Library
Pag-asa


babaeng pinagmamasdan ang dapithapon

Pag-aaral ng Doktrina

Pag-asa

Buod

Ang pag-asa ay ang pag-asam at pananabik sa mga ipinangakong pagpapala ng kabutihan. Madalas banggitin sa mga banal na kasulatan ang pag-asa bilang pag-asam sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo.

Kung minsan, mali ang pagkaunawa sa salitang pag-asa. Sa ating pang-araw-araw na wika, ang salitang ito ay madalas na nagpapahiwatig ng kawalang-katiyakan. Halimbawa, maaaring sinasabi natin na sana gumanda ang panahon o bisitahin tayo ng isang kaibigan. Gayunman, sa wika ng ebanghelyo, ang salitang pag-asa ay tiyak, hindi natitinag, at aktibo. Nagsalita ang mga propeta tungkol sa pagkakaroon ng “matatag na pag-asa” (Alma 34:41) at “buhay na pag-asa” (1 Pedro 1:3). Itinuro ng propetang si Moroni, “Sinuman ang maniniwala sa Diyos ay maaaring umasa nang may katiyakan para sa isang daigdig na higit na mainam, oo, maging isang lugar sa kanang kamay ng Diyos, kung aling pag-asa ay bunga ng pananampalataya, na gumagawa ng isang daungan sa mga kaluluwa ng tao, na siyang magbibigay sa kanila ng katiyakan at katatagan, nananagana sa tuwina sa mabubuting gawa, inaakay na purihin ang Diyos” (Eter 12:4).

Kapag tayo ay may pag-asa, nagtitiwala tayo sa mga pangako ng Diyos. Panatag tayong nakatitiyak na kung gagawin natin ang “mga gawa ng kabutihan,” tayo ay “makatatanggap ng [ating] gantimpala, maging kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating” (Doktrina at mga Tipan 59:23). Itinuro ni Mormon na ang gayong pag-asa ay dumarating lamang sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo: “Ano ito na inyong aasahan? Masdan, sinasabi ko sa inyo na kayo ay magkakaroon ng pag-asa sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo at sa kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, na ibabangon tungo sa buhay na walang hanggan, at ito ay dahil sa inyong pananampalataya sa kanya alinsunod sa pangako” (Moroni 7:41).

Kapag nagsisikap tayong ipamuhay ang ebanghelyo, nadaragdagan ang kakayahan nating “sumagana sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Roma 15:13). Nadaragdagan ang ating pag-asa kapag ipinagdarasal at hinahangad natin ang kapatawaran ng Diyos. Sa Aklat ni Mormon, tiniyak ng isang missionary na nagngangalang Aaron sa isang haring Lamanita, “Kung magsisisi kayo sa lahat ng inyong mga kasalanan, at yuyukod sa harapan ng Diyos, at mananawagan sa kanyang pangalan nang may pananampalataya, naniniwalang makatatanggap kayo, sa gayon inyong matatanggap ang pag-asang ninanais ninyo” (Alma 22:16). Nagkakaroon din tayo ng pag-asa habang pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan at sinusunod natin ang mga turo nito. Itinuro ni Apostol Pablo, “Ang anumang mga bagay na isinulat noong una ay isinulat upang tayo ay matuto, upang sa pamamagitan ng pagtitiyaga at sa pagpapasigla ng mga kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa” (Roma 15:4).

Ang alituntunin ng pag-asa ay umaabot sa kawalang-hanggan, ngunit mapalalakas din tayo nito sa mga pang-araw-araw na hamon ng buhay. “Maligaya siya,” sabi ng may-akda ng Mga Awit, “na ang saklolo ay ang Diyos ni Jacob, na ang pag-asa ay nasa Panginoon niyang Diyos” (Mga Awit 146:5). Kapag may pag-asa, makasusumpong tayo ng kagalakan sa buhay. Maaari tayong “magkaroon ng pagtitiyaga, at tiisin ang mga paghihirap … nang may matatag na pag-asa na kayo balang araw ay mamamahinga sa lahat ng inyong mga paghihirap” (Alma 34:41). Maaari tayong “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. Samakatwid, kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:20).

AnItala ang Iyong mga Impresyon

Mga Kaugnay na Paksa

Mga Banal na Kasulatan

Mga Reperensya sa Banal na Kasulatan

Resources sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan

Mga Karagdagang Mensahe

Mga Video

Logo ng Tabernacle Choir

Mga Video ng Tabernacle Choir

Come unto Jesus [Magsipaglapit kay Jesucristo]

Do What Is Right [Gawin ang Tama]

Lead, Kindly Light [Liwanag sa Gitna Nitong Dilim]

Master, the Tempest Is Raging [Guro, Bagyo’y Nagngangalit]

Oh, May My Soul Commune with Thee [O, Nawa’y Makipagniig sa Inyo ang Aking Kaluluwa]

Resources sa Pag-aaral

Mga Magasin ng Simbahan

Stan Pugsley, “Pagkakaroon ng Pag-asa sa Hinaharap,” Liahona, Abril 2014

Si Jesucristo ang Ilaw, Buhay, at Pag-asa ng Sanlibutan,” Liahona, Disyembre 2008

Mga Manwal sa Pag-aaral

Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan

Mga Kuwento

Resources sa Pagtuturo

Mga Outline sa Pagtuturo

Media

Musika