bago ang kanilang pagkabuhay na mag-uli bilang isang pagkagapos; 53–60, Ang mabubuting namatay sa araw na ito ay magpapatuloy ng kanilang mga gawain sa daigdig ng mga espiritu.
1 Noong ikatlo ng Oktubre, sa taong isanlibo at siyam na raan at labingwalo, ako ay nakaupo sa aking silid, nagbubulay-bulay sa mga banal na kasulatan;
2 At sa pagninilay-nilay tungkol sa dakilang pagbabayad-salang hain na ginawa ng Anak ng Diyos, para sa katubusan ng sanlibutan;
3 At ang dakila at kahanga-hangang pag-ibig na ipinakita ng Ama at ng Anak sa pagparito ng Manunubos sa daigdig;
4 Na sa pamamagitan ng kanyang pagbabayad-sala, at sa pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo, ang sangkatauhan ay maliligtas.
5 Habang ako ay sa ganito abala, ang aking isipan ay nabaling sa mga sulat ni apostol Pedro, sa mga naunang banal na nakakalat sa ibang lupain sa lahat ng dako ng Pontus, Galacia, Capadocia, at iba pang mga bahagi ng Asia, kung saan ang ebanghelyo ay naipangaral pagkatapos ng pagkapako sa krus ng Panginoon.
6 Aking binuksan ang Biblia at binasa ang ikatlo at ikaapat na kabanata ng unang liham ni Pedro, at habang ako ay nagbabasa ako ay labis na napukaw, nang higit pa kaysa sa aking naranasan noong una, sa mga sumusunod na sipi:
7 “Sapagkat si Cristo man ay nagbata ring minsan dahil sa mga kasalanan, ang matwid para sa mga di matwid, upang tayo ay madala niya sa Diyos, siya na pinatay sa laman, ngunit binuhay sa espiritu:
8 “Sa ganito siya ay yumaon at nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan;
9 “Na noong unang panahon ay mga suwail, nang ang mahabang pagtitiis ng Diyos ay naghintay noong mga araw ni Noe, samantalang inihahanda ang arko, na kung saan ay kakaunti, alalaong baga’y walong kaluluwa ang nangaligtas sa tubig.” (1 Pedro 3:18-20)
10 “Sapagkat dahil dito ay ipinangaral maging sa mga patay ang ebanghelyo, upang sila, ayon sa mga tao sa laman ay mahatulan, subalit mangabuhay sa espiritu ayon sa Diyos.” (1 Pedro 4:6)
11 Habang aking pinagbubulay-bulay ang mga bagay na ito na nasusulat, ang mga mata ng aking pang-unawa ay nabuksan, at ang Espiritu ng Panginoon ay nanahan sa akin, at aking nakita ang mga hukbo ng mga patay, kapwa maliliit at dakila.
12 At doon ay natipong sama-sama sa isang lugar ang hindi mabilang na pangkat ng mga espiritu ng mga matwid, na naging matatapat sa patotoo ni Jesus samantalang sila ay nabubuhay sa lupa;
13 At naghandog ng sakripisyo na kahalintulad ng dakilang sakripisyo ng Anak ng Diyos, at nagdanas ng pagdurusa sa pangalan ng kanilang Manunubos.
14 Lahat sila ay lumisan sa buhay na may kamatayan, matatag sa pag-asa sa isang maluwalhating pagkabuhay na mag-uli, sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos Ama at ng kanyang Bugtong na Anak, si Jesucristo.
15 Aking namalas na sila ay napuspos ng tuwa at galak, at magkakasamang nagsaya dahil ang araw ng kanilang kaligtasan ay dumating na.
16 Sila ay sama-samang naghintay sa pagparito ng Anak ng Diyos sa daigdig ng mga espiritu, upang ipahayag ang kanilang katubusan mula sa mga gapos ng kamatayan.
17 Ang kanilang natutulog na alabok ay ibabalik sa ganap na pangangatawan nito, buto sa kanyang buto, at ang mga litid at ang laman sa mga ito, ang espiritu at ang katawan na pagsasamahin upang hindi na kailanman muling maghihiwalay, upang sila ay makatanggap ng ganap na kagalakan.
18 Habang ang napakakapal na pulutong na ito ay naghihintay at nag-uusap, nagsasaya sa oras ng kanilang kaligtasan mula sa mga tanikala ng kamatayan, ang Anak ng Diyos ay nagpakita, nagpapahayag ng kalayaan sa mga bihag na naging matatapat;
19 At doon niya ipinangaral sa kanila ang walang hanggang ebanghelyo, ang doktrina ng pagkabuhay na mag-uli at ang pagkatubos ng sangkatauhan mula sa pagkahulog, at mula sa mga sariling kasalanan kung magsisisi.
20 Ngunit sa mga yaong masasama siya ay hindi nagtungo, at sa mga makasalanan at hindi nagsisisi na dinungisan ang kanilang sarili habang nasa laman, ang kanyang tinig ay hindi ipinaabot;
21 Ni ang mga mapanghimagsik na tumanggi sa mga patotoo at sa mga babala ng mga unang propeta ay namasdan ang kanyang pagharap, o makatingin sa kanyang mukha.
22 Sa kinaroroonan nila, ang kadiliman ay naghari, subalit sa mabubuti may kapayapaan;
23 At ang mga banal ay nagsaya sa kanilang pagkakatubos, at lumuhod at kinilala ang Anak ng Diyos bilang kanilang Manunubos at Tagapagligtas mula sa kamatayan at sa mga tanikala ng impiyerno.
24 Ang kanilang mga mukha ay nagniningning, at ang liwanag mula sa kinaroroonan ng Panginoon ay nanahan sa kanila, at sila ay umawit ng mga papuri sa kanyang banal na pangalan.
25 Ako ay namangha, dahil aking naunawaan na ang Tagapagligtas ay gumugol ng halos tatlong taon sa kanyang ministeryo sa mga Judio at sa mga yaong sambahayan ni Israel, nagsisikap na turuan sila ng walang hanggang ebanghelyo at tawagin sila sa pagsisisi;
26 At gayon man, sa kabila ng kanyang mga makapangyarihang gawa, at himala, at paghahayag ng katotohanan, sa dakilang kapangyarihan at karapatan, mayroon lamang kakaunting nakinig sa kanyang tinig, at nagsaya sa kanyang harapan, at tumanggap ng kaligtasan sa kanyang mga kamay.
27 Subalit ang kanyang ministeryo sa mga yaong patay ay may itinakdang maikling panahon lamang na pumapagitan sa pagkakapako sa krus at sa kanyang pagkabuhay na mag-uli;
28 At ako ay nanggilalas sa mga salita ni Pedro—kung saan sinabi niya na ang Anak ng Diyos ay nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan, na minsan ay naging mga suwail, nang minsan ang mahabang pagtitiis ng Diyos ay naghintay noong mga araw ni Noe—at kung paano nangyaring siya ay nakapangaral sa yaong mga espiritu at isagawa ang kinakailangang gawain sa kanila sa napakaikling panahon.
29 At habang ako ay nanggigilalas, ang aking mga mata ay nabuksan, at ang aking pang-unawa ay bumilis, at aking nahiwatigan na ang Panginoon ay hindi nagtungo sa masasama at mga suwail na tumanggi sa katotohanan, upang turuan sila;
30 Ngunit masdan, mula sa mabubuti, kanyang binuo ang kanyang lakas at nagtalaga ng mga sugo, na nadaramitan ng kapangyarihan at karapatan, at inatasan silang humayo at dalhin ang liwanag ng ebanghelyo sa kanila na nasa kadiliman, maging sa lahat ng espiritu ng tao; at sa gayon ang ebanghelyo ay naipangaral sa mga patay.
31 At ang mga napiling sugo ay humayo upang ipahayag ang kalugud-lugod na araw ng Panginoon at ipahayag ng kalayaan sa mga bihag na nakagapos, maging sa lahat ng magsisisi ng kanilang mga kasalanan at tatanggap ng ebanghelyo.
32 Sa ganito ang ebanghelyo ay naipangaral sa yaong mga nangamatay sa kanilang mga kasalanan, na walang nalalaman sa katotohanan, o sa paglabag, na tumanggi sa mga propeta.
33 Sa kanila ay itinuro ang pananampalataya sa Diyos, pagsisisi mula sa kasalanan, pagbibinyag alang-alang sa iba para sa kapatawaran ng mga kasalanan, ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay,
34 At lahat ng iba pang alituntunin ng ebanghelyo na kinakailangan nilang malaman upang maging karapat-dapat ang kanilang sarili upang sila alinsunod sa mga tao sa laman ay mahatulan, subalit mangabuhay alinsunod sa Diyos sa espiritu.
35 At samakatwid ito ay ipinaalam sa mga patay, maging sa maliit o dakila, sa hindi mabubuti maging sa matatapat, na ang pagtubos ay naisagawa sa pamamagitan ng sakripisyo ng Anak ng Diyos sa krus.
36 Sa ganito ipinaalam na ang ating Manunubos ay ginugol ang kanyang oras sa kanyang pagtigil na pansamantala sa daigdig ng mga espiritu, nagtuturo at inihahanda ang matatapat na espiritu ng mga propeta na nagpatotoo sa kanya sa laman;
37 Upang kanilang madala ang mensahe ng pagtubos sa lahat ng patay, na kung kanino ay hindi siya maaaring magtungo, dahil sa kanilang paghihimagsik at paglabag, na sila sa pamamagitan ng pagmiministeryo ng kanyang mga tagapaglingkod ay makarinig din ng kanyang mga salita.
38 Sa mga dakila at makapangyarihan na nangagtipon sa malawak na kongregasyon na ito ng mabubuti ay si Amang Adan, ang Matanda sa mga Araw, at ama ng lahat,
39 At ang ating maluwalhating Inang Eva, kasama ang marami sa kanyang matatapat na anak na babae na nabuhay nang matagal nang panahon at sumamba sa tunay at buhay na Diyos.
40 Si Abel, ang unang martir, ay naroon, at ang kanyang kapatid na si Set, isa sa mga makapangyarihan, na kawangis ng kanyang ama, si Adan.
41 Si Noe, na siyang nagbigay-babala sa baha; si Sem, ang dakilang mataas na saserdote; si Abraham, ang ama ng matatapat; sina Isaac, Jacob, at Moises, ang mga dakilang tagapagbigay ng batas ng Israel;
42 At si Isaias, na nagpahayag sa pamamagitan ng propesiya na ang Manunubos ay hinirang na gamutin ang mga bagbag na puso, upang ipahayag ang kalayaan sa mga bihag, at ang pagbubukas ng bilangguan sa kanila na mga nakagapos, ay naroon din.
43 Bukod dito, si Ezekiel, na pinakitaan sa pangitain ng malawak na lambak ng mga tuyong buto, na daramitan ng laman, upang bumangong muli sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, na mga buhay na kaluluwa;
44 Si Daniel, na nakita at naghayag ng pagtatatag ng kaharian ng Diyos sa mga huling araw, na hindi na muling mawawasak ni ibibigay sa ibang tao;
45 Si Elias, na kasama ni Moises sa Bundok ng Pagbabagong-anyo;
46 At si Malakias, ang propetang nagpatotoo ng pagparito ni Elijah—na siya ring binanggit ni Moroni kay Propetang Joseph Smith, nagpapahayag na siya ay darating bago ang pagdating ng dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon—ay naroon din.
47 Ang Propetang si Elijah ay itatanim sa puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa kanilang mga ama.
48 Nagbabala sa dakilang gawaing gagawin sa mga templo ng Panginoon sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon, para sa katubusan ng mga patay, at ang pagbubuklod ng mga anak sa kanilang mga magulang, upang ang buong mundo ay hindi hagupitin ng isang sumpa at lubusang mawasak sa kanyang pagparito.
49 Lahat sila at marami pa, maging ang mga propetang nanahan sa mga Nephita at nagpatotoo sa pagparito ng Anak ng Diyos, ay kasama sa malaking pagtitipon at naghihintay ng kanilang kaligtasan,
50 Sapagkat ang mga patay ay tumingin sa matagal na pagkawala ng kanilang mga espiritu mula sa kanilang mga katawan bilang isang pagkagapos.
51 Sila ang tinuruan ng Panginoon, at binigyan sila ng kapangyarihang magbangon, matapos ang kanyang pagkabuhay na mag-uli mula sa patay, upang pumasok sa kaharian ng kanyang Ama, upang doon ay maputungan ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan,
52 At magpatuloy simula roon sa kanilang gawain gaya ng ipinangako ng Panginoon, at kabahagi sa lahat ng pagpapalang inilaan para sa kanila na nagmamahal sa kanya.
53 Ang Propetang si Joseph Smith, at ang aking ama, si Hyrum Smith, sina Brigham Young, John Taylor, Wilford Woodruff, at iba pang mga piling espiritu na inilaang bumangon sa kaganapan ng panahon upang makiisa sa paglalatag ng saligan ng dakilang gawain ng huling araw,
54 Kasama ang pagtatayo ng mga templo at ang pagsasagawa ng mga ordenansa rito para sa pagtubos ng mga patay, ay naroon din sa daigdig ng mga espiritu.
55 Aking napuna na sila rin ay kasama sa mga maharlika at dakila na pinili sa simula na maging mga pinuno sa Simbahan ng Diyos.
56 Maging bago pa man sila isilang, sila, kasama ng marami pang iba, ay tumanggap ng kanilang mga unang aral sa daigdig ng mga espiritu at inihanda upang bumangon sa takdang panahon ng Panginoon upang gumawa sa kanyang ubasan para sa kaligtasan ng mga kaluluwa ng tao.
57 Aking namalas na ang matatapat na elder ng dispensasyong ito, kapag sila ay lumisan mula sa buhay na ito, ay ipinagpapatuloy ang kanilang mga gawain sa pangangaral ng ebanghelyo ng pagsisisi at pagtubos, sa pamamagitan ng sakripisyo ng Bugtong na Anak ng Diyos, sa mga yaong nasa kadiliman at nasa ilalim ng pagkaalipin sa kasalanan sa malawak na daigdig ng mga espiritu ng mga patay.
58 Ang mga patay na magsisisi ay matutubos, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ordenansa ng bahay ng Diyos,
59 At pagkatapos nilang mabayaran ang kaparusahan sa kanilang mga kasalanan, at mahugasang malinis, ay tatanggap ng gantimpala alinsunod sa kanilang mga gawa, sapagkat sila ay mga tagapagmana ng kaligtasan.
60 Ganito ang pangitain ng pagtubos sa mga patay na ipinahayag sa akin, at ako ay nagpatotoo, at alam ko na ang patotoong ito ay totoo, sa pamamagitan ng pagpapala ng ating Panginoon at Tagapagligtas, si Jesucristo, maging gayon nga. Amen.